GIDEON
[Mamumutol; Isa na Pumuputol].
Isa sa namumukod-tanging mga hukom ng Israel; ang anak ni Joas na mula sa pamilya ni Abi-ezer na mula sa tribo ni Manases. Si Gideon ay naninirahan sa Opra, isang bayan na maliwanag na nasa K ng Jordan. Ang pangkat ng tribo na kinabibilangan niya ang pinakawalang-halaga sa Manases, at siya ang “pinakamaliit sa sambahayan ng [kaniyang] ama.”—Huk 6:11, 15.
Nabuhay si Gideon sa isang napakamaligalig na panahon sa kasaysayan ng Israel. Dahil sa kanilang kawalang-katapatan kay Jehova, hindi tinatamasa ng mga Israelita ang mga bunga ng kanilang pagpapagal. Sa loob ng maraming taon, ang karatig na mga bansang pagano, lalo na ang mga Midianita, ay sumasalakay sa Israel sa panahon ng pag-aani na may malalaking pulutong na “sindami ng mga balang.” Ang kamay ng Midian ay naging napakabigat sa kanila sa loob ng pitong taon anupat gumawa ang mga Israelita para sa kanilang sarili ng mga imbakan sa ilalim ng lupa upang itago ang kanilang panustos na pagkain mula sa mga mananalakay.—Huk 6:1-6.
Tinawag Upang Maging Tagapagligtas. Minsan, samantalang naggigiik si Gideon ng butil, hindi sa labas, kundi sa isang pisaan ng ubas, upang hindi siya makita ng mga Midianita, isang anghel ang nagpakita sa kaniya at nagsabi: “Si Jehova ay sumasaiyo, ikaw na magiting at makapangyarihan.” Itinanong naman ni Gideon kung paano magkakagayon, yamang sinisiil ng mga Midianita ang bansa. Nang sabihin sa kaniya na siya ang magliligtas sa Israel, may-kahinhinang binanggit ni Gideon ang tungkol sa kaniya mismong kawalang-halaga. Ngunit tiniyak sa kaniya na si Jehova ay sasakaniya. Sa gayon ay humingi si Gideon ng isang tanda upang malaman niya na ang mensahero ay talagang anghel ni Jehova. Nagdala siya ng kaloob na karne, mga tinapay na walang pampaalsa, at sabaw, at sa utos ng anghel ay inilapag niya ang mga iyon sa isang malaking bato at ibinuhos ang sabaw. Isinaling ng anghel ang kaniyang baston sa karne at sa mga tinapay na walang pampaalsa, at pumailanlang ang apoy mula sa bato at tinupok ang handog, at pagkatapos ay naglaho ang anghel.—Huk 6:11-22.
Noong gabi ring iyon, sinubok ni Jehova si Gideon nang iutos niya rito na gibain ang altar ng kaniyang ama para sa diyos na si Baal, putulin ang sagradong poste na nasa tabi niyaon, magtayo ng isang altar para kay Jehova, at pagkatapos ay ihandog sa ibabaw niyaon ang guyang toro (maliwanag na isang toro na itinuturing na sagrado para kay Baal) na pitong taon nang pag-aari ng kaniyang ama, anupat gagamitin niyang panggatong ang sagradong poste. Bilang pag-iingat, isinagawa iyon ni Gideon sa gabi sa tulong ng kaniyang sampung lingkod. Nang ang mga lalaki ng lunsod ay bumangon sa kinaumagahan at makita nila kung ano ang nangyari at malaman na si Gideon ang gumawa niyaon, gusto nila siyang patayin. Ngunit hindi ibinigay ni Joas ang kaniyang anak at sa halip ay sinabi niyang si Baal ang dapat magtanggol sa kaniyang sarili. Pagkatapos ay ibinigay ni Joas sa kaniyang anak na si Gideon ang pangalang Jerubaal (nangangahulugang “Hayaang Gumawa si Baal ng Legal na Pagtatanggol (Makipaglaban)”), na sinasabi: “Hayaang gumawa si Baal ng legal na pagtatanggol sa ganang kaniya, sapagkat may gumiba ng kaniyang altar.”—Huk 6:25-32.
Tagumpay Laban sa Midian. Pagkaraan nito, nang ang mga Midianita, kasama ang mga Amalekita at mga taga-Silangan, ay muling sumalakay sa Israel at magkampo sa Libis ng Jezreel, ang espiritu ni Jehova ay bumalot kay Gideon. Matapos pisanin ang mga Abi-ezrita para sa pakikipagbaka, nagsugo si Gideon ng mga mensahero sa buong Manases at sa Aser, Zebulon, at Neptali, upang himukin ang mga lalaki na sumama sa kaniya. Palibhasa’y nais ng karagdagang katibayan na sumasakaniya si Jehova, hiniling ni Gideon na ang balahibong lana na nakalantad sa giikan nang buong gabi ay maging basâ ng hamog sa kinaumagahan ngunit ang sahig ay maging tuyo. Nang ipagkaloob sa kaniya ni Jehova ang himalang ito, udyok ng pagiging maingat ay humingi si Gideon ng isa pang tanda na sumasakaniya si Jehova, kung kaya hiniling niya ang isang himala na kabaligtaran ng una, at ipinagkaloob din iyon sa kaniya.—Huk 6:33-40.
Bilang tugon sa panawagan, 32,000 lalaking mandirigma ang nagtipun-tipon sa panig ni Gideon. Nagkampo sila sa may balon ng Harod sa timog ng kampo ng mga Midianita sa burol ng More sa mababang kapatagan. Ang bilang ng mga mananalakay, mga 135,000 katao, ay mas marami nang mahigit sa apat bawat tao kumpara sa 32,000 ng mga Israelita. (Huk 8:10) Ngunit sinabi ni Jehova na napakarami ng mga lalaking kasama ni Gideon, anupat kung ibibigay ng Diyos ang Midian sa kanilang kamay, baka isipin nilang ang kanilang sariling kagitingan ang dahilan ng pagkaligtas nila. Sa utos ng Diyos, sinabihan ni Gideon ang mga natatakot at nanginginig na umuwi na. Dalawampu’t dalawang libo ang umalis, ngunit napakarami pa rin ng mga lalaki. Sumunod, tinagubilinan ni Jehova si Gideon na dalhin sa tubig ang natirang 10,000 lalaki upang masubok doon. Sa mga ito, 300 lamang ang gumamit ng kamay sa pagsalok ng tubig patungo sa kanilang bibig, at ibinukod ang mga ito sa isang panig. Ang iba, na nagluhod ng kanilang mga tuhod upang uminom, ay hindi gagamitin. Ang 300, sa kanilang paraan ng pag-inom, ay nagpamalas ng pagiging alisto, ng pagkabahala sa pakikipaglaban ukol sa tunay na pagsamba sa pangalan ni Jehova. Sa pamamagitan ng maliit na pangkat na ito ng 300, ipinangako ni Jehova na ililigtas niya ang Israel.—Huk 7:1-7.
Nang gabing iyon, tiniktikan ni Gideon at ng kaniyang tagapaglingkod na si Pura ang kampo ng kaaway. Doon ay naulinigan ni Gideon ang isang lalaking naglalahad ng isang panaginip sa kasama nito. Binigyang-kahulugan naman ng kasama nito ang panaginip at sinabing ang Midian at ang buong kampo ay ibibigay sa kamay ni Gideon. Palibhasa’y napalakas ng kaniyang narinig, bumalik si Gideon sa kampo ng Israel, hinati ang 300 sa tatlong pangkat upang makalapit sila sa kampo ng Midian mula sa tatlong panig, at binigyan ang bawat lalaki ng isang tambuli at isang malaking banga, na sa loob nito ay may isang sulo.—Huk 7:9-16.
Kasama ang kaniyang pangkat ng 100, dumating si Gideon sa gilid ng kampo ng mga Midianita noong kalalagay pa lamang nila ng mga tanod para sa panggitnang pagbabantay sa gabi. Pagkatapos, bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Gideon, ginawa ng mga tauhan niya kung ano ang kaniya mismong ginawa. Ang katahimikan ng gabi ay ginambala ng paghihip sa 300 tambuli, ng pagbasag sa 300 malalaking bangang pantubig, at ng alingawngaw ng 300 hiyaw ng digmaan; kasabay nito, ang langit ay pinagliwanag ng 300 sulo. Nabalot ng kalituhan ang kampo ng kaaway. Ang mga mananalakay ay nagsimulang magsigawan at tumakas, at “ibinaling ni Jehova ang tabak ng bawat isa laban sa kaniyang kapuwa sa buong kampo; at ang kampo ay nagpatuloy sa kanilang pagtakas hanggang sa Bet-sita, sa Zerera, hanggang sa mga hangganan ng Abel-mehola sa tabi ng Tabat.”—Huk 7:17-22.
Samantala, ang mga lalaki ng Neptali, Aser, at Manases ay tinawagan upang habulin ang Midian. Karagdagan pa, nagsugo si Gideon ng mga mensahero sa Efraim upang harangin ang tumatakas na mga Midianita. Sumunod ang mga Efraimita, anupat binihag ang tubig hanggang sa Bet-bara at sa Jordan. Binihag din nila at pinatay ang dalawang prinsipeng Midianita na sina Oreb at Zeeb. Ngunit nang makita nila si Gideon, ang mga Efraimita ay ‘buong tinding nakipagtalo sa kaniya,’ sapagkat hindi niya sila tinawag upang tumulong sa pasimula. Gayunman, may-kahinhinang itinawag-pansin ni Gideon na ang kaniyang ginawa ay walang anuman kung ihahambing sa pagbihag nila kina Oreb at Zeeb, sa gayon ay napahinahon niya ang kanilang espiritu at naiwasan ang isang sagupaan.—Huk 7:23–8:3.
Pagkatawid sa Jordan, si Gideon at ang 300 lalaking kasama niya, bagaman pagod na, ay nagpatuloy sa pagtugis kina Zeba at Zalmuna, na mga hari ng Midian, at sa mga lalaking kasama ng mga ito. Sa Sucot, humiling siya ng pagkain mula sa mga lalaki ng lunsod, ngunit hindi sila tinulungan ng mga prinsipe ng Sucot, na sinasabi: “Nasa iyong kamay na ba ang mga palad ni Zeba at ni Zalmuna anupat dapat bigyan ng tinapay ang iyong hukbo?” Hindi rin pinagbigyan ng mga lalaki ng Penuel si Gideon sa kaniyang kahilingan.—Huk 8:4-9.
Pagdating sa Karkor kung saan nagkakampo ang mga mananalakay, na 15,000 lalaki na lamang noon, sinaktan ni Gideon ang kampo samantalang ang kaaway ay hindi nakabantay. Tumakas sina Zeba at Zalmuna. Kaagad silang tinugis at binihag ni Gideon. Bukod pa riyan, “pinanginig niya ang buong kampo.”—Huk 8:10-12.
Nang pabalik na mula sa labanan, nahuli ni Gideon ang isang kabataang lalaki mula sa Sucot at inalam sa kaniya ang mga pangalan ng mga prinsipe at matatandang lalaki ng lunsod. Bilang pagtupad sa sinabi niya noong hindi sila tumugon nang humingi siya ng pagkain, tinuruan ni Gideon ng aral ang matatandang lalaki ng Sucot sa pamamagitan ng mga tinik at matitinik na palumpong. At gaya rin ng patiuna niyang ibinabala, ibinagsak ni Gideon ang tore ng Penuel at pinatay ang mga lalaki ng lunsod na iyon dahil hindi sila nakipagtulungan sa paglalaan ng pagkain para sa kaniyang mga tauhan.—Huk 8:13-17.
Pagkaraan nito, inutusan ni Gideon ang kaniyang panganay na anak na si Jeter na patayin sina Zeba at Zalmuna, yamang pinatay ng mga ito ang mga kapatid ni Gideon, ang mga anak ng kaniyang ina. Palibhasa’y kabataan pa, takot si Jeter na patayin ang mga haring Midianita. Kaya matapos hamunin nina Zeba at Zalmuna na siya mismo ang gumawa niyaon, pinatay sila ni Gideon.—Huk 8:18-21.
Ang Epod ay Ginawa. Hiniling ng mapagpasalamat na mga Israelita kay Gideon na itatag ang kaniyang pamilya bilang isang namamahalang dinastiya. Ngunit natatanto ni Gideon na si Jehova ang tunay na Hari ng Israel kung kaya hindi niya pinagbigyan ang kanilang kahilingan. Iminungkahi niya na iabuloy nila ang mga gintong alahas na nakuha nila bilang samsam sa digmaan, anupat ang mga pang-ilong na singsing lamang ay nagkakahalaga na ng 1,700 siklong ginto ($218,365). Pagkatapos ay gumawa si Gideon ng isang epod mula sa iniabuloy na mga samsam at itinanghal iyon sa Opra. Ngunit ang buong Israel ay nagsimulang magkaroon ng ‘imoral na pakikipagtalik’ sa pamamagitan ng epod, anupat naging silo pa nga iyon kay Gideon at sa kaniyang sambahayan. Bagaman tiyak na mayroon siyang wastong motibo sa paggawa ng epod, inilihis nito ang pansin mula sa tunay na santuwaryo na itinalaga ni Jehova—ang tabernakulo. Ang mga pagsisikap ni Gideon ay nabigo, anupat salungat sa kaniyang nilayon ang ibinunga.—Huk 8:22-27; tingnan ang EPOD, I.
Namatay Bilang Sinang-ayunang Saksi. Isa ngang napakalaking pagliligtas ang isinagawa ni Jehova sa pamamagitan ni Gideon anupat hindi na nagkaroon ng kaligaligan sa loob ng 40 taon ng kaniyang pagiging hukom. Si Gideon ay nagkaroon ng maraming asawa, na sa mga ito ay nagkaroon siya ng 70 anak. Pagkamatay ni Gideon sa lubos na katandaan, muling nahulog ang Israel sa pagsamba kay Baal. Bukod diyan, pinatay ni Abimelec na anak ni Gideon sa kaniyang babae, na isang babaing taga-Sikem, ang iba pang mga anak ni Gideon. Tanging ang bunso na si Jotam ang nakatakas.—Huk 8:28–9:5; tingnan ang ABIMELEC Blg. 4; OPRA Blg. 3.
Nagpakita ng pananampalataya si Gideon sa harap ng malalaking kagipitan, at dahil dito ay marapat siyang banggitin bilang isa sa “ganito kalaking ulap ng mga saksi.” (Heb 11:32; 12:1) Bukod diyan, ang kaniyang kahinhinan ay kapuri-puri, at ito ay may kalakip na pag-iingat. Lumilitaw na ang pagiging maingat ni Gideon ay mabuti at hindi dapat ituring na udyok ng kawalan ng pananampalataya, yamang ni minsan ay hindi siya sinaway sa pagiging maingat. Karagdagan pa, gaya ng ipinakikita ng Awit 83, ang pagkatalo ng Midian noong mga araw ni Gideon ay isang makahulang larawan ng dumarating na pagkapuksa ng lahat ng sumasalansang kay Jehova, na sa pamamagitan nito ay dadakilain niya ang kaniyang pangalan at ipagbabangong-puri ang kaniyang soberanya.—Ihambing ang Isa 9:4; 10:26.