AROER
[Puno ng Enebro].
1. Isang lunsod na nasa H gilid ng malalim na bangin na kinaroroonan ng agusang libis ng Arnon. Noong panahon ng pananakop ng Israel (mga 1474 B.C.E.), iyon ang pinakatimugang lunsod ng kahariang Amorita. (Deu 2:36; 4:47, 48; Jos 12:2) Nang maglaon ay naging pag-aari ito ng tribo ni Ruben, bagaman ang lunsod ay binabanggit na itinayo (malamang na kinumpuni) ng tribo ni Gad. (Bil 32:33, 34; Deu 3:12; Jos 13:8, 9, 15, 16; 1Cr 5:8) Ito ang nagsilbing timugang hangganan ng Israel sa S ng Jordan at sa gayon ay katumbas ng Beer-sheba, isang pangunahing timugang lunsod sa K ng Jordan.
Pagkatapos ng mga 300 taon ng paninirahan ng mga Israelita, nagharap ang mga Ammonita ng pag-aangkin sa rehiyon na nasa pagitan ng Arnon at ng Jabok, ngunit pinabulaanan ni Hukom Jepte ang kanilang pag-aangkin nang ipakita niya na kinuha ng Israel ang lupaing iyon, kasama ang Aroer, mula sa mga Amorita.—Huk 11:13, 22, 26.
Waring sa lunsod na ito ng Aroer sinimulan ang sensus na ipinakuha ni Haring David, pagkatapos ay nagpatuloy ito paakyat sa H sa Dan-jaan, lumibot hanggang sa Tiro at Sidon, at pagkatapos ay bumaba patungong T sa Beer-sheba na nasa Negeb. (2Sa 24:4-8) Ang pagbanggit sa “lunsod na nasa gitna ng agusang libis” ay tumutugma sa katulad na mga pagtukoy sa Deuteronomio 2:36 at Josue 13:9, 16. Ipinapalagay ng ilan na ang lunsod na ito na di-binanggit ang pangalan ay ang Khirbet el-Medeiyineh, mga 11 km (7 mi) sa TS ng Aroer.
Noong panahon ng paghahari ni Haring Jehu ng Israel (mga 904-877 B.C.E.), dinaluhong ni Haring Hazael ng Sirya ang mga teritoryo ng Gad at Ruben hanggang sa T sa Aroer na nasa Arnon. (2Ha 10:33) Marahil noong panahong iyon, pinatibay ng Moabitang si Haring Mesa ang lunsod at nagpagawa siya ng isang daan sa Arnon, gaya ng inilalahad sa taludtod 26 ng Batong Moabita. Noong panahong humula si Jeremias laban sa Moab, ang lunsod ay nasa ilalim ng kontrol ng mga Moabita.—Jer 48:19.
Ipinapalagay na ang lokasyon ng sinaunang lunsod ay ang Khirbet ʽAraʽir, mga 23 km (14 na mi) sa S ng Dagat na Patay, mga 6 na km (3.5 mi) sa TS ng Dibon, at malapit sa Lansangang-Bayan ng Hari, ang pangunahing rutang H-T sa panig na iyon ng Jordan. Ipinakikita ng mga guho na nagkaroon doon ng isang sinaunang tanggulan, na mula sa estratehikong posisyon nito sa gilid ng malalim na bangin ay malamang na makokontrol nito ang mga daanan sa Arnon.
2. Isang bayan sa teritoryo ng Gad, na inilarawang “nasa tapat ng Raba” (makabagong ʽAmman), ang pangunahing lunsod ng mga Ammonita. (Jos 13:24, 25) Posibleng ito ang Aroer na binanggit sa Hukom 11:33 nang ilarawan ang panlulupig ni Jepte sa mga Ammonita. Hindi matiyak ang lokasyon ng lugar na ito yamang malawak ang kahulugan ng pananalitang “nasa tapat ng,” bagaman madalas na ipinapalagay na ito’y nangangahulugang “sa dakong silangan ng.”
3. Isang bayan sa timugang bahagi ng teritoryo ng Juda. Pagkatapos na matalo ni David ang mga manlulusob na Amalekita, binahaginan niya ng samsam ang matatandang lalaki ng lunsod na ito. (1Sa 30:26, 28) Ipinapalagay na ito ang Khirbet ʽArʽarah (Horvat ʽAroʽer), mga 17 km (11 mi) sa TS ng Beer-sheba, kung saan mayroon pang mga guho ng isang kuta. Naniniwala ang ilang iskolar na maaaring ito rin ang lugar ng “Adada” sa Josue 15:22, anupat sa pangalang ito ay makalawang ulit na inihalili ang titik Hebreo na dalet (ד) para sa res (ר).
Ang “mga lunsod ng Aroer” sa Isaias 17:2 ay maaaring tumukoy sa alinman sa unang dalawang lunsod na tinatalakay rito. Ang hula ay pangunahin nang tungkol sa Damasco, at dahil ang pananakop ng Sirya sa Israel ay umabot sa Aroer na nasa Arnon, ang pananalitang ito ay maaaring tumutukoy sa pinakatimugang dakong ito na nasaklaw ng kanilang kapangyarihan sa S ng Jordan.—2Ha 10:33.