PULOT-PUKYUTAN, BAHAY-PUKYUTAN
Ang pulot-pukyutan ay isang matamis at malagkit na fluidong gawa ng mga bubuyog. Sa Hebreong Kasulatan, ang pulot-pukyutan ay tinutukoy ng mga salitang noʹpheth (umaagos na pulot, o pulot ng bahay-pukyutan) at devashʹ. Ang huling nabanggit na salita ay maaaring tumukoy hindi lamang sa pulot-pukyutan ng mga bubuyog kundi pati sa sirup ng mga prutas. (Lev 2:11, tlb sa Rbi8) Sa Griegong Kasulatan, ginagamit ang meʹli, kasama ng pang-uring aʹgri·os, “ligáw,” upang tumukoy sa pulot-pukyutan ng mga bubuyog na ligáw.
Ang Bahay-Pukyutan. Ang bahay-pukyutan ay isang kamangha-manghang halimbawa ng inhinyeriya; ipinakikita nito ang walang-katulad na karunungan at kakayahan ng Maylalang anupat nailagay niya sa pukyutan ang gayong “inhinyeriya” at talino sa konstruksiyon. Tamang-tama ang eksagonal na hugis ng mga silid nito upang makapaglaman ng pinakamaraming pulot-pukyutan gamit ang pinakakaunting pagkit, ang materyales na bumubuo sa mga dingding ng mga silid. Kapag gumagawa ng bahay-pukyutan, naglalabas ng pagkit ang pantanging mga glandula sa katawan ng bubuyog. Tumatagas iyon sa maliliit na butas sa kaniyang katawan, anupat namumuo bilang maliliit na puting kaliskis. Sa pamamagitan ng kaniyang mga paa, inililipat ng bubuyog ang mga kaliskis patungo sa kaniyang bibig. Pagkatapos ay nginunguya niya ang pagkit at inilalagay iyon sa parte ng bahay-pukyutan na kasalukuyang ginagawa. Ang kapal ng mga dingding ng bahay-pukyutan ay isang katlo lamang ng isang milimetro (1⁄80 pulgada) ngunit kaya nitong suportahan ang 30 ulit ng bigat ng mga ito.
Kung saan-saang lugar gumagawa ng mga pugad ang mga pukyutan, halimbawa ay sa mga punungkahoy, mga bato, at, sa isang kaso, pati sa bangkay ng isang patay na hayop, na maliwanag na hindi nabulok dahil tinuyot na ito ng araw. Ito ang bangkay ng leon na pinanggalingan ng pulot-pukyutang kinain ni Samson.—Huk 14:8, 9.
Pulot-Pukyutan. Ang pulot-pukyutan ng mga bubuyog ay gawa sa nektar na nakukuha sa mga bulaklak at mga prutas. Habang tinitipon ang nektar at inilalagay iyon sa bahay-pukyutan, nadaragdagan iyon ng mga kemikal mula sa katawan ng bubuyog. Bahagyang natutuyuan ng tubig ang nektar, at dahil sa mga kemikal, ang nektar ay nagiging pulot-pukyutan. Nagkakaiba-iba ang kulay at lasa ng pulot-pukyutan depende sa pinagkunan ng nektar. Ang pulot-pukyutan ay madaling tunawin ng katawan at kaagad itong nagiging enerhiya.
Ang karamihan ng mga pagbanggit ng Bibliya sa pulot-pukyutan ng mga bubuyog ay tumutukoy sa pulot-pukyutang ligáw, gaya niyaong kinakain noon ni Juan na Tagapagbautismo sa ilang. (Mat 3:1, 4) Ang kakayahan ng pulot-pukyutan na makapagpalakas ay inilalarawan sa kaso ng anak ni Haring Saul na si Jonatan. Palibhasa’y nanlupaypay dahil sa pagod sa pakikipagbaka, tumikim si Jonatan ng pulot-pukyutan. Kaagad, ang kaniyang mga mata ay “nagsimulang lumiwanag.” (1Sa 14:25-30) Ang pampalakas na pagkaing ito ay nakatalang kabilang sa mga panustos na inilaan ng Diyos sa kaniyang bayan noong nasa ilang sila. Doon, kung saan kakaunti ang mga punungkahoy, nakakuha ang mga taong-bayan ng makakaing pulot-pukyutan “mula sa malaking bato,” samakatuwid nga, mula sa mga bahay-pukyutang ginawa ng mga bubuyog sa mga dakong mabato.—Deu 32:13.
Makatalinghagang Paggamit. Ang kakayahan ng pulot-pukyutan na makapagpagaling ay inihahambing sa kaiga-igayang mga pananalita at karunungan, hindi lamang dahil sa tamis at kasiya-siyang lasa nito kundi dahil din sa ito’y nakapagpapalusog. Ang kaiga-igayang mga pananalita ay nakapagpapalusog sa espirituwal na paraan, kung paanong ang pulot-pukyutan ay mabuti sa pisikal na katawan. Sinasabi ng manunulat ng Mga Kawikaan: “Ang kaiga-igayang mga pananalita ay bahay-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.”—Kaw 16:24; 24:13, 14.
Sa buong Kasulatan, ang tamis at kasiyahang dulot ng pagkain ng pulot-pukyutan ay binibigyan ng makasagisag na pagkakapit. Ang ilang halimbawa nito ay matatagpuan sa Ezekiel 3:2, 3 at Apocalipsis 10:9. Madalas banggitin ang pulot ng bahay-pukyutan, sapagkat ang lasa, tamis, at sustansiya nito ay itinuturing na nakahihigit kaysa sa pulot-pukyutan na matagal-tagal nang nalantad sa hangin. Bilang pagdiriin sa kabutihan at kaigayahan ng mga pananalita ng babaing Shulamita, ang mga iyon ay tinukoy ng kaniyang mangingibig na pastol bilang “pulot ng bahay-pukyutan” na tumutulo mula sa kaniyang mga labi. (Sol 4:11) Ang mga hudisyal na pasiya naman ni Jehova ay napakabuti, nakapagpapalusog, at kapaki-pakinabang anupat ang mga ito ay “mas matamis kaysa sa pulot-pukyutan at sa umaagos na pulot ng mga bahay-pukyutan.” (Aw 19:9, 10) Ang kaniyang mga pananalita ay ‘mas madulas sa ngalangala kaysa sa pulot-pukyutan sa bibig.’—Aw 119:103.
Bagaman ang pulot-pukyutan ay nakakabuti, ang labis na pagkain nito ay maaaring maging sanhi ng pagduduwal (Kaw 25:16), at ang pagkain ng labis na pulot-pukyutan ay inihahambing sa mga taong naghahangad ng kanilang sariling kaluwalhatian.—Kaw 25:27.
Ginagamit ng Kawikaan kabanata 5 ang tamis ng pulot ng bahay-pukyutan upang ilarawan ang tukso ng seksuwal na imoralidad na maaaring ipang-akit sa isang lalaki ng “babaing di-kilala” sa pamamagitan ng kaniyang panghalina at madudulas na salita. Ito’y isang mahusay na babala sa mga Kristiyano sa ngayon. “Ang mga labi ng babaing di-kilala ay tumutulo na gaya ng bahay-pukyutan, at ang kaniyang ngalangala ay mas madulas kaysa sa langis. Ngunit ang idudulot niya ay kasimpait ng ahenho; iyon ay kasintalas ng tabak na may dalawang talim. Ang kaniyang mga paa ay bumababa sa kamatayan,” ang sabi ng taong marunong. Ang kaniyang madudulas at tulad-pulot-pukyutang mga salita at mga pagkilos ay umaakay sa lalaki tungo sa gawaing imoral anupat ‘kaagad niyang sinusundan ang babae, tulad ng toro na pumaparoon sa patayan.’—Kaw 5:3-5; 7:21, 22.
Katas ng mga Prutas. Ang salitang Hebreo na devashʹ ay maaari ring tumukoy sa katas, o sirup, ng mga prutas, gaya ng igos, datiles, at iba pa. Kadalasan, ang konteksto ang tutulong sa mambabasa upang matiyak kung ang tinutukoy ay pulot-pukyutan ng mga bubuyog o hindi. Sa Levitico 2:11, maliwanag na sirup ng mga prutas ang ipinagbabawal na ihandog sa altar, dahil maaari itong umasim. Hindi pulot-pukyutan ng mga bubuyog ang tinutukoy rito, gaya ng ipinahihiwatig ng sumunod na talata na nagsasabing ang ipinagbabawal na “pulot-pukyutan” ay kasama sa mga unang bunga na ihahandog kay Jehova. Karamihan sa mga pulot-pukyutang ginagamit noon ng mga Israelita ay pulot-pukyutang ligáw na hindi nagmula sa mga alagang bubuyog. Kaya, walang alinlangan na noong himukin ni Hezekias ang mga taong-bayan na suportahan ang mga saserdote, ang “pulot-pukyutan” na inihandog nila bilang mga unang bunga ay ang katas o sirup ng mga prutas.—2Cr 31:5.
Isang Lupain ng Gatas at Pulot-Pukyutan. Ang paglalarawan sa Palestina bilang “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,” na madalas ulit-ulitin sa Kasulatan, ay angkop, bagaman maliwanag na ang pagbanggit sa pulot-pukyutan ay nagpapahiwatig na sagana ang lupain hindi lamang sa produkto ng mga bubuyog kundi gayundin sa sirup ng mga prutas. (Exo 3:8; Lev 20:24; Deu 11:9; Jos 5:6) Lumilitaw na ang huling nabanggit ay tinutukoy bilang isang bagay na ikinakalakal kapalit ng paninda ng Tiro.—Eze 27:2, 17; tingnan ang BUBUYOG.