SAMSON
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “araw”].
Isa sa namumukod-tanging mga hukom ng Israel; anak ni Manoa, isang Danita na mula sa Zora. Bago isilang si Samson, isang anghel ang nagpakita sa kaniyang ina at nagpatalastas na magsisilang ito ng isang anak na lalaki na magiging isang Nazareo mula sa kaniyang kapanganakan at “mangunguna sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.” (Huk 13:1-5, 24; 16:17) Bilang panghinaharap na lider sa pakikipaglaban sa mga Filisteo, hindi maiiwasan ni Samson na lumapit sa mga bangkay ng mga taong mapapatay sa pakikipagbaka. Samakatuwid, ipinakikita ng mismong uri ng kaniyang atas na wala siya sa ilalim ng kautusan na nagsasabing huwag humipo ng mga bangkay ang mga Nazareo. (Bil 6:2-9) Dapat ding pansinin na ang kautusang ito ay kumakapit sa mga tao na boluntaryong nanata ng pagka-Nazareo; ngunit sa kaso ni Samson, ang mga kahilingan ay yaong espesipikong sinabi sa kaniyang ina ng anghel ni Jehova.
Nang nasa hustong gulang na si Samson upang mag-asawa, hiniling niya sa kaniyang mga magulang na kunin upang maging kaniyang asawa ang isang partikular na babaing Filisteo mula sa Timnah. Kaayon ito ng patnubay ng espiritu ng Diyos, yamang magbibigay ito ng pagkakataon kay Samson upang makipaglaban sa mga Filisteo. (Huk 13:25–14:4) Nang maglaon, malapit sa Timnah, isang may-kilíng na batang leon ang nasalubong ni Samson. Palibhasa’y pinalakas ng espiritu ng Diyos, niluray niya ang hayop sa pamamagitan lamang ng kaniyang mga kamay. Pagkatapos ay nagpatuloy siya patungong Timnah at doon ay nakipag-usap sa babaing Filisteo na nais niyang mapangasawa.—Huk 14:5-7.
Pagkaraan ng ilang panahon ay pumunta si Samson sa Timnah, kasama ang kaniyang mga magulang, upang iuwi sa bahay ang babaing pakakasalan niya. Habang papunta roon ay lumiko siya mula sa daan upang tingnan ang bangkay ng leon na pinatay niya at nakasumpong siya sa loob nito ng isang kulupon ng mga bubuyog at pulot-pukyutan. Kumain si Samson ng pulot-pukyutan at, nang makasama niyang muli ang kaniyang mga magulang, inalok niya sila ng pulot-pukyutan. Sa piging ng kasalan ay ginawa niyang bugtong ang insidenteng ito at iniharap ito sa 30 Filisteong abay na lalaki. Ang sumunod na mga pangyayari na nauugnay sa bugtong na ito ang nagbigay ng pagkakataon kay Samson upang pumatay ng 30 Filisteo sa Askelon.—Huk 14:8-19.
Nang ang babaing pakakasalan ni Samson ay ibigay ng ama nito sa ibang lalaki at hindi siya pinahintulutan ng ama ng babae na makita ito, nagkaroon si Samson ng isa pang pagkakataon upang kumilos laban sa mga Filisteo. Gamit ang 300 sorra, sinilaban niya ang mga bukid ng mga butil, mga ubasan, at mga taniman ng olibo ng mga Filisteo. Nang magkagayon ay sinunog ng nagngangalit na mga Filisteo ang babaing pakakasalan ni Samson at ang ama nito, sapagkat ang pinsalang dinanas ng mga Filisteo ay resulta ng pakikitungo nito kay Samson. Dahil sa pagkilos na iyon, muling binigyan ng mga Filisteo si Samson ng dahilan upang paghigantihan sila. Pinatay niya ang marami sa kanila, “na ibinubunton ang mga binti sa mga hita.”—Huk 14:20–15:8.
Sa pagsisikap na makapaghiganti kay Samson, ang mga Filisteo ay pumunta sa Lehi. Nang magkagayon ay tatlong libong takót na mga lalaki ng Juda ang humikayat kay Samson sa malaking batong Etam upang sumuko, pagkatapos ay iginapos nila siya ng dalawang bagong lubid at dinala sa mga Filisteo. Ang tuwang-tuwang mga Filisteo naman ay naghandang salubungin si Samson. Ngunit “kinilos siya ng espiritu ni Jehova, at ang mga lubid na nasa kaniyang mga bisig ay naging gaya ng mga sinulid na lino na nasunog sa apoy, anupat ang mga pangaw sa kaniya ay natunaw mula sa kaniyang mga kamay.” Sa pamamagitan ng sariwang panga ng lalaking asno, pinatay ni Samson ang isang libong lalaki, pagkatapos ay sinabi niyang si Jehova ang nagbigay ng tagumpay na ito. Noong pagkakataong iyon, bilang sagot sa kahilingan ni Samson, makahimalang naglaan si Jehova ng tubig upang mapawi ang kaniyang uhaw.—Huk 15:9-19.
Minsan naman ay pumunta si Samson sa tahanan ng isang patutot sa Filisteong lunsod ng Gaza. Nang mabalitaan ito, inabangan siya ng mga Filisteo, anupat binalak na patayin siya sa kinaumagahan. Ngunit noong hatinggabi ay bumangon si Samson at binunot ang pintuang-daan ng lunsod at ang mga posteng panggilid ng mga iyon at ang halang mula sa pader ng Gaza, at dinala niya ang mga iyon “hanggang sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.” (Huk 16:1-3; tingnan ang GAZA Blg. 1.) Isa itong malaking kahihiyan para sa mga Filisteo, yamang iniwan nitong mahina at walang pananggalang ang Gaza mula sa mga sasalakay. Ipinakikita ng kahanga-hangang gawang ito ni Samson na nasa kaniya pa rin ang espiritu ng Diyos, anupat ito’y katibayan na hindi siya pumaroon sa bahay ng patutot para sa imoral na layunin. Sa Commentary on the Holy Scriptures ni Lange (Huk 16:1, p. 212), ang komentaristang si Paulus Cassel ay nagsabi tungkol sa puntong ito: “Hindi pumunta si Samson sa Gaza sa layuning dumalaw sa isang patutot: sapagkat sinasabing ‘pumunta siya, sa lugar na iyon, at nakakita siya roon ng isang [patutot].’ Ngunit dahil gusto niyang magpalipas ng gabi roon [sa Gaza], wala siyang magawa, bilang kaaway ng bansa, kundi ang makipanuluyan sa [patutot]. . . . Ang pagtigil niya roon ay ginamitan ng pananalita na hindi naiiba sa ginamit may kinalaman sa panunuluyan ng mga tiktik sa bahay ni Rahab. Ang mga salitang, ‘nakakita siya ng babae,’ ay nagpapahiwatig lamang na nang makakita siya ng gayong uri ng babae, alam niya kung saan siya makasusumpong ng matutuluyan para sa gabing iyon.” (Isinalin at inedit ni P. Schaff, 1976) Dapat ding pansinin na sinasabi ng ulat na “si Samson ay nanatiling nakahiga hanggang hatinggabi” at hindi ‘si Samson ay nanatiling nakahiga kasama ng babae hanggang hatinggabi.’
Sa pagpunta sa teritoryo ng kaaway, ipinakita ni Samson ang kaniyang katapangan. Malamang na pumunta siya sa Gaza upang ‘humanap ng pagkakataon laban sa mga Filisteo,’ gaya ng nangyari noong una nang maghanap siya ng asawa mula sa kanila. (Huk 14:4) Kung gayon nga, lumilitaw na nilayon ni Samson na ang anumang pagsisikap laban sa kaniya ay gawing isang oportunidad upang magawan ng pinsala ang mga Filisteo.
Ipinagkanulo ni Delaila. Pagkatapos nga nito ay umibig si Samson kay Delaila. (Tingnan ang DELAILA.) Kapalit ng materyal na pakinabang, pinagsikapang alamin ni Delaila ang sekreto ng lakas ni Samson. Tatlong beses niya itong binigyan ng nagliligaw na sagot. Ngunit dahil sa pangungulit nito, bumigay na rin si Samson nang dakong huli at isiniwalat kay Delaila na ang kaniyang lakas ay dahil sa kaniyang pagiging Nazareo mula nang isilang siya. Nang magkagayon, ipinatawag ni Delaila ang mga Filisteo upang kunin ang gantimpala sa pagsusuko kay Samson sa kanila. Habang natutulog si Samson sa kaniyang mga tuhod, ipinaahit niya ang buhok nito. Paggising ni Samson, wala na sa kaniya ang espiritu ni Jehova, sapagkat hinayaan niyang malagay siya sa isang situwasyon na humantong sa pagkaputol ng kaniyang pagka-Nazareo. Hindi ang buhok mismo, kundi ang isinasagisag nito, samakatuwid nga, ang pantanging kaugnayan ni Samson kay Jehova bilang isang Nazareo, ang pinagmumulan ng kaniyang lakas. Nang magwakas ang kaugnayang iyon, wala nang ipinagkaiba si Samson sa ibang mga tao. Dahil dito, nagawa ng mga Filisteo na bulagin siya, gapusin siya ng mga pangaw na tanso, at pagtrabahuhin siya bilang tagagiling sa bahay-bilangguan.—Huk 16:4-21.
Habang nasa bilangguan si Samson, nagsaayos ang mga Filisteo ng isang malaking hain para sa kanilang diyos na si Dagon, na itinuring nilang siyang tumulong sa kanila upang mabihag si Samson. Nagtipon ang malalaking pulutong, kasama na ang lahat ng mga panginoon ng alyansa, sa bahay na ginagamit sa pagsamba kay Dagon. Sa bubong pa lamang ay mayroon nang 3,000 lalaki at babae. Hiniling ng nagsasayang mga Filisteo na ilabas si Samson, na noon ay lumago na ang buhok, mula sa bilangguan upang mapagkatuwaan nila. Pagdating ni Samson, hiniling niya sa bata na umaakay sa kaniya na ipahipo sa kaniya ang mga haliging sumusuhay sa gusali. Pagkatapos ay nanalangin siya kay Jehova: “Alalahanin mo ako, pakisuyo, at palakasin mo ako, pakisuyo, nitong minsan na lamang, O ikaw na tunay na Diyos, at pahintulutan mo akong ipaghiganti ang aking sarili sa mga Filisteo ng paghihiganti para sa isa sa aking dalawang mata.” (Huk 16:22-28) Maaaring ipinanalangin niyang maipaghiganti ang kaniyang sarili para sa isa lamang sa kaniyang mga mata dahil kinikilala niya na may kasalanan din siya sa pagkawala ng mga iyon. O, baka nadama niya na imposible nang maipaghiganti niya nang lubusan ang kaniyang sarili bilang kinatawan ni Jehova.
Itinukod ni Samson ang kaniyang sarili sa dalawang suhay na haligi at “inubos niya ang kaniyang buong lakas,” na naging dahilan upang bumagsak ang bahay. Bilang resulta, namatay siya at ang napakaraming Filisteo na mas marami kaysa sa napatay niya bago nito. Inilibing siya ng kaniyang mga kamag-anak “sa pagitan ng Zora at Estaol sa dakong libingan ni Manoa na kaniyang ama.” Sa gayon ay namatay si Samson nang tapat kay Jehova pagkatapos maghukom sa Israel nang 20 taon. Kaya naman angkop lamang na lumitaw ang kaniyang pangalan kasama ng mga lalaking sa pamamagitan ng pananampalataya ay napalakas.—Huk 15:20; 16:29-31; Heb 11:32-34.