ARALING ARTIKULO 45
Patuloy na Magpakita ng Tapat na Pag-ibig sa Isa’t Isa
“Pakitunguhan ninyo ang isa’t isa nang may tapat na pag-ibig at awa.”—ZAC. 7:9.
AWIT 107 Tularan ang Pag-ibig ni Jehova
NILALAMANa
1-2. Bakit dapat tayong magpakita ng tapat na pag-ibig sa isa’t isa?
MARAMING magagandang dahilan para magpakita tayo ng tapat na pag-ibig sa isa’t isa. Ano ang ilan sa mga ito? Sinasagot iyan ng mga kawikaan sa Bibliya: “Huwag mong iwan ang tapat na pag-ibig at katapatan. . . . Sa gayon, ikaw ay magiging kalugod-lugod at may unawa sa mata ng Diyos at ng tao.” “Kapag may tapat na pag-ibig ang isang tao, siya mismo ang nakikinabang.” “Ang nagtataguyod ng katuwiran at tapat na pag-ibig ay magkakamit ng buhay.”—Kaw. 3:3, 4; 11:17; tlb.; 21:21.
2 May tatlong dahilan na binabanggit ang mga kawikaang ito kung bakit tayo dapat magpakita ng tapat na pag-ibig. Una, nagiging mahalaga tayo sa paningin ng Diyos. Ikalawa, nakikinabang tayo. Halimbawa, nagkakaroon tayo ng tunay na mga kaibigan. Ikatlo, tatanggap tayo ng mga pagpapala sa hinaharap, kasama na ang buhay na walang hanggan. Talagang marami tayong dahilan para sundin ang paalala ni Jehova: “Pakitunguhan ninyo ang isa’t isa nang may tapat na pag-ibig at awa.”—Zac. 7:9.
3. Anong mga tanong ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang sagot sa apat na tanong. Kanino tayo dapat magpakita ng tapat na pag-ibig? Ano ang matututuhan natin sa aklat ng Ruth tungkol sa tapat na pag-ibig? Paano natin maipapakita ang tapat na pag-ibig ngayon? Paano nakikinabang ang mga nagpapakita ng tapat na pag-ibig?
KANINO TAYO DAPAT MAGPAKITA NG TAPAT NA PAG-IBIG?
4. Paano natin matutularan si Jehova sa pagpapakita ng tapat na pag-ibig? (Marcos 10:29, 30)
4 Gaya ng natutuhan natin sa nakaraang artikulo, ang tapat na pag-ibig ni Jehova—ang pagkadama niya ng walang-hanggang pagmamahal—ay para lang sa mga nagmamahal at naglilingkod sa kaniya. (Dan. 9:4) Gusto nating ‘tularan ang Diyos, bilang minamahal na mga anak.’ (Efe. 5:1) Kaya sinisikap din natin na makadama ng tunay na pagmamahal sa ating mga kapatid.—Basahin ang Marcos 10:29, 30.
5-6. Ano ang karaniwang ibig sabihin ng “katapatan” sa ngayon?
5 Mas maipapakita natin ang tapat na pag-ibig sa mga kapatid kung mas maiintindihan natin ang ibig sabihin nito. Tingnan natin ang kaibahan ng tapat na pag-ibig sa karaniwang ibig sabihin ng katapatan sa ngayon.
6 Sa ngayon, masasabing tapat na empleado ang isa kung matagal na siyang nagtatrabaho sa isang kompanya. Pero sa tagal niya roon, baka hindi pa niya nakikilala ang mga may-ari nito. Baka may mga patakaran din sa kompanya na ayaw niya. Hindi naman niya talaga gusto ang kompanya pero dahil binabayaran siya nito, masaya na rin siya. Patuloy siyang magtatrabaho roon hanggang sa magretiro siya, maliban na lang kung may mag-alok sa kaniya ng mas magandang posisyon sa ibang kompanya.
7-8. (a) Bakit nagpapakita ng tapat na pag-ibig ang isa? (b) Bakit natin pag-aaralan ang ilang pangyayari sa aklat ng Ruth?
7 Ang kaibahan ng katapatan sa parapo 6 at ng tapat na pag-ibig ay ang motibo ng tao. Sa Bibliya, ano ang motibo ng mga lingkod ng Diyos sa pagpapakita nila ng tapat na pag-ibig? Ginawa nila iyon, hindi dahil obligado silang gawin iyon, kundi dahil gusto nila. Ganiyan ang naging halimbawa ni David. Nagpakita siya ng tapat na pag-ibig sa kaibigan niyang si Jonatan kahit gusto siyang patayin ng tatay nito. Kahit matagal nang namatay si Jonatan, patuloy na nagpakita si David ng tapat na pag-ibig sa anak ni Jonatan na si Mepiboset.—1 Sam. 20:9, 14, 15; 2 Sam. 4:4; 8:15; 9:1, 6, 7.
8 Marami tayong matututuhan tungkol sa tapat na pag-ibig kung pag-aaralan natin ang ilang pangyayari sa aklat ng Ruth sa Bibliya. Ano ang matututuhan natin sa mga indibidwal na binanggit sa aklat? Paano natin iyon magagawa sa kongregasyon?b
ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN SA AKLAT NG RUTH TUNGKOL SA TAPAT NA PAG-IBIG?
9. Bakit inisip ni Noemi na laban sa kaniya si Jehova?
9 Mababasa natin sa aklat ng Ruth ang kuwento tungkol kay Noemi, sa manugang niyang si Ruth, at kay Boaz, isang lalaki na may takot sa Diyos at kamag-anak ng asawa ni Noemi. Dahil sa taggutom sa Israel, lumipat si Noemi, ang asawa niya, at dalawa nilang anak sa Moab. Pero namatay roon ang asawa ni Noemi. Nag-asawa ang dalawa nilang anak, pero namatay rin ang mga ito. (Ruth 1:3-5; 2:1) Dahil sa sunod-sunod na pangyayaring ito, lalong nagdusa si Noemi at inisip niyang laban sa kaniya si Jehova. Pansinin ang sinabi niya tungkol sa Diyos: “Ang kamay ni Jehova ay naging laban sa akin.” “Hinayaan ng Makapangyarihan-sa-Lahat na maging mapait ang buhay ko.” Sinabi rin niya: “Si Jehova ang naging laban sa akin at ang Makapangyarihan-sa-Lahat ang nagdulot ng kapahamakan ko.”—Ruth 1:13, 20, 21.
10. Ano ang reaksiyon ni Jehova sa sinabi ni Noemi?
10 Ano ang reaksiyon ni Jehova sa sinabi ni Noemi? Hindi niya iniwan si Noemi. Nagpakita pa nga siya ng malasakit dito. Naiintindihan ni Jehova na “puwedeng mabaliw ang marunong dahil sa pang-aapi.” (Ecles. 7:7) Pero kailangan pa ring matulungan si Noemi para makita niya na hindi siya iniwan ni Jehova. Paano siya tinulungan ng Diyos? (1 Sam. 2:8) Pinakilos ni Jehova si Ruth para alalayan si Noemi at magpakita ng tapat na pag-ibig dito. Gustong-gusto namang tulungan ni Ruth ang biyenan niya na huwag lubusang masiraan ng loob at maalala na nandiyan pa rin si Jehova para sa kaniya. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Ruth?
11. Bakit inaalalayan ng mga kapatid ang mga nasisiraan ng loob?
11 Pinapakilos tayo ng tapat na pag-ibig para alalayan ang mga nasisiraan ng loob. Hindi iniwan ni Ruth si Noemi. Ganiyan din ang mga kapatid ngayon. Hindi nila iniiwan ang mga nade-depress o pinanghihinaan ng loob sa kongregasyon. Mahal na mahal nila ang mga kapatid at gustong-gusto nilang gawin ang lahat ng makakaya nila para tulungan ang mga ito. (Kaw. 12:25, tlb.; 24:10) Kaayon iyan ng sinabi ni apostol Pablo: “Patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob, alalayan ang mahihina, at maging mapagpasensiya sa lahat.”—1 Tes. 5:14.
12. Ano ang pinakaepektibong paraan para matulungan ang mga kapatid na nasisiraan ng loob?
12 Madalas, ang pakikinig at pagmamalasakit sa mga kapatid nating nasisiraan ng loob ang pinakaepektibong paraan para matulungan sila. Masaya si Jehova kapag nakikita niyang ginagawa natin iyan sa isang lingkod niya. (Awit 41:1) Sinasabi ng Kawikaan 19:17: “Ang tumutulong sa dukha ay nagpapautang kay Jehova, at babayaran Niya siya dahil sa ginawa niya.”
13. Paano naiiba ang desisyon ni Ruth kay Orpa, at bakit masasabing pagpapakita ito ng tapat na pag-ibig? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
13 Lalo pa nating maiintindihan kung ano ang tapat na pag-ibig kung aalamin natin ang nangyari nang mamatay ang asawa at dalawang anak ni Noemi. Nang malaman ni Noemi na “muling pinagpala ni Jehova ang bayan Niya at binigyan sila ng pagkain,” nagdesisyon siyang bumalik sa bayan niya. (Ruth 1:6) Noong umpisa, kasama niya ang mga manugang niya. Pero habang nasa daan, tatlong beses silang sinabihan ni Noemi na bumalik sa Moab. Ano ang nangyari? Mababasa natin: “Hinalikan ni Orpa ang biyenan niya at umalis. Pero hindi iniwan ni Ruth si Noemi.” (Ruth 1:7-14) Nang magdesisyon si Orpa na bumalik, sinunod lang naman niya ang sinabi ni Noemi at ginawa kung ano ang inaasahan. Pero iba ang ginawa ni Ruth. Puwede rin sana siyang bumalik, pero dahil sa tapat na pag-ibig, nagdesisyon siyang manatili at tulungan ang biyenan niya. (Ruth 1:16, 17) Ginawa ito ni Ruth hindi dahil sa obligasyon, kundi dahil gusto niyang gawin ito. Isa ngang pagpapakita ng tapat na pag-ibig. Ano ang matututuhan natin dito?
14. (a) Paano nagpapakita ng tapat na pag-ibig ang ating mga kapatid sa ngayon? (b) Batay sa Hebreo 13:16, paano natin mapapasaya ang Diyos?
14 Dahil sa tapat na pag-ibig, ginagawa natin ang higit pa kaysa sa inaasahan. Noon pa man, nagpapakita na ng tapat na pag-ibig ang mga kapatid natin sa ating mga kapananampalataya, kahit hindi pa nila ito personal na nakikilala. Halimbawa, kapag may likas na sakuna, inaalam nila agad kung paano sila makakatulong. Kapag may kakongregasyon sila na nagkaproblema sa pinansiyal, hindi sila nagdadalawang-isip na umalalay at magbigay ng praktikal na tulong. Gaya ng mga taga-Macedonia noong unang siglo, ginagawa nila ang higit pa kaysa sa inaasahan. Nagsasakripisyo sila, at nagbibigay ng “higit pa nga sa kaya nilang ibigay” para makatulong sa mga kapatid na nangangailangan. (2 Cor. 8:3) Tiyak na masayang-masaya si Jehova kapag nakikita niya tayong nagpapakita ng tapat na pag-ibig.—Basahin ang Hebreo 13:16.
PAANO NATIN MAIPAPAKITA ANG TAPAT NA PAG-IBIG NGAYON?
15-16. Bakit masasabing hindi agad sumuko si Ruth?
15 Marami tayong matututuhang aral kapag pinag-aralan natin kung paano tinulungan ni Ruth si Noemi. Tingnan natin ang ilan sa mga ito.
16 Huwag agad sumuko. Nang sabihin ni Ruth na sasamahan niya ang biyenan niya hanggang sa Juda, hindi pumayag si Noemi noong una. Pero nagpumilit si Ruth at hindi sumuko. Ano ang resulta? “Nang makita ni Noemi na gusto talagang sumama ni Ruth, hindi na niya ito pinilit umuwi.”—Ruth 1:15-18.
17. Ano ang makakatulong sa atin na huwag agad sumuko?
17 Kung paano ito gagawin: Kailangang maging matiisin para matulungan natin ang mga nade-depress, pero hindi tayo dapat sumuko. Baka sa umpisa, ayaw ng isang sister na magpatulong sa atin.c Pero dahil sa tapat na pag-ibig, hinding-hindi natin siya iiwan. (Gal. 6:2) Umaasa tayong tatanggapin din niya ang pakikipagkaibigan natin at magpapatulong siya sa atin na makayanan ang pagkasira ng loob.
18. Paano posibleng nasaktan ang damdamin ni Ruth?
18 Huwag sasamâ ang loob. Pagkarating nina Noemi at Ruth sa Betlehem, nakita si Noemi ng mga dating kapitbahay niya. Sinabi niya sa kanila: “Ako ay umalis na punô, pero pinabalik ako ni Jehova na walang anumang dala.” (Ruth 1:21) Isipin na lang kung ano ang naramdaman ni Ruth nang marinig niya ang sinabi ni Noemi! Napakalaki ng isinakripisyo ni Ruth para tulungan si Noemi. Umiyak si Ruth na kasama niya, pinatibay ang loob niya, at sinamahan siya sa mahabang paglalakbay niya. Pero ang sinabi pa rin ni Noemi: “Pinabalik ako ni Jehova na walang anumang dala.” Parang hindi man lang kinilala ni Noemi ang suporta ni Ruth, na katabi lang niya nang sabihin niya iyon. Napakasakit siguro nito para kay Ruth! Pero hindi niya iniwan si Noemi.
19. Ano ang makakatulong sa atin na huwag iwan ang isa na nasisiraan ng loob?
19 Kung paano ito gagawin: Baka makapagsalita sa atin nang masakit ang isang sister na nasisiraan ng loob—kahit ginagawa na natin ang lahat para tulungan siya. Pero sinisikap pa rin natin na huwag sumamâ ang loob. Hindi natin siya iiwan, at mananalangin tayo kay Jehova para matulungan pa rin natin siya.—Kaw. 17:17.
20. Ano ang nakapagpalakas kay Ruth na magpatuloy?
20 Patibayin ang iba sa panahong kailangan nila. Nagpakita ng tapat na pag-ibig si Ruth kay Noemi. Pero ngayon, siya naman ang kailangang patibayin. At pinakilos ni Jehova si Boaz na gawin iyon. Sinabi ni Boaz kay Ruth: “Pagpalain ka nawa ni Jehova dahil sa ginawa mo, at bigyan ka nawa ni Jehova na Diyos ng Israel ng malaking gantimpala dahil nanganlong ka sa mga pakpak niya.” Tiyak na nakatulong ito kay Ruth. Sinabi niya kay Boaz: “Pinalakas ninyo ako at nagsalita kayo nang nakapagpapatibay sa inyong lingkod.” (Ruth 2:12, 13) Dahil sa napapanahong pampatibay ni Boaz, nagkaroon ng lakas si Ruth na magpatuloy.
21. Ayon sa Isaias 32:1, 2, ano ang ginagawa ng mapagmahal na mga elder?
21 Kung paano ito gagawin: Kung minsan, nangangailangan din ng pampatibay ang mga nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iba. Tiniyak ni Boaz kay Ruth na nakikita niya ang kabutihan nito. Ganiyan din ang mga elder ngayon. Kinikilala nila at pinapasalamatan ang pagtulong ng mga kapatid. Ang pagbibigay ng komendasyon sa mga kapatid sa tamang panahon ay magpapalakas sa kanila na magpatuloy.—Basahin ang Isaias 32:1, 2.
PAANO NAKIKINABANG ANG MGA NAGPAPAKITA NG TAPAT NA PAG-IBIG?
22-23. Paano nagbago si Noemi, at bakit? (Awit 136:23, 26)
22 Nagbigay si Boaz ng mga pagkain para kina Ruth at Noemi. (Ruth 2:14-18) Ano ang reaksiyon ni Noemi sa ginawa ni Boaz? Sinabi niya: “Pagpalain nawa siya ni Jehova, na laging nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga buháy at sa mga patay.” (Ruth 2:20a) Biglang nagbago si Noemi! Noong una, sinabi niya: ‘Si Jehova ay naging laban sa akin.’ Pero ngayon, masaya na niyang sinasabi: ‘Si Jehova ay laging nagpapakita ng tapat na pag-ibig.’ Ano ang nakatulong kay Noemi na magbago?
23 Sa wakas, nakita na ni Noemi na hindi siya iniwan ni Jehova kahit kailan. Ginamit ni Jehova si Ruth para alalayan siya sa paglalakbay papuntang Juda. (Ruth 1:16) Nakita rin ni Noemi ang tulong ni Jehova nang paglaanan sila ni Boaz, isa sa mga “manunubos” nila, ng mga pangangailangan nila.d (Ruth 2:19, 20b) Siguro naisip niya, ‘Naiintindihan ko na, hindi ako iniwan ni Jehova kahit kailan. Lagi siyang nandiyan para sa akin!’ (Basahin ang Awit 136:23, 26.) Laking pasasalamat ni Noemi na hindi siya pinabayaan nina Ruth at Boaz! Tiyak na naging masaya silang tatlo sa magandang epekto nito kay Noemi.
24. Bakit patuloy tayong nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa ating mga kapatid?
24 Ano ang natutuhan natin sa aklat ng Ruth tungkol sa tapat na pag-ibig? Dahil sa tapat na pag-ibig, hindi tayo agad sumusuko sa mga kapatid nating nasisiraan ng loob. Nagsasakripisyo rin tayo para matulungan sila. Kailangan naman ng mga elder na magbigay ng pampatibay sa tamang panahon sa mga nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iba. Kapag nakikita nating napapalakas sa espirituwal ang mga kapatid nating nangangailangan, nagiging masaya tayo. (Gawa 20:35) Pero ano ang pangunahing dahilan kung bakit patuloy tayong nagpapakita ng tapat na pag-ibig? Dahil gusto nating tularan at mapasaya si Jehova, na “sagana sa tapat na pag-ibig.”—Exo. 34:6; Awit 33:22.
AWIT 130 Maging Mapagpatawad
a Gusto ni Jehova na magpakita tayo ng tapat na pag-ibig sa mga kapatid sa kongregasyon. Mas maiintindihan natin ang ibig sabihin ng tapat na pag-ibig kapag pinag-aralan natin kung paano ito ipinakita ng mga lingkod ng Diyos noon. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa nina Ruth, Noemi, at Boaz.
b Para mas makinabang sa artikulong ito, magandang basahin muna ang Ruth kabanata 1 at 2.
c Dahil halimbawa ni Noemi ang tinalakay natin, sister ang binanggit nating nangangailangan. Pero para din sa mga brother ang mga punto sa artikulong ito.
d Para sa higit pang impormasyon tungkol sa papel ni Boaz bilang manunubos, tingnan ang artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya—‘Isang Mahusay na Babae,’” sa Bantayan, Oktubre 1, 2012, p. 20.