RUTH
Isang babaing Moabita na napangasawa ni Mahalon pagkamatay ng ama nito na si Elimelec at habang si Mahalon, ang ina nitong si Noemi, at ang kapatid nitong si Kilion ay naninirahan sa Moab. Dahil sa isang taggutom, nilisan ng pamilya ang kanilang tinubuang Betlehem sa Juda. Ang bayaw ni Ruth na si Kilion ay asawa ng Moabitang si Orpa. Nang maglaon ay namatay ang dalawang magkapatid, anupat naiwang walang anak ang mga balo. Nang malaman na muling pinagpapakitaan ni Jehova ng pabor ang Israel, si Noemi, kasama ang kaniyang dalawang manugang, ay naglakbay pabalik sa Juda.—Ru 1:1-7; 4:9, 10.
Ang Kaniyang Matapat na Pag-ibig. Bagaman bumalik si Orpa sa kaniyang bayan dahil sa mungkahi ni Noemi, si Ruth ay nanatili sa piling ng kaniyang biyenan. Dahil sa matinding pag-ibig kay Noemi at taimtim na pagnanais na paglingkuran si Jehova kasama ng bayan nito, nagawa ni Ruth na iwanan ang kaniyang mga magulang at ang kaniyang tinubuang lupain, kahit maliit ang pag-asa na makasumpong siya ng katiwasayang dulot ng pag-aasawa. (Ru 1:8-17; 2:11) Napakasidhi ng pag-ibig niya sa kaniyang biyenan anupat nang bandang huli ay nasabi ng iba na siya ay mas mabuti kay Noemi kaysa sa pitong anak na lalaki.—Ru 4:15.
Pagdating sa Betlehem noong pasimula ng pag-aani ng sebada, pumaroon si Ruth sa bukid upang kumuha ng pagkain para kay Noemi at sa kaniyang sarili. Sa di-sinasadya ay napadako siya sa bukid na pag-aari ni Boaz, isang kamag-anak ni Elimelec, at humingi siya sa tagapangasiwa ng mga mang-aani ng pahintulot na maghimalay. Malamang na talagang napakasipag niya sa paghihimalay, sapagkat nabanggit ito ng tagapangasiwa kay Boaz.—Ru 1:22–2:7.
Nang pagpakitaan siya ni Boaz ng kabaitan, pinahalagahan ito ni Ruth at mapagpakumbabang kinilala na mas mababa siya kaysa sa isa sa mga alilang babae nito. Nang oras ng kainan ay pinaglaanan siya ni Boaz ng napakaraming binusang butil anupat may natira pa na maibibigay niya kay Noemi. (Ru 2:8-14, 18) Bagaman isinaayos ni Boaz ang mga bagay-bagay upang mas madali siyang makapaghimalay, hindi huminto si Ruth nang maaga kundi patuloy na naghimalay hanggang sa kinagabihan, “pagkatapos ay hinampas niya ang kaniyang nahimalay, at umabot iyon sa isang epa [22 L; 20 tuyong qt] ng sebada.” Yamang hiniling ni Boaz na patuloy siyang maghimalay sa bukid nito, ginawa iyon ni Ruth hanggang sa matapos ang pag-aani ng sebada, at pati ang pag-aani ng trigo.—Ru 2:15-23.
Hiniling kay Boaz na Maging Manunubos. Palibhasa’y nais maihanap ng “isang pahingahang-dako,” o tahanan, ang kaniyang manugang, tinagubilinan ni Noemi si Ruth na hilingin kay Boaz na tubusin siya. Alinsunod dito, bumaba si Ruth sa giikan ni Boaz. Pagkahiga ni Boaz, tahimik na lumapit si Ruth, inalisan ng takip ang paanan nito, at siya mismo ay humiga. Nang hatinggabi na, samantalang nanginginig, si Boaz ay gumising at bumaluktot. Palibhasa’y hindi siya nakilala sa dilim, nagtanong si Boaz: “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako ay si Ruth na iyong aliping babae, at ilukob mo ang iyong laylayan sa iyong aliping babae, sapagkat ikaw ay isang manunubos.”—Ru 3:1-9.
Ang mga pagkilos ni Ruth, bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Noemi, ay malamang na kaayon ng kaugaliang sinusunod ng mga babae kapag inaangkin ang karapatan sa pag-aasawa sa bayaw. Sa Commentary on the Holy Scriptures ni Lange, si Paulus Cassel ay nagkomento hinggil sa Ruth 3:9: “Tiyak na ang makasagisag na pamamaraang ito ng pag-angkin sa pinakamaselan sa lahat ng karapatan ay nagpapahiwatig ng simple at malinis na kaugaliang sinusunod noong panahon ng mga patriyarka. Ang kumpiyansa ng babae ay isinasalalay sa karangalan ng lalaki. Gayunman, ang pamamaraang ito ay hindi madaling isagawa. Sapagkat ang bawat patiunang kaalaman o patiunang pagpapahiwatig hinggil dito ay mag-aalis sa lambong ng pagiging tahimik at lihim mula sa kahinhinan ng nag-aangkin. Ngunit kapag naisagawa na ito, ang pagtanggi sa iniharap na kahilingan ay magdudulot ng kadustaan sa babae o sa lalaki. Sa gayon, makatitiyak tayo na hindi isinugo ni Noemi ang kaniyang manugang sa atas na ito nang walang lubos na pagtitiwala na ito ay magtatagumpay. Sapagkat tiyak na bukod sa lahat ng iba pang balakid, ang partikular na suliraning ito ay naidagdag sa tinatalakay na kaso: samakatuwid nga, na si Boaz, gaya ng sinabi mismo ni Ruth, ay tunay na isang goel [isang manunubos], ngunit hindi ang goel. Gayundin, ipinahihiwatig ng sagot ni Boaz ang ideya na hindi niya lubusang ikinagulat ang gayong pag-aangkin. Hindi naman sa may usapan na sila ni Noemi, kung kaya siya nag-iisa sa giikan; sapagkat ipinakikita ng pagkagulat niya mula sa kaniyang pagkakatulog na ang pagdalaw na iyon sa gabi ay talagang hindi niya inaasahan. Ngunit ang ideya na posibleng iharap ni Ruth sa kaniya sa hinaharap ang pag-aangkin sa mga karapatan sa pagiging magkadugo ay maaaring sumagi na rin sa isip niya. Gayunman, maging ang palagay na ito hinggil sa kung ano ang posible o malamang na mangyari ay hindi maaaring pagbatayan upang alisin kay Ruth ang pangangailangang gamitin niya ang kaniyang malayang kalooban sa pamamagitan ng makasagisag na pamamaraang iyon.”—Isinalin at inedit ni P. Schaff, 1976, p. 42.
Itinuring ni Boaz na ang mga pagkilos ni Ruth ay lubos na matuwid, kaya naman sinabi niya bilang tugon: “Pagpalain ka nawa ni Jehova, anak ko. Ipinamalas mo ang iyong maibiging-kabaitan nang higit sa huling pagkakataon kaysa sa unang pagkakataon, sa hindi pagsunod sa mga kabinataan, maralita man o mayaman.” Walang-pag-iimbot na pinili ni Ruth si Boaz, isang lalaking mas matanda sa kaniya, dahil ito ay isang manunubos, upang magbangon ng pangalan para sa kaniyang namatay na asawa at sa kaniyang biyenang babae. Yamang natural lamang na mas pipiliin ng isang kabataang babaing gaya ni Ruth ang isang nakababatang lalaki, itinuring iyon ni Boaz bilang isang nakahihigit na kapahayagan ng kaniyang maibiging-kabaitan kaysa sa pasiya niyang pumisan sa kaniyang matanda nang biyenan.—Ru 3:10.
Tiyak na nabanaag sa boses ni Ruth ang pagkabahala, kung kaya tiniyak sa kaniya ni Boaz: “Ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Ang lahat ng sinasabi mo ay gagawin ko para sa iyo, sapagkat ang lahat ng nasa pintuang-daan ng aking bayan ay nakababatid na ikaw ay isang mahusay na babae.” Palibhasa’y malalim pa ang gabi, sinabihan ni Boaz si Ruth na humiga. Gayunman, kapuwa sila bumangon habang madilim pa, maliwanag na upang maiwasan ang anumang usap-usapan na magdudulot ng masamang reputasyon sa sinuman sa kanila. Binigyan din ni Boaz si Ruth ng anim na takal ng sebada. Maaaring ipinahiwatig nito na, kung paanong ang anim na araw ng paggawa ay sinusundan ng isang araw ng kapahingahan, ang araw ng kapahingahan ni Ruth ay malapit na, sapagkat titiyakin ni Boaz na magkakaroon siya ng “isang pahingahang-dako.”—Ru 3:1, 11-15, 17, 18.
Nang dumating si Ruth, marahil ay hindi nakilala ni Noemi sa dilim ang babaing nais pumasok kung kaya nagtanong siya: “Sino ka, anak ko?” O maaaring ang tanong na ito ay may kinalaman sa posibleng bagong pagkakakilanlan kay Ruth may kaugnayan sa kaniyang manunubos.—Ru 3:16.
Nang maglaon, nang ang mas malapit na kamag-anak ay tumangging gampanan ang pag-aasawa bilang bayaw, kaagad itong isinagawa ni Boaz. Sa gayon, si Ruth ang naging ina ng anak ni Boaz na si Obed at isang ninuno ni Haring David at gayundin ni Jesu-Kristo.—Ru 4:1-21; Mat 1:5, 16.