Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Unang Samuel
ANG taon ay 1117 B.C.E. Mga tatlong daang taon na ang nakalilipas mula nang matapos ni Josue ang pagkubkob sa Lupang Pangako. Pumunta ang matatandang lalaki ng Israel sa propeta ni Jehova taglay ang isang katangi-tanging kahilingan. Idinulog ng propeta sa panalangin ang bagay na ito, at ipinagkaloob naman ni Jehova ang kanilang kahilingan. Maliwanag na ipinahihiwatig nito na tapos na ang kapanahunan ng mga Hukom at nagsimula na ang panahon ng pamamahala ng mga taong hari. Inilalahad ng aklat ng Bibliya na Unang Samuel ang kapana-panabik na mga pangyayari may kinalaman sa mahalagang pagbabagong iyon sa kasaysayan ng bansang Israel.
Isinulat nina Samuel, Natan, at Gad, ang Unang Samuel ay sumasaklaw ng 102 taon—mula 1180 hanggang 1078 B.C.E. (1 Cronica 29:29) Isa itong ulat hinggil sa apat na lider ng Israel. Dalawa ang naglingkod bilang mga hukom, at dalawa naman bilang hari; ang dalawa ay masunurin kay Jehova, ang dalawa ay hindi. Makikilala rin natin ang dalawang ulirang babae at isang magiting ngunit mahinahong mandirigma. Nagbibigay ng mahahalagang aral ang mga halimbawang ito hinggil sa mga saloobin at pagkilos na dapat tularan at dapat iwasan. Kaya, ang nilalaman ng Unang Samuel ay may lakas na makaiimpluwensiya sa ating kaisipan at paggawi.—Hebreo 4:12.
HINALINHAN NI SAMUEL SI ELI BILANG HUKOM
Panahon ng Kapistahan ng Pag-iipon ng Ani, at tuwang-tuwa si Hana na nakatira sa Rama.a Sinagot ni Jehova ang kaniyang mga panalangin, at nagsilang siya ng isang anak na lalaki. Upang tuparin ang kaniyang panata, iniharap ni Hana ang kaniyang anak na si Samuel upang maglingkod sa “bahay ni Jehova.” Doon, ang bata ay naging “lingkod ni Jehova sa harap ni Eli na saserdote.” (1 Samuel 1:24; 2:11) Nang si Samuel ay napakabata pa, nagsalita sa kaniya si Jehova, anupat binibigkas ang kahatulan laban sa sambahayan ni Eli. Habang nagkakaedad si Samuel, nakilala siya ng buong bayan ng Israel bilang propeta ni Jehova.
Nang maglaon, sinalakay ng mga Filisteo ang Israel. Kinuha nila ang Kaban at pinatay ang dalawang anak na lalaki ni Eli. Nang mabalitaan ito, namatay ang matanda nang si Eli, matapos “humatol sa Israel nang apatnapung taon.” (1 Samuel 4:18) Naging kapaha-pahamak sa mga Filisteo ang pagkanaroroon sa kanila ng Kaban, kaya ibinalik nila ito sa mga Israelita. Si Samuel na ngayon ang humahatol sa Israel, at nagkaroon ng kapayapaan sa lupain.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:10—Bakit ipinanalangin ni Hana na ‘bigyan ni Jehova ng lakas ang kaniyang hari’ samantalang wala pa namang taong hari sa Israel? Inihula sa Kautusang Mosaiko na magkakaroon ng taong hari ang mga Israelita. (Deuteronomio 17:14-18) Sa kaniyang hula bago siya mamatay, sinabi ni Jacob: “Ang setro [sagisag ng maharlikang awtoridad] ay hindi lilihis mula kay Juda.” (Genesis 49:10) Bukod diyan, may kinalaman kay Sara—ang ninuno ng mga Israelita—sinabi ni Jehova: “Mga hari ng mga bayan ang magmumula sa kaniya.” (Genesis 17:16) Kung gayon, idinadalangin ni Hana ang tungkol sa magiging hari sa hinaharap.
3:3—Aktuwal bang natulog si Samuel sa Kabanal-banalan? Hindi. Si Samuel ay isang Levita mula sa di-makasaserdoteng pamilya ng mga Kohatita. (1 Cronica 6:33-38) Dahil dito, hindi siya pinahihintulutang ‘pumasok upang tingnan ang mga banal na bagay.’ (Bilang 4:17-20) Ang tanging bahagi ng santuwaryo na maaaring gamitin ni Samuel ay ang looban ng tabernakulo. Maaaring doon siya natulog. Lumilitaw, sa looban din natutulog si Eli. Ang pananalitang “kinaroroonan ng kaban ng Diyos” ay maliwanag na tumutukoy sa lugar ng tabernakulo.
7:7-9, 17—Bakit naghandog si Samuel ng isang handog na sinusunog sa Mizpa at nagtayo ng isang altar sa Rama, gayong ang mga hain ay dapat ihandog nang regular tanging sa dakong pinili ni Jehova? (Deuteronomio 12:4-7, 13, 14; Josue 22:19) Pagkatapos alisin ang sagradong Kaban sa tabernakulo sa Shilo, maliwanag na wala na roon ang presensiya ni Jehova. Kaya bilang kinatawan ng Diyos, naghandog si Samuel ng isang handog na sinusunog sa Mizpa at nagtayo rin ng isang altar sa Rama. Lumilitaw na sinang-ayunan ni Jehova ang mga pagkilos na ito.
Mga Aral Para sa Atin:
1:11, 12, 21-23; 2:19. Ang mapanalangining saloobin ni Hana, ang kaniyang kapakumbabaan, ang kaniyang pagpapahalaga sa kabaitan ni Jehova, at ang kaniyang namamalaging pagmamahal bilang ina ay isang huwaran para sa lahat ng kababaihang may-takot sa Diyos.
1:8. Tunay ngang nagpakita ng mainam na halimbawa si Elkana sa pagpapatibay sa iba sa pamamagitan ng mga salita! (Job 16:5) Ganito muna ang di-humahatol na tanong niya sa nalulungkot na si Hana: “Bakit nalulumbay ang iyong puso?” Pinasigla nito si Hana na sabihin ang kaniyang niloloob. Pagkatapos, tiniyak sa kaniya ni Elkana ang pagmamahal niya, na sinasabi: “Hindi ba mas mabuti ako sa iyo kaysa sa sampung anak?”
2:26; 3:5-8, 15, 19. Sa pamamagitan ng masikap na pagganap sa ating bigay-Diyos na gawain, sa pamamagitan ng pagsasamantala sa espirituwal na pagsasanay, at sa pamamagitan ng magagandang asal at pagiging magalang, tayo’y magiging “higit na kaibig-ibig” kapuwa sa Diyos at sa mga tao.
4:3, 4, 10. Kahit ang isang bagay na banal na gaya ng kaban ng tipan ay hindi nagsilbing isang anting-anting para magbigay ng proteksiyon. Dapat nating ‘bantayan ang ating sarili mula sa mga idolo.’—1 Juan 5:21.
ANG UNANG HARI NG ISRAEL—ISANG TAGUMPAY O ISANG KABIGUAN?
Si Samuel ay naging tapat kay Jehova sa buong buhay niya, subalit ang kaniyang mga anak na lalaki ay hindi lumakad sa makadiyos na daan. Nang humiling ng isang haring tao ang matatandang lalaki ng Israel, pinahintulutan sila ni Jehova na makamit iyon. Sinunod ni Samuel ang tagubilin ni Jehova at pinahiran si Saul, isang makisig na Benjamita, bilang hari. Pinatibay ni Saul ang kaniyang posisyon bilang hari sa pamamagitan ng pagtalo sa mga Ammonita.
Nilupig ng magiting na anak ni Saul na si Jonatan ang isang garison ng mga Filisteo. Malaki ang hukbo ng mga Filisteo na sumalakay sa Israel. Nataranta sa takot si Saul anupat siya na mismo ang masuwaying naghandog ng isang haing sinusunog. Kasama lamang ang kaniyang tagapagdala ng baluti, sinalakay ng matapang na si Jonatan ang isa pang himpilan ng mga Filisteo. Subalit dahil sa padalus-dalos na panata ni Saul, hindi naging lubos ang tagumpay. Si Saul ay “nakipagdigma sa palibot” laban sa lahat ng kaniyang mga kaaway. (1 Samuel 14:47) Ngunit pagkatapos matalo ang mga Amalekita, sinuway niya si Jehova nang hindi niya nilipol ang mga bagay na ‘itinalaga sa pagkapuksa.’ (Levitico 27:28, 29) Dahil dito, itinakwil ni Jehova si Saul bilang hari.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
9:9—Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “ang propeta ngayon ay tinatawag na tagakita noong mga panahong nagdaan”? Maaaring ipahiwatig ng pananalitang ito na habang ang mga propeta ay nagiging mas prominente noong panahon ni Samuel at noong panahon ng mga hari sa Israel, ang salitang “tagakita” ay napalitan ng katagang “propeta.” Si Samuel ang itinuturing na una sa hanay ng mga propeta.—Gawa 3:24.
14:24-32, 44, 45—Naiwala ba ni Jonatan ang lingap ng Diyos dahil sa pagkain ng pulot-pukyutan bilang paglabag sa panata ni Saul? Waring hindi naman nawala ang pagsang-ayon ng Diyos kay Jonatan dahil sa ginawa niyang ito. Una sa lahat, hindi alam ni Jonatan ang hinggil sa panata ng kaniyang ama. Bukod diyan, ang panata na udyok ng maling sigasig o ng maling pangmalas sa makaharing kapangyarihan ay nagdulot ng mga problema sa taong-bayan. Paano sasang-ayunan ng Diyos ang gayong panata? Bagaman handang tanggapin ni Jonatan ang mga parusa ng paglabag sa panata, nailigtas ang buhay niya.
15:6—Bakit tumanggap ng pantanging konsiderasyon mula kay Saul ang mga Kenita? Ang mga Kenita ay mga anak ng biyenang lalaki ni Moises. Tinulungan nila ang mga Israelita nang umalis ang mga ito mula sa Bundok Sinai. (Bilang 10:29-32) Sa lupain ng Canaan, nanirahan din ang mga Kenita kasama ng mga anak ni Juda sa loob ng ilang panahon. (Hukom 1:16) Bagaman nang maglaon ay nanirahan silang kasama ng mga Amalekita at ng iba’t ibang mga tao, nanatiling kaibigan ng Israel ang mga Kenita. Kung gayon, may magandang dahilan si Saul kung bakit hindi niya pinatay ang mga Kenita.
Mga Aral Para sa Atin:
9:21; 10:22, 27. Ang kahinhinan at kapakumbabaan ni Saul nang una siyang maging hari ay humadlang sa kaniya sa padalus-dalos na pagkilos nang hindi tanggapin ng “mga walang-kabuluhang lalaki” ang kaniyang pagkahari. Tunay ngang isang proteksiyon ang gayong saloobin laban sa di-makatuwirang pagkilos!
12:20, 21. Huwag hayaang ilihis ka ng “mga kabulaanan,” gaya ng pagtitiwala sa mga tao, pag-asa sa kapangyarihang militar ng mga bansa, o ng idolatriya, mula sa paglilingkod kay Jehova.
12:24. Ang susi upang mapanatili ang mapitagang pagkatakot kay Jehova at mapaglingkuran siya ng ating buong puso ay ‘tingnan ang mga dakilang bagay na ginawa niya’ para sa kaniyang bayan noong sinaunang panahon gayundin sa makabagong panahon.
13:10-14; 15:22-25, 30. Magbantay laban sa kapangahasan—ito man ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagsuway o ng mapagmataas na saloobin.—Kawikaan 11:2.
PINILI ANG ISANG BATANG PASTOL PARA MAGING HARI
Pinahiran ni Samuel si David mula sa tribo ng Juda upang maging hari sa hinaharap. Di-nagtagal pagkatapos nito, pinatay ni David ang higanteng Filisteo na si Goliat sa pamamagitan ng isang batong panghilagpos. Naging malapít na magkaibigan sina David at Jonatan. Inatasan ni Saul si David na mamahala sa kaniyang mga mandirigma. Bilang tugon sa maraming tagumpay ni David, umawit ang mga babae ng Israel: “Si Saul ay nagpabagsak ng kaniyang libu-libo, at si David ay ng kaniyang sampu-sampung libo.” (1 Samuel 18:7) Palibhasa’y nalipos ng inggit, hinangad ni Saul na patayin si David. Pagkatapos ng tatlong pagtatangka ni Saul, lumayas si David at naging isang takas.
Noong mga taon na siya’y isang takas, makalawang iniligtas ni David ang buhay ni Saul. Nakilala rin niya at nang maglaon ay napangasawa ang magandang si Abigail. Nang sumalakay ang mga Filisteo sa Israel, sumangguni si Saul kay Jehova. Subalit iniwan na siya ni Jehova. Namatay na si Samuel. Palibhasa’y desperado na, sumangguni si Saul sa isang espiritista, at sinabi nito sa kaniya na siya ay mamamatay sa pakikidigma sa mga Filisteo. Sa digmaang iyon, malubhang nasugatan si Saul, at napatay ang kaniyang mga anak na lalaki. Nagtatapos ang ulat sa pagkamatay ni Saul bilang isang bigo. Nagtatago pa rin si David.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
16:14—Anong masamang espiritu ang nakapagpangilabot kay Saul? Ang masamang espiritu na nag-alis kay Saul ng kapayapaan ng isip ay ang masamang hilig ng kaniyang isipan at puso—ang kaniyang panloob na hangaring gumawa ng mali. Nang alisin ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu, nawala na ang proteksiyon nito kay Saul at nalipos siya ng kaniya mismong masamang espiritu. Yamang pinahintulutan ng Diyos na humalili ang espiritung iyon sa Kaniyang banal na espiritu, ang masamang espiritung ito ay tinawag na “masamang espiritu mula kay Jehova.”
17:55—Kung isasaalang-alang ang ulat ng 1 Samuel 16:17-23, bakit tinanong pa ni Saul kung kaninong anak si David? Ang pagtatanong ni Saul ay hindi lamang tungkol sa pangalan ng ama ni David. Malamang, gusto niyang malaman kung anong uri ng lalaki ang ama ng batang ito na katatapos lamang magpakita ng kahanga-hangang gawa ng pagpaslang sa isang higante.
Mga Aral Para sa Atin:
16:6, 7. Sa halip na humanga sa panlabas na anyo ng iba o agad silang hatulan, dapat nating sikapin na malasin sila gaya ng pangmalas sa kanila ni Jehova.
17:47-50. Lakas-loob din nating mahaharap ang pagsalansang o pag-uusig mula sa tulad-Goliat na mga kaaway sapagkat “kay Jehova ang pagbabaka.”
18:1, 3; 20:41, 42. Makikita ang tunay na mga kaibigan sa mga umiibig kay Jehova.
21:12, 13. Inaasahan ni Jehova na gagamitin natin ang ating talino at mga kakayahan upang maharap ang mahihirap na kalagayan sa buhay. Ibinigay niya sa atin ang kaniyang kinasihang Salita, na nagbibigay ng katalinuhan, kaalaman, at kakayahang mag-isip. (Kawikaan 1:4) Nariyan din ang tulong mula sa hinirang na Kristiyanong matatanda.
24:6; 26:11. Kay-inam na halimbawa ang ibinibigay ni David hinggil sa tunay na paggalang sa pinahiran ni Jehova!
25:23-33. Kapuri-puri ang katinuan ni Abigail.
28:8-19. Sa kanilang pagsisikap na iligaw o saktan ang mga tao, ang mga balakyot na espiritu ay maaaring magkunwaring mga patay na indibiduwal. Kailangan nating iwasan ang lahat ng anyo ng espiritismo.—Deuteronomio 18:10-12.
30:23, 24. Ipinakikita ng pasiyang ito, batay sa Bilang 31:27, na pinahahalagahan ni Jehova ang mga sumusuporta sa kongregasyon. Kaya nga, anuman ang ating ginagawa, ‘gawin natin ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.’—Colosas 3:23.
Ano ang “Mas Mabuti Kaysa sa Hain”?
Anong mahalagang katotohanan ang idiniriin ng mga karanasan nina Eli, Samuel, Saul, at David? Ito: “Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain, ang pagbibigay-pansin kaysa sa taba ng mga barakong tupa; sapagkat ang paghihimagsik ay katulad ng kasalanang panghuhula, at ang pagkilos nang may kapangahasan ay katulad ng paggamit ng mahiwagang kapangyarihan at terapim.”—1 Samuel 15:22, 23.
Kaylaki ngang pribilehiyo na makibahagi sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad! Habang inihahandog natin kay Jehova ‘ang mga guyang toro ng ating mga labi,’ kailangan nating gawin ang ating buong makakaya upang sundin ang tagubilin na ibinibigay niya sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita at ng makalupang bahagi ng kaniyang organisasyon.—Oseas 14:2; Hebreo 13:15.
[Talababa]
a Para sa mga lokasyon ng iba’t ibang lugar na binabanggit sa aklat ng Unang Samuel, tingnan ang pahina 18-19 ng brosyur na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain,’ inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 23]
Ang unang hari ng Israel na dating mapagpakumbaba at mahinhing tagapamahala ay naging mapagmataas at pangahas na hari
[Larawan sa pahina 24]
Sa ano tayo makapagtitiwala kapag napaharap tayo sa pagsalansang mula sa tulad-Goliat na mga kaaway?