“Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala sa Halip na mga Tao”
“Kay Jehova ang Pagbabaka”
MAGKAHARAP ang magkalabang hukbo sa magkabilang panig ng isang libis. Sa loob ng 40 araw, takot na takot ang mga lalaki ng Israel habang patuloy na pinauulanan sila ng mga insulto ni Goliat, ang tagapagtanggol ng mga Filisteo.—1 Samuel 17:1-4, 16.
Pasigaw na hinahamon ni Goliat ang mga Israelita sa mga salitang ito: “Pumili kayo ng isang lalaki para sa inyo, at pababain ninyo siya sa akin. Kung kaya niyang lumaban sa akin at mapabagsak niya ako, kami nga ay magiging mga lingkod ninyo. Ngunit kung ako ay kasukat niya at mapabagsak ko siya, kayo naman ang magiging mga lingkod namin, at paglilingkuran ninyo kami. . . . Tinutuya ko nga ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito. Bigyan ninyo ako ng isang lalaki, at paglabanin kami!”—1 Samuel 17:8-10.
Noong sinaunang panahon, pangkaraniwan para sa mga tagapagtanggol na kumatawan sa kanilang mga hukbo at maglaban nang sila lamang dalawa. Ang tagumpay ng tagapagtanggol ay nangangahulugan ng tagumpay ng hukbo. Pero hindi isang karaniwang sundalo lamang ang mandirigmang ito na naghahamon sa Israel. Isa siyang napakalaking higante—isang mabagsik at nakatatakot na kaaway. Subalit dahil hinamak niya ang hukbo ng bayan ni Jehova, natiyak ang pagbagsak ni Goliat.
Hindi ito basta labanan lamang ng mga hukbo. Ang labanang ito ay sa pagitan ni Jehova at ng mga diyos ng mga Filisteo. Sa halip na buong-tapang na pangunahan ang kaniyang hukbo laban sa mga kaaway ng Diyos, hindi nakakibo ang hari ng Israel na si Saul dahil sa takot.—1 Samuel 17:11.
Isang Kabataan ang Nagtiwala kay Jehova
Habang nakatigil ang magkalabang hukbong ito, dinalaw ng isang kabataang nahirang na upang maging hari ng Israel ang kaniyang mga kapatid sa hukbo ni Saul. David ang pangalan niya. Nang marinig niya ang sinasabi ni Goliat, nagtanong siya: “Sino ang di-tuling Filisteong ito upang tuyain niya ang mga hukbo ng Diyos na buháy?” (1 Samuel 17:26) Para kay David, si Goliat ay kumakatawan sa mga Filisteo at sa mga diyos nito. Palibhasa’y napakilos ng matuwid na galit, gustong labanan ni David ang paganong higante para ipagtanggol ang pangalan ni Jehova at ang Israel. Pero sinabi ni Haring Saul: “Hindi mo kayang yumaon laban sa Filisteong ito upang makipaglaban sa kaniya, sapagkat ikaw ay isang bata lamang.”—1 Samuel 17:33.
Kaylaki nga ng pagkakaiba ng pananaw ni Saul at ni David! Nakikita ni Saul ang isang batang pastol na gustong lumaban sa isang mabangis na higante. Subalit nakikita ni David ang isang taong lumalaban sa Soberanong Panginoong Jehova. Ang katapangan ni David ay nakasalig sa pananalig na hindi hahayaan ng Diyos na tuyain ang Kaniyang pangalan at ang Kaniyang bayan nang walang kaparusahan. Habang ipinagmamalaki ni Goliat ang kaniyang lakas, inilalagak naman ni David ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova, at tinitingnan ang kalagayan ayon sa pananaw ng Diyos.
“Ako ay Pumaparito sa Iyo Taglay ang Pangalan ni Jehova”
May matibay na batayan ang pananampalataya ni David. Natatandaan niyang tinulungan siya ng Diyos upang iligtas ang kaniyang tupa mula sa isang oso at sa isang leon. Nakatitiyak ang kabataang pastol na tutulungan siya ngayon ni Jehova na harapin ang nakatatakot na Filisteong kaaway na ito. (1 Samuel 17:34-37) Dala ang isang simpleng panghilagpos at limang makikinis na bato, humayo si David upang harapin si Goliat.
Hinarap ng kabataang si David ang waring imposibleng atas na ito taglay ang pagtitiwala sa lakas na ibibigay ni Jehova. Buong-tapang niyang sinabi sa Filisteo: “Ikaw ay pumaparito sa akin taglay ang isang tabak at isang sibat at isang diyabelin, ngunit ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya. Sa araw na ito ay isusuko ka ni Jehova sa aking kamay . . . Malalaman ng mga tao sa buong lupa na may Diyos ang Israel. At malalaman ng buong kongregasyong ito na hindi sa pamamagitan ng tabak ni sa pamamagitan man ng sibat nagliligtas si Jehova, sapagkat kay Jehova ang pagbabaka.”—1 Samuel 17:45-47.
Ano ang kinalabasan nito? Ganito ang sinabi ng kinasihang ulat: “Si David, sa pamamagitan ng isang panghilagpos at isang bato, ay naging mas malakas kaysa sa Filisteo at pinabagsak niya ang Filisteo at pinatay ito; at walang tabak sa kamay ni David.” (1 Samuel 17:50) Walang tabak sa kamay ni David, pero taglay niya ang makapangyarihang suporta ng Diyos na Jehova.a
Tunay ngang hindi nagkamali si David sa kaniyang paglalagak ng pananampalataya kay Jehova sa labanang iyon! Kapag kailangan tayong pumili sa pagitan ng pagkatakot sa tao at pagtitiwala sa nagliligtas na kapangyarihan ni Jehova, malinaw ang sagot: “Dapat [nating] sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Karagdagan pa, kapag tinitingnan natin ang mahihirap na kalagayan ayon sa pananaw ng Diyos na Jehova, magkakaroon tayo ng timbang na pangmalas sa malalaking problema.
[Talababa]
a Tingnan ang 2006 Calendar of Jehovah’s Witnesses, May/June.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
GAANO BA KALAKI SI GOLIAT?
Ayon sa ulat sa 1 Samuel 17:4-7, ang taas ni Goliat ay mahigit sa anim na siko—mga tatlong metro. Makikita ang laki at lakas ni Goliat sa kaniyang tansong kutamaya. Ang timbang nito ay 57 kilo! Ang tagdang ng kaniyang sibat ay gaya ng isang bigang kahoy, at ang tulis na bakal nito ay may timbang na pitong kilo. Aba, malamang na ang baluti ni Goliat ay mas mabigat pa kaysa kay David!