GOLIAT
Ang higante mula sa lunsod ng Gat, tagapagtanggol ng hukbong Filisteo, na pinatay ni David. Si Goliat ay may pambihirang taas na anim na siko at isang dangkal (2.9 m; 9.5 piye). Ang kaniyang tansong kutamaya ay tumitimbang nang 5,000 siklo (57 kg; 126 na lb) at ang tulis na bakal ng kaniyang sibat naman ay 600 siklo (6.8 kg; 15 lb). (1Sa 17:4, 5, 7) Si Goliat ay isa sa mga Repaim; maaaring isa siyang mersenaryong kawal na kasama ng hukbong Filisteo.—1Cr 20:5, 8; tingnan ang REPAIM, MGA.
Di-nagtagal pagkatapos na pahiran ni Samuel si David, at pagkatapos na iwan ng espiritu ni Jehova si Haring Saul (1Sa 16:13, 14), ang mga Filisteo ay nagtipon sa Socoh para sa pakikipagdigma laban sa Israel at pagkatapos ay nagkampo sa Epes-damim. Habang magkaharap ang hukbo ng mga Filisteo at ang hukbo ni Saul sa magkabilang panig ng libis, ang dambuhalang mandirigmang si Goliat ay lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo at maingay na hinamon ang Israel na magharap ng isang lalaking lalaban sa kaniya nang isahan, anupat ang kalalabasan ang magiging batayan kung aling hukbo ang magiging lingkod ng kabilang hukbo. Araw at gabi, sa loob ng 40 araw, ang hukbo ng Israel, na takót na takót, ay patuloy niyang tinutuya. Walang kawal na Israelita ang nagkaroon ng lakas ng loob na tanggapin ang hamon.—1Sa 17:1-11, 16.
Dahil sa pagtuya niya sa mga hukbo ng Diyos na buháy na si Jehova, naging tiyak ang kapahamakan ni Goliat. Ang kaniyang hamon ay tinanggap ng kabataang pastol na si David, samantalang sumasakaniya ang espiritu ng Diyos. Kasunod ng tagapagdala ng baluti na may dalang malaking kalasag, si Goliat ay lumapit habang isinusumpa niya si David sa pamamagitan ng kaniyang mga diyos. Tumugon si David sa kaniya: “Ikaw ay pumaparito sa akin taglay ang isang tabak at isang sibat at isang diyabelin, ngunit ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya.” (LARAWAN, Tomo 1, p. 745) Pinahilagpos ni David ang isang bato mula sa kaniyang panghilagpos; bumaon ito sa noo ni Goliat, at bumagsak sa lupa ang higante. Lumapit si David at tumayo sa ibabaw ni Goliat at pinutol ang ulo nito sa pamamagitan ng sariling tabak nito. Kaagad itong sinundan ng pagtakas ng mga Filisteo at ng lansakang pagpatay sa kanila.—1Sa 17:26, 41-53.
“Nang magkagayon ay kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala iyon sa Jerusalem, at ang mga sandata nito ay inilagay niya sa kaniyang tolda.” (1Sa 17:54) Bagaman totoo na ang moog ng Sion ay nabihag lamang ni David nang dakong huli (2Sa 5:7), ang lunsod mismo ng Jerusalem ay matagal nang tinatahanan ng mga Israelita, kasama ng mga Jebusita. (Jos 15:63; Huk 1:8) Nang maglaon, maliwanag na inilagak ni David ang tabak ni Goliat sa santuwaryo, sapagkat binabanggit sa ulat na ibinigay iyon ni Ahimelec na saserdote kay David noong tumatakas si David mula kay Saul.—1Sa 21:8, 9.
Ang isang talata na lumikha ng ilang suliranin ay ang 2 Samuel 21:19, kung saan sinasabi: “Pinabagsak ni Elhanan na anak ni Jaare-oregim na Betlehemita si Goliat na Giteo, na ang tagdan ng kaniyang sibat ay gaya ng biga ng mga manggagawa sa habihan.” Ang katulad na ulat sa 1 Cronica 20:5 ay kababasahan: “Pinabagsak ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na Giteo, na ang tagdan ng kaniyang sibat ay gaya ng biga ng mga manggagawa sa habihan.”
May ilang mungkahi na ibinibigay bilang paliwanag sa problemang ito. Sinusuportahan ng Targum ang isang tradisyon na si Elhanan ay si David din. Ang Soncino Books of the Bible naman, inedit ni A. Cohen (London, 1951, 1952), ay nagkomento na walang suliranin kung mayroon mang dalawang Goliat, anupat nagkomento rin na ang Goliat ay maaaring isang titulong naglalarawan tulad ng “Paraon,” “Rabsases,” “Sultan.” Gayunman, dahil ang isang teksto ay tumutukoy kay “Jaare-oregim,” samantalang ang isa naman ay tumutukoy kay “Jair,” at tanging ang ulat sa Ikalawang Samuel ang kababasahan ng terminong “Betlehemita [Heb., behth hal·lach·miʹ],” gayong ang ulat lamang ng Mga Cronica ang kababasahan ng pangalang “Lami [ʼeth-Lach·miʹ],” iminumungkahi ng karamihan sa mga komentarista na ito’y resulta ng pagkakamali ng isang tagakopya.—Tingnan ang JAARE-OREGIM; LAMI.