SAUL
[Itinanong [sa Diyos]; Isinangguni [sa Diyos]].
1. Isang Benjamita na nagmula kay Jeiel (ipinapalagay na tinatawag ding Abiel) sa pamamagitan ni Ner at ni Kis (1Cr 8:29-33; 9:35-39; tingnan ang ABIEL Blg. 1); ang unang hari ng Israel na pinili ng Diyos. (1Sa 9:15, 16; 10:1) Si Saul ay nanggaling sa isang mayamang pamilya. Siya ay isang makisig na lalaki, na mula sa ulo at mga balikat ay mas matangkad kaysa sa lahat ng iba pa sa kaniyang bansa, at mayroon siyang pambihirang pisikal na lakas at liksi. (1Sa 9:1, 2; 2Sa 1:23) Ang pangalan ng kaniyang asawa ay Ahinoam. Nagkaanak si Saul ng di-kukulangin sa pitong anak na lalaki, sina Jonatan, Isvi, Malki-sua, Abinadab, Is-boset (Esbaal), Armoni, at Mepiboset, at dalawang anak na babae, sina Merab at Mical. Si Abner, maliwanag na tiyo ni Haring Saul (tingnan ang ABNER), ay naglingkod bilang pinuno ng hukbong Israelita.—1Sa 14:49, 50; 2Sa 2:8; 21:8; 1Cr 8:33.
Si Saul ay nabuhay sa isang maligalig na panahon sa kasaysayan ng Israel. Dahil sa paniniil ng mga Filisteo, lubhang humina ang hukbong militar ng bansa (1Sa 9:16; 13:19, 20), at nagbanta ng pagsalakay ang mga Ammonita sa ilalim ni Haring Nahas. (1Sa 12:12) Bagaman may-katapatang naghukom si Samuel sa Israel, binaluktot naman ng kaniyang mga anak ang katarungan. (1Sa 8:1-3) Palibhasa’y minalas ang situwasyon mula sa punto de vista ng tao anupat naiwala sa isipan na kayang ipagsanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan, ang matatandang lalaki ng Israel ay lumapit kay Samuel at humiling na mag-atas siya ng isang hari sa kanila.—1Sa 8:4, 5.
Pinahiran Bilang Hari. Pagkatapos nito ay pinatnubayan ni Jehova ang mga bagay-bagay upang ilaan ang pagkakataon para sa pagpapahid kay Saul bilang hari. Kasama ng kaniyang tagapaglingkod, hinanap ni Saul ang nawawalang mga asnong babae ng kaniyang ama. Yamang walang ibinunga ang paghahanap, ipinasiya niyang umuwi na. Ngunit iminungkahi ng kaniyang tagapaglingkod na humingi sila ng tulong sa “lalaki ng Diyos” na napabalitang nasa isang kalapit na lunsod. Naging dahilan ito upang makilala ni Saul si Samuel. (1Sa 9:3-19) Sa kaniyang unang pakikipag-usap kay Samuel, ipinakita ni Saul na isa siyang taong may kahinhinan. (1Sa 9:20, 21) Matapos kumaing kasama ni Saul sa isang kainan ukol sa paghahain, patuloy na nakipag-usap si Samuel sa kaniya. Kinaumagahan, pinahiran ni Samuel si Saul bilang hari. Upang pagtibayin na ang Diyos ay sumasa kay Saul, binigyan siya ni Samuel ng tatlong makahulang tanda, na pawang natupad nang araw na iyon.—1Sa 9:22–10:16.
Nang maglaon, sa Mizpa, nang mapili si Saul bilang hari sa pamamagitan ng palabunutan (1Sa 10:20, 21, JB; NE), nahiya siya at nagtago sa mga dala-dalahan. Nang masumpungan, iniharap siya bilang hari, at ang bayan ay sumigaw nang may pagsang-ayon: “Mabuhay ang hari!” Kasama ng magigiting na lalaki, bumalik si Saul sa Gibeah. Bagaman pinintasan at hinamak siya ng mga walang-kabuluhang lalaki, nanatiling tahimik si Saul.—1Sa 10:17-27.
Mga Unang Tagumpay. Pagkalipas ng mga isang buwan (gaya ng mababasa sa Griegong Septuagint at Dead Sea Scroll 4QSama sa 1Sa 11:1), hiningi ng Ammonitang si Haring Nahas ang pagsuko ng Jabes sa Gilead. (Tingnan ang NAHAS Blg. 1.) Nang ipabatid ng mga mensahero kay Saul ang balitang ito, ang espiritu ng Diyos ay kumilos sa kaniya. Dali-dali niyang tinipon ang isang hukbo ng 330,000 lalaki at pinangunahan ito sa tagumpay. Dahil dito ay tumibay ang posisyon ni Saul bilang hari, anupat sinabi pa nga ng bayan na patayin yaong mga nagsalita laban sa kaniya. Ngunit hindi sumang-ayon si Saul, palibhasa’y kinikilala niyang si Jehova ang nagbigay ng tagumpay. Pagkatapos nito, sa Gilgal, ang pagkahari ni Saul ay muling pinagtibay.—1Sa 11:1-15.
Pagkatapos ay nagsagawa si Saul ng mga hakbang upang igupo ang kapangyarihan ng mga Filisteo sa Israel. Pumili siya ng 3,000 Israelita, anupat ang 2,000 ay pinangasiwaan niya at ang nalabi ay pinangasiwaan ng kaniyang anak na si Jonatan. Maliwanag na bilang pagsunod sa utos ng kaniyang ama, “pinabagsak ni Jonatan ang garison ng mga Filisteo na nasa Geba.” Dahil dito, nagtipon ang mga Filisteo ng isang malakas na hukbo at nagsimulang magkampo sa Micmash.—1Sa 13:3, 5.
Nagkasala Dahil sa Kapangahasan. Samantala, umurong si Saul mula sa Micmash at nagtungo sa Gilgal sa Libis ng Jordan. Doon ay pitong araw niyang hinintay si Samuel. Ngunit hindi dumating si Samuel sa takdang panahon. Sa takot na baka daluhungin siya ng kaaway samantalang hindi pa niya natitiyak na tutulungan siya ni Jehova at na baka maubos ang kaniyang hukbo kung patuloy pa ang pagkaantala, “napilitan” si Saul na ihandog ang haing sinusunog. Nang dumating si Samuel, hinatulan nito ang ‘mangmang na pagkilos’ ni Saul bilang isang pagkakasala. Maliwanag na ang pagkakasala ni Saul ay ang mapangahas niyang paghahain at hindi pagsunod sa utos ni Jehova, na ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang kinatawan na si Samuel, na hintayin niyang si Samuel ang maghandog ng hain. (Ihambing ang 1Sa 10:8.) Dahil sa pagkilos na ito, ang kaharian ni Saul ay hindi mamamalagi.—1Sa 13:1-14.
Sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa mga Filisteo, bumigkas si Saul ng isang sumpa laban sa sinumang kakain bago mailapat ang paghihiganti sa kaaway. Ang padalus-dalos na panatang ito ay humantong sa di-kaayaayang mga pangyayari. Napagod ang mga Israelita, at bagaman nagwagi sila laban sa mga Filisteo, ang kanilang tagumpay ay hindi kasinlaki ng inaasahan. Palibhasa’y gutom na gutom, hindi na nila napatulo ang dugo ng mga hayop na pinatay nila, sa gayon ay nilabag nila ang kautusan ng Diyos may kinalaman sa kabanalan ng dugo. Dahil hindi narinig ni Jonatan ang panata ng kaniyang ama, kumain siya ng pulot-pukyutan. Kaya hinatulan siya ni Saul ng kamatayan. Ngunit ipinagtanggol ng bayan si Jonatan, sapagkat malaki ang naitulong niya sa tagumpay ng Israel.—1Sa 14:1-45.
Itinakwil ng Diyos. Noong panahon ng paghahari ni Saul, paulit-ulit na nakipagbaka ang Israel laban sa mga Filisteo at iba pang mga bayan, kabilang na ang mga Moabita, mga Ammonita, mga Edomita, at mga Amalekita. (1Sa 14:47, 48, 52) Sa pakikipagdigma sa mga Amalekita, nilabag ni Saul ang utos ni Jehova nang hindi niya patayin ang pinakamainam sa kawan at bakahan ng mga ito gayundin ang haring si Agag. Nang tanungin si Saul kung bakit hindi niya sinunod ang tinig ni Jehova, itinanggi niyang nagkasala siya at ibinunton ang sisi sa bayan. Pagkatapos na idiin ni Samuel ang kalubhaan ng kasalanang iyon at sabihing dahil doon ay itinatakwil siya ni Jehova bilang hari, saka lamang kinilala ni Saul na ang kaniyang kamalian ay resulta ng pagkatakot niya sa bayan. Matapos na mamanhik si Saul kay Samuel na parangalan siya sa harap ng matatandang lalaki at sa harap ng Israel sa pamamagitan ng pagsama sa kaniya, humarap si Samuel sa bayan kasama siya. Nang magkagayon ay si Samuel mismo ang pumatay kay Agag. Pagkatapos ay humiwalay si Samuel kay Saul at hindi na sila nagkaroon ng anumang ugnayan.—1Sa 15:1-35.
Pagkatapos nito at pagkatapos ng pagpapahid kay David bilang ang susunod na hari ng Israel, nilisan ng espiritu ni Jehova si Saul. Mula noon ay “pinangilabot siya ng isang masamang espiritu mula kay Jehova.” Dahil inalis na ni Jehova kay Saul ang kaniyang espiritu, naging posibleng panaigan ito ng isang masamang espiritu, anupat nawalan si Saul ng kapayapaan ng isip at napukaw ang kaniyang mga damdamin, mga kaisipan, at mga guniguni sa maling paraan. Ang hindi pagsunod ni Saul kay Jehova ay nagpahiwatig ng masamang hilig ng isip at puso, na laban sa mga ito ay hindi ipinagsanggalang ng espiritu ng Diyos si Saul. Gayunman, yamang pinahintulutan ni Jehova na halinhan ng “masamang espiritu” ang kaniyang espiritu at pangilabutin niyaon si Saul, iyon ay maaaring tawaging isang “masamang espiritu mula kay Jehova,” kung kaya tinukoy iyon ng mga lingkod ni Saul na “masamang espiritu ng Diyos.” Sa rekomendasyon ng isa sa kaniyang mga tagapaglingkod, hiniling ni Saul na si David ang maging manunugtog niya sa korte upang magpakalma sa kaniya kapag binabagabag siya ng “masamang espiritu.”—1Sa 16:14-23; 17:15.
Kaugnayan kay David. Nang maglaon, pinagbantaang salakayin ng mga Filisteo ang Israel. Habang nagkakampo sila sa isang panig ng Mababang Kapatagan ng Elah at nasa kabilang panig naman ang mga hukbo ni Haring Saul, si Goliat ay lumalabas sa kampo ng mga Filisteo araw at gabi sa loob ng 40 araw, anupat hinahamon ang Israel na magharap ng isang lalaking makikipaghamok sa kaniya. Nangako si Haring Saul na payayamanin niya at makikipag-alyansa siya ukol sa pag-aasawa sa sinumang Israelita na makapagpapabagsak kay Goliat. Gayundin, ang sambahayan ng ama niyaong magtatagumpay ay “palalayain,” malamang na mula sa pagbabayad ng buwis at sa sapilitang paglilingkod. (Ihambing ang 1Sa 8:11-17.) Nang dumating si David na may dalang panustos na pagkain para sa kaniyang mga kapatid at para sa pinuno ng sanlibo (posibleng ang kumandante na sa ilalim nito naglilingkod ang mga kapatid ni David), maliwanag na ipinahiwatig ng kaniyang pagtatanong na handa siyang sagutin ang hamon. Humantong ito sa pagdadala sa kaniya kay Saul at sa tagumpay niya kay Goliat.—1Sa 17:1-58.
Tinubuan ng pagkapoot kay David. Pagkatapos nito ay inatasan ni Saul si David upang mamuno sa mga lalaking mandirigma. Bilang resulta, pinarangalan si David sa mga awit nang higit kaysa sa hari mismo. Dahil dito, naging mapaghinala si Saul kay David at nagkimkim siya ng poot at paninibugho laban dito. Sa isang pagkakataon, habang tumutugtog si David sa alpa, si Saul ay ‘nagsimulang gumawi na tulad ng isang propeta.’ Hindi ito nangangahulugan na nagsimulang bumigkas si Saul ng mga hula, kundi maliwanag na nagpakita siya ng di-pangkaraniwang damdamin at pisikal na pagkabagabag na tulad niyaong sa isang propeta bago ito manghula o habang nanghuhula. Samantalang nasa gayong kakaiba at nababagabag na kalagayan, makalawang ulit na hinagisan ni Saul ng sibat si David. Palibhasa’y nabigo sa kaniyang mga pagtatangkang tuhugin si David sa dingding, pumayag si Saul na ibigay ang kaniyang anak na si Mical upang mapangasawa ni David kapag nakapagdala ito ng isang daang dulong-balat ng mga Filisteo. Iniharap ni Saul ang alok na ito kay David para mapatay ito ng mga Filisteo. Nabigo ang pakana, anupat nakapagdala si David, hindi lamang ng 100, kundi ng 200 dulong-balat upang makagawa ng pakikipag-alyansa kay Saul ukol sa pag-aasawa. Dahil dito, tumindi ang takot at pagkapoot ng hari kay David. Sinabi ni Saul sa kaniyang anak na si Jonatan at sa lahat ng kaniyang mga lingkod na nais niyang ipapatay si David. Nang mamagitan si Jonatan, nangako si Saul na hindi niya papatayin si David. Gayunpaman, napilitang tumakas si David upang iligtas ang kaniyang buhay, sapagkat sa ikatlong pagkakataon ay hinagisan siya ni Saul ng sibat. Iniutos pa nga ni Saul sa mga mensahero na bantayan ang bahay ni David at patayin ito sa kinaumagahan.—1Sa 18:1–19:11.
Nang gabing iyon ay tumakas si David mula sa isang bintana ng kaniyang bahay at nagtungo sa Rama, kung saan naninirahan si Samuel. Sa gayon ay nanahanan siyang kasama ni Samuel sa Naiot. Nang mabalitaan ito ni Saul, nagsugo siya ng mga mensahero upang dakpin si David. Ngunit pagdating nila, sila ay “nagsimulang gumawing tulad ng mga propeta.” Maliwanag na kumilos sa kanila ang espiritu ng Diyos anupat lubusan nilang nalimutan ang layunin ng kanilang misyon. Nang mangyari rin ito sa dalawa pang pangkat ng mga mensahero na isinugo niya, personal na pumaroon si Saul sa Rama. Napasailalim din siya ng kontrol ng espiritu ng Diyos, at ito’y sa loob ng mahaba-habang panahon, kung kaya nagkaroon ng panahon si David upang tumakas.—1Sa 19:12–20:1; tingnan ang PROPETA (Kung Paano Inaatasan at Kinakasihan).
Hindi pinatay ni David si Saul dahil pinahiran ito ng Diyos. Pagkatapos ng di-matagumpay na mga pagtatangkang ito sa buhay ni David, sa ikalawang pagkakataon ay nagsalita si Jonatan para kay David. Ngunit lubhang nagngalit si Saul anupat hinagisan niya ng sibat ang sarili niyang anak. (1Sa 20:1-33) Mula nang panahong iyon, walang-tigil na tinugis ni Saul si David. Nang malaman ni Saul na tinulungan ng mataas na saserdoteng si Ahimelec si David, iniutos niyang patayin ito at ang mga kasama nitong saserdote. (1Sa 22:6-19) Nang maglaon, isinaplano niyang salakayin ang Judeanong lunsod ng Keila sapagkat doon naninirahan si David ngunit hindi niya iyon itinuloy nang makatakas si David. Ipinagpatuloy ni Saul ang paghabol, anupat hinanap ito sa mga lugar na ilang. Ngunit dahil sa paglusob ng mga Filisteo, pansamantalang nahinto ang kaniyang pagtugis at nakapanganlong si David sa Ilang ng En-gedi. Sa dalawang pagkakataon pagkatapos nito, nagkaroon ng oportunidad si David na patayin si Saul. Ngunit hindi iniunat ni David ang kaniyang kamay laban sa pinahiran ni Jehova. Noong ikalawang pagkakataon, nang malaman ni Saul ang pagpipigil ni David, nangako pa nga siyang hindi na niya gagawan ng pinsala si David. Ngunit iyon ay pagpapaimbabaw lamang, sapagkat itinigil lamang niya ang paghabol nang malaman niyang tumakas si David patungo sa Filisteong lunsod ng Gat.—1Sa 23:10–24:22; 26:1–27:1, 4.
Bumaling sa espiritismo. Pagkalipas ng mga isa o dalawang taon (1Sa 29:3), dumating ang mga Filisteo laban kay Saul. Palibhasa’y wala siyang espiritu at patnubay ni Jehova at pinabayaan na sa masamang kalagayan ng kaniyang isip, bumaling siya sa espiritismo, isang pagsalansang na karapat-dapat sa kamatayan. (Lev 20:6) Nagbalatkayo si Saul at pumaroon sa isang espiritista sa En-dor, anupat hiniling na iahon nito ang patay na si Samuel para sa kaniya. Batay sa paglalarawan ng babae sa kaniyang nakita, inakala ni Saul na si Samuel nga iyon. Gayunman, dapat pansinin na hindi sinagot ni Jehova ang mga pagsangguni ni Saul at maliwanag na hindi Niya gagawin iyon sa pamamagitan ng isang gawain na hinahatulan ng Kaniyang kautusan bilang karapat-dapat sa parusang kamatayan. (Lev 20:27) Kaya ang sinabi ng babae ay tiyak na nagmula sa demonyo. Hindi nakaaliw kay Saul ang mensahe kundi sa halip ay lubha siyang natakot.—1Sa 28:4-25; tingnan ang ESPIRITISMO.
Ang pagkamatay ni Saul. Sa sumunod na pakikipaglaban sa mga Filisteo, nasugatan nang malubha si Saul sa Bundok Gilboa at napatay ang tatlo sa kaniyang mga anak. Dahil tumanggi ang kaniyang tagapagdala ng baluti na patayin siya, nagpatibuwal si Saul sa kaniyang sariling tabak. (1Sa 31:1-7) Pagkalipas ng mga tatlong araw, isang kabataang Amalekita ang pumaroon kay David at ipinaghambog na siya ang pumatay sa sugátang hari. Maliwanag na ito ay isang kasinungalingan na kinatha upang matamo ang pabor ni David. Gayunman, iniutos ni David na patayin ang lalaki salig sa pag-aangkin nito, sapagkat si Saul ay dating isang pinahiran ni Jehova.—2Sa 1:1-15.
Samantala, ibinitin ng mga Filisteo ang mga bangkay nina Saul at ng kaniyang tatlong anak sa pader ng Bet-san. Ngunit kinuha ng magigiting na lalaki ng Jabes-gilead ang mga bangkay, sinunog ang mga ito, at pagkatapos ay inilibing ang mga buto.—1Sa 31:8-13.
Pagkalipas ng mga taon, noong panahon ng paghahari ni David, ang pagkakasala sa dugo ni Saul at ng kaniyang sambahayan may kaugnayan sa mga Gibeonita ay ipinaghiganti nang patayin ang pito sa kaniyang mga inapo.—2Sa 21:1-9.
2. Isang Benjamita na mula sa lunsod ng Tarso sa Asia Minor na umusig sa mga tagasunod ni Kristo ngunit nang maglaon ay naging isang apostol ni Jesu-Kristo. (Gaw 9:1, 4, 17; 11:25; 21:39; Fil 3:5) Sa lahat ng kaniyang mga liham ay tinukoy niya ang kaniyang sarili sa kaniyang pangalang Latin na Pablo.—Tingnan ang PABLO.