BANTAY
Isa na nagguguwardiya, kadalasan ay sa gabi, laban sa posibleng pinsala sa mga tao o sa ari-arian at maaaring magbigay ng babala kapag may nagbabantang panganib. Sa militar, ang isang nagguguwardiya ay kadalasang tinatawag na bantay o tanod.—Jer 51:12, tlb sa Rbi8; Gaw 12:6; 28:16.
Sa maraming kaso sa Kasulatan bago ang panahong Kristiyano, ang pangngalang “bantay” ay hinango sa pandiwang Hebreo na sha·marʹ, nangangahulugang “bantayan; ingatan.” (Gen 3:24; 17:9; 37:11; 1Sa 26:15) Ang mga manggagawa na muling nagtayo ng pader ng Jerusalem sa ilalim ng pangangasiwa ni Nehemias ay naglingkod din bilang mga bantay sa gabi. (Ne 4:22, 23) Ang mga hari noon ay may mga mananakbo na sumasabay sa kanilang mga karo bilang mga bantay, gaya rin ni Absalom at ni Adonias nang tangkain ng bawat isa sa kanila na agawin ang trono ng Israel. (2Sa 15:1; 1Ha 1:5) Sa ilalim ni Haring Rehoboam, ang mga mananakbo ay nagsilbing bantay sa mga pinto ng palasyo at maging sa mahahalagang tansong kalasag. (1Ha 14:27, 28) Sa templo, gumamit ang mataas na saserdoteng si Jehoiada ng mga mananakbo, kasama ang tagapagbantay na Cariano, upang ipagsanggalang ang batang si Haring Jehoas at upang patayin si Athalia.—2Ha 11:4-21; tingnan ang CARIANO, TAGAPAGBANTAY NA; MANANAKBO, MGA.
Ang salitang Hebreo na tab·bachʹ, isinalin bilang “tagapagluto” sa 1 Samuel 9:23, ay may pangunahing kahulugan na “tagapatay” at nang maglaon ay nangahulugang “tagapuksa”; ginagamit ito sa ibang mga talata upang tumukoy sa tagapagbantay ni Paraon ng Ehipto at ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya. (Gen 37:36; 2Ha 25:8, 11, 20; Dan 2:14) Ang salitang Hebreo na mish·maʹʽath, may pangunahing kahulugan na “mga tagapakinig” at isinasaling “mga sakop” sa Isaias 11:14, ay ginagamit upang tumukoy sa tagapagbantay ni David (2Sa 23:23; 1Cr 11:25) at sa tagapagbantay ni Saul, na ang pinuno ay si David.—1Sa 22:14.
Bilang proteksiyon laban sa mga magnanakaw at mga naninira ng ari-arian, kadalasa’y naglalagay ng mga taong magbabantay sa mga ubasan na malapit nang mahinog ang bunga o sa mga kawan ng mga hayop, anupat marahil ay nakapuwesto sila sa mga kubol o matataas na bantayang itinayo para sa gayong layunin. (2Ha 17:9; 2Cr 20:24; Job 27:18; Isa 1:8) Ang mga hukbong pangubkob na sumasalakay sa nakukutaang mga lugar ay may mga bantay o mga tanod na nagbibigay ng impormasyon sa kanilang mga kumandante. (Jer 51:12) Kapag si Haring Saul ay nagkakampo sa parang kasama ang kaniyang hukbo, mayroon din siyang personal na mga bantay na may pananagutang mangalaga sa hari.—1Sa 14:16; 26:15, 16.
Kadalasan, ang mga bantay ay nakapuwesto sa mga pader at mga tore ng lunsod upang manmanan ang mga dumarating. (2Sa 18:24-27; 2Ha 9:17-20) Kung minsan, naglilibot din ang mga bantay sa mga lansangan ng lunsod upang magsiyasat. (Sol 3:3; 5:7) Ang mga taong matatakutin, na gising sa mapanganib na mga oras ng gabi, ay maaaring paulit-ulit na magtanong sa mga bantay kung mabuti ba ang mga kalagayan (Isa 21:11, 12), at likas lamang sa mga bantay na manabik sa pagdating ng umaga. (Aw 130:6) Maligaya ang lunsod na bukod pa sa mga bantay nito ay binabantayan din ni Jehova.—Aw 127:1.
Kaugalian noon sa mga bilangguang Romano na itanikala ang bilanggo sa isang kawal na bantay o sa dalawang bantay pa nga upang mabantayan siya nang husto, gaya ng ginawa kay Pedro. (Gaw 12:4, 6) Noong panahon ng unang pagkakabilanggo ng apostol na si Pablo sa Roma, pinagpakitaan siya ng konsiderasyon kung kaya pinayagan siyang tumira sa inuupahan niyang bahay, habang binabantayan ng isang kawal. (Gaw 28:16, 30) Mas mahigpit ang pagbabantay sa kaniya sa ikalawang pagkakabilanggo.
Upang hindi malaman ng mga tao ang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, sinuhulan ng mga punong saserdote ang mga bantay na Romano upang ikalat ang kasinungalingan na ninakaw ng mga tagasunod ni Jesus ang kaniyang katawan.—Mat 27:62-66; 28:11-15; tingnan ang KAWAL.
Noong 13 B.C.E., binuo ni Cesar Augusto ang Romanong Tanod ng Pretorio upang maglingkod bilang mga tagapagbantay ng emperador. (Fil 1:12, 13) Permanenteng pinagkampo ni Emperador Tiberio ang mga bantay na ito malapit sa mga pader ng Roma at sa pamamagitan nila ay sinugpo niya ang anumang kaguluhan ng bayan. Dahil dito, naging napakahalaga ng posisyon ng kumandante ng mga bantay, na may hukbong umaabot ng mga 10,000 lalaki. Sa kalaunan, naging napakamakapangyarihan ng Tanod ng Pretorio anupat nagagawa nito ang maglagay o mag-alis ng mga emperador sa kanilang katungkulan.
Ang mga saserdote at mga Levita ay inorganisa sa ilalim ng mga kapitan upang bantayan ang templo sa Jerusalem.—Tingnan ang KAPITAN NG TEMPLO.
Makasagisag na Paggamit. Nagbangon si Jehova ng mga propeta na naglingkod bilang makasagisag na mga bantay sa bansang Israel (Jer 6:17), at kung minsan ay tinutukoy ng mga propetang ito ang mga bantay sa makasagisag na paraan. (Isa 21:6, 8; 52:8; 62:6; Os 9:8) Pananagutan ng mga propetang bantay na ito na babalaan ang mga balakyot tungkol sa nagbabantang pagkapuksa, at pagsusulitin sila kung hindi nila ito gagawin. Sabihin pa, kung manhid ang mga tao at ayaw nilang makinig sa babala, ang kanilang dugo ay mapapasakanilang sariling ulo. (Eze 3:17-21; 33:1-9) Ang di-tapat na propeta ay walang kabuluhan gaya ng isang bulag na bantay o ng isang asong pipi.—Isa 56:10.