Maligaya ang mga Mapagpakumbaba
“Ang Diyos ay sumasalansang sa mga mapagmataas, ngunit siya’y nagbibigay ng di-sana-nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.” —1 PEDRO 5:5.
1, 2. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, papaano pinag-ugnay ni Jesus ang pagiging maligaya at ang pagiging mapagpakumbaba?
ANG pagiging maligaya ba at ang pagiging mapagpakumbaba ay magkaugnay? Sa kaniyang pinakatanyag na sermon, si Jesu-Kristo, ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, ay tumukoy ng siyam na kaligayahan, o kagalakan. (Mateo 5:1-12) Pinag-ugnay ba ni Jesus ang pagiging maligaya at ang pagiging mapagpakumbaba? Oo, gayon nga, sapagkat ang pagiging mapagpakumbaba ay kasangkot sa marami sa mga kaligayahan na kaniyang binanggit. Halimbawa, ang isang tao ay kailangang maging mapagpakumbaba upang maging palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan. Tanging ang mapagpakumbaba ang nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. At ang mga palalo ay hindi maaamo at hindi maawain, ni sila man ay mga mapagpayapa.
2 Maligaya ang mga mapagpakumbaba sapagkat matuwid at mapagtapat ang maging mapagpakumbaba. Isa pa, ang mapagpakumbaba ay maligaya dahil isang karunungan na maging mapagpakumbaba; ito’y tumutulong upang magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova at sa mga kapuwa Kristiyano. Bukod dito, maligaya ang mga taong mapagpakumbaba sapagkat isang kapahayagan ng pag-ibig sa ganang kanila ang magpakumbaba.
3. Bakit inuubligahan tayo ng pagtatapat na maging mapagpakumbaba?
3 Bakit tayo inuubligahan ng pagtatapat na maging mapagpakumbaba? Unang-una, dahil sa lahat tayo ay nagmamana ng di-kasakdalan at patuloy na nagkakamali. Tungkol sa kaniyang sarili ay sinabi ni apostol Pablo: “Nalalaman ko na sa akin, samakatuwid, sa aking laman, ay hindi nananahan ang ano mang bagay na mabuti; sapagkat ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwat ang kakayahan na gumawa ng mabuti ay wala.” (Roma 7:18) Oo, lahat tayo ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. (Roma 3:23) Kung tayo’y makatuwiran hindi tayo magiging palalo. Ang pag-amin ng isang pagkakamali ay nangangailangan ng pagpapakumbaba, at ang pagtatapat ay tutulong sa atin na tanggapin ang pananagutan kailanma’t tayo’y nagkamali. Yamang tayo’y patuloy na nabibigo sa ating mga pagsisikap, tayo’y may mabuting dahilan na maging mapagpakumbaba.
4. Anong matibay na dahilan ang ibinibigay ng 1 Corinto 4:7 para sa ating pagiging mapagpakumbaba?
4 Binibigyan tayo ni apostol Pablo ng isa pang dahilan kung bakit dapat tayong maging mapagpakumbaba dahil sa pagtatapat. Kaniyang sinasabi: “Sino ang gumawa upang ikaw ay mapatangi sa iba? Oo nga, ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? Kung gayon na tinanggap mo pala, bakit mo ipinagmamapuri na para bang hindi mo tinanggap?” (1 Corinto 4:7) Tiyak, hindi isang pagtatapat kung tatanggap tayo ng kaluwalhatian sa ating sarili, magmamataas dahil sa ating mga ari-arian, mga kakayahan, o mga natapos. Nakatutulong ang pagtatapat upang magkaroon tayo ng mabuting budhi sa harap ng Diyos, upang tayo’y “maging mapagtapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
5. Papaano tutulong din sa atin ang pagiging tapat pagka tayo’y nagkamali?
5 Ang pagtatapat ay tumutulong sa atin na maging mapagpakumbaba pagka tayo’y nagkamali. Mas madali nating matatanggap ang pananagutan, sa halip na bigyang-katuwiran ang ating sarili o ipasa sa iba ang pananagutan. Sa gayon, samantalang sinisi ni Adan si Eva, si Bath-sheba ay hindi sinisi ni David, sa pagsasabing, ‘Hindi sana siya naligo nang nakalantad. Hindi ko mapigil na ako’y matukso.’ (Genesis 3:12; 2 Samuel 11:2-4) Talaga naman, masasabi na sa isang banda, ang pagiging tapat ay tumutulong sa atin na maging mapagpakumbaba; samantala, ang pagiging mapagpakumbaba ay tumutulong sa atin na maging tapat.
Ang Pananampalataya kay Jehova ay Tutulong sa Atin na Maging Mapagpakumbaba
6, 7. Papaano tayo tinutulungan ng pananampalataya sa Diyos upang maging mapagpakumbaba?
6 Ang pananampalataya kay Jehova ay tutulong din sa atin na maging mapagpakumbaba. Ang pagkilala sa kadakilaan ng Maylikha, ang Pansansinukob na Soberano, ay tunay na tutulong sa atin upang huwag labis na pahalagahan ang ating sarili. Anong inam na ipinaaalaala ito sa atin ni propeta Isaias! Sa Isaias 40:15, 22, ating mababasa: “Narito! Ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba; at parang munting alabok sa timbangan. . . . May Isa na tumatahan sa ibabaw ng balantok ng lupa, ang mga nananahan doon ay parang mga balang.”
7 Ang pananampalataya kay Jehova ay tutulong din sa atin pagka nadarama natin na tayo’y inaapi. Sa halip na mabalisa tungkol sa bagay na iyon, tayo’y mapakumbabang maghihintay kay Jehova, gaya ng ipinaaalaala sa atin ng salmista sa Awit 37:1-3, 8, 9. Ganiyan din ang idiniriin ni apostol Pablo: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyan-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,’ sabi ni Jehova.”—Roma 12:19.
Pagpapakumbaba—Ang Landas ng Karunungan
8. Bakit ang pagpapakumbaba ay tumutulong upang magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova?
8 Maraming dahilan kung bakit ang pagiging mapagpakumbaba ang landas ng karunungan. Ang isa ay, gaya ng ipinakita na, sapagkat tumutulong ito upang magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa ating Maylikha. Malinaw na sinasabi ng Salita ng Diyos sa Kawikaan 16:5: “Sinumang may pusong palalo ay kasuklam-suklam kay Jehova.” Mababasa rin natin sa Kawikaan 16:18: “Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang espiritu ng pagmamataas ay nangunguna sa pagkabuwal.” Sa malao’t madali ang mga taong mapagmataas ay nakararanas ng kadalamhatian. Talagang ganiyan ang dapat mangyari dahil mababasa natin sa 1 Pedro 5:5: “Lahat kayo ay magbihis ng kababaangloob sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat ang Diyos ay sumasalansang sa mga mapagmataas, ngunit siya’y nagbibigay ng di-sana-nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.” Ang ganiyan ding punto ang makikita mo sa ilustrasyon na ibinigay ni Jesus tungkol sa Pariseo at sa maniningil ng buwis na kapuwa nananalangin. Ang mapakumbabang maniningil ng buwis ang napatunayang lalong matuwid.—Lucas 18:9-14.
9. Ano ang naitutulong ng pagpapakumbaba kung panahon ng kahirapan?
9 Ang pagpapakumbaba ang landas ng karunungan sapagkat dahil sa pagpapakumbaba ay nagiging mas madali para sa atin na sundin ang payo na nasa Santiago 4:7: “Ipasakop ninyo ang inyong sarili, samakatuwid, sa Diyos.” Kung tayo ay mapagpakumbaba, hindi tayo maghihimagsik pagka pinahihintulutan ni Jehova na magdanas tayo ng kahirapan. Ang pagpapakumbaba ay tutulong sa atin na maging kontento na sa ating kalagayan at makapagtiis. Ang isang taong palalo ay hindi kontento, laging nagnanais ng higit pa, at naghihimagsik sa gitna ng mahihirap na kalagayan. Samantala, ang taong mapagpakumbaba ay nagtitiis ng mga kahirapan at mga pagsubok, gaya ng ginawa ni Job. Naranasan ni Job ang mawalan ng lahat niyang ari-arian at dapuan ng isang makirot na karamdaman, at pati ang kaniyang asawa ay nagpayo sa kaniya na lumakad sa landas ng kapalaluan, na ang sabi: “Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” Papaano siya tumugon? Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Sinabi niya sa kaniya: ‘Nagsasalita ka na gaya ng pagsasalita ng hangal na mga babae. Tayo ba’y tatanggap lamang ng mabuti buhat sa tunay na Diyos at hindi tatanggap din ng masama?’ Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa kaniyang mga labì.” (Job 2:9, 10) Dahil si Job ay mapagpakumbaba, hindi siya naghimagsik kundi may karunungang tinanggap ang anumang pinayagan ni Jehova na sumapit sa kaniya. At sa wakas siya ay tumanggap ng saganang gantimpala.—Job 42:10-16; Santiago 5:11.
Ang Pagpapakumbaba ay Tumutulong Upang Magkaroon ng Mabuting Kaugnayan sa Iba
10. Papaano tayo tinutulungan ng pagpapakumbaba na mapasulong ang ating kaugnayan sa mga kapuwa Kristiyano?
10 Ang pagpapakumbaba ang landas ng karunungan sapagkat ito’y tumutulong upang magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa ating mga kapuwa Kristiyano. Mainam ang payo sa atin ni apostol Pablo: “Na hindi [ginagawa] ang anuman nang may pagkakampi-kampi o dahil sa pag-ibig sa sarili, kundi nang may kababaangloob na itinuturing na ang iba’y nakahihigit sa inyo, na tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.” (Filipos 2:3, 4) Ang pagpapakumbaba ang may karunungang tutulong sa atin upang huwag makipagpaligsahan sa iba o sikaping madaig ang iba. Ang ganiyang mga saloobin ay nagdudulot ng suliranin para sa atin at sa ating mga kapuwa Kristiyano.
11. Bakit tayo matutulungan ng pagpapakumbaba upang maiwasan ang mga pagkakamali?
11 Sa maraming pagkakataon, ang pagpapakumbaba ay tutulong sa atin na maiwasan ang mga pagkakamali. Sa papaano? Sapagkat dahil sa pagpapakumbaba ay hindi tayo magiging labis na mapagtiwala sa sarili. Bagkus, pahahalagahan natin ang payo ni Pablo sa 1 Corinto 10:12: “Ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal.” Ang taong mapagmataas ay lubhang mapagtiwala sa sarili, kaya siya’y malamang na magkamali dahilan sa mga bagay na nakaiimpluwensiya o sa kaniyang sariling mga kahinaan.
12. Pakikilusin tayo ng pagpapakumbaba upang maisagawa ang anong maka-Kasulatang obligasyon?
12 Ang pagpapakumbaba ay tutulong sa atin na sumunod sa kahilingan na pagpapasakop. Sa Efeso 5:21, tayo’y pinapayuhan: “Pasakop sa isa’t isa na may takot kay Kristo.” Tunay, hindi ba lahat tayo ay nangangailangang pasakop? Ang mga anak ay kailangang pasakop sa kanilang mga magulang, ang mga babae sa kani-kanilang asawa, at ang mga lalaki ay sa Kristo. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:22; 6:1) Pagkatapos, sa alinmang kongregasyong Kristiyano, lahat, pati na ang ministeryal na mga lingkod, ay kailangang pasakop sa matatanda. Hindi ba totoo rin na ang matatanda ay nagpapasakop sa uring tapat na alipin, lalo na sa mga tagapangasiwa ng sirkito bilang kinatawan nila? At pagkatapos, ang tagapangasiwa ng sirkito ay kailangang pasakop sa tagapangasiwa ng distrito, at ang tagapangasiwa ng distrito ay sa Branch Committee ng bansa na kung saan siya naglilingkod. Kumusta naman ang mga miyembro ng Branch Committee? Sila’y kailangang “pasakop sa isa’t isa” at gayundin sa Lupong Tagapamahala na kumakatawan sa uring tapat at maingat na alipin, na siya namang mananagot kay Jesus, ang nakaluklok na Hari. (Mateo 24:45-47) Tulad sa anumang lupon ng matatanda, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay kailangang gumalang sa mga punto de vista ng iba. Halimbawa, baka iniisip ng isa na siya’y may isang mainam na idea. Subalit maliban sa sapat na bilang ng iba pang mga miyembro ang sumang-ayon sa kaniyang mungkahi, kailangang huwag na siyang mabalisa tungkol sa bagay na iyon. Totoo naman, lahat tayo ay nangangailangan ng pagpapakumbaba, sapagkat lahat tayo ay napasasakop.
13, 14. (a) Sa anong natatanging kalagayan tutulungan tayo ng pagpapakumbaba? (b) Anong halimbawa ang ipinakita ni Pedro kung tungkol sa pagtanggap ng payo?
13 Lalo nang makikita na ang pagpapakumbaba ang landas ng karunungan sa bagay na dahil sa pagpapakumbaba ay mas madali para sa atin na tanggapin ang payo at disiplina. Bawat isa sa atin ay nangangailangan ng disiplina paminsan-minsan, at makabubuti sa atin na sundin ang payo sa Kawikaan 19:20: “Makinig ka sa payo at tumanggap ka ng disiplina, upang ikaw ay maging pantas sa iyong hinaharap.” Gaya ng pagkasabi, ang mga mapagpakumbaba ay hindi nasasaktan o nalulungkot pagka dinidisiplina. Isa pa, si apostol Pablo, sa Hebreo 12:4-11, ay nagpapayo sa atin tungkol sa karunungan ng mapakumbabang pagtanggap sa disiplina. Tanging sa ganitong paraan makaaasa tayo na ang ating landas sa hinaharap ay may kapantasang malakaran natin at kakamtin ang gantimpalang buhay na walang-hanggan. Anong ligayang hinaharap iyan!
14 Tungkol dito, maaari nating banggitin ang halimbawa ni apostol Pedro. Siya’y tumanggap ng mariing payo buhat kay apostol Pablo, gaya ng ating malalaman buhat sa salaysay sa Galacia 2:14: “Nang aking makita na hindi sila nagsisilakad nang matuwid ayon sa katotohanan ng mabuting balita, sinabi ko kay Cefas [Pedro] sa harapan nilang lahat: ‘Kung ikaw, bagaman isang Judio, ay namumuhay na gaya ng mga bansa, at hindi gaya ng mga Judio, ano’t iyong pinipilit ang mga tao ng mga bansa na mamuhay na gaya ng mga Judio?’ ” Nagdamdam ba si apostol Pedro? Hindi nang matagal, kung sakali man, gaya nang mauunawaan natin sa pagtukoy niya nang bandang huli sa “ating mahal na kapatid na si Pablo” sa 2 Pedro 3:15, 16.
15. Ano ang kaugnayan ng ating pagiging mapagpakumbaba at ng ating pagiging maligaya?
15 Nariyan din ang kalagayan ng pagiging nakapagsasarili, kontento. Talagang hindi tayo liligaya maliban sa tayo’y kontento sa ating buhay, sa ating mga pribilehiyo, sa ating mga pagpapala. Ang mapagpakumbabang mga Kristiyano ay may ganitong saloobin: “Kung ipinahihintulot iyon ng Diyos, makakaya ko iyon,” na siyang talagang sinasabi ni apostol Pablo, gaya ng ating mababasa sa 1 Corinto 10:13: “Hindi dumarating sa inyo ang anumang tukso kundi yaong karaniwan sa mga tao. Ngunit tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.” Kaya muli nating nauunawaan kung papaano ang pagpapakumbaba ay isang landas ng karunungan, sapagkat tinutulungan tayo na maging maligaya anuman ang kalagayan natin.
Ang Pag-ibig ay Tutulong sa Atin na Maging Mapagpakumbaba
16, 17. (a) Anong halimbawa sa Kasulatan ang nagtatampok sa pinakadakilang katangian sa pagtulong sa atin upang maging mapagpakumbaba? (b) Anong sekular na halimbawa ang nagpapakita rin ng puntong ito?
16 Higit sa anupaman, ang walang-imbot na pag-ibig, ang a·gaʹpe, ay tutulong sa atin na maging mapagpakumbaba. Bakit nakaya ni Jesus na pagtiisan nang may pagpapakumbaba ang kaniyang karanasan sa pahirapang tulos na inilalarawan ni Pablo sa mga taga-Filipos? (Filipos 2:5-8) Bakit hindi niya pinag-isipan na maging kapantay ng Diyos? Sapagkat, gaya ng sinabi niya mismo: “Iniibig ko ang Ama.” (Juan 14:31) Kaya naman sa lahat ng pagkakataon kaniyang niluwalhati at pinarangalan si Jehova, ang kaniyang makalangit na Ama. Sa gayon, sa isa pang pagkakataon ay idiniin niya na tanging ang kaniyang makalangit na Ama ang mabuti.—Lucas 18:18, 19.
17 Ipinaghahalimbawa ang puntong ito sa isang pangyayari sa buhay ng isa sa mga unang makata ng Amerika, si John Greenleaf Whittier. Ang lalaking ito ay may kasintahan nang siya’y nasa kabataan pa, at minsan sa isang paligsahan sa ispeling, nabaybay nang tama ng dalaga ang isang salita, samantalang mali ang pagkabaybay roon ni Whittier. Masamang-masama ang loob ng dalaga tungkol doon. Bakit? Gaya ng naalaala pa ng makata, sinabi ng dalaga: “Ikinalulungkot ko na nabaybay ko ang salitang iyan. Ayaw kong mahigitan ka . . . sapagkat alam mo, iniibig kita.” Oo, kung iniibig natin ang sinuman, nais natin na ang isang iyon ay nakahihigit sa atin, hindi nakabababa, sapagkat ang pag-ibig ay mapagpakumbaba.
18. Ang pagpapakumbaba ay tutulong sa atin na sundin ang anong payo ng Kasulatan?
18 Ito’y isang mabuting aral para sa lahat ng Kristiyano, lalo na sa mga kapatid na lalaki. Kung tungkol sa isang pantanging pribilehiyo ng paglilingkuran, tayo ba’y magagalak kung ang ating kapatid ang tumanggap niyaon sa halip na tayo, o tayo ba’y makadarama ng bahagyang pagkainggit at pananaghili? Kung talagang iniibig natin ang ating kapatid, ikagagalak natin na nakamtan niya ang pantanging atas na iyon o pagkilala o pribilehiyo ng paglilingkuran. Oo, dahil sa pagpapakumbaba ay magiging madali na sundin ang payo: “Sa paggalang sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Ang isa pang salin ay kababasahan: “Gumalang sa isa’t isa nang higit kaysa inyu-inyong sarili.” (New International Version) At muli, tayo ay pinapayuhan ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay maglingkuran kayo sa isa’t isa.” (Galacia 5:13) Oo, kung tayo’y may pag-ibig, magagalak tayo na maglingkod sa ating mga kapatid, magpapaalipin sa kanila, inuuna ang kanilang kapakanan at kabutihan kaysa sa ating sarili, na nangangailangan ng pagpapakumbaba. Ang pagpapakumbaba ay tutulong din sa atin upang huwag maghambog at sa gayo’y maiiwasan ang pagpukaw sa iba ng espiritu ng pagkainggit o pananaghili. Isinulat ni Pablo na ang pag-ibig ay “hindi nagyayabang, hindi nagpapalalo.” Bakit hindi? Sapagkat ang motibo sa likod ng pagyayabang at pagpapalalo ay mapag-imbot, makasarili, samantalang ang pag-ibig ang mismong buod ng kawalang pag-iimbot.—1 Corinto 13:4.
19. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na ang pagpapakumbaba at ang pag-ibig ay magkasama, kung papaano magkasama ang pagmamataas at ang pag-iimbot?
19 Ang kaugnayan ni David kay Haring Saul at sa kaniyang anak na si Jonathan ay isang kapansin-pansing halimbawa kung papaano may malapit na kaugnayan ang pag-ibig at pagpapakumbaba at kung papaano magkaugnay rin ang pagmamataas at kaimbutan. Dahilan sa mga tagumpay ni David sa digmaan, ang mga babaing Israelita ay nagsiawit: “Pinatay ni Saul ang kaniyang libu-libo, at ni David ang kaniyang laksa-laksa.” (1 Samuel 18:7) Palibhasa’y hindi mapagpakumbaba, kundi lubhang mapagmataas, mula noon ay nagkimkim si Saul ng nakamamatay na pagkapoot kay David. Ibang-iba nga ito sa espiritu ng kaniyang anak na si Jonathan! Mababasa natin na inibig ni Jonathan si David na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa. (1 Samuel 18:1) Kaya papaano tumugon si Jonathan nang, sa pagpapatuloy ng mga pangyayari, maliwanag na pinagpapala ni Jehova si David at na siya, hindi si Jonathan, ang hahalili kay Saul bilang hari ng Israel? Nainggit o nanaghili ba si Jonathan? Hindi! Dahilan sa kaniyang dakilang pag-ibig kay David, maaari nga niyang sabihin, gaya ng mababasa natin sa 1 Samuel 23:17: “Huwag kang matakot; sapagkat hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama, at ikaw mismo ay magiging hari sa Israel, at ako naman ay magiging pangalawa mo; at gayon nga ang alam ni Saul na aking ama.” Ang dakilang pag-ibig ni Jonathan kay David ang nag-udyok sa kaniya na mapakumbabang tanggapin ang sa kaniyang pagkaunawa ay siyang kalooban ng Diyos tungkol sa kung sino ang hahalili sa kaniyang ama bilang hari ng Israel.
20. Papaano ipinakita ni Jesus ang malapit na kaugnayan ng pag-ibig at pagpapakumbaba?
20 Ang isa pang nagdiriin sa kaugnayan ng pag-ibig at pagpapakumbaba ay yaong nangyari nang huling gabi na si Jesu-Kristo ay kasama ng kaniyang mga apostol bago siya namatay. Sa Juan 13:1, mababasa natin na si Jesus, “sa pagkaibig sa mga kaniya na nasa sanlibutan, ay inibig niya sila hanggang sa katapusan.” Kasunod niyan, mababasa natin, hinugasan ni Jesus ang paa ng kaniyang mga apostol, na mistulang isang hamak na utusan. Anong diing aral sa pagpapakumbaba!—Juan 13:1-11.
21. Bilang sumaryo, bakit tayo dapat na maging mapagpakumbaba?
21 Oo, may maraming dahilan upang tayo’y maging mapagpakumbaba. Matuwid, tapat na bagay ang maging mapagpakumbaba. Ito ang landas ng pananampalataya. Tumutulong ito upang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova at sa ating mga kapananampalataya. Ito ang landas ng karunungan. Higit sa lahat, ito ang landas ng pag-ibig at nagdudulot ng tunay na kaligayahan.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sa anu-anong paraan isang tulong ang pagtatapat sa pagiging mapagpakumbaba?
◻ Bakit ang pananampalataya kay Jehova ay makatutulong sa atin na maging mapagpakumbaba?
◻ Ano ang nagpapakita na ang pagiging mapagpakumbaba ang landas ng karunungan?
◻ Bakit ang pag-ibig ay lalo nang nakatutulong sa ating pagiging mapagpakumbaba?
[Larawan sa pahina 21]
Mapakumbabang nagpasakop si Job kay Jehova. Hindi niya sinunod ang payo na ‘sumpain ang Diyos at mamatay’
[Larawan sa pahina 23]
Mapakumbabang nakinig si Pedro nang siya’y payuhan ni Pablo sa harap ng marami