MUKHA
Ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “mukha” (sa Heb., pa·nehʹ; sa Gr., proʹso·pon) ay ginagamit sa iba’t ibang diwa, gaya rin ng salitang Tagalog.
Kadalasang tumutukoy ito sa literal na mukha, ang harapang bahagi ng ulo. (Gen 50:1; Mat 6:16, 17; San 1:23) Sa katulad na paraan, maaari itong tumukoy sa harapan o unahang bahagi ng anumang bagay. (Exo 26:9; 2Sa 10:9; Eze 2:9, 10, kung saan ang terminong Hebreo para sa “mukha” ay isinasaling “pinakaharap,” o “harap.”) O maaaring ang tinutukoy nito ay ang ibabaw (Isa 14:21; Job 38:30; Gaw 17:26) o panlabas na kaanyuan ng isang bagay.—Luc 12:56; San 1:11.
Saloobin o Katayuan. Ang mga ekspresyon ng mukha ng isang tao ay mahalagang palatandaan ng kaniyang saloobin at damdamin. Kaya naman ang “mukha” ay madalas gamitin upang ilarawan ang saloobin ng Diyos at ng tao sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan o upang ipahiwatig ang katayuan ng isa mula sa pangmalas ng Diyos o ng iba. Narito ang ilang malimit na paggamit:
Ang ‘paghanap sa mukha’ ay nangangahulugan ng paghiling ng pahintulot na humarap sa isa, maaaring sa Diyos o sa isang makalupang tagapamahala, anupat namamanhik ukol sa mapagbiyayang pansin o tulong. (Aw 24:6; 27:8, 9; 105:4; Kaw 29:26; Os 5:15) May kasabihan ang mga Hebreo na ‘pagtataas ng mukha ng iba,’ nangangahulugan ng ‘pagpapakita ng konsiderasyon’ sa isang iyon.—1Sa 25:35; tingnan ang KAWALANG-PAGTATANGI.
Ang ‘pagpapalambot sa mukha ng iba’ ay nagpapahiwatig ng pagpapahupa sa galit nito o pagtatamo ng kaniyang lingap at kabutihang-loob.—Exo 32:11; Aw 119:58.
Ang ‘pagpapasinag ng mukha ng isa’ sa iba ay nagpapakita ng lingap (Bil 6:25; ihambing ang Aw 80:7), at ang ‘paglalagay sa isang tao sa harap ng mukha ng isa’ ay tumutukoy sa mapagbiyayang pansin.—Aw 41:12; ihambing ang Aw 140:13.
Ang “mukhaan” ay maaaring tumukoy sa matalik na pagsasamahan o pagtatalastasan. Sa gayon, si Moises ay nagkapribilehiyo na magkaroon ng gayong malapít na kaugnayan sa Diyos at magamit nang lubusan ng Diyos anupat tinukoy siya bilang isang propeta “na nakilala ni Jehova nang mukhaan.” (Deu 34:10-12) Bagaman sinasabi na nakita ni Moises “ang kaanyuan ni Jehova” at na nakipag-usap si Jehova sa kaniya nang “bibig sa bibig,” gayunma’y hindi kailanman literal na nakita ni Moises ang mukha ni Jehova. Sa halip, gaya ng ipinakikita ng konteksto, ang saligan ng gayong pananalita ay ang pakikipag-usap ng Diyos kay Moises sa pamamagitan ng mga anghel na tagapagsalita sa hayagan at berbal na pakikipagtalastasan (sa halip na sa pamamagitan ng mga pangitain o mga panaginip). (Bil 12:6-8; Exo 33:20; Gaw 7:35, 38; Gal 3:19; ihambing ang Gen 32:24-30; Os 12:3, 4.) Ipinaalaala ni Moises sa Israel na ang Diyos ay nakipag-usap nang “mukhaan” sa kanila, yamang narinig nila ang malakas na tinig sa Sinai, bagaman hindi nila aktuwal na nakita si Jehova.—Deu 5:4; 4:11-15; Heb 12:19.
Sa kabaligtaran naman, bago naging tao si Jesus, personal niyang nakasama ang Ama, at itinawag-pansin niya na nakikita rin ng mga anghel, na mga espiritung anak ng Diyos, “ang mukha” ng Diyos, habang naglilingkod sila sa kaniyang makalangit na mga korte. (Ju 1:18; 8:57, 58; Mat 18:10; ihambing ang Luc 1:19.) Sa takdang panahon, makikita rin niyaong mga tinawag upang maging mga kasamang tagapagmana ni Kristo sa langit ang Diyos na Jehova.—1Ju 3:1-3.
Nang paghambingin ng apostol na si Pablo ang pagkaunawa ng sinaunang kongregasyong Kristiyano sa layunin ng Diyos at ang lubos na kaunawaang tatamuhin nila pagkatanggap nila ng kanilang makalangit na gantimpala, at nang maunawaan niya ang layunin ng Diyos sa kabuuan nito habang natutupad ang hula, sinabi niya: “Sapagkat sa kasalukuyan ay nakakakita tayo ng malabong anyo sa pamamagitan ng salaming metal, ngunit pagkatapos ay magiging mukhaan na.”—1Co 13:12; ihambing ang 2Co 3:18; 4:6.
Ang pagsasalita sa isa o paggawa ng anumang bagay sa kaniya “nang mukhaan” ay nagpapahiwatig ng prangka at harapang komprontasyon (Deu 7:10; Job 21:31), at sa negatibong diwa ay maaari itong magpahiwatig ng kapangahasan o kawalang-galang. (Job 1:11; Isa 65:3) Ang isang kahawig na pananalita ay ang ‘pagsaway ng mukha.’—Aw 80:16.
Ang ‘pagtutuon o paghaharap ng mukha ng isa’ ay may diwa ng pagtingin sa isang tunguhin, layunin, o pagnanais (Gen 31:21; 1Ha 2:15; 2Ha 12:17), at mayroon itong diwa ng masidhing intensiyon at determinasyon. (2Cr 20:3; Dan 11:16-19; Luc 9:51-53) ‘Itinalaga ni Daniel ang kaniyang mukha kay Jehova’ sa diwa na masikap niyang hinanap ang Diyos, anupat umaasa sa Kaniyang tulong. (Dan 9:3; ihambing ang 2Co 1:11.) Kadalasang mababanaag sa mukha ang matibay na determinasyon sa pamamagitan ng pagtitiim ng mga labi at panga, gayundin sa pagtitig. Hinggil kay Isaias, ‘ginawa niyang parang batong pingkian ang kaniyang mukha’ dahil sa kaniyang determinasyon na huwag siyang mailihis ng mga kaaway mula sa ministeryong iniatas sa kaniya. (Isa 50:7) Hinggil naman sa mapaghimagsik na mga Judeano, “ang kanilang mga mukha ay ginawa nilang matigas pa kaysa sa malaking bato” dahil sa kanilang pagmamatigas at pagtangging tumanggap ng pagtutuwid. (Jer 5:3) Sa kabilang dako, ang ‘pagtatalaga ni Jehova ng kaniyang mukha laban’ sa mga lumalabag sa kaniyang matuwid na kautusan ay nangangahulugan ng pagtatakwil at paghatol sa kanila, na humahantong sa kapahamakan o kamatayan.—Lev 17:10; 20:3-6; Jer 21:10; ihambing ang 1Pe 3:12.
Ang ‘pagkukubli ng mukha’ ay may iba’t ibang kahulugan, depende sa kalagayan. Ang pagkukubli ng Diyos na Jehova ng kaniyang mukha ay kadalasang nangangahulugan ng pagkakait ng kaniyang lingap o ng kaniyang umaalalay na kapangyarihan. Maaaring resulta ito ng pagsuway ng isang indibiduwal o ng isang kalipunan ng mga tao, gaya ng bansang Israel. (Job 34:29; Aw 30:5-8; Isa 54:8; 59:2) Sa ilang kalagayan, maaari itong mangahulugan na si Jehova ay nagpipigil na isiwalat ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagkilos o pagsagot, anupat hinihintay ang kaniyang takdang panahon. (Aw 13:1-3) Nang hilingin ni David na, “Ikubli mo ang iyong mukha mula sa aking mga kasalanan,” siya’y namamanhik sa Diyos na pagpaumanhinan o isaisantabi ang gayong mga pagsalansang.—Aw 51:9; ihambing ang Aw 10:11.
Ang pagkukubli, o pagtatakip, ng isang tao o ng isang anghel ng kaniyang mukha ay maaaring magpahayag ng kapakumbabaan o mapitagang pagkatakot at paggalang. (Exo 3:6; 1Ha 19:13; Isa 6:2) Maaari rin itong maging tanda ng pagdadalamhati. (2Sa 19:4) Sa kabaligtaran, may-kabulaanang ipinahiwatig ni Elipaz na naging mapagmataas si Job dahil sa kasaganaan nito, anupat, sa diwa, ‘tinatakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang katabaan.’ (Job 15:27) Gaya sa kalagayan ni Haman, kapag tinakpan ng iba ang mukha ng isa, maaari itong mangahulugan ng kahihiyan at posibleng pati ng kapahamakan.—Es 7:8; ihambing ang Aw 44:15; Jer 51:51.
Ang ‘pagtatalikod ng mukha’ o ‘hindi paghaharap ng mukha’ ay maaaring magpahiwatig ng mapang-insultong pagwawalang-bahala o paghamak. (2Cr 29:6; Jer 2:27; 32:33) Ipinakikita ng Diyos ang kaniyang paghamak sa mga tumatanggi sa kaniyang payo sa pamamagitan ng paghaharap sa kanila ng “likod, at hindi mukha,” sa kanilang araw ng kasakunaan.—Jer 18:17.
Ang ‘pagdura sa mukha’ ng iba ay tahasang nagpapakita ng pagdusta o panghihiya.—Bil 12:14; Deu 25:9; Isa 50:6; Mat 26:67.
Ang Persona, Pagkatao o Presensiya ng Isa. Yamang ang mukha ang pinakanatatanging bahagi ng katawan ng isang tao, anupat ipinakikilala siya nito nang higit kaysa sa alinpamang bahagi ng katawan at dito rin higit na nababanaag ang kaniyang personalidad, ang salitang “mukha” ay ginagamit kung minsan bilang metonimya para sa persona o pagkatao ng isa. Halimbawa, tingnan ang 2 Samuel 7:9; 17:11; at Gawa 3:19, kung saan ang mga pananalitang “sa harap mo” (sa pariralang “mula sa harap mo”), “iyong sariling pagkatao,” at “persona” ay nagmula sa orihinal na mga salitang Hebreo o Griego para sa “iyong mukha” o “mukha.”
Sa Hebreo, ang “tinapay na pantanghal” sa tabernakulo ay literal na tinatawag na tinapay ng mukha (Exo 25:30), samakatuwid nga, iyon ang tinapay ng presensiya ni Jehova. Idiniriin ng pananalitang ito ang kaniyang pagiging malapít sa bayan gaya ng isinasagisag sa santuwaryo.
Iba Pang mga Paggamit at mga Termino. Kung minsan, ang terminong Griego para sa “mukha” (proʹso·pon) ay tumutukoy sa “panlabas na kaanyuan” ng isang tao, dahil sa kaniyang kayamanan o karukhaan, mataas na ranggo o mababang posisyon, at iba pang katulad na mga bagay.—Mat 22:16; 2Co 5:12; Gal 2:6.
Kung minsan, ang salitang Hebreo na ʼaph (ilong; mga butas ng ilong) ay tumutukoy sa dakong nakapaligid sa ilong at sa gayon ay isinasalin bilang “mukha,” kadalasan ay may kinalaman sa pagyukod. (Gen 3:19; 19:1; 48:12) Ang Hebreong ʽaʹyin (mata) naman ay ginagamit may kaugnayan kay Jehova kapag nagpapakita siya sa kaniyang bayan nang “mukhaan” sa makasagisag na paraan.—Bil 14:14, tlb sa Rbi8.