KABANATA 9
Kumilos Siya Nang May Kaunawaan
1-3. (a) Bakit may nagbabantang panganib sa sambahayan ni Abigail? (b) Ano ang aalamin natin tungkol sa kahanga-hangang babaing ito?
KITANG-KITA ni Abigail ang pag-aalala at takot sa mga mata ng kabataang lalaki—at may dahilan naman. May nagbabantang malaking panganib. Nang pagkakataong iyon, paparating ang mga 400 mandirigma na determinadong patayin ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Nabal, ang asawa ni Abigail. Bakit kaya?
2 Dahil ito kay Nabal. Gaya ng dati, naging malupit siya at mapanlait. Pero sa pagkakataong ito, nagkamali siya ng taong ininsulto—ang minamahal na kumandante ng isang grupo ng tapat at bihasang mga mandirigma. Ngayon, isa sa mga kabataang lingkod ni Nabal, malamang na isang pastol, ang lumapit kay Abigail, anupat nagtitiwalang makakaisip ito ng paraan para iligtas sila. Pero ano naman ang magagawa ng isang babae laban sa isang grupo ng mga mandirigma?
Ano ang magagawa ng isang babae laban sa isang grupo ng mga mandirigma?
3 Kilalanin muna natin nang higit ang kahanga-hangang babaing ito. Sino si Abigail? Bakit nagkaroon ng problema? At ano ang matututuhan natin sa kaniyang pananampalataya?
“May Mabuting Kaunawaan at Maganda ang Anyo”
4. Anong uri ng tao si Nabal?
4 Hindi magkabagay sina Abigail at Nabal. Wala nang makikitang mas mahusay na asawa si Nabal, samantalang wala na yatang mas sasamâ pa sa napangasawa ni Abigail. Totoo, mayaman si Nabal. Kaya napakaimportante ng tingin niya sa kaniyang sarili. Pero ano naman ang tingin sa kaniya ng iba? Halos wala nang makikitang tauhan sa Bibliya na mas masahol pa ang paglalarawan kaysa sa kaniya. Ang mismong pangalan niya ay nangangahulugang “Hangal,” o “Mangmang.” Ito kaya ang ipinangalan sa kaniya ng kaniyang mga magulang nang ipanganak siya o naging bansag na lang ito nang bandang huli? Alinman ang totoo, bagay sa kaniya ang pangalan niya. Si Nabal ay “mabagsik at masasama ang kaniyang mga gawa.” Palibhasa’y mapang-api at lasenggo, kinatatakutan at inaayawan siya ng marami.—1 Sam. 25:2, 3, 17, 21, 25.
5, 6. (a) Ano sa palagay mo ang pinakamagagandang katangian ni Abigail? (b) Bakit kaya nagpakasal si Abigail sa gayong walang-kuwentang lalaki?
5 Ibang-iba naman si Abigail kay Nabal. Ang pangalan niya ay nangangahulugang “Nagalak ang Aking Ama.” Ipinagmamalaki ng maraming ama ang pagkakaroon ng magandang anak, pero higit ang kaligayahan ng isang matalinong ama kung mabuti ang kalooban ng kaniyang anak. Kadalasan, kapag maganda ang panlabas na anyo ng isa, hindi na niya naiisip na kailangan niyang linangin ang mga katangiang gaya ng kaunawaan, karunungan, lakas ng loob, o pananampalataya. Pero hindi ganiyan si Abigail. Pinupuri siya ng Bibliya dahil sa kaniyang kaunawaan at kagandahan.—Basahin ang 1 Samuel 25:3.
6 Malamang na magtataka ang ilan sa ngayon kung bakit ang isang babaing matalino at bata pa ay nagpakasal sa gayong walang-kuwentang lalaki. Tandaan na noong panahon ng Bibliya, marami ang ipinagkasundo lang ng kanilang mga magulang. Kung hindi man, kailangan pa rin ng pahintulot ng mga magulang. Sang-ayon ba ang mga magulang ni Abigail sa pag-aasawa nito, anupat isinaayos pa nga ito, dahil nakita nilang mayaman at prominente si Nabal? Napilitan lang kaya sila dahil sa hirap ng buhay? Anuman ang dahilan, hindi naging mabuting asawa si Nabal kahit mayaman siya.
7. (a) Ano ang dapat iwasan ng mga magulang kung gusto nilang ituro sa kanilang mga anak ang tamang pananaw sa pag-aasawa? (b) Ano ang determinadong gawin ni Abigail?
7 Masikap na itinuturo ng matatalinong magulang sa kanilang mga anak ang tamang pananaw sa pag-aasawa. Hindi nila itinutulak ang kanilang mga anak na mag-asawa dahil lang sa pera o makipag-date sa murang edad yamang hindi pa nila kayang gampanan ang mga pananagutang kaakibat ng pag-aasawa. (1 Cor. 7:36) Pero huli na para pag-isipan pa ni Abigail ang gayong mga bagay. Anuman ang dahilan, asawa na siya ni Nabal, at determinado siyang gawin ang lahat para maging maligaya ang kanilang pagsasama.
“Sinigawan Niya Sila ng mga Panlalait”
8. Sino ang ininsulto ni Nabal, at bakit masasabing mali ang ginawa niya?
8 Lalo pang pinahirap ni Nabal ang sitwasyon ni Abigail. Ang lalaking ininsulto niya ay walang iba kundi si David. Ito ang tapat na lingkod ni Jehova na pinahiran ng propetang si Samuel dahil pinili siya ng Diyos para humalili kay Saul bilang hari. (1 Sam. 16:1, 2, 11-13) Naninirahan si David sa ilang kasama ang kaniyang 600 tapat na mandirigma dahil nagtatago siya kay Haring Saul na naiinggit sa kaniya at gusto siyang patayin.
9, 10. (a) Sa anong kalagayan nagtitiis mamuhay si David at ang kaniyang mga tauhan? (b) Bakit dapat sanang pinahalagahan ni Nabal ang ginagawa ni David at ng kaniyang mga tauhan? (Tingnan din ang talababa sa parapo 10.)
9 Nakatira si Nabal sa Maon pero nagtatrabaho siya sa kalapít na bayan ng Carmel dahil malamang na may lupain siya roon.a Ang mga lugar na iyon ay nasa gitna ng matataas na lupaing pastulan na angkop para sa pag-aalaga ng tupa, at may 3,000 tupa si Nabal. Pero ang palibot nito ay ilang. Nasa timog ang malawak na ilang ng Paran. Nasa silangan naman ang tiwangwang na lupain, na maraming bangin at kuweba, patungo sa Dagat Asin. Sa mga rehiyong ito nagtitiis mamuhay si David at ang kaniyang mga tauhan, at tiyak na nangangaso sila para may makain. Madalas nilang makita ang mga kabataang lalaki na nagpapastol para sa mayamang si Nabal.
10 Paano pinakitunguhan ng masisipag na mandirigmang iyon ang mga pastol? Madali silang makapagnanakaw ng tupa para may makain sila, pero hindi nila ito ginawa. Sa halip, naging gaya sila ng pader na nagsasanggalang sa mga kawan at lingkod ni Nabal. (Basahin ang 1 Samuel 25:15, 16.) Laging napapaharap sa panganib ang mga tupa at pastol. Maraming mababangis na hayop, at napakalapit lang nito sa timugang hangganan ng Israel kaya madalas sumalakay ang mga pangkat ng mga dayuhang magnanakaw at mandarambong.b
11, 12. (a) Paano naging maingat at magalang si David sa kaniyang mensahe kay Nabal? (b) Ano ang mali sa pagtugon ni Nabal sa mensahe ni David?
11 Tiyak na hindi madaling paglaanan ng pagkain ang lahat ng lalaking iyon sa ilang. Kaya isang araw, nagsugo si David ng sampung mensahero para humingi ng tulong kay Nabal. Itinaon ni David na humingi ng tulong sa panahon ng paggugupit ng balahibo ng mga tupa dahil okasyon iyon ng pagbibigayan at pagkakasayahan. Naging maingat at magalang din si David sa kaniyang mga salita. Tinukoy pa nga niya ang kaniyang sarili na “iyong anak na si David,” marahil bilang paggalang kay Nabal na di-hamak na mas matanda sa kaniya. Paano tumugon si Nabal?—1 Sam. 25:5-8.
12 Galít na galít siya! “Sinigawan niya sila ng mga panlalait,” ang sabi kay Abigail ng kabataang lalaki na binanggit sa pasimula. Nagsisigaw si Nabal at ipinagdamot ang mahahalagang bagay na mayroon siya—tinapay, tubig, at kinatay na hayop. Minaliit niya si David at ikinumpara sa isang lingkod na naglayas. Maaaring ang pangmalas ni Nabal ay tulad ng kay Saul na napopoot kay David. Pero iba naman ang pangmalas ni Jehova. Mahal ng Diyos si David at para sa Kaniya, hindi siya isang rebeldeng alipin kundi ang magiging hari ng Israel.—1 Sam. 25:10, 11, 14.
13. (a) Ano ang unang reaksiyon ni David sa pang-iinsulto ni Nabal? (b) Ano ang itinuturo ng simulain sa Santiago 1:20 tungkol sa reaksiyon ni David?
13 Nang ikuwento kay David ng mga mensahero ang nangyari, nagpuyos siya sa galit. “Ibigkis ng bawat isa ang kaniyang tabak!” ang utos niya. Dala ang mga sandatang pandigma, isinama ni David ang 400 sa kaniyang mga tauhan para sumalakay. Sumumpa siyang lilipulin ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Nabal. (1 Sam. 25:12, 13, 21, 22) Natural lang na magalit si David, pero mali ang binabalak niyang gawin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang poot ng tao ay hindi gumagawa ukol sa katuwiran ng Diyos.” (Sant. 1:20) Paano kaya maililigtas ni Abigail ang kaniyang sambahayan?
“Pagpalain ang Iyong Katinuan”
14. (a) Ano ang unang hakbang na ginawa ni Abigail upang ituwid ang masamang ginawa ni Nabal? (b) Ano ang matututuhan natin sa pagkakaiba nina Nabal at Abigail? (Tingnan din ang talababa.)
14 Nakita natin ang unang hakbang na ginawa ni Abigail upang ituwid ang masamang ginawa ng kaniyang asawa. Di-gaya ni Nabal, handa siyang makinig. Kung tungkol sa pagbanggit ng bagay na ito kay Nabal, sinabi ng kabataang lingkod: “Napakawalang-kabuluhang tao niya upang kausapin pa siya.”c (1 Sam. 25:17) Nakalulungkot, hindi handang makinig si Nabal dahil mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili. Karaniwan din sa ngayon ang gayong pagmamataas. Pero alam ng kabataang lingkod na iba si Abigail, kaya ito ang nilapitan niya.
Di-gaya ni Nabal, handang makinig si Abigail
15, 16. (a) Paano ipinakita ni Abigail na siya ay gaya ng asawang babaing may kakayahan na inilalarawan sa aklat ng Mga Kawikaan? (b) Bakit ang ginawa ni Abigail ay hindi pagrerebelde sa pagkaulo ng kaniyang asawa?
15 Nag-isip si Abigail at kumilos agad. Mababasa natin: “Kaagad na nagmadali si Abigail.” Apat na beses na ginamit sa ulat na ito may kinalaman kay Abigail ang pandiwang “nagmadali.” Naghanda siya ng maraming regalo para kay David at sa mga tauhan nito. Kasama rito ang tinapay, alak, tupa, binusang butil, kakaning pasas, at kakaning igos. Maliwanag, alam na alam ni Abigail kung ano ang mayroon siya at siya mismo ang nag-aasikaso sa kaniyang sambahayan, gaya ng asawang babaing may kakayahan na inilarawan nang maglaon sa aklat ng Mga Kawikaan. (Kaw. 31:10-31) Ipinadala niya sa kaniyang mga lingkod ang mga pagkaing ito, saka siya sumunod. “Ngunit,” mababasa natin, “sa kaniyang asawang si Nabal ay wala siyang anumang sinabi.”—1 Sam. 25:18, 19.
16 Nangangahulugan ba ito na nagrerebelde si Abigail sa pagkaulo ng kaniyang asawa? Hindi; tandaan na kumilos nang masama si Nabal laban sa pinahirang lingkod ni Jehova, na maaaring ikamatay ng maraming inosenteng miyembro ng sambahayan ni Nabal. Kung hindi kikilos si Abigail, hindi kaya maging kabahagi rin siya sa kasalanan ng kaniyang asawa? Sa pagkakataong ito, kailangan siyang magpasakop sa Diyos sa halip na sa kaniyang asawa.
17, 18. (a) Paano lumapit si Abigail kay David, at ano ang sinabi niya? (b) Bakit nakaaantig ang sinabi ni Abigail?
17 Di-nagtagal, nakasalubong ni Abigail si David at ang mga tauhan nito. Muli siyang nagmadali, bumaba mula sa kaniyang asno at yumukod kay David. (1 Sam. 25:20, 23) Pagkatapos ay sinabi niya ang kaniyang niloloob, na nagsusumamo kay David na pagpakitaan ng awa ang kaniyang asawa at sambahayan. Bakit nakaaantig ang kaniyang sinabi?
18 Inako ni Abigail ang pagkakasala at humingi siya ng tawad kay David. Inamin niyang hangal ang kaniyang asawa gaya ng kahulugan ng pangalan nito, na marahil ay ipinahihiwatig na bababa lang ang dignidad ni David kung papatulan niya ang gayong lalaki. Sinabi niyang nagtitiwala siya kay David bilang kinatawan ni Jehova, anupat kinilalang ang ipinakikipaglaban ni David ay “mga digmaan ni Jehova.” Ipinahiwatig din niyang alam niya ang pangako ni Jehova tungkol kay David at sa kaniyang paghahari, sapagkat sinabi niya: “Tiyak na aatasan ka [ni Jehova] bilang lider sa Israel.” Bukod diyan, hinimok niya si David na huwag gumawa ng anumang magdudulot sa kaniya ng pagkakasala sa dugo o magiging “isang sanhi ng pagsuray”—malamang na tumutukoy sa isang nababagabag na budhi. (Basahin ang 1 Samuel 25:24-31.) Talagang nakaaantig na pananalita!
19. Paano tumugon si David sa sinabi ni Abigail, at bakit niya ito pinuri?
19 Paano naman tumugon si David? Tinanggap niya ang dala ni Abigail at sinabi: “Pagpalain si Jehova na Diyos ng Israel, na siyang nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako! At pagpalain ang iyong katinuan, at pagpalain ka na siyang pumigil sa akin sa araw na ito mula sa pagpasok sa pagkakasala sa dugo.” Pinuri siya ni David dahil nagmadali siya at lakas-loob na sumalubong, at inamin ni David na pinigilan siya ni Abigail na magkasala sa dugo. “Umahon kang payapa sa iyong bahay,” ang sabi niya kay Abigail, at mapagpakumbabang idinagdag: “Dininig ko ang iyong tinig.”—1 Sam. 25:32-35.
“Narito ang Iyong Aliping Babae”
20, 21. (a) Ano sa tingin mo ang kahanga-hanga sa pagbalik ni Abigail sa kaniyang asawa? (b) Paano ipinakita ni Abigail ang lakas ng loob at kaunawaan sa pagpili ng panahon upang kausapin si Nabal?
20 Pagkaalis ni Abigail, tiyak na naiisip niya ang pagkikitang iyon at ang kaibahan ng tapat at mabait na lalaking iyon sa kaniyang mabagsik na asawa. Pero hindi niya ito pinagtuunan ng pansin. Mababasa natin: “Sa kalaunan ay pumaroon si Abigail kay Nabal.” Oo, bumalik siya sa kaniyang asawa at determinadong gawin ang kaniyang buong makakaya para maging isang mabuting asawa. Kailangan niyang sabihin kay Nabal ang regalong ibinigay niya kay David at sa mga tauhan nito. Karapatan itong malaman ni Nabal. Kailangan din niyang sabihin kay Nabal ang tungkol sa panganib na naiwasan, dahil mas mapapahiya si Nabal kung sa iba pa niya ito malalaman. Pero hindi muna ngayon dahil nagpipiging siya na parang hari at lasing na lasing.—1 Sam. 25:36.
21 Muling nagpakita si Abigail ng lakas ng loob at kaunawaan. Naghintay siya hanggang kinabukasan nang hindi na lasing ang kaniyang asawa. Malinaw na ang isip nito, pero posibleng mapanganib pa rin dahil magagalitin si Nabal. Gayunpaman, lumapit si Abigail sa kaniya at ikinuwento ang buong pangyayari. Tiyak na inaasahan niyang magwawala ito sa galit, marahil ay mananakit pa nga. Pero nakaupo lang si Nabal at hindi kumikilos.—1 Sam. 25:37.
22. Ano ang nangyari kay Nabal, at ano ang matututuhan natin tungkol sa lahat ng pagmamalupit o pang-aabuso sa loob ng pamilya?
22 Ano ang nangyari kay Nabal? “Ang kaniyang puso ay namatay sa loob niya, at siya mismo ay naging parang bato.” Marahil, naistrok siya. Pero namatay siya pagkalipas ng mga sampung araw—at hindi lang dahil sa sakit. Sinasabi sa atin ng ulat: “Sinaktan ni Jehova si Nabal, anupat ito ay namatay.” (1 Sam. 25:38) Sa matuwid na hatol na iyon ng Diyos, natapos ang miserableng pag-aasawa ni Abigail. Bagaman hindi na ngayon makahimalang naglalapat ng hatol si Jehova, ang ulat na ito ay magandang paalaala na nakikita niya ang lahat ng pagmamalupit o pang-aabuso sa loob ng pamilya. Sa kaniyang takdang panahon, ilalapat niya ang katarungan.—Basahin ang Lucas 8:17.
23. Ano pa ang naging pagpapala ni Abigail, at paano niya ipinakita na hindi siya nagbago kahit na magiging asawa siya ni David?
23 Bukod sa paglaya mula sa di-maligayang pag-aasawa, may isa pang pagpapala kay Abigail. Nang mabalitaan ni David na patay na si Nabal, nagpadala siya ng mga mensahero para alukin si Abigail na maging asawa niya. “Narito ang iyong aliping babae,” ang sagot niya, “bilang alila na maghuhugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.” Maliwanag, hindi siya nagbago kahit na magiging asawa siya ni David; sinabi pa niya na handa siyang maging alipin ng mga lingkod ni David! Pagkatapos, muli nating mababasa na nagmadali siya, at sa pagkakataong ito, upang ihanda ang kaniyang sarili para magtungo kay David.—1 Sam. 25:39-42.
24. Anong mga problema ang napaharap kay Abigail sa piling ni David, ngunit ano ang naging pangmalas sa kaniya ng kaniyang asawa at ng Diyos?
24 Hindi ito nangangahulugan na wala nang magiging problema sa buhay si Abigail, dahil hindi laging magiging madali ang buhay niya sa piling ni David. Asawa na ni David si Ahinoam, at kahit pinahintulutan ng Diyos ang poligamya, tiyak na nagdulot ito ng problema sa tapat na mga babae noon. At hindi pa hari si David; may mga hadlang at problema pang mapapaharap sa kaniya bago siya maglingkod kay Jehova bilang hari. Pero habang tinutulungan at sinusuportahan ni Abigail si David sa buong buhay nito, anupat nang maglaon ay nagkaanak sila ng isang lalaki, nakita niya na pinahahalagahan at ipinagsasanggalang siya ng kaniyang asawa. Minsan nga, iniligtas pa siya ni David mula sa mga kumidnap sa kaniya! (1 Sam. 30:1-19) Sa gayon, tinularan ni David ang Diyos na Jehova, na nagmamahal at nagpapahalaga sa gayong mga babae na may kaunawaan, malakas ang loob, at tapat.
a Hindi ito ang kilaláng Bundok Carmel na nasa malayong hilaga kung saan hinarap ni propeta Elias ang mga propeta ni Baal nang maglaon. (Tingnan ang Kabanata 10.) Ang Carmel na ito ay isang bayan sa hangganan ng ilang sa timog.
b Malamang na iniisip ni David na isang paglilingkod sa Diyos na Jehova na ipagsanggalang ang mga may-ari ng lupain doon at ang kanilang mga kawan. Layunin noon ni Jehova na manirahan sa lupaing iyon ang mga inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob. Kaya ang pagsasanggalang dito mula sa mga dayuhang sumasalakay at nandarambong ay isang anyo ng sagradong paglilingkod.
c Ang pananalitang ginamit ng kabataang lingkod ay literal na nangangahulugang “anak ni belial (walang kabuluhan).” Sa ibang salin ng Bibliya, ang pangungusap na ito ay naglalarawan kay Nabal bilang isang lalaking “hindi nakikinig kaninuman” at “walang saysay na kausap.”