KABANATA 7
Siya ay “Patuloy na Lumaki sa Harap ni Jehova”
1, 2. Ano ang sitwasyon ng bayan ng Israel nang kausapin sila ni Samuel, at bakit kailangan niya silang udyukang magsisi?
PINAGMASDAN ni Samuel ang kaniyang mga kababayan na nagtipon sa Gilgal. Ipinatawag sila ng tapat na lalaking ito na naglingkod bilang propeta at hukom sa loob ng ilang dekada. Mga Mayo o Hunyo noon batay sa kalendaryo ngayon; panahon ng tag-init. Ginintuan ang kulay ng bukid dahil panahon ng pag-aani ng trigo. Tahimik ang mga tao. Paano maaabot ni Samuel ang kanilang puso?
2 Hindi nauunawaan ng bayan kung gaano kaseryoso ang sitwasyon nila. Gusto nilang magkaroon ng isang haring tao na mamamahala sa kanila. Hindi nila naiintindihan na sa paggawa nito, nagpapakita sila ng matinding kawalang-galang sa kanilang Diyos na si Jehova at sa kaniyang propeta. Para na rin nilang itinatakwil si Jehova bilang kanilang Hari! Paano kaya sila mauudyukan ni Samuel na magsisi?
Marami tayong matututuhan sa batang si Samuel kung paano mapatitibay ang pananampalataya kay Jehova sa kabila ng masasamang impluwensiya
3, 4. (a) Bakit binanggit ni Samuel ang tungkol sa kaniyang kabataan? (b) Bakit tayo makikinabang sa halimbawa ni Samuel?
3 Sinabi ni Samuel sa bayan: “Ako ay matanda na at ubanin.” Ang kaniyang ulong may uban ay nakaragdag ng bigat sa kaniyang pananalita. Idinagdag pa niya: “Lumakad ako sa harap ninyo mula pa sa aking pagkabata hanggang sa araw na ito.” (1 Sam. 11:14, 15; 12:2) Bagaman matanda na si Samuel, hindi niya nakalimutan ang kaniyang kabataan. Malinaw pa iyon sa kaniyang alaala. Ang mga pasiyang ginawa niya noon habang siya’y lumalaki ay nakatulong sa kaniya na mamuhay nang may pananampalataya at debosyon sa kaniyang Diyos, si Jehova.
4 Kinailangan ni Samuel na patibayin ang kaniyang pananampalataya dahil madalas siyang napalilibutan ng mga taong walang pananampalataya at di-tapat. Hamon din sa atin na patibayin ang ating pananampalataya dahil nabubuhay tayo sa isang daigdig na masama at walang pananampalataya. (Basahin ang Lucas 18:8.) Tingnan kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Samuel, simula sa kaniyang pagkabata.
“Naglilingkod sa Harap ni Jehova, Bilang Isang Bata”
5, 6. Bakit di-pangkaraniwan ang buhay ni Samuel noong bata siya, at bakit nakatitiyak ang mga magulang niya na pangangalagaan siya?
5 Di-pangkaraniwan ang buhay ni Samuel noong bata siya. Matapos maawat sa suso, marahil mga tatlong taon siya noon, nagsimula siyang maglingkod sa banal na tabernakulo ni Jehova sa Shilo, mahigit 30 kilometro mula sa kanilang tahanan sa Rama. Inialay siya ng kaniyang mga magulang, sina Elkana at Hana, sa pantanging uri ng paglilingkod kay Jehova—bilang isang panghabang-buhay na Nazareo.a Ibig bang sabihin, ipinamigay siya ng kaniyang mga magulang dahil hindi nila siya mahal?
6 Malayong mangyari iyan! Alam nilang ang kanilang anak ay pangangalagaan sa Shilo. Tiyak na aasikasuhin si Samuel ng mataas na saserdoteng si Eli dahil lagi niya itong kasama sa paglilingkod. May mga kababaihan din na naglilingkod sa tabernakulo sa organisadong paraan.—Ex. 38:8; Huk. 11:34-40.
7, 8. (a) Taun-taon, paano binibigyan si Samuel ng maibiging pampatibay-loob ng kaniyang mga magulang? (b) Ano ang matututuhan ng mga magulang kina Hana at Elkana?
7 Bukod diyan, hindi kailanman nakalimutan nina Hana at Elkana ang kanilang minamahal na panganay, na ang mismong pagsilang ay sagot sa panalangin ni Hana. Humiling siya sa Diyos ng isang anak na lalaki at nangakong iaalay ito sa banal na paglilingkod sa Diyos. Kapag dumadalaw sila taun-taon, dinadalhan ni Hana si Samuel ng bagong damit na walang manggas na tinahi niya para sa paglilingkod nito sa tabernakulo. Siguradong tuwang-tuwa ang munting batang ito kapag dinadalaw siya. Tiyak na malaking tulong sa kaniya ang maibiging pampatibay-loob at patnubay ng kaniyang mga magulang habang itinuturo nila sa kaniya na isang pribilehiyo ang maglingkod kay Jehova sa natatanging dakong iyon.
8 Maraming matututuhan ang mga magulang sa ngayon kina Hana at Elkana. Karaniwan nang napapabayaan ng mga magulang ang espirituwal na pangangailangan ng kanilang mga anak dahil nakapokus sila sa materyal na pangangailangan ng mga ito. Pero inuna ng mga magulang ni Samuel ang espirituwal na mga bagay, at ito ang humubog sa pagkatao ng kanilang anak habang lumalaki.—Basahin ang Kawikaan 22:6.
9, 10. (a) Ilarawan ang tabernakulo at ang nadarama ng batang si Samuel hinggil sa banal na dakong iyon. (Tingnan din ang talababa.) (b) Ano ang kabilang sa mga tungkulin ni Samuel, at paano siya matutularan ng mga kabataan ngayon?
9 Maguguniguni natin ang batang ito na lumalaki at naglilibot sa mga burol sa paligid ng Shilo. Kapag pinagmamasdan niya ang bayan at ang libis sa ibaba, malamang na tuwang-tuwa siyang makita ang tabernakulo ni Jehova. Isang banal na dako ang tabernakulong iyon.b Itinayo ito sa pangunguna mismo ni Moises halos 400 taon na ang nakalilipas, at ito ang sentro noon ng dalisay na pagsamba kay Jehova sa buong daigdig.
10 Napamahal sa batang si Samuel ang tabernakulo. Nang maglaon ay isinulat niya: “Si Samuel ay naglilingkod sa harap ni Jehova, bilang isang bata, na nabibigkisan ng isang linong epod.” (1 Sam. 2:18) Ang simpleng damit na iyon na walang manggas ay maliwanag na nagpapakitang tumutulong si Samuel sa mga saserdote sa tabernakulo. Bagaman hindi siya mula sa angkan ng mga saserdote, kabilang sa mga tungkulin ni Samuel ang pagbubukas ng pinto patungo sa looban ng tabernakulo sa umaga at pag-alalay sa may-edad nang si Eli. Nasisiyahan siya sa paglilingkod sa tabernakulo, pero nang maglaon, may bumagabag sa kaniya. May napakasamang nangyayari sa bahay ni Jehova.
Nanatiling Dalisay sa Kabila ng Kasamaan sa Paligid Niya
11, 12. (a) Ano ang ugat ng mga kasalanan nina Hopni at Pinehas? (b) Anong labis na kasamaan at katiwalian ang ginagawa nina Hopni at Pinehas sa tabernakulo? (Tingnan din ang talababa.)
11 Sa murang edad, nasaksihan ni Samuel ang labis na kasamaan at katiwalian. Si Eli ay may dalawang anak na lalaki, sina Hopni at Pinehas. Mababasa sa ulat ni Samuel: “Ang mga anak ni Eli ay mga walang-kabuluhang lalaki; hindi nila kinikilala si Jehova.” (1 Sam. 2:12) Magkaugnay ang dalawang paglalarawang ito. Sina Hopni at Pinehas ay “mga walang-kabuluhang lalaki”—sa literal, “mga anak na walang silbi”—sapagkat wala silang paggalang kay Jehova. Wala silang pagpapahalaga sa kaniyang matuwid na mga pamantayan at kahilingan. Ito ang ugat ng lahat ng iba pa nilang kasalanan.
12 Espesipikong sinasabi ng Kautusan ng Diyos ang mga tungkulin ng mga saserdote at kung paano nila ihahandog ang mga hain sa kaniyang tabernakulo. Tama lang naman! Ang mga haing iyon ay kumakatawan sa mga paglalaan ng Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan upang maging malinis ang mga tao sa kaniyang paningin, anupat karapat-dapat sa kaniyang pagpapala at patnubay. Subalit naimpluwensiyahan nina Hopni at Pinehas ang kapuwa nila mga saserdote na magpakita ng matinding kawalang-galang sa mga handog.c
13, 14. (a) Paano nakaapekto sa mga tapat ang labis na kasamaang ginagawa sa tabernakulo? (b) Paano nabigo si Eli, kapuwa bilang ama at mataas na saserdote?
13 Gunigunihin ang batang si Samuel na halos hindi makapaniwala sa nakikita niyang matitinding pag-abuso na hindi naitutuwid. Gaano karaming tao ang nakita niya—mga dukha, hamak, at naaapi—na pumupunta sa banal na tabernakulong iyon at umaasang makasumpong ng espirituwal na kaaliwan at lakas ngunit umuuwing dismayado, nasaktan, o napahiya? At ano kaya ang nadama niya nang malaman niyang nilalabag din nina Hopni at Pinehas ang mga kautusan ni Jehova hinggil sa seksuwal na moralidad, anupat sinisipingan ang ilan sa mga babaing naglilingkod sa tabernakulo? (1 Sam. 2:22) Marahil inaasahan niyang itutuwid ni Eli ang mga bagay-bagay.
Tiyak na labis na nabagabag si Samuel sa nakita niyang kasamaan ng mga anak ni Eli
14 Si Eli ang nasa pinakamainam na posisyon upang ituwid ang lumalalang problema. Bilang mataas na saserdote, pananagutan niya kung ano ang nangyayari sa tabernakulo. Bilang ama, obligasyon niyang ituwid ang kaniyang mga anak dahil ipinapahamak nila ang kanilang sarili at ang marami pang iba sa lupain. Ngunit nabigo si Eli, kapuwa bilang ama at mataas na saserdote. Bahagya lang niyang sinaway ang kaniyang mga anak. (Basahin ang 1 Samuel 2:23-25.) Pero mas matinding disiplina ang kailangan nila. Gumagawa sila ng mga kasalanang karapat-dapat sa kamatayan!
15. Anong matinding mensahe ang ipinadala ni Jehova kay Eli, at paano tumugon sa babala ang kaniyang pamilya?
15 Grabe na talaga ang sitwasyon kaya nagsugo si Jehova kay Eli ng “isang lalaki ng Diyos,” isang propetang di-pinanganlan, na may matinding mensahe ng paghatol. Sinabi ni Jehova kay Eli: “Patuloy mong pinararangalan ang iyong mga anak nang higit kaysa sa akin.” Kaya inihula ng Diyos na sabay na mamamatay ang masasamang anak ni Eli at lubhang magdurusa ang pamilya niya, anupat maiwawala pa nga nila ang pribilehiyong maglingkod bilang saserdote. Nagbago ba ang pamilyang ito dahil sa tinanggap nilang matinding babala? Ipinakikita ng ulat na hindi sila nagbago.—1 Sam. 2:27–3:1.
16. (a) Anong mga ulat ang mababasa natin tungkol sa pagsulong ng batang si Samuel? (b) Naaantig ka ba sa mga ulat na iyon? Ipaliwanag.
16 Paano nakaapekto sa batang si Samuel ang katiwaliang ito? Makikita natin sa ulat na sa kabila ng napakasamang kalagayan, patuloy na sumusulong si Samuel habang lumalaki. Alalahanin na sinasabi sa 1 Samuel 2:18 na siya ay tapat na “naglilingkod sa harap ni Jehova, bilang isang bata.” Kahit sa murang edad, pangunahin sa buhay ni Samuel ang paglilingkod sa Diyos. Sa talata 21 ng kabanata ring iyon, mababasa natin ang isang bagay na mas nakaaantig-damdamin: “Ang batang si Samuel ay patuloy na lumaki sa harap ni Jehova.” Habang lumalaki siya, lalo siyang napapalapít sa kaniyang Ama sa langit. Ang gayong malapít na kaugnayan kay Jehova ang pinakamaaasahang proteksiyon sa anumang uri ng katiwalian.
17, 18. (a) Paano matutularan si Samuel ng mga kabataang Kristiyano kapag may nakikita silang katiwalian? (b) Ano ang nagpapakitang tama ang landasing pinili ni Samuel?
17 Maaari sanang ikatuwiran ni Samuel na kung ang mataas na saserdote at ang mga anak nito ay gumagawa ng kasalanan, puwede rin niyang gawin ang anumang gusto niya. Pero hinding-hindi maidadahilan ang katiwalian ng iba, pati na ng mga may awtoridad, upang gumawa ng kasalanan. Sa ngayon, maraming kabataang Kristiyano ang tumutulad sa halimbawa ni Samuel at patuloy na ‘lumalaki sa harap ni Jehova’—sa kabila ng masamang halimbawa ng mga nasa paligid nila.
18 Ano ang resulta ng landasing pinili ni Samuel? Mababasa natin: “Samantala, ang batang si Samuel ay lumalaki at nagiging higit na kaibig-ibig kapuwa sa pangmalas ni Jehova at niyaong sa mga tao.” (1 Sam. 2:26) Kaya napamahal si Samuel sa mga tao. Mahal na mahal din siya ni Jehova dahil tapat siya. At tiyak na alam ni Samuel na kikilos ang kaniyang Diyos laban sa lahat ng kasamaang nangyayari sa Shilo, pero baka naitatanong niya kung kailan. Isang gabi, nasagot ang kaniyang tanong.
“Magsalita Ka, Sapagkat Nakikinig ang Iyong Lingkod”
19, 20. (a) Ilarawan ang nangyari kay Samuel isang gabi sa tabernakulo. (b) Paano nalaman ni Samuel kung kanino galing ang mensahe, at paano niya pinakitunguhan si Eli?
19 Mag-uumaga na pero madilim pa rin; aandap-andap ang liwanag mula sa malaking lampara sa tolda. Sa gitna ng katahimikan, narinig ni Samuel ang isang tinig na tumatawag sa kaniya. Akala niya si Eli iyon, na napakatanda na at halos hindi na makakita. Bumangon si Samuel at “tumakbo” kay Eli. Naguguniguni mo ba ang bata na nakatapak at nagmamadali patungo kay Eli upang alamin kung ano ang kailangan nito? Nakaaantig malaman na magalang at mabait makitungo si Samuel kay Eli. Sa kabila ng lahat ng kasalanan nito, si Eli pa rin ang mataas na saserdote ni Jehova.—1 Sam. 3:2-5.
20 Ginising ni Samuel si Eli at sinabi: “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” Sinabi ni Eli na hindi niya siya tinawag at pinabalik ang bata sa higaan. Pero naulit pa ito nang dalawang beses! Sa wakas, naunawaan ni Eli kung ano ang nangyayari. Bihira nang magbigay si Jehova ng pangitain o makahulang mensahe sa kaniyang bayan, at naiintindihan natin kung bakit. Ngunit alam ni Eli na muling nakikipag-usap si Jehova—ngayon ay sa batang ito! Sinabi ni Eli kay Samuel na bumalik sa higaan at tinuruan niya siya kung paano sasagot. Sumunod si Samuel. Di-nagtagal, narinig niya ang tinig na tumatawag: “Samuel, Samuel!” Ang bata ay sumagot: “Magsalita ka, sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.”—1 Sam. 3:1, 5-10.
21. Paano tayo makikinig kay Jehova ngayon, at bakit ito kapaki-pakinabang?
21 Sa wakas, may isa nang lingkod si Jehova sa Shilo na nakikinig. Iyan ang laging ginagawa ni Samuel. Ganiyan ka rin ba? Hindi na natin kailangang hintayin ang isang tinig mula sa langit na magsalita sa atin. Sa ngayon, ang tinig ng Diyos, wika nga, ay puwede nating pakinggan anumang oras. Ito ay nasa kaniyang Salita, ang Bibliya. Miyentras nakikinig tayo sa Diyos, lalong tumitibay ang ating pananampalataya, gaya ni Samuel.
22, 23. (a) Paano nagkatotoo ang mensaheng noong una’y takót si Samuel na sabihin kay Eli? (b) Paano patuloy na naging mabuti ang reputasyon ni Samuel?
22 Isang malaking pagbabago sa buhay ni Samuel ang naganap nang gabing iyon sa Shilo. Noon siya nagkaroon ng pantanging kaugnayan kay Jehova—siya ay naging propeta at tagapagsalita ng Diyos. Noong una, takót si Samuel na sabihin kay Eli ang mensahe ni Jehova dahil ito ang huling kapahayagan na magkakatotoo ang hula laban sa pamilya nito. Pero nag-ipon ng lakas ng loob si Samuel—at mapagpakumbaba namang tinanggap ni Eli ang hatol ng Diyos. Di-nagtagal, natupad ang lahat ng sinabi ni Jehova: Nakipagdigma ang Israel sa mga Filisteo, sabay na napatay sina Hopni at Pinehas, at namatay si Eli nang malamang nakuha ng mga kaaway ang sagradong Kaban ni Jehova.—1 Sam. 3:10-18; 4:1-18.
23 Sa kabila nito, patuloy na naging mabuti ang reputasyon ni Samuel bilang isang tapat na propeta. “Si Jehova ay sumasakaniya,” ang sabi ng ulat. Idinagdag pa nito na pinangyari ni Jehova na matupad ang lahat ng hula ni Samuel.—Basahin ang 1 Samuel 3:19.
“Tumawag si Samuel kay Jehova”
24. Nang maglaon, ano ang ipinasiya ng mga Israelita, at bakit ito isang malaking kasalanan?
24 Sumunod ba ang mga Israelita sa halimbawa ni Samuel at naging espirituwal at tapat na bayan? Hindi. Nang maglaon, nagpasiya silang ayaw na nila na isang propeta lamang ang hahatol sa kanila. Gusto nilang maging gaya ng ibang bansa at magkaroon ng haring tao na mamamahala sa kanila. Sa tagubilin ni Jehova, pinagbigyan sila ni Samuel. Pero kailangan niyang sabihin sa Israel kung gaano kalubha ang kanilang kasalanan. Hindi isang tao ang itinatakwil nila kundi si Jehova mismo! Kaya pinapunta niya ang bayan sa Gilgal.
25, 26. Sa Gilgal, paano natulungan ng may-edad nang si Samuel ang bayan na maunawaan kung gaano kalubha ang kanilang kasalanan kay Jehova?
25 Balikan natin ang maigting na sandaling iyon nang kausapin ni Samuel ang Israel sa Gilgal. Ipinaalaala sa kanila ng may-edad nang si Samuel ang kaniyang rekord ng katapatan. Pagkatapos, mababasa natin: “Tumawag si Samuel kay Jehova.” Humiling siya kay Jehova ng kulog at bagyo.—1 Sam. 12:17, 18.
26 Kulog at bagyo sa tag-init? Aba, hindi pa ito nangyari! Kung may mga nanunuya man o nag-aalinlangan, hindi ito nagtagal. Biglang nagdilim ang kalangitan. Hinampas ng malakas na hangin ang trigo sa bukid. Dumagundong ang nakabibinging kulog. At bumuhos ang ulan. Ano ang reaksiyon ng mga tao? “Ang buong bayan ay lubhang natakot kay Jehova at kay Samuel.” Sa wakas, naunawaan nila kung gaano kalubha ang kanilang kasalanan.—1 Sam. 12:18, 19.
27. Ano ang nadarama ni Jehova sa mga tumutulad sa pananampalataya ni Samuel?
27 Hindi si Samuel, kundi ang kaniyang Diyos na si Jehova, ang nakaabot sa kanilang mapaghimagsik na puso. Mula pagkabata hanggang sa pagtanda, nanampalataya si Samuel sa kaniyang Diyos. At ginantimpalaan siya ni Jehova. Hindi nagbabago si Jehova hanggang ngayon. Sinusuportahan pa rin niya ang mga tumutulad sa pananampalataya ni Samuel.
a Ang mga Nazareo ay nasa ilalim ng panata na hindi sila iinom ng alak, magpapagupit ng buhok, at mag-aahit ng balbas. Ang karamihan ay sumasailalim sa gayong panata sa loob lamang ng ilang panahon, pero ang ilan, gaya nina Samson, Samuel, at Juan Bautista, ay habang-buhay na mga Nazareo.
b Ang tabernakulo ay isang malaki at parihabang tolda na may balangkas na kahoy. Pero gawa ito sa pinakamaiinam na materyales—balat ng poka, telang may magagandang burda, at mamahaling kahoy na nababalutan ng pilak at ginto. Ito ay nasa isang parihabang looban na may napakagandang altar para sa mga hain. Paglipas ng panahon, nagtayo sa gilid ng tabernakulo ng iba pang mga silid para sa mga saserdote. Maaaring isa sa mga silid na iyon ang tulugan ni Samuel.
c Dalawang halimbawa ng kawalang-galang ang binabanggit sa ulat. Una, espesipikong sinasabi ng Kautusan kung alin sa mga bahagi ng handog ang puwedeng kainin ng mga saserdote. (Deut. 18:3) Subalit iba ang ginagawa ng masasamang saserdote sa tabernakulo. Inuutusan nila ang kanilang mga tagapaglingkod na basta tusukin ng tinidor ang pinakukuluang karne sa kaldero at kunin ang anumang magandang bahagi na makukuha nila! Ikalawa, kapag dinadala ng mga tao ang kanilang hain na susunugin sa altar, tinatakot ng mga tagapaglingkod ng masasamang saserdote ang naghahandog at hinihingi ang hilaw na karne bago pa man maihandog kay Jehova ang taba ng hain.—Lev. 3:3-5; 1 Sam. 2:13-17.