SAMUEL
[Pangalan ng Diyos].
Isang prominenteng propeta (Gaw 3:24; 13:20), karaniwan nang kinikilalang sumulat ng mga aklat ng Bibliya na Mga Hukom, Ruth, at isang bahagi ng Unang Samuel. (Ihambing ang 1Sa 10:25; 1Cr 29:29.) Ang kaniyang amang si Elkana ay isang Levita na mula sa di-makasaserdoteng mga Kohatita. (1Cr 6:27, 28, 33-38) Si Samuel ay nagkaroon ng tatlong tunay na kapatid na lalaki at dalawang tunay na kapatid na babae.—1Sa 2:21.
Yamang bago pa ipinaglihi ay ipinangako na siya ng kaniyang inang si Hana sa paglilingkod kay Jehova bilang isang Nazareo (1Sa 1:11), si Samuel ay dinala sa tabernakulo sa Shilo nang maawat na sa suso (marahil ay sa edad na di-kukulangin sa tatlong taon; ihambing ang 2Cr 31:16) at iniwan doon sa pangangalaga ng mataas na saserdoteng si Eli. (1Sa 1:24-28) Kaya si Samuel, na nabibigkisan ng isang linong epod, ay ‘naglingkod kay Jehova’ bilang isang bata. Taun-taon ay dinadalaw siya ng kaniyang ina at dinadalhan siya nito ng isang bagong damit na walang manggas. (1Sa 2:18, 19) Habang lumalaki siya, si Samuel ay naging “higit na kaibig-ibig kapuwa sa pangmalas ni Jehova at niyaong sa mga tao.”—1Sa 2:26.
Naging Propeta sa Murang Edad. Sa gabi ay natutulog si Samuel sa “templo ni Jehova, na kinaroroonan ng kaban ng Diyos,” at lumilitaw na ang kaniyang unang atas sa umaga ay ang buksan ang “mga pinto ng bahay ni Jehova.” (1Sa 3:3, 15) Maliwanag na ang mga salitang “kinaroroonan ng kaban ng Diyos” ay kumakapit sa lugar ng tabernakulo at hindi dapat unawain na nangangahulugang natutulog si Samuel sa Kabanal-banalan. Bilang isang di-makasaserdoteng Kohatitang Levita ay wala siyang karapatang makita ang Kaban o ang alinman sa iba pang sagradong kasangkapan sa loob ng santuwaryo. (Bil 4:17-20) Ang tanging bahagi ng bahay ni Jehova na maparoroonan ni Samuel ay ang looban ng tabernakulo. Samakatuwid, malamang na binubuksan niya ang mga pinto na patungo sa looban, at malamang na doon siya natutulog. Noong panahong ang tabernakulo ay nakapirme sa Shilo, malamang na may iba’t ibang istrakturang itinayo, at maaaring isa sa mga ito ang nagsilbing dakong tulugan ni Samuel.
Isang gabi, nang nagpapahinga na, nakarinig si Samuel ng isang tinig na tumatawag sa kaniya sa pangalan. Sa pag-aakalang ang nagsasalita ay ang mataas na saserdoteng si Eli, tumakbo siya at lumapit dito. Matapos itong mangyari nang tatlong ulit, napag-unawa ni Eli na si Jehova ang tumatawag kay Samuel at tinagubilinan siya ni Eli alinsunod dito. Nang magkagayon ay ipinaalam ni Jehova kay Samuel ang kaniyang kahatulan laban sa sambahayan ni Eli. Palibhasa’y natatakot, hindi nagkusang-loob si Samuel na sabihin ang anumang impormasyon may kinalaman sa salita ni Jehova hanggang sa hilingin ni Eli na sabihin niya iyon. Sa gayon ay nagsimula ang gawaing panghuhula ni Samuel, at nang maglaon ay nabatid ng buong Israel na talagang siya ay propeta ni Jehova.—1Sa 3:2-21.
Nanguna sa Israel sa Tunay na Pagsamba. Pagkalipas ng mahigit na 20 taon, sa payo ni Samuel, iniwan ng mga Israelita ang idolatrosong pagsamba at nagsimulang maglingkod kay Jehova lamang. Pagkatapos nito, tinipon ni Samuel ang mga Israelita sa Mizpa. Sinamantala ng mga Filisteo ang situwasyon at sumalakay. Dahil sa takot, hiniling ng mga anak ni Israel kay Samuel na humingi ng saklolo kay Jehova. Ginawa niya iyon at naghandog din siya ng isang korderong pasusuhin bilang hain. (1Sa 7:2-9) Sabihin pa, bilang isang di-makasaserdoteng Kohatitang Levita, hindi awtorisado si Samuel na manungkulan sa altar ng santuwaryo (Bil 18:2, 3, 6, 7), at walang ulat na ginawa niya iyon kailanman. Gayunman, bilang kinatawan at propeta ni Jehova, maaari siyang maghain sa iba pang mga dako bilang pagsunod sa utos ng Diyos, gaya ng ginawa ni Gideon (Huk 6:25-28) at ni Elias. (1Ha 18:36-38) Sinagot ni Jehova ang panalangin ni Samuel, anupat nilito ang mga Filisteo at sa gayon ay pinangyaring matamo ng mga Israelita ang isang mahalagang tagumpay. Bilang paggunita nito, naglagay si Samuel ng isang bato sa pagitan ng Mizpa at Jesana at tinawag itong Ebenezer (nangangahulugang “Bato ng Pagtulong”). (1Sa 7:10-12) Walang alinlangang mula sa mga nasamsam dito at sa iba pang mga digmaan, nagbukod si Samuel ng mga bagay bilang banal para sa pagmamantini ng tabernakulo.—1Cr 26:27, 28.
Ang mga araw ni Samuel ay nagdulot ng iba pang mga kahirapan para sa mga Filisteo (1Sa 7:13, 14) at napatunayang isang yugto na kinakitaan ng namumukod-tanging mga pagdiriwang ng Paskuwa. (2Cr 35:18) Waring gumawa rin si Samuel ng ilang kaayusan para sa mga Levitang bantay ng pintuang-daan, at maaaring ang kaayusan niyang ito ang nagsilbing saligan para sa pagkakaorganisa na ipinatupad ni David. (1Cr 9:22) Mula sa kaniyang tahanan sa Rama sa bulubunduking pook ng Efraim, taunan ding inikot ni Samuel ang Bethel, Gilgal, at Mizpa, anupat humatol sa Israel sa lahat ng mga dakong ito. (1Sa 7:15-17) Hindi niya inabuso kailanman ang kaniyang posisyon. Ang kaniyang rekord ay walang kapintasan. (1Sa 12:2-5) Ngunit binaluktot ng kaniyang mga anak, nina Joel at Abias, ang katarungan.—1Sa 8:2, 3.
Pinahiran si Saul Bilang Hari. Ang kawalang-katapatan ng mga anak ni Samuel, lakip ang banta ng pakikipagdigma sa mga Ammonita, ay nag-udyok sa matatandang lalaki ng Israel na hilinging mag-atas si Samuel ng isang hari sa kanila. (1Sa 8:4, 5; 12:12) Ang sagot ni Jehova sa panalangin ni Samuel may kinalaman dito ay na, bagaman ang kahilingan ng bayan ay nagpapakita ng kawalan ng pananampalataya sa pagkahari ni Jehova, gayunpaman, dapat na pagbigyan ito ng propeta at payuhan sila kung ano ang nasasangkot sa kaukulang nararapat sa hari. Bagaman sinabihan ni Samuel na ang monarkiya ay magdudulot ng pagkawala ng ilang kalayaan, nagpumilit pa rin ang bayan na magkaroon ng isang hari. Matapos na paalisin ni Samuel ang mga tao ng Israel, pinatnubayan ni Jehova ang mga bagay-bagay upang mapahiran ni Samuel ang Benjamitang si Saul bilang hari. (1Sa 8:6–10:1) Pagkatapos nito, isinaayos ni Samuel na magtipon ang mga Israelita sa Mizpa, at doon ay itinalaga si Saul bilang hari sa pamamagitan ng palabunutan. (1Sa 10:17-24) Muling nagsalita si Samuel tungkol sa kaukulang nararapat sa pagkahari, at gumawa rin siya ng isang nakasulat na rekord nito.—1Sa 10:25.
Pagkatapos ng tagumpay ni Saul laban sa mga Ammonita, tinagubilinan ni Samuel ang mga Israelita na pumaroon sa Gilgal upang muling pagtibayin ang pagkahari nito. Sa okasyong iyon, sinariwa ni Samuel sa kanilang alaala ang kaniyang sariling rekord, gayundin ang nakalipas na kasaysayan ng Israel, at ipinakita na ang pagkamasunurin kay Jehova ng hari at ng bayan ay kailangan upang mapanatili ang pagsang-ayon ng Diyos. Upang idiin sa kanila ang kalubhaan ng pagtatakwil kay Jehova bilang Hari, ipinanalangin ni Samuel ang isang di-napapanahong makulog na bagyo. Ang pagsagot ni Jehova sa pagsusumamong iyon ay nag-udyok sa bayan na kilalanin ang kanilang malubhang pagsalansang.—1Sa 11:14–12:25.
Sa dalawang pagkakataon pagkatapos nito ay kinailangang sawayin ni Samuel si Saul dahil sa pagsuway sa utos ng Diyos. Sa naunang pagkakataon, ipinatalastas ni Samuel na ang paghahari ni Saul ay hindi mamamalagi sapagkat may-kapangahasan itong naghain sa halip na maghintay gaya ng iniutos sa kaniya. (1Sa 13:10-14) Ang pagtatakwil ni Jehova mismo kay Saul bilang hari ang ikalawang mensahe ng paghatol na inihatid ni Samuel kay Saul dahil sumuway ito at pinanatiling buháy si Haring Agag at ang pinakamainam ng kawan at bakahan ng mga Amalekita. Bilang tugon sa pakiusap ni Saul, humarap si Samuel na kasama nito sa matatandang lalaki ng Israel at sa bayan. Pagkatapos ay iniutos ni Samuel na dalhin sa kaniya si Agag at nang magkagayon ay “pinagtataga [ito] sa harap ni Jehova sa Gilgal.”—1Sa 15:10-33.
Pinahiran si David. Nang maghiwalay ang dalawang lalaki, hindi na sila nagkaroon ng anumang ugnayan. Gayunman, si Samuel ay nagdalamhati para kay Saul. Ngunit pinatigil ng Diyos na Jehova ang kaniyang pagdadalamhati, anupat inatasan siyang pumaroon sa Betlehem upang pahiran ang isa sa mga anak ni Jesse bilang hari ng Israel sa hinaharap. Upang maiwasan ang anumang paghihinala ni Saul na maaaring maging dahilan ng pagkamatay ni Samuel, iniutos ni Jehova na magdala si Samuel ng isang baka para sa paghahain. Marahil ay natakot na baka kaya pumaroon si Samuel ay upang maglapat ng saway o parusa sa isang nagawang kasamaan, ang matatandang lalaki ng Betlehem ay nanginig. Ngunit tiniyak niya sa kanila na ang kaniyang pagparoon ay nangangahulugan ng kapayapaan at pagkatapos ay isinaayos niya na si Jesse at ang mga anak nito ay makisalo sa isang kainan ukol sa paghahain. Palibhasa’y humanga sa anyo ng panganay ni Jesse na si Eliab, inisip ni Samuel na tiyak na ang anak na ito ang pinili ni Jehova para sa pagkahari. Ngunit hindi si Eliab ni ang sinuman sa anim na iba pang anak ni Jesse na naroroon ang pinili ni Jehova. Kaya naman, dahil sa pagpupumilit ni Samuel, ang bunsong anak, si David, ay tinawag mula sa pagpapastol ng mga tupa, at nang magkagayon, sa utos ni Jehova, pinahiran ni Samuel si David sa gitna ng mga kapatid nito.—1Sa 15:34–16:13.
Nang dakong huli, pagkatapos na pagtangkaan ni Haring Saul nang ilang ulit ang kaniyang buhay, tumakas si David patungo kay Samuel sa Rama. Sa gayon ay pumaroon sa Naiot ang dalawang lalaki, at nanatili roon si David hanggang sa personal siyang hanapin ni Saul. (1Sa 19:18–20:1) Noong panahong hindi pa makakilos si David dahil kay Saul, “namatay si Samuel; at ang buong Israel ay nagtipon at hinagulhulan siya at inilibing siya sa kaniyang bahay sa Rama.” (1Sa 25:1) Sa gayon ay namatay si Samuel bilang isang sinang-ayunang lingkod ng Diyos na Jehova pagkatapos ng buong buhay na tapat na paglilingkod. (Aw 99:6; Jer 15:1; Heb 11:32) Siya ay nagpakita ng pagtitiyaga sa pagtupad sa kaniyang atas (1Sa 16:6, 11), debosyon sa tunay na pagsamba (1Sa 7:3-6), pagkamatapat sa kaniyang mga pakikitungo (1Sa 12:3), at lakas ng loob at katatagan sa pagpapahayag at pagtataguyod ng mga kahatulan at mga pasiya ni Jehova (1Sa 10:24; 13:13; 15:32, 33).
May kinalaman sa ulat hinggil sa kahilingan ni Saul na iahon si Samuel ng espiritista sa En-dor para sa kaniya, tingnan ang SAUL Blg. 1.