HADADEZER
[Si Hadad ay Isang Katulong].
Anak ni Rehob at hari ng Zoba, isang kahariang Siryano (Arameano) na ipinapalagay na nasa H ng Damasco (2Sa 8:3, 5; 1Ha 11:23; 1Cr 18:3, 5) at kinabibilangan ng mga basalyo. (2Sa 10:19) Bago talunin ni Haring David, si Hadadezer ay nakipagdigma laban kay Toi (Tou) na hari ng Hamat.—2Sa 8:9, 10; 1Cr 18:9, 10.
Nang matalo ang mga Siryano na inupahan ng mga Ammonita upang makipaglaban kay David, pinatibay ni Hadadezer ang kaniyang mga hukbo sa pamamagitan ng pangangalap ng karagdagang mga Siryano mula sa pook ng Eufrates. (2Sa 10:6, 15, 16; 1Cr 19:16) Maaaring ito ang ipinahihiwatig sa 2 Samuel 8:3 (ihambing ang 1Cr 18:3), kung saan waring tinutukoy ang paghahangad ni Hadadezer na muling ibalik ang kaniyang kontrol sa ilog ng Eufrates. Tungkol sa bagay na ito, ipinakikita ng Commentary ni Cook na sa Hebreo, ang literal na kahulugan ay “pangyarihin ang kaniyang kamay na bumalik” at sinasabi: “Ang eksaktong puwersa ng metapora ay dapat na. . . pagpasiyahan ayon sa konteksto. Kung ang talatang ito, na mas malamang nga, ay kaugnay ng mga pangyayaring higit na idinetalye [sa 2Sa 10:15-19], ang kahulugan dito ng parirala ay noong panibaguhin niya (ni Hadadezer) ang kaniyang pagsalakay (sa Israel), o upang mangalap ng kaniyang puwersa laban sa Israel, sa may ilog ng Eufrates.”
Sa Helam, nakasagupa ng mga hukbo ni Hadadezer sa ilalim ng pangunguna ni Sobac (Sopac) yaong kay David at natalo sila. Kaagad pagkatapos nito, nakipagpayapaan sa Israel ang mga basalyo ni Hadadezer. (2Sa 10:17-19; 1Cr 19:17-19) Sa labanan, 40,000 Siryanong mangangabayo ang napatay. Marahil upang makatakas habang dumaraan sa baku-bakong kalupaan, ang mga mangangabayong ito ay bumaba mula sa kanilang mga kabayo at napatay habang naglalakad. Maaaring ito ang dahilan kung bakit sila tinawag na mga “mangangabayo” sa 2 Samuel 10:18 at mga “lalaking naglalakad” sa 1 Cronica 19:18. Ang pagkakaiba sa bilang ng mga Siryanong tagapagpatakbo ng karo na napatay sa pagbabaka ay kadalasang ipinapalagay na isang pagkakamali ng eskriba, anupat ang mas mababang bilang na 700 tagapagpatakbo ng karo ang itinuturing na tama.
Si David ay kumuha rin ng napakaraming tanso mula sa Beta (lumilitaw na tinawag ring Tibhat) at Berotai (marahil ay ang Cun din), dalawang lunsod sa kaharian ni Hadadezer, at dinala ang mga gintong kalasag na pag-aari ng mga lingkod ni Hadadezer, malamang na ang mga basalyong hari, sa Jerusalem. (2Sa 8:7, 8; 1Cr 18:7, 8; ihambing ang 2Sa 10:19.) Nabihag din ni David ang marami sa mga kabayo, mga mangangabayo, mga karo at mga lalaking naglalakad ni Hadadezer. Ang pagkakaiba-iba ng mga bilang ng mga ito sa 2 Samuel 8:4 at 1 Cronica 18:4 ay maaaring dahil sa pagkakamali ng eskriba. Sa Griegong Septuagint, ang dalawang talata ay nagsasabing 1,000 karo at 7,000 mangangabayo ang nabihag, kung kaya marahil ang 1 Cronica 18:4 ang nakapag-ingat ng orihinal na bersiyon.
Gayunman, mapapansin na ang karaniwang itinuturing na mga pagkakamali ng eskriba sa ulat ng pakikibaka ni David kay Hadadezer ay maaaring nagpapaaninaw lamang ng ibang mga aspekto ng digmaan o naiibang mga paraan ng pagtutuos.