Maglingkod sa Diyos ng Kalayaan
“Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.”—1 JUAN 5:3.
1. Paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kalayaan? Paano niya ipinakita iyan sa pakikitungo niya kina Adan at Eva?
SI Jehova lamang ang may ganap na kalayaan. Pero lagi niya itong ginagamit sa tamang paraan. Hindi niya kinokontrol ang kaliit-liitang bagay na ginagawa ng kaniyang mga lingkod. Sa halip, binigyan niya sila ng kalayaang magpasiya at masapatan ang kanilang wastong pagnanais. Halimbawa, iisang utos lang ang ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva—na huwag silang kumain mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Gen. 2:17) Kaya naman maisasagawa nila ang kalooban ng Diyos taglay ang kahanga-hangang kalayaan!
2. Paano naiwala nina Adan at Eva ang kanilang bigay-Diyos na kalayaan?
2 Bakit binigyan ng Diyos sina Adan at Eva ng gayong kalayaan? Nilalang niya sila ayon sa kaniyang larawan at binigyan sila ng budhi. Kaya naman umaasa siya na gagawin nila ang tama dahil mahal nila siya bilang kanilang Maylalang. (Gen. 1:27; Roma 2:15) Pero hindi pinahalagahan nina Adan at Eva ang kanilang Maylalang at ang kalayaang ibinigay niya sa kanila. Sa halip, pinili nila ang kalayaang inialok ni Satanas, at sila mismo ang nagpasiya kung ano ang tama at mali. Inakala nila na magkakaroon sila ng higit na kalayaan, pero sa kabaligtaran, sila at ang mga inapo nila ay naging alipin ng kasalanan, na nagdulot ng pagdurusa at kamatayan.—Roma 5:12.
3, 4. Ano ang gusto ni Satanas na isipin natin tungkol sa mga pamantayan ni Jehova?
3 Kung nahikayat ni Satanas ang dalawang sakdal na tao—pati na ang maraming espiritung nilalang—na talikuran ang soberanya ng Diyos, magagawa rin niya iyan sa atin. Hindi nagbabago ang mga taktika niya. Gusto niya tayong papaniwalain na pabigat ang mga pamantayan ng Diyos at hindi tayo magiging masaya kung susundin natin ang mga ito. (1 Juan 5:3) Ganiyan ang kaisipan ng mga tao sa sanlibutan, at madali tayong mahahawa kung madalas natin silang kasama. “Naimpluwensiyahan ako ng masasamang kasama dahil takót akong mapaiba sa aking mga kaibigan,” ang sabi ng isang 24-anyos na sister na nagkasala ng imoralidad. Marahil naranasan mo na rin kung gaano kalakas ang panggigipit ng iyong mga kasamahan.
4 Nakalulungkot, kahit ang ilan sa loob ng kongregasyong Kristiyano ay maaaring maging masamang impluwensiya. “May kilala akong mga kabataang nakikipagligawan sa mga di-kapananampalataya,” ang sabi ng isang kabataang Saksi. “Dahil sa madalas na pakikisama sa kanila, napansin kong nahahawa na ako sa kanila. Nanghina ako sa espirituwal. Hindi na ako nasisiyahan sa mga pulong, at halos hindi na lumalabas sa larangan. Natauhan ako at naisip kong kailangan ko nang humiwalay sa kanila, at ganiyan nga ang ginawa ko!” Nakikita mo ba kung gaano kalakas ang impluwensiya sa iyo ng mga kaibigan mo? Pag-usapan natin ang isang halimbawa sa Bibliya.—Roma 15:4.
NINAKAW NIYA ANG KANILANG PUSO
5, 6. Paano nadaya ni Absalom ang iba? Nagtagumpay ba ang kaniyang pakana?
5 Sa Bibliya, maraming halimbawa ng mga tao na naging masamang impluwensiya sa iba. Ang isa sa mga ito ay si Absalom na anak ni Haring David. Napakagandang lalaki ni Absalom. Pero gaya ni Satanas, nagpadaig siya sa sakim na ambisyon. Gusto niyang mapasakaniya ang trono ng kaniyang ama kahit wala naman siyang karapatan dito.a Para maagaw ang pagkahari, pinapaniwala niya ang kaniyang mga kapuwa Israelita na gusto niya silang tulungan at na walang malasakit sa kanila ang hari. Tulad ng Diyablo sa hardin ng Eden, nagpanggap si Absalom na nagmamalasakit siya sa taong-bayan at kasabay nito’y siniraang-puri ang kaniyang sariling ama.—2 Sam. 15:1-5.
6 Nagtagumpay ba ang pakana ni Absalom? Alam nating bahagya itong nagtagumpay dahil sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na ninanakaw ni Absalom ang mga puso ng mga tao sa Israel.” (2 Sam. 15:6) Pero ang pagmamapuri ni Absalom ay nauwi sa kaniyang kapahamakan. Ito rin ang naging sanhi ng kamatayan niya at ng libu-libong nadaya niya.—2 Sam. 18:7, 14-17.
7. Ano ang matututuhan natin sa ulat tungkol kay Absalom? (Tingnan ang larawan sa pahina 14.)
7 Bakit madaling nadaya ni Absalom ang mga Israelitang iyon? Marahil ninasa nila ang mga bagay na ipinangako niya sa kanila. O baka naman nadala sila ng kaniyang kakisigan. Anuman ang dahilan, ito ang tiyak: Hindi sila matapat kay Jehova at sa kaniyang hinirang na hari. Sa ngayon, ginagamit ni Satanas ang mga “Absalom” para nakawin ang puso ng mga lingkod ni Jehova. Baka sabihin nila, ‘Napakahigpit ng mga pamantayan ni Jehova. Pero tingnan mo ang mga hindi naglilingkod sa kaniya. Ang saya-saya nila!’ Tatanggihan mo ba ang ganiyang kasuklam-suklam na mga kasinungalingan at mananatiling tapat sa Diyos? Kikilalanin mo ba na tanging ang “sakdal na kautusan” ni Jehova, ang kautusan ng Kristo, ang aakay sa iyo sa tunay na kalayaan? (Sant. 1:25) Kung gayon, pahalagahan mo ang kautusang iyan at gamitin ang iyong kalayaan sa paraang nakalulugod kay Jehova.—Basahin ang 1 Pedro 2:16.
8. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na hindi magdudulot ng kaligayahan ang pagsuway sa mga pamantayan ni Jehova?
8 Tinatarget ni Satanas lalo na ang mga kabataan. Ganito ang sabi ng isang brother na ngayon ay mahigit nang 30 anyos, tungkol sa kaniyang kabataan: “Itinuring kong paghihigpit, at hindi proteksiyon, ang mga pamantayang moral ni Jehova.” Dahil dito, nagkasala siya ng imoralidad. Pero hindi siya naging masaya. “Maraming taon akong inuusig ng budhi ko at sising-sisi ako,” ang sabi niya. Ganito naman ang isinulat ng isang sister tungkol sa kaniyang kabataan: “Nang magkasala ako ng imoralidad, nanlumo ako at pakiramdam ko’y wala na akong silbi. Kahit 19 na taon na ang lumipas, nagbabalik pa rin ang masasamang alaala.” Isa pang sister ang nagsabi: “Labis akong nahihirapan sa mental, espirituwal, at emosyonal na paraan kapag naiisip ko ang sakit na naidulot ng aking paggawi sa mga taong mahal na mahal ko. Napakahirap mabuhay kung wala ang pagsang-ayon ni Jehova.” Ayaw ni Satanas na pag-isipan mo ang mga kahihinatnan ng kasalanan.
9. (a) Anu-ano ang dapat nating itanong sa sarili tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga batas at simulain? (b) Bakit napakahalaga na kilalang-kilala natin ang Diyos?
9 Ipinakikita ng mga halimbawang ito ang masasaklap na bunga ng pagsuway sa Diyos. Nakalulungkot na maraming kabataan—at maging mga may-edad na—ang kailangan pang magdusa para matutuhan iyan! (Gal. 6:7, 8) Kaya tanungin ang sarili: ‘Nakikilala ko ba ang mga pandarayang ginagamit ni Satanas? Itinuturing ko ba si Jehova bilang pinakamalapít kong Kaibigan, na laging nagsasabi ng totoo at naghahangad na mapabuti ako? Talaga bang kumbinsido ako na hinding-hindi niya ipagkakait sa akin ang anumang bagay na mabuti at magpapaligaya sa akin?’ (Basahin ang Isaias 48:17, 18.) Para makasagot ka ng oo sa mga tanong na ito, dapat ay kilalang-kilala mo si Jehova. Kailangang kilalanin mo na ang mga batas at simulain sa Bibliya ay katibayan na mahal ka ni Jehova, at hindi ka niya nais alisan ng kalayaan.—Awit 25:14.
MANALANGIN UKOL SA ISANG MARUNONG AT MASUNURING PUSO
10. Bakit natin dapat tularan ang kabataang si Haring Solomon?
10 Noong kabataan pa si Solomon, nanalangin siya kay Jehova: “Ako ay isang munting bata lamang. Hindi ko alam kung paano lumabas at kung paano pumasok.” Pagkatapos ay humiling siya ng isang marunong at masunuring puso. (1 Hari 3:7-9, 12) Sinagot ni Jehova ang taimtim na kahilingang iyan, at gagawin din niya iyan para sa iyo, bata ka man o matanda. Siyempre pa, hindi ka naman makahimalang bibigyan ni Jehova ng kaunawaan at karunungan. Pero bibigyan ka niya ng karunungan kung masikap mong pag-aaralan ang kaniyang Salita, mananalangin ukol sa banal na espiritu, at sasamantalahin ang espirituwal na paglalaang makukuha sa kongregasyong Kristiyano. (Sant. 1:5) Sa pamamagitan ng mga ito, ang mga kabataang lingkod ni Jehova ay nagiging mas marunong kaysa sa lahat ng nagwawalang-bahala sa kaniyang payo, pati na sa “marurunong at matatalino” sa sanlibutang ito.—Luc. 10:21; basahin ang Awit 119:98-100.
11-13. (a) Anong mahahalagang aral ang mapupulot natin sa Awit 26:4, Kawikaan 13:20, at 1 Corinto 15:33? (b) Paano mo maikakapit ang mga simulaing ito?
11 Mahalaga ang pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay rito para makilala natin nang lubos si Jehova. Bigyang-pansin ang sumusunod na mga teksto na may mahalagang aral tungkol sa pagpili ng mga kaibigan: “Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan; at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari.” (Awit 26:4) “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kaw. 13:20) “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Cor. 15:33.
12 Anong mahahalagang aral ang mapupulot natin sa mga tekstong ito? (1) Gusto ni Jehova na maging mapamili tayo sa ating mga kasama. Nais niya tayong protektahan sa moral at espirituwal na paraan. (2) Ang ating mga kaibigan ay nakaiimpluwensiya sa atin, sa ikabubuti o ikasasama; iyan ang katotohanan. Makikita sa mga tekstong nabanggit na sinisikap ni Jehova na abutin ang ating puso. Paano? Pansinin na ang mga tekstong ito ay hindi mga utos, gaya ng “huwag kang . . . ” Sa halip, ang mga ito ay inihaharap bilang mga simpleng katotohanan. Sa wari ay sinasabi sa atin ni Jehova: ‘Ito ang totoo. Ano ang gagawin mo? Ano ang nasa puso mo?’
13 At dahil ang tatlong tekstong ito ay iniharap bilang mga saligang katotohanan, ang mga ito ay kapit sa lahat ng panahon at sa maraming sitwasyon. Halimbawa, tanungin ang sarili: Paano ko maiiwasan ang “mga mapagpakunwari”? Sa anu-anong sitwasyon ko sila maaaring makahalubilo? (Kaw. 3:32; 6:12) Sino ang “marurunong” na gusto ni Jehova na maging kaibigan ko? Sino ang “mga hangal” na gusto niyang iwasan ko? (Awit 111:10; 112:1; Kaw. 1:7) Anong “kapaki-pakinabang na mga ugali” ko ang sisirain ng masasamang kasama? Sa sanlibutan lang ba may masasamang kasama? (2 Ped. 2:1-3) Ano ang sagot mo sa mga tanong na ito?
14. Paano ninyo mapasusulong ang gabi ng inyong Pampamilyang Pagsamba?
14 Suriin din sa ganitong paraan ang ilang teksto na nagsisiwalat ng pangmalas ng Diyos sa mga bagay na mahalaga sa iyo at sa iyong pamilya.b Mga magulang, bakit hindi talakayin ang ganitong mga paksa sa gabi ng inyong Pampamilyang Pagsamba? Habang ginagawa ito, tandaan na ang tunguhin ninyo ay tulungan ang bawat miyembro ng pamilya na pahalagahan ang pag-ibig ng Diyos na masasalamin sa kaniyang mga batas at simulain. (Awit 119:72) Patitibayin ng ganitong pag-aaral ang inyong kaugnayan kay Jehova at sa isa’t isa.
15. Paano mo malalaman kung talagang nililinang mo ang marunong at masunuring puso?
15 Paano mo malalaman kung talagang nililinang mo ang marunong at masunuring puso? Ang isang paraan ay ang paghahambing ng pag-iisip mo sa kaisipan ng sinaunang tapat na mga lingkod ng Diyos, gaya ni Haring David. Sumulat siya: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” (Awit 40:8) Sinabi rin ng manunulat ng Awit 119: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.” (Awit 119:97) Hindi basta-basta tumutubo ang pag-ibig na ito. Resulta ito ng masinsinang pag-aaral, pananalangin, pagbubulay-bulay, at karanasan. Lumalago rin ang pag-ibig na ito habang nakikita ng isa ang resulta ng pagkakapit niya ng mga pamantayan ng Diyos sa kaniyang buhay.—Awit 34:8.
IPAGLABAN ANG IYONG KALAYAANG KRISTIYANO!
16. Ano ang dapat nating tandaan para magwagi sa ating pakikipagbaka para sa tunay na kalayaan?
16 Sa kasaysayan, napakaraming digmaan ang ipinakipaglaban sa ngalan ng kalayaan. Hindi ba lalo mong dapat ipakipaglaban ang iyong kalayaang Kristiyano? Tandaan na hindi lang si Satanas, ang sanlibutan, at ang nakalalasong espiritu nito ang mga kalaban mo. Kailangan mo ring makipagbaka sa iyong di-kasakdalan, pati na sa iyong mapandayang puso. (Jer. 17:9; Efe. 2:3) Pero maaari kang magwagi sa tulong ni Jehova. Ang bawat tagumpay—maliit man o malaki—ay may dalawang magandang resulta. Una, mapasasaya mo ang puso ni Jehova. (Kaw. 27:11) Ikalawa, habang nararanasan mo ang kapangyarihan ng “sakdal na kautusan [ng Diyos] na nauukol sa kalayaan,” lalo kang magiging determinado na manatili sa ‘makipot na daang’ patungo sa buhay na walang hanggan. Sa hinaharap, mararanasan mo ang mas dakilang kalayaang ipinangako ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod.—Sant. 1:25; Mat. 7:13, 14.
17. Bakit hindi tayo dapat masiraan ng loob kapag nagkakamali tayo? Anong tulong ang inilalaan ni Jehova?
17 Siyempre pa, lahat tayo ay nagkakamali paminsan-minsan. (Ecles. 7:20) Kapag nangyari iyan, huwag kang masiraan ng loob o mag-isip na wala ka nang silbi. Kung madapa ka, wika nga, bumangon ka—kahit mangahulugan iyan ng paghingi ng tulong sa mga elder. Ang kanilang “panalangin ng pananampalataya,” ayon kay Santiago, “ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam at ibabangon siya ni Jehova. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.” (Sant. 5:15) Oo, huwag mong kalilimutan na ang Diyos ay tunay na mapagpatawad at na inilapit ka niya sa kongregasyon dahil may nakita siyang mabuti sa iyo. (Basahin ang Awit 103:8, 9.) Hangga’t naglilingkod ka kay Jehova nang may sakdal na puso, hindi ka niya iiwan.—1 Cro. 28:9.
18. Paano tayo makakakilos kasuwato ng panalangin ni Jesus sa Juan 17:15?
18 Noong huling gabi ni Jesus sa lupa, nanalangin siya kasama ang kaniyang 11 tapat na apostol. Sinabi niya ang di-makakalimutang mga salitang ito: “Bantayan [mo] sila dahil sa isa na balakyot.” (Juan 17:15) Hindi lang sa mga apostol nagmamalasakit si Jesus; nagmamalasakit din siya sa kaniyang mga tagasunod sa ngayon. Kaya naman makatitiyak tayo na tutugunin ni Jehova ang panalangin ni Jesus sa pamamagitan ng pagbabantay sa atin sa mapanganib na panahong ito. Si Jehova ay “isang kalasag sa mga lumalakad sa katapatan . . . Babantayan niya ang mismong daan ng kaniyang mga matapat.” (Kaw. 2:7, 8) Maraming hamon sa daan ng katapatan, pero ito lang ang daan patungo sa buhay na walang hanggan at tunay na kalayaan. (Roma 8:21) Huwag hayaang mailihis ka ng sinuman mula sa daang ito!
[Mga talababa]
a Naipanganak na si Absalom nang mangako ang Diyos kay David tungkol sa isang “binhi” na magmamana ng kaniyang trono. Kaya naman dapat sana’y alam ni Absalom na hindi siya ang pinili ni Jehova na hahalili kay David.—2 Sam. 3:3; 7:12.
b Ang ilang halimbawa ay ang 1 Corinto 13:4-8, kung saan inilalarawan ni Pablo ang pag-ibig, at ang Awit 19:7-11, kung saan nakasaad ang mga pagpapalang dulot ng pagsunod sa mga batas ni Jehova.
[Mga larawan sa pahina 14]
Paano natin matutukoy ang makabagong-panahong mga Absalom at maipagsasanggalang ang ating sarili sa kanila?