EFRAIM
[Makalawang Ulit na Mabunga o Palaanakin].
1. Anak ni Jose sa kaniyang asawang si Asenat, na anak ni Potipera na saserdote ng On. Si Efraim, na nakababatang kapatid ni Manases, ay ipinanganak sa Ehipto bago nagsimula ang pitong-taóng taggutom. Pinangalanan siyang Efraim ng kaniyang ama “sapagkat, ang sabi [ni Jose], ‘Ginawa akong palaanakin ng Diyos sa lupain ng aking kaabahan.’”—Gen 41:50-52.
Nang malapit nang mamatay si Jacob, sa diwa ay inampon niya ang kaniyang mga apo na sina Efraim at Manases at ginawa silang kapantay ng kaniyang sariling mga anak. (Gen 48:5) Ang kanilang amang si Jose, na tumanggap ng karapatan bilang panganay sa mga anak ni Jacob, ay tumanggap ng dalawang bahagi ng pamana ng kaniyang ama sa pamamagitan ng mana ng mga tribo nina Efraim at Manases. (1Cr 5:1; ihambing ang Gen 48:21, 22; Deu 21:17; Jos 14:4.) Nang pagpalain niya sina Efraim at Manases, higit na pinaboran ng patriyarkang si Jacob si Efraim at inihulang ito ang magiging mas dakila.—Gen 48:13-20.
Inilalahad sa 1 Cronica 7:20-27 ang talaan ng angkan ng mga anak ni Efraim at ng kaniyang mga inapo, na nagtatapos kay Josue na siyang umakay sa mga Israelita patungo sa Lupang Pangako. Sina Ezer at Elead, malamang na mga anak ni Efraim, ay pinatay ng mga lalaki ng Gat. Ilang panahon pagkamatay ng mga anak niyang ito, naging anak ni Efraim si Berias.
2. Ang pangalang Efraim ay ikinakapit din sa tribo na nagmula sa kaniya. Mga isang taon pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto, ang 40,500 lalaking mandirigma ng Efraim mula 20 taóng gulang pataas ay mas marami nang 8,300 kaysa sa matitipunong lalaki ng Manases. (Bil 1:1-3, 32-35) Gayunman, sa katapusan ng 40-taóng pagpapagala-gala sa ilang, ang mga rehistradong lalaki ng Efraim ay 32,500 na lamang, o mas mababa nang 20,200 kaysa sa bilang niyaong sa Manases. (Bil 26:34, 37) Ngunit inihula na ang Efraim ang magiging mas dakila. Nang pagpalain ni Moises ang mga Israelita, makahula niyang tinukoy ang “sampu-sampung libo ni Efraim,” ngunit ang “libu-libo ni Manases.”—Deu 33:17.
Sa ilang, ang mga Efraimita, na si Elisama ang nagsisilbing pinuno, ay inatasang magkampo sa K panig ng tabernakulo, kasama ng mga tribo nina Manases at Benjamin. Ang tatlong-tribong pangkat na ito ay ikatlo sa pagkakasunud-sunod ng paghayo.—Bil 2:18-24.
Teritoryo ng Tribo. Ang teritoryong iniatas sa tribo ni Efraim ay nasa gitnang bahagi ng Canaan, sa K ng Jordan. Ang tribo ay mayroon ding mga nakapaloob na lunsod sa teritoryo ng Manases. Sa H, ang hangganan ng Efraim ay ang Manases, at sa T ay ang Benjamin at Dan. (Jos 16:1-9) Ang pook na ito, bagaman mabundok at maburol, ay pinagpala ng mabunga at matabang lupa at may makapal na kakahuyan noong sinaunang panahon. (Jos 17:15, 17, 18) Ang pinunong si Kemuel ay naglingkod bilang ang inatasan-ng-Diyos na kinatawan ng Efraim noong hati-hatiin ang Lupang Pangako sa mga bahaging mana.—Bil 34:18, 24.
Ang tabernakulo ay itinayo sa Shilo, sa Efraim. (Jos 18:1) Bukod sa Sikem, na isang kanlungang lunsod, marami pang ibang lunsod ng mga Levita ang nasa teritoryo ng Efraim. (Jos 21:20-22; 1Cr 6:66-69) Hindi itinaboy ng mga Efraimita ang mga Canaanita mula sa Gezer, isa sa mga lunsod na iyon ng mga Levita, ngunit isinailalim nila ang mga ito sa mapang-aliping puwersahang pagtatrabaho.—Jos 16:10; Huk 1:29.
Ang Efraim Mula kay Josue Hanggang kay David. Maraming katangi-tanging pangyayari ang naganap sa teritoryo ng Efraim. Sa Sikem, tinipon ng kahalili ni Moises, ng Efraimitang si Josue, ang mga tribo ng Israel at namanhik sa kanila na maglingkod kay Jehova nang may katapatan. (Jos 24:1, 14, 15) Sa Sikem din inilibing ang mga buto ni Jose nang dakong huli, at kapuwa si Josue at ang anak ni Aaron na si Eleazar ay inilibing sa bulubunduking pook ng Efraim. (Jos 24:29-33) Nang maglaon, tinipon ng Benjamitang si Hukom Ehud ang mga Israelita sa bulubunduking pook ng Efraim upang makipaglaban sa mga Moabita. (Huk 3:26-30) Pagkamatay ni Ehud, mula sa tirahan ni Debora sa bulubunduking pook ng Efraim, ipinatawag ng propetisang iyon si Barak na siyang inatasan ni Jehova upang iligtas ang Israel mula sa paniniil ni Haring Jabin. Sa awit ng tagumpay nina Barak at Debora, ang Efraim ang unang tribo na binanggit. (Huk 4:1-7; 5:14) Nang maglaon pa, si Tola na mula sa tribo ni Isacar ay naghukom sa Israel sa loob ng 23 taon habang nananahanan sa Samir sa bulubunduking pook ng Efraim. (Huk 10:1, 2) Ang propetang si Samuel na mula sa tribo ni Levi ay ipinanganak sa Rama sa bulubunduking pook ng Efraim, at doon siya nanirahan nang adulto na siya.—1Sa 1:1, 2, 19, 20; 7:15-17.
Ang pagmamapuri at labis na paghahangad na maging prominente ay lubhang nakapighati sa mga Efraimita sa kanilang kaugnayan sa ibang mga tribo. Noon pa mang panahon ng mga hukom ay lumitaw na ang ganitong ugali. Halimbawa, nakipagtalo ang mga Efraimita kay Gideon dahil hindi sila agad tinawag nito para sa pakikipaglaban sa Midian. Ngunit naiwasan ang labanan noong pagkakataong iyon dahil sa pagiging mataktika ni Gideon. (Huk 8:1-3) Nang maglaon, bagaman tinanggihan nila noong una ang pagkakataong tumulong kay Jepte, naghinanakit ang mga Efraimita nang hindi niya sila tawagin upang makipaglaban sa mga Ammonita. Nakipagdigma sila kay Jepte at dumanas ng kahiya-hiyang pagkatalo; libu-libo ang napatay sa mga tawiran ng Jordan, kung saan nakilalang sila’y mga Efraimita dahil ang bigkas nila sa salitang “Shibolet” ay “Sibolet.”—Huk 12:1-6; tingnan din ang 2Cr 25:10.
Pagkamatay ni Haring Saul, kabilang ang 20,800 lalaki ng Efraim sa mga pumaroon sa Hebron upang isalin kay David ang paghahari.—1Cr 12:23, 30.
Pangunahing Tribo ng Hilagang Kaharian. Mula nang mahati ang kaharian noong panahon ng paghahari ni Rehoboam, ang Efraim, bilang ang pinakaprominente at pinakamaimpluwensiyang tribo ng hilagang kaharian, ay gumawa ng masamang pangalan para sa sarili nito. (Os 13:1) Ang unang hari, ang Efraimitang si Jeroboam, ay nagtatag ng pagsamba sa guya sa Dan at sa Bethel. (1Ha 11:26; 12:25-30) Mula noon ay hindi na sila nakabangon sa pagkalugmok sa idolatriya.
Bilang ang pangunahing tribo ng hilagang kaharian, ang Efraim ay kumatawan sa buong sampung-tribong kaharian. (2Cr 25:7; Jer 7:15) Ito ang dahilan kung bakit sa Efraim itinuon ng mga propetang sina Oseas at Isaias ang kanilang matitinding pagtuligsa. Hinatulan ni Oseas ang Efraim dahil sa kanilang pakikipagsamahan sa mga bansa, pagtulad sa mga gawa ng mga ito, at paglilingkod sa mga idolo ng mga ito. Inihambing niya ang Efraim sa isang tinapay na bilog na hindi ibinaligtad, lutô o sunog pa nga ang ilalim ngunit hilaw ang ibabaw. (Os 7:8; ihambing ang Aw 106:35, 36; Os 4:17; 12:14.) Bagaman sinaid ng mga taga-ibang bayan ang kalakasan nito, ang Efraim, sa halip na bumalik kay Jehova, ay humingi ng tulong sa Ehipto at nakipagtipan sa Asirya. Kaya naman ang Efraim ay naging tulad ng mangmang na kalapati na tiyak na masisilo ng lambat.—Os 7:9-12; 8:9; ihambing ang 2Ha 17:4; Os 12:1.
Ang propetang si Isaias ay nagsalita sa ‘mapagmapuring mga lasenggo ng Efraim.’ Ang kanilang pagiging independiyente mula sa kaharian ng Juda at ang pakikipag-alyansa nila sa Sirya at sa iba pang mga bansa ay nakaapekto sa kanila na gaya ng nakalalangong inumin. Gayunman, ang kapahamakan ay sasapit sa kanila.—Isa 7:1, 2, 5-9, 17; 9:9-12; 17:3; 28:1-3.
Sa kabila nito, inihula rin ng mga propeta ni Jehova na ang espiritu ng paninibugho at pagkapoot sa pagitan ng Efraim (ang sampung-tribong kaharian) at ng Juda (ang dalawang-tribong kaharian) ay maglalaho. (Isa 11:13; Jer 31:6) Ang Juda at Efraim ay magkakaisa, at ang Efraim ay masasauli sa pagsang-ayon ng Diyos.—Jer 31:18-20; 50:19; Eze 37:16-19; Zac 10:7.
Bagaman masama ang naging rekord ng tribo ni Efraim, may mga indibiduwal sa tribong iyon na tumahak sa tamang landas. Halimbawa, noong panahon ng paghahari ni Haring Asa ng Juda, maraming Efraimita ang lumipat sa panig niya nang makita nilang sumasakaniya si Jehova. (2Cr 15:9) Nang maglaon, may mga Efraimita rin sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskuwa noong unang taon ng paghahari ni Hezekias at pagkatapos nito ay nakibahagi sila sa pagwasak sa mga kagamitan sa idolatriya. (2Cr 30:18; 31:1) Gayunman, nang padalhan ni Hezekias ang mga Israelita sa H ng paanyayang pumaroon sa Paskuwa, ang kaniyang mga mananakbo ay nilibak at inalipusta ng marami sa Efraim, Manases, at Zebulon. Pagmamapuri ang naging dahilan kung bakit hindi sila nagpakumbaba at pumaroon sa Jerusalem para sa Paskuwa.—2Cr 30:10, 11.
3. Isang lunsod na ipinapalagay na ang Efrain na binihag ni Abias na hari ng Juda mula kay Jeroboam na hari ng Israel. (2Cr 13:19) Noong unang siglo C.E., nang magsanggunian ang mga lider ng relihiyon na patayin siya, si Jesu-Kristo, kasama ang kaniyang mga alagad, ay pumaroon sa Efraim sa lupaing malapit sa ilang. (Ju 11:53, 54) Ang lugar na karaniwang iminumungkahi para sa lunsod na ito ay ang nayon ng et-Taiyiba, na mga 6 na km (3.5 mi) sa SHS ng Bethel at 3 km (2 mi) sa STS ng iminumungkahing lokasyon ng Baal-hazor. (2Sa 13:23) Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, nilupig ng Romanong heneral na si Vespasian ang Efraim noong panahong humayo siya laban sa Jerusalem.—The Jewish War, IV, 551 (ix, 9).
4. Ang “kagubatan ng Efraim” ay isang lugar sa S panig ng Jordan kung saan nakipagbaka ang hukbo ni Haring David laban sa hukbo ng kaniyang mapaghimagsik na anak na si Absalom. (2Sa 18:6-8) Hindi alam kung saan ang aktuwal na lokasyon ng kagubatan ng Efraim sa lupain ng Gilead, ngunit malamang na ito ay nasa kapaligiran ng Mahanaim.—2Sa 17:22, 24, 26.