ABEL-BET-MAACA, ABEL NG BET-MAACA
[Daanang-tubig ng Bahay ni Maaca].
Isang nakukutaang lunsod ng Neptali sa hilagang Palestina na malamang ay 7 km (4 na mi) sa KHK ng Dan, itinuturing na siya ring Tell Abil (Tel Avel Bet Maʽakha). Maganda ang lokasyon nito sa salubungan ng daan na mula sa Hazor patungong hilaga at ng S-K ruta na mula sa Damasco patungong Tiro.
Ang lunsod ay kinubkob ng mga tauhan ni David sa ilalim ng pangunguna ni Joab nang magtago roon ang mapaghimagsik na si Sheba. Dahil dito, isang babaing marunong, na nagsalita para sa “mga mapagpayapa at tapat ng Israel,” ang nakiusap kay Joab na huwag gibain ang Abel, isang lugar na mula noong sinauna ay pinagsasanggunian ukol sa matalinong mga kahatulan, sa gayon ay “isang ina sa Israel,” anupat malamang ay nangangahulugan din na isa itong metropolis o lunsod na may mga sakop na bayan. Bilang pagsunod sa payo ng babaing iyon, inihagis ng mga tumatahan doon ang ulo ni Sheba mula sa ibabaw ng pader, at ang lunsod ay hindi winasak.—2Sa 20:14-22.
Dahil sa sulsol ni Asa ng Juda, sinaktan ng Siryanong si Ben-hadad I ang Abel-bet-maaca upang mailihis ang atensiyon ni Baasa ng Israel mula sa pagtatayo ng Rama. (1Ha 15:20; tingnan ang RAMA Blg. 1.) Nabihag ni Tiglat-pileser III ng Asirya ang Abel ng Bet-maaca noong panahon ng paghahari ni Peka, at ang mga tumatahan dito ay dinala sa pagkatapon. (2Ha 15:29) Ang lunsod na ito, tinatawag na Abilakka sa mga tekstong Asiryano, ay lumilitaw sa mga inskripsiyon ni Tiglat-pileser III sa talaan ng mga lunsod na nilupig niya. Walang alinlangang ang nakapalibot na mataba at natutubigang-mainam na mga bukid ang naging dahilan upang magkaroon ito ng isa pang angkop na pangalan, Abel-maim (nangangahulugang “Daanang-tubig ng Tubig”). Dahil sa kinaroroonan nito, ito ay naging isang mabuting dakong imbakan.—2Cr 16:4.