Maging Malapít sa Diyos
“Kikilos Ka Nang May Pagkamatapat”
NAPAKASAKIT kapag binigo tayo o tinraidor ng isa na pinagkakatiwalaan natin. Karaniwan nang ganito ang nangyayari sa daigdig na ito na walang katapatan. (2 Timoteo 3:1-5) Mayroon kayang lubusang mananatiling tapat sa atin? Isaalang-alang natin ang sinabi ni Haring David ng sinaunang Israel.
Noong panahon ni David, napakatindi ng naranasan niyang kawalang-katapatan. Pinagkaitan siya ng katarungan at inusig ng mainggiting si Saul, ang unang hari ng Israel. Masahol pa rito, ang kaniya mismong asawang si Mical ay hindi nanatiling tapat sa kaniya. Sa halip, ‘pinasimulan ni Mical na hamakin si David sa kaniyang puso.’ (2 Samuel 6:16) Tinraidor din si David ni Ahitopel, ang kaniyang pinagkakatiwalaang tagapayo, at sumama sa rebelyon laban sa kaniya. Sino ang nagpasimuno ng rebelyon? Walang iba kundi ang kaniya mismong anak, si Absalom! Dahil sa mga naranasang ito, sumuko kaya si David at inisip na wala na siyang puwedeng pagkatiwalaan pa?
Malalaman natin ang sagot sa sinabi ni David na nakaulat sa 2 Samuel 22:26. Ganito ang sinabi ni David, isang lalaking may matibay na pananampalataya, sa kaniyang awit patungkol sa Diyos na Jehova: “Sa matapat ay kikilos ka nang may pagkamatapat.” Tiwala si David na biguin man siya ng mga tao, mananatiling tapat sa kaniya si Jehova.
Suriin nating mabuti ang mga salitang ito ni David. Ang salitang Hebreo na isinaling ‘kikilos nang may pagkamatapat’ ay maaari ding isalin na ‘kikilos nang may maibiging-kabaitan.’ Nakasalig sa pag-ibig ang tunay na katapatan. Iniibig ni Jehova ang mga tapat sa kaniya.a
Tandaan din na ang katapatan ay hindi lamang basta damdamin; ito ay may kasamang pagkilos. Kumikilos si Jehova nang may katapatan, gaya ng naranasan mismo ni David. Sa pinakamahihirap na sandali sa buhay ni David, tinulungan siya ni Jehova. Patuloy siyang ipinagsanggalang at pinatnubayan ni Jehova bilang kaniyang tapat na hari. Kinilala ni David na si Jehova lamang ang makapagliligtas sa kaniya “mula sa palad ng lahat ng kaniyang mga kaaway.”—2 Samuel 22:1.
Ano ang kahulugan para sa atin ng mga salita ni David? Hindi nagbabago si Jehova. (Santiago 1:17) Hindi nagbabago ang kaniyang mga pamantayan at lagi niyang tinutupad ang kaniyang mga pangako. Sa isa pang awit ni David, ganito ang sinabi niya tungkol kay Jehova: “Hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat.”—Awit 37:28.
Mahalaga kay Jehova ang ating katapatan. Pinahahalagahan niya ang ating pagsunod sa kaniya, at hinihimok niya tayong tularan ang kaniyang katapatan sa pakikitungo sa iba. (Efeso 4:24; 5:1) Kung magpapakita tayo ng katapatan, makakaasa tayong hindi niya tayo pababayaan. Biguin man tayo ng mga tao, makapagtitiwala tayong kikilos si Jehova nang may katapatan para sa atin. Tutulungan niya tayong mapagtagumpayan ang anumang pagsubok. Dahil dito, hindi ka ba lalong napapalapít kay Jehova, “ang Isa na matapat”?—Apocalipsis 16:5.
[Talababa]
a Magkatulad ang sinasabi ng 2 Samuel 22:26 at ng Awit 18:25. Ganito ang salin ng isang Bibliya sa awit na ito: “Sa mga tapat ay nagpapakita Ka nang buong pag-ibig.”—The Psalms for Today.