Kung Ano ang Kahulugan sa Atin ng Kapakumbabaan ni Jehova
ALAM na alam ni David kung ano ang kapighatian. Minaltrato siya ni Haring Saul, ang kaniyang mainggiting biyenan. Tatlong beses sinikap ni Saul na patayin si David sa pamamagitan ng sibat at sa loob ng maraming taon, walang-lubay niyang tinugis si David, anupat napilitan itong tumakas. (1 Samuel 18:11; 19:10; 26:20) Gayunman, hindi pinabayaan ni Jehova si David. Iniligtas siya ni Jehova hindi lamang mula kay Saul kundi gayundin sa iba pang mga kaaway. Kaya mauunawaan natin ang damdamin ni David, na ipinahayag sa awit: “Si Jehova ang aking malaking bato at aking moog at ang Tagapaglaan ko ng pagtakas. . . . Ibibigay mo [ni Jehova] sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan, at pinadadakila ako ng iyong kapakumbabaan.” (2 Samuel 22:2, 36) Nakamit ni David ang isang antas ng kadakilaan sa Israel. Kung gayon, paano nasangkot ang kapakumbabaan ni Jehova?
Kapag binabanggit ng Kasulatan ang pagiging mapagpakumbaba ni Jehova, hindi ito nangangahulugan na siya ay nalilimitahan sa anumang paraan o nagpapasakop siya sa iba. Sa halip, ipinahihiwatig ng magandang katangiang ito na nakadarama siya ng masidhing habag sa mga taong taimtim na nagsisikap na matamo ang kaniyang lingap at na nagpapakita siya ng awa sa kanila. Sa Awit 113:6, 7, mababasa natin: “[Si Jehova] ay nagpapakababa upang tumingin sa langit at lupa, ibinabangon ang maralita mula sa mismong alabok.” Ang kaniyang ‘pagpapakababa’ ay nangangahulugan na siya ay “tumutungo upang masdan” o “nagpapakumbaba Siya upang tumingin.” (Ang Biblia—New Pilipino Version; Young’s Literal Translation of the Holy Bible) Kaya mula sa langit ay ‘tumungó’ si Jehova, o ‘nagpakumbaba siya,’ upang ituon ang kaniyang pansin kay David, isang di-sakdal ngunit mapagpakumbabang tao na naghahangad na maglingkod sa Diyos. Kaya tinitiyak sa atin ni David: “Si Jehova ay mataas, gayunma’y nakikita niya ang mapagpakumbaba.” (Awit 138:6) Ang lahat ng nagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos ay dapat mapatibay sa maawain, matiisin, at mahabaging paraan ng pakikitungo ni Jehova kay David.
Bagaman si Jehova bilang Soberano ang nagtataglay ng pinakamataas na posisyon sa sansinukob, handa siyang makitungo sa bawat isa sa atin. Dahil dito, makapagtitiwala tayo sa kaniyang di-nabibigong tulong maging sa pinakamahihirap na kalagayan. Walang dahilan upang mangamba na malilimutan niya tayo. May kaugnayan sa kaniyang bayan, ang sinaunang Israel, angkop na inilarawan si Jehova bilang isa “na umalaala sa [kanila] sa [kanilang] mababang kalagayan: sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 136:23.
Bilang makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova, maaari tayong makaranas ng kapighatian kagaya ni David. Maaaring tinutuya tayo ng mga hindi nakakakilala sa Diyos, o marahil ay nakikipagpunyagi tayo sa mahinang kalusugan o nakararanas ng pangungulila. Anuman ang ating kalagayan, kung taimtim ang ating puso, malalapitan natin si Jehova sa panalangin, anupat nagsusumamo sa kaniyang kaawaan. ‘Tutungó’ si Jehova upang ituon ang kaniyang pansin sa atin at pakinggan ang ating mga panalangin. Sumulat ang kinasihang salmista: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong.” (Awit 34:15) Hindi ba naaantig ang iyong puso upang bulay-bulayin ang kaibig-ibig na katangian ni Jehova na kapakumbabaan?
[Mga larawan sa pahina 30]
Kung paanong pinakinggan niya ang mga panalangin ni David, handa ring pakinggan ni Jehova ang ating mga panalangin sa ngayon