DAVID, LUNSOD NI
Ang pangalang ibinigay sa “moog ng Sion” matapos itong mabihag mula sa mga Jebusita. (2Sa 5:6-9) Ipinapalagay na ang seksiyong ito ay ang tagaytay na patungong T mula sa Bundok Moria. Sa gayon, ito ay nasa T ng lokasyon ng templong itinayo ni Solomon nang dakong huli. Sa ngayon ay isa itong makitid na talampas sa timog na mas mababa kaysa sa Bundok Moria. Ang lugar na ito ay nagsilbing isang malawak na tibagan ng bato, lalo na noong panahong namamahala si Emperador Hadrian at itinatayo ang Romanong lunsod ng Aelia Capitolina noong mga 135 C.E. Kaya lumilitaw na noong sinaunang panahon, halos kasintaas ito ng Bundok Moria, bagaman mas mababa pa rin ito sa kinatatayuan ng templo.—MGA LARAWAN, Tomo 1, p. 747, at Tomo 2, p. 947.
Ang lugar na ito ay angkop na angkop na gawing isang “moog,” yamang protektado ito ng malalalim na libis sa tatlong panig, anupat nasa K ang Libis ng Tyropoeon at nasa S ang Libis ng Kidron, na karugtong naman ng Libis ng Hinom sa timugang dulo ng tagaytay. (1Cr 11:7) Kailangan lamang ng lunsod ang mahigpit na proteksiyon sa H panig, at doon ay lalo pang papakipot ang tagaytay kung kaya napakahirap sumalakay sa panig na iyon. Hindi pa tiyakang natutukoy kung saan ang hilagaang hangganan ng “Lunsod ni David” na ito, bagaman ipinapalagay ng ilang iskolar na iyon ay ang nabanggit na makitid na bahagi nito. Sa paglipas ng mga siglo, ang mga libis ay tumaas dahil sa maraming guho, anupat hindi na gaanong kapansin-pansin ang estratehikong lokasyon at bentaha ng lugar na ito. Ang sinaunang Lunsod ni David ay tinatayang may kabuuang lawak na 4 hanggang 6 na ektarya (10 hanggang 15 akre).
Sa Libis ng Kidron, malapit sa paanan ng silanganing panig ng tagaytay na kinatatayuan ng moog, ay may isang bukal na tinatawag na Gihon. (1Ha 1:33) Ipinakikita ng arkeolohikal na mga paghuhukay na noong sinaunang panahon, inuka sa batuhan doon ang isang paagusan ng tubig na konektado sa isang daanan sa loob ng lunsod, anupat posibleng kumuha ng tubig mula sa bukal nang hindi lumalabas ng lunsod. Sinasabi ng ilan na ang moog ay napasok at nabihag ni Joab at ng kaniyang mga tauhan sa pamamagitan ng pag-akyat sa daanang ito.—2Sa 5:8; 1Cr 11:5, 6.
Ang lugar na ito ay tinawag na “Lunsod ni David” nang ito ang maging maharlikang tirahan ni David, pagkatapos niyang mamahala nang pito at kalahating taon mula sa Hebron. Dito itinayo ang ‘bahay ni David na yari sa mga sedro,’ sa tulong ni Hiram ng Tiro. (2Sa 5:5, 9, 11; 7:2) Iniutos ni David na iahon ang kaban ng tipan mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa Lunsod ni David, anupat nakita ng kaniyang asawang si Mical ang dumarating na prusisyon mula sa isang bintana ng bahay ni David. (2Sa 6:10-16; 1Cr 15:1, 29) Nang mamatay ang hari, inilibing siya sa lunsod na ito, isang kaugalian na sinunod ng maraming iba pang monarka sa linya ni David.—1Ha 2:10.
Mula sa Paghahari ni Solomon at Patuloy. Inilipat ni Solomon ang Kaban sa bagong-tayong templo na nasa mas malawak na talampas sa dakong H ng Lunsod ni David. Ipinakikita ng pananalitang ‘iniahon nila ang kaban mula sa Lunsod ni David’ na ang templo ay nasa mas mataas na lugar, anupat ang Bundok Moria ay mas mataas kaysa sa timugang tagaytay. (1Ha 8:1) Nang mapangasawa ni Solomon ang anak ni Paraon, inilagay niya ito sa Lunsod ni David. (1Ha 3:1) Ngunit nang maipagpatayo na niya ito ng isang bagong bahay na mas malapit sa lugar ng templo, inalis niya ito sa Lunsod ni David dahil itinuturing iyon na banal, yamang ang Kaban ay dating naroroon. (1Ha 9:24; 2Cr 8:11) May iba pang mga itinayo si Solomon sa Lunsod ni David, at nagsagawa si Hezekias ng mga pagkukumpuni roon bilang paghahanda sa pagsalakay ng Asiryanong si Senakerib. (1Ha 11:27; 2Cr 32:5) Inilihis din ni Hezekias ang tubig ng bukal ng Gihon, anupat pinadaloy niya iyon sa K panig ng Lunsod ni David, maliwanag na sa pamamagitan ng paagusang inuka sa batuhan sa ilalim ng lupa, na natuklasang nagkokonekta sa bukal na iyon at sa Tipunang-tubig ng Siloam sa TK dalisdis ng tagaytay. (2Cr 32:30) Ang kaniyang anak at kahalili, si Manases, ay nagtayo ng isang panlabas na pader sa kahabaan ng silanganing dalisdis na nakaharap sa Libis ng Kidron.—2Cr 33:14.
Mula sa nabanggit na mga teksto, maliwanag na bagaman lumawak pa ang Jerusalem sa paglipas ng panahon, ang Lunsod ni David ay nanatiling isang hiwalay na purok. Totoo pa rin ito kahit noong nakabalik na ang mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya, anupat ang ilang bahagi ng lunsod ay binabanggit may kaugnayan sa mga tauhang nagkukumpuni sa mga pader ng lunsod. (Ne 3:15, 16) Lumilitaw na ang “Hagdanan ng Lunsod ni David” ay pababa mula sa dulong timog ng lunsod. (Ne 12:37) Isiniwalat ng mga paghuhukay rito ang ilang bahagi ng hagdanang iyon, at sa dakong ito ay mayroon pa ring mga baytang na pababa mula sa burol.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong “lunsod ni David” ay tumutukoy sa Betlehem, ang lugar kung saan isinilang si David at si Jesus.—Luc 2:4, 11; Ju 7:42; tingnan ang JERUSALEM.