Kapag Umapaw ang Pagkabukas-palad
KUNG may pagkakataon kang magbigay ng regalo sa isang hari, ano ang ibibigay mo sa kaniya? Paano kung siya ang pinakamayaman at pinakamarunong na tagapamahala sa buong daigdig? May maiisip ka bang anumang regalo na makalulugod sa kaniya? Mga tatlong libong taon na ang nakalilipas, kailangang pag-isipan ng reyna ng Sheba ang mga tanong na iyan samantalang naghahanda sa pagdalaw sa gayung-gayong tagapamahala—si Haring Solomon ng Israel.
Sinasabi ng Bibliya sa atin na kabilang sa kaniyang kaloob ay 120 talento ng ginto “at lubhang napakaraming langis ng balsamo at mahahalagang bato.” Sa halaga ngayon, ang ginto pa lamang ay nagkakahalaga na ng mga $40,000,000. Ang langis ng balsamo, isang mabango at nakagagamot na langis, ay inihahanay sa ginto bilang mamahaling kalakal. Bagaman hindi sinasabi ng Bibliya kung gaano karaming langis ang ibinigay ng reyna kay Solomon, sinabi nito na ang kaniyang regalo ay hindi pa rin napapantayan.—1 Hari 10:10.
Maliwanag na ang reyna ng Sheba ay isang mayaman at bukas-palad na babae. Karagdagan pa, sinuklian ang kaniyang pagkabukas-palad. “Ibinigay ni Haring Solomon,” sabi ng Bibliya, “sa reyna ng Sheba ang lahat ng kaniyang kinalugdan na hiniling niya, bukod pa sa halaga ng dinala niya sa hari.” (2 Cronica 9:12) Totoo, maaaring nakaugalian na ng mga maharlika na magpalitan ng mga regalo; gayunman, espesipikong tinukoy ng Bibliya ang “pagkabukas-palad” ni Solomon. (1 Hari 10:13) Si Solomon mismo ay sumulat: “Ang kaluluwang mapagbigay ay patatabain, at ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.”—Kawikaan 11:25.
Siyempre pa, ang reyna ng Sheba ay gumawa rin ng malaking pagsasakripisyo ng panahon at pagsisikap upang dalawin si Solomon. Maliwanag na ang Sheba ay nasa lugar ng makabagong-panahong Republika ng Yemen; kaya ang reyna at ang hanay ng kaniyang mga kamelyo ay naglakbay nang mahigit na 1,600 kilometro patungong Jerusalem. Tulad ng sinabi ni Jesus, “dumating siya mula sa mga wakas ng lupa.” Bakit ba sinuong ng reyna ng Sheba ang gayong kalaking hirap? Siya ay dumalaw pangunahin na “upang pakinggan ang karunungan ni Solomon.”—Lucas 11:31.
Ang 1 Hari 10:1, 2 ay nagsasabi na ang reyna ng Sheba ay “pumaroon upang subukin [si Solomon] ng mga palaisipang tanong. . . . Pinasimulan [niyang] salitain sa kaniya ang lahat ng malapit sa kaniyang puso.” Paano tumugon si Solomon? “Sinabi naman ni Solomon sa kaniya ang lahat ng kaniyang ipinakipag-usap. Walang bagay na nalilingid sa hari ang hindi niya sinabi sa kaniya.”—1 Hari 10:3.
Palibhasa’y namangha sa kaniyang narinig at nakita, ang reyna ay may kapakumbabaang nagsabi: “Maligaya ang mga lingkod mong ito na palaging tumatayo sa harapan mo, na nakikinig sa iyong karunungan!” (1 Hari 10:4-8) Hindi niya ipinahayag na maliligaya ang mga lingkod ni Solomon dahil sa sila ay napalilibutan ng kasaganaan—bagaman totoo naman. Sa halip, ang mga lingkod ni Solomon ay pinagpala dahil maaari silang palaging makapakinig sa bigay-Diyos na karunungan ni Solomon. Kay inam na halimbawa ang reyna ng Sheba para sa bayan ni Jehova ngayon, na nasisiyahan sa mismong karunungan ng Maylalang at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo!
Kapansin-pansin din ang sumunod na komento ng reyna kay Solomon: “Pagpalain nawa si Jehova na iyong Diyos.” (1 Hari 10:9) Maliwanag na nakita niya ang kamay ni Jehova sa likod ng karunungan at kasaganaan ni Solomon. Ito ay kaayon ng ipinangako noon ni Jehova sa Israel. Ang ‘pag-iingat sa aking mga tuntunin,’ wika niya, “ay karunungan sa ganang inyo at pagkaunawa sa ganang inyo sa paningin ng mga bayan na makaririnig ng lahat ng tuntuning ito, at tiyak na sasabihin nila, ‘Ang dakilang bansang ito ay walang alinlangang isang bayan na marunong at may unawa.’ ”—Deuteronomio 4:5-7.
Paglapit sa Tagapagbigay ng Karunungan
Sa modernong panahon, milyun-milyon din ang naaakit sa organisasyon ni Jehova dahil napag-uunawa nila na ang “Israel ng Diyos” ay “isang bayan na marunong at may unawa,” hindi sa likas na paraan, kundi dahil sa pinapatnubayan sila ng sakdal na mga batas at simulain ng Diyos. (Galacia 6:16) Ang bilang ng mga nabautismuhan ay nagpapakita na nitong nakalipas na mga taon, daan-daang libo ng mga bagong alagad bawat taon ang sa katunayan ay nagsasabi sa espirituwal na Israel: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.” (Zacarias 8:23) Anong pagkamangha ng mga baguhang ito nang kanilang makita ang piging ng espirituwal na pagkain na inihanda ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod! Hindi pa sila nakakita nang katulad nito sa kanilang dating mga relihiyon.—Isaias 25:6.
Pagbibigay sa Pinakadakilang Tagapagbigay
Palibhasa’y gayon na lamang kalaki ang tinanggap, ang mga mapagpahalaga ay karaniwan nang nag-iisip kung ano naman ang kanilang maibibigay sa pinakadakilang Hari at Tagapagbigay, ang Diyos na Jehova. Isinisiwalat ng Bibliya na ang pinakamabuting kaloob na maibibigay natin kay Jehova ay isang “hain ng papuri.” (Hebreo 13:15) Bakit? Sapagkat ang haing ito ay tuwirang may kaugnayan sa pagliligtas ng buhay, na siyang pangunahing pinagkakaabalahan ni Jehova sa panahong ito ng kawakasan. (Ezekiel 18:23) Karagdagan pa, ang pagbibigay ng ating lakas at panahon upang tulungan ang maysakit, ang mga nanlulumo, at iba pa ay isang kaayaayang hain.—1 Tesalonica 5:14; Hebreo 13:16; Santiago 1:27.
Ang pinansiyal na mga abuloy ay gumaganap ng mahalagang papel. Ginagawa nitong posible ang paggawa ng mga Bibliya, mga salig-sa-Bibliyang literatura, at ang pagkakaroon ng mga dako kung saan makapagtitipon ang mga Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Ang mga abuloy ay naglalaan din ng pondong pantulong sa mga biktima ng mga digmaan at likas na mga kasakunaan.
Upang patnubayan tayo hinggil sa pagbibigay, naglaan ang Salita ng Diyos ng ilang maiinam na simulain. Halimbawa, itinuturo nito na ang mga Kristiyano ay magbigay, hindi ng itinakdang halaga, kundi kung ano ang makatuwirang kaya nilang ibigay, anupat ginagawa ito nang kusang-loob, mula sa isang masayahing puso. (2 Corinto 9:7) Ang ilan ay nakapagbibigay nang marami; ang iba naman, tulad ng nagdarahop na babaing balo noong panahon ni Jesus, ay maaaring makapagbigay lamang nang kaunti. (Lucas 21:2-4) Hindi ba kapansin-pansin na si Jehova—ang May-ari ng buong uniberso—ay nagpapahalaga sa bawat may mabuting layuning kaloob at hain na ginawa sa kaniyang pangalan?—Hebreo 6:10.
Upang masaya silang makapagbigay, patuloy na ipinaaalam sa bayan ni Jehova ang iba’t ibang pangangailangan at mabibisang paraan kung paano matutugunan ang gayong mga pangangailangan. Ang banal na espiritu naman ni Jehova ang nagpapakilos sa masunuring mga puso upang tumugon. Ang paraang ito ay sinunod sa sinaunang Israel sa pagtatayo ng tabernakulo at, noong bandang huli, ng templo. (Exodo 25:2; 35:5, 21, 29; 36:5-7; 39:32; 1 Cronica 29:1-19) Noong unang siglo C.E., ang gayunding paraan ang nagpangyari sa mga Kristiyano na magkaroon ng mga tinatangkilik na kailangan nila upang dalhin ang mabuting balita ng Kaharian sa mga bansa at upang suportahan ang mga kapatid sa Israel sa panahon ng taggutom.—1 Corinto 16:2-4; 2 Corinto 8:4, 15; Colosas 1:23.
Gayundin naman sa ngayon, pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan, at patuloy niyang pagpapalain sila, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kanilang kailangan upang tapusin ang pinakadakilang kampanya ng pangangaral at pagtuturo na nakita kailanman ng daigdig.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Ano ba ang Kasalukuyang mga Pangangailangan?
Nitong nakalipas na mga taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nairehistro na sa maraming bansa kung saan ang kanilang gawain ay dating hinihigpitan. Bunga nito, kinakitaan ng malaking pagsulong sa bilang ng mga mamamahayag ang marami sa mga lupaing ito. Mauunawaan naman, malaki ang pangangailangan sa mga Bibliya at salig-Bibliyang mga literatura.
Gayundin ang mga Kingdom Hall. Mga 9,000 bagong Kingdom Hall ang kinakailangan sa buong daigdig sa ngayon. Kung isang Kingdom Hall ang itatayo bawat araw, mangangailangan ng mahigit na 24 na taon upang masapatan ang kasalukuyang mga pangangailangan! Samantala, mga pitong bagong kongregasyon ang itinatatag araw-araw, na marami sa mga ito ay nasa mga lugar sa daigdig na kung saan ang pananalapi ay limitado. Sa kabilang dako, marami sa mga lugar na ito ay hindi nangangailangan ng mamahaling mga gusali. Sa ilang lugar, ang isang Kingdom Hall na tutugon sa pangangailangan at magsisilbing isang mabuting patotoo sa komunidad ay maaaring matapos sa halaga lamang na $6,000.
Noong unang siglo, ang ilang mga Kristiyano ay nakaririwasa sa pinansiyal kaysa sa iba, kaya isinulat ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng pagpapantay-pantay ay mapunan ng inyong labis sa ngayon ang kanilang kakulangan, upang ang kanilang labis ay mapunan din ang inyong kakulangan, nang sa gayon ay magkaroon ng pagpapantay-pantay.” (2 Corinto 8:14) Sa ngayon, isang katulad na “pagpapantay-pantay” ang naglalaan ng pondo na kinakailangan upang magsuplay ng mga Bibliya, salig-Bibliyang mga literatura, mga Kingdom Hall, pantulong sa kasakunaan, at iba pang mga bagay sa maraming lugar sa daigdig. Isa ngang malaking pagpapala ang gayong pagbibigay—kapuwa sa nagbigay at sa tumanggap!—Gawa 20:35.
Gaya ng ipinakikita ng mga liham na tinatanggap ng Samahan mula sa mga taong may bukas-palad na puso, maraming mambabasa ng magasing ito ang nagnanais na tumulong ngunit hindi matiyak ang iba’t ibang paraan ng pag-aabuloy. Walang alinlangang makatutulong ang kalakip na kahon upang sagutin ang kanilang mga tanong.
Noong panahon ng maluwalhating paghahari ni Solomon, “ang lahat ng hari sa lupa” na nakabalita sa kaniya ay dumalaw sa kaniya. Ngunit, isang tagapamahala lamang ang binanggit ng Bibliya—ang reyna ng Sheba. (2 Cronica 9:23) Kay laking sakripisyo ang ginawa niya! Ngunit siya’y mayamang pinagpala—gayon na lamang anupat sa pagtatapos ng kaniyang pagdalaw, siya ay naiwang “pigil-hininga at manghang-mangha.”—2 Cronica 9:4, Today’s English Version.
Sa hinaharap, si Jehova, ang pinakadakilang Hari at Tagapagbigay, ay gagawa nang higit pa kaysa sa nagawa ni Solomon kailanman para sa mga nagsasakripisyo para sa Kaniya. Bilang pagtugon, ang mga ito ay tatayong “pigil-hininga at manghang-mangha,” sapagkat hindi lamang sila iingatan ni Jehova sa kaniyang kakila-kilabot na araw ng paghatol kundi pagkatapos nito ay kaniyang ‘bubuksan ang kaniyang mga kamay at sasapatan ang nasa ng bawat bagay na may buhay.’—Awit 145:16.
[Kahon sa pahina 22]
Mga Paraan na Ginagamit ng Ilan sa Pagbibigay ng
MGA ABULOY SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN
MARAMI ang nagtatabi, o naglalaan, ng isang halaga na inilalagay nila sa mga kahong abuluyan na may markang “Contributions for the Society’s Worldwide Work—Matthew 24:14.” Bawat buwan ay ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga halagang ito alinman sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, o sa lokal na tanggapang pansangay.
Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ring tuwirang ipadala sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring iabuloy. Dapat na kasama ng mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.
KAAYUSAN SA KONDISYONAL NA DONASYON
Maaaring magkaloob ng salapi sa Samahang Watch Tower sa ilalim ng pantanging kaayusan na doon, sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan ang nagkaloob, ang donasyon ay ibabalik sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-alam sa Treasurer’s Office sa nabanggit na direksiyon sa itaas.
PAGPAPLANO SA PAGKAKAWANGGAWA
Bukod pa sa tuwirang mga kaloob na salapi at kondisyonal na mga donasyong salapi, may iba pang paraan ng pagbibigay sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:
Seguro: Ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyari ng isang polisa sa seguro sa buhay o sa isang plano sa pagreretiro/pensiyon.
Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na deposito sa pagreretiro ay maaaring ipagkatiwala o ibayad sa oras na mamatay sa Samahang Watch Tower, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.
Mga Aksiyón at Bono: Ang mga aksiyón at bono ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman bilang tuwirang kaloob o sa ilalim ng kaayusan na sa pamamagitan niyaon, ang kita ay patuloy na ibabayad sa nagkaloob ng donasyon.
Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba niyaon bilang tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy manirahan doon habang-buhay. Ang isa ay dapat munang makipag-alam sa Samahan bago ilipat sa pangalan ng Samahan ang anumang lupa’t bahay.
Testamento at Ipinagkatiwala: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamentong isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahan ang maaaring gawing benepisyari ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring maglaan ng ilang bentaha sa pagbubuwis.
Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “pagpaplano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkaloob. Upang matulungan ang mga indibiduwal na nagnanais na magbigay ng kaloob sa Samahan sa pamamagitan ng isang anyo ng pagpaplano na pagkakawanggawa, ang Samahan ay naghanda ng isang brosyur sa wikang Ingles na pinamagatang Planned Giving to Benefit Kingdom Service Worldwide. Ang brosyur ay isinulat bilang tugon sa maraming tanong na natanggap ng Samahan hinggil sa mga kaloob, testamento, at mga ipinagkatiwala. Naglalaman din ito ng karagdagang impormasyon na makatutulong hinggil sa pagpaplano sa ari-arian, pananalapi, at pagbubuwis. At dinisenyo ito upang tulungan ang mga indibiduwal sa Estados Unidos na nagbabalak magbigay sa ngayon ng isang pantanging kaloob sa Samahan o mag-iwan ng pamana pagkamatay upang mapili ang lubhang kapaki-pakinabang at mabisang paraan habang isinasaalang-alang ang kanilang pamilya at personal na kalagayan. Maaaring makakuha ng brosyur na ito sa pamamagitan ng direktang paghiling ng isang kopya mula sa Charitable Planning Office.
Matapos mabasa ang brosyur at makipag-usap sa Charitable Planning Office, marami ang nakatulong sa Samahan at kasabay nito, nakakuha ng malaking kapakinabangan sa buwis sa pamamagitan ng paggawa nito. Ang Charitable Planning Office ay dapat patalastasan at padalhan ng isang kopya ng anumang mahalagang dokumento hinggil sa alinman sa mga kaayusang ito. Kung interesado ka sa alinman sa mga kaayusang ito ng pagpaplano sa pagkakawanggawa, dapat kang makipag-alam sa Charitable Planning Office, alinman sa pamamagitan ng pagsulat o pagtawag sa telepono, sa direksiyong nakatala sa ibaba o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa.
CHARITABLE PLANNING OFFICE
Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
100 Watchtower Drive, Patterson, New York 12563-9204
Telephone: (914) 306-1000
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay sinusuportahan ng boluntaryong mga donasyon