BABAE BILANG PANGALAWAHING ASAWA
Sa mga Hebreo, ang babae, o concubine, ng isang lalaki ay kaniyang pangalawahing asawa at kung minsan ay tinutukoy bilang kaniyang asawa. Lumilitaw na ang gayong mga babae ay mga alipin, na alinman sa tatlong uri: (1) isang babaing Hebreo na ipinagbili ng kaniyang ama (Exo 21:7-9), (2) isang banyagang aliping babae na binili, o (3) isang babaing banyaga na nabihag sa digmaan (Deu 21:10-14). Ang ilan ay mga aliping babae o mga utusang babae ng malayang mga asawang babae na gaya nina Sara, Lea, at Raquel.—Gen 16:3, 4; 30:3-13; Huk 8:31; 9:18.
Umiiral na ang pagkakaroon ng mga babae (concubinage) bago pa ibinigay ang tipang Kautusan at kinilala at kinontrol ito ng Kautusan, na nangalaga sa mga karapatan kapuwa ng mga asawa at ng mga babae. (Exo 21:7-11; Deu 21:14-17) Hindi tinaglay ng mga babae ang lahat ng karapatan ng isang tunay na asawa, at ang isang lalaki ay maaaring magkaroon ng maraming asawa bukod pa sa kaniyang mga babae. (1Ha 11:3; 2Cr 11:21) Kapag ang asawang babae ay baog, kung minsan ay ibinibigay niya sa kaniyang asawa ang kaniyang utusang babae upang maging babae nito, at ang anak na isisilang ng gayong babae ay ituturing na anak ng malayang asawang babae na kaniyang amo. (Gen 16:2; 30:3) Ang mga anak ng mga babaing ito ay lehitimo at maaaring pamanahan.—Gen 49:16-21; ihambing ang Gen 30:3-12.
Ayon sa kaugalian sa Silangan, ang mga asawa at mga babae ng hari ay maaari lamang mapunta sa kaniyang legal na kahalili. Kaya naman si Absalom, na nagpakita ng napakatinding kawalang-galang kay David, ay nagsikap na makuha ang paghahari sa pamamagitan ng pagsiping sa sampung babae ng kaniyang ama na si David. (2Sa 16:21, 22) Noong nakaluklok na sa trono si Haring Solomon, si Adonias, isang nakatatandang kapatid ni Solomon, na dati nang nagtangkang umagaw sa paghahari, ay lumapit sa ina ni Solomon na si Bat-sheba at nagsabi: “Alam na alam mo na ang paghahari ay magiging akin sana,” at saka sinabi sa kaniya na hilingin kay Solomon si Abisag na Sunamita, na waring itinuturing na isang asawa o babae ni David. Galít na sumagot si Solomon: “Hilingin mo rin para sa kaniya ang paghahari,” at pagkatapos ay iniutos niyang patayin si Adonias, na nagpapahiwatig na ang kahilingan ni Adonias ay itinuring niya na isang pagsisikap upang agawin ang kaharian.—1Ha 1:5-7; 2:13-25.
Hindi isinauli ng Diyos ang orihinal na pamantayan ng monogamya na itinatag niya sa hardin ng Eden hanggang noong dumating si Jesu-Kristo sa lupa. Gayunman, ipinagsanggalang niya sa pamamagitan ng batas ang mga babaing pangalawahing asawa. Ang pagkakaroon ng gayong mga babae ay nakatulong nang malaki upang mabilis na lumago ang populasyon ng Israel.—Mat 19:5, 6; 1Co 7:2; 1Ti 3:2; tingnan ang PAG-AASAWA (Poligamya).
Makasagisag na Paggamit. Inihalintulad ng apostol na si Pablo si Jehova sa asawang lalaki ng isang malayang asawang babae, ang “Jerusalem sa itaas,” na siyang “ina” ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu, kung paanong si Abraham ay asawa ni Sara. Inihambing niya ang kaugnayan ni Jehova sa bansang Israel, na kinakatawanan ng kabiserang lunsod ng Jerusalem, sa kaugnayan ng isang asawang lalaki sa kaniyang babae. Sa pamamagitan ng tipang Kautusan, naging ‘asawa’ ni Jehova ang Jerusalem bilang isang “alilang babae,” isang ‘babae’ niya, katulad ng kaugnayan ni Abraham sa kaniyang alipin at babae na si Hagar.—Gal 4:22-29; ihambing ang Isa 54:1-6.