Ginantimpalaan ang Balo ng Zarepat Dahil sa Kaniyang Pananampalataya
YAKAP ng dukhang balo ang kaniyang anak, ang kaisa-isa niyang anak. Hindi siya makapaniwala! Kanina lang, kalong niya ang wala nang buhay na katawan nito. Pero ngayon, tuwang-tuwa siyang makitang buháy na itong muli at nakangiti. “Tingnan mo,” ang sabi ng bisita, “ang iyong anak ay buháy.”
Ang nakaaantig na pagkabuhay-muling ito ay nangyari mga 3,000 taon na ang nakaraan. Mababasa ito sa 1 Hari kabanata 17. Ang bisita ay si Elias na propeta ng Diyos. Sino naman ang ina? Isang balo na hindi binanggit ang pangalan at nakatira sa bayan ng Zarepat. Ang pagkabuhay-muli ng kaniyang anak ay isa sa mga pangyayaring talagang nagpatibay ng kaniyang pananampalataya. Tingnan natin ang ilang mahahalagang aral na matututuhan tungkol sa kaniya.
NATAGPUAN NI ELIAS ANG ISANG BALONG MAY PANANAMPALATAYA
Inihula ni Jehova na magkakaroon ng mahabang tagtuyot sa lupaing nasasakupan ni Ahab, ang masamang hari ng Israel. Nang maihayag na ito ni Elias, itinago siya ng Diyos mula kay Ahab at makahimalang pinakain ng tinapay at karne na inihahatid ng mga uwak. Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Elias: “Tumindig ka, pumaroon ka sa Zarepat, na sakop ng Sidon, at manahanan ka roon. Narito! Uutusan ko nga roon ang isang babae, isang balo, na paglaanan ka ng pagkain.”—1 Hari 17:1-9.
Pagdating ni Elias sa Zarepat, nakita niya ang isang dukhang balo na namumulot ng kahoy. Siya kaya ang balo na maglalaan ng pagkain sa propeta? Paano niya magagawa iyon kung siya mismo ay naghihikahos? Nag-aalinlangan man si Elias, kinausap niya ang babae: “Pakisuyo, ikuha mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang makainom ako.” Nang paalis na ang babae para gawin iyon, sinabi pa ni Elias: “Pakisuyo, ikuha mo ako ng kaunting tinapay.” (1 Hari 17:10, 11) May tubig na maibibigay ang balo, pero problema niya ang tinapay.
“Buháy si Jehova na iyong Diyos,” ang sabi ng balo, “wala akong tinapay na bilog, kundi sandakot na harina sa malaking banga at kaunting langis sa maliit na banga; at narito, namumulot ako ng ilang piraso ng kahoy, at ako ay papasok at maghahanda para sa aking sarili at sa aking anak, at kakainin namin iyon saka kami mamamatay.” (1 Hari 17:12) Tingnan natin kung ano ang ipinakikita ng pag-uusap na ito.
Nakilala ng balo si Elias bilang isang Israelitang naglilingkod sa Diyos. Makikita ito sa sinabi niyang “buháy si Jehova na iyong Diyos.” Lumilitaw na may alam siya tungkol sa Diyos ng Israel, pero hindi ganoon kalalim para tawagin niyang “aking Diyos” si Jehova. Nakatira siya sa Zarepat, isang bayan na “sakop” ng lunsod ng Sidon sa Fenicia. Malamang na ang mga nakatira sa Zarepat ay mananamba ni Baal. Pero may nakitang katangi-tangi sa balong ito si Jehova.
Bagaman ang balo ng Zarepat ay namumuhay sa gitna ng mga sumasamba sa idolo, nanampalataya siya sa Diyos ng Israel. Pinapunta ni Jehova si Elias sa balo para sa kapakanan nito at ng propeta. May matututuhan tayo mula rito.
Hindi lahat ng taga-Zarepat, na mga mananamba ni Baal, ay wala nang pag-asang magbago. Sa pagsusugo kay Elias sa balo, ipinakita ni Jehova na binibigyang-pansin Niya ang mga taong may mabuting intensiyon pero hindi pa lingkod Niya. Oo, “sa bawat bansa ang tao na natatakot sa [Diyos] at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:35.
Ilang tao kaya sa teritoryo ninyo ang katulad ng balo sa Zarepat? Maaaring ang karamihan sa paligid nila ay nagtataguyod ng huwad na relihiyon pero naghahanap sila ng mas mabuting relihiyon. Baka kakaunti o wala sila talagang alam tungkol kay Jehova kaya nangangailangan sila ng tulong para matagpuan ang tunay na pagsamba. Hinahanap mo ba at tinutulungan ang gayong mga tao?
‘IGAWA MO MUNA AKO NG ISANG MALIIT NA TINAPAY’
Pag-isipan ang hiniling ni Elias sa balo. Kasasabi lang ng balo na gagawa siya ng huling pagkain nilang mag-ina, at pagkakain nito ay mamamatay na sila. Pero ano ang sinabi ni Elias? “Huwag kang matakot. Pumasok ka, gawin mo ang ayon sa iyong salita. Lamang ay igawa mo muna ako mula sa anumang naroroon ng isang maliit na tinapay na bilog, at ilabas mo iyon sa akin, at pagkatapos ay makapaghahanda ka ng para sa iyong sarili at para sa iyong anak. Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Ang malaking banga ng harina ay hindi mauubusan, at ang maliit na banga ng langis ay hindi kakapusin hanggang sa araw na magbigay si Jehova ng ulan sa ibabaw ng lupa.’”—1 Hari 17:11-14.
Baka may magsabi, ‘Ipamigay ang kahuli-hulihan naming pagkain? Nagbibiro ka ba?’ Pero hindi ganiyan ang reaksiyon ng balo. Kahit kaunti lang ang alam niya tungkol kay Jehova, naniwala siya kay Elias at ginawa ang hiniling nito. Napakalaking pagsubok nga sa kaniyang pananampalataya—at tama ang naging desisyon niya!
Hindi pinabayaan ng Diyos ang dukhang balo. Gaya ng ipinangako ni Elias, pinarami ni Jehova ang kaunting harina at langis ng balo at naging sapat iyon kay Elias at sa mag-ina hanggang sa matapos ang tagtuyot. Tunay ngang “ang malaking banga ng harina ay hindi naubusan, at ang maliit na banga ng langis ay hindi kinapos, ayon sa salita ni Jehova na sinalita niya sa pamamagitan ni Elias.” (1 Hari 17:16; 18:1) Kung iba ang ginawa ng balo, malamang na ang tinapay na niluto niya mula sa kaniyang kaunting harina at langis ang naging kahuli-hulihan nga nilang pagkain. Pero nanampalataya siya, nagtiwala kay Jehova, at pinakain muna si Elias.
Matututuhan natin dito na pinagpapala ng Diyos ang mga nananampalataya sa kaniya. Kapag nasusubok ang iyong katapatan at nanampalataya ka kay Jehova, tutulungan ka niya. Siya ay magiging Tagapaglaan, Tagapagsanggalang, at Kaibigan para makayanan mo ang pagsubok.—Ex. 3:13-15.
Noong 1898, itinampok ng Zion’s Watch Tower ang aral na ito mula sa kuwento ng balo: “Kung ang babae ay may sapat na pananampalataya upang sumunod, siya ay ituturing na karapat-dapat tulungan ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta; kung hindi siya nanampalataya, baka may ibang balo na mananampalataya. Gayundin sa atin—habang tumatahak tayo sa landas ng buhay, dinadala tayo ng Panginoon sa mga sitwasyon kung saan sinusubok niya ang ating pananampalataya. Kung mananampalataya tayo, makakamit natin ang pagpapala; kung hindi, maiwawala natin ito.”
Kapag napapaharap sa mga pagsubok, mahalagang hanapin natin ang patnubay ng Diyos mula sa Kasulatan at sa ating salig-Bibliyang mga publikasyon. Pagkatapos ay kumilos tayo ayon sa tagubilin ni Jehova gaanuman kahirap tanggapin iyon. Tiyak na pagpapalain tayo kung susundin natin ang matalinong payong ito: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kaw. 3:5, 6.
‘NAPARITO KA SA AKIN UPANG PATAYIN ANG AKING ANAK’
Muling nasubok ang pananampalataya ng balo. “Pagkaraan ng mga bagay na ito,” ang sabi ng Bibliya, “ang anak ng babae, na ginang ng bahay, ay nagkasakit, at ang kaniyang sakit ay naging napakalubha anupat wala nang hininga na naiwan sa kaniya.” Sa kagustuhang maintindihan kung bakit nangyari ang trahedyang iyon, sinabi ng ina kay Elias: “Ano ang kinalaman ko sa iyo, O lalaki ng tunay na Diyos? Naparito ka sa akin upang ipaalaala ang aking kamalian at upang patayin ang aking anak.” (1 Hari 17:17, 18) Ano ang ibig sabihin ng pananalitang ito na punô ng hinanakit?
May naaalala kayang pagkakasala ang babae na bumabagabag sa kaniya? Iniisip ba niyang parusa ng Diyos ang pagkamatay ng anak niya at na si Elias ay mensahero ng kamatayan mula sa Diyos? Walang sinasabi ang Bibliya, pero ito ang malinaw: Hindi inakusahan ng balo ang Diyos ng anumang kalikuan.
Tiyak na ikinagulat ni Elias ang pagkamatay ng bata at ang iniisip ng babaing balo na si Elias ang dahilan ng pagdadalamhati niya. Matapos dalhin ni Elias sa silid-bubungan ang bata, nanalangin siya: “O Jehova na aking Diyos, kailangan mo rin bang magpasapit ng pinsala sa babaing balo na kinatitirhan ko bilang dayuhan sa pamamagitan ng pagpatay sa kaniyang anak?” Kung hahayaan ni Jehova na patuloy na magdusa ang mabait at mapagpatuloy na babaing balo, mapupulaan ang pangalan Niya at hindi iyon matanggap ng propeta. Kaya nagsumamo si Elias: “O Jehova na aking Diyos, pakisuyo, pabalikin mo sa kaniya ang kaluluwa ng batang ito.”—1 Hari 17:20, 21.
“TINGNAN MO, ANG IYONG ANAK AY BUHÁY”
Nakikinig si Jehova sa panalangin ni Elias. Pinaglaanan ng balo ang kaniyang propeta at nanampalataya siya. Lumilitaw, hinayaan ng Diyos na lumubha ang sakit ng bata at mamatay ito dahil alam niyang isang pagkabuhay-muli—ang unang pagkabuhay-muli na nakaulat sa Kasulatan—ang mangyayari at magbibigay ng pag-asa sa susunod na mga salinlahi. Nang magsumamo si Elias, binuhay-muli ni Jehova ang bata. Isip-isipin kung gaano kasaya ang balo nang sabihin ni Elias: “Tingnan mo, ang iyong anak ay buháy”! Sinabi naman ng balo: “Ngayon ay alam ko nang talaga na ikaw ay isang lalaki ng Diyos at na ang salita ni Jehova sa iyong bibig ay totoo.”—1 Hari 17:22-24.
Wala nang ibang sinasabi ang ulat ng 1 Hari tungkol sa babaing ito. Pero dahil sa positibong pagtukoy sa kaniya ni Jesus, maaaring naging tapat na lingkod siya ni Jehova hanggang kamatayan. (Luc. 4:25, 26) Itinuturo sa atin ng kaniyang kuwento na pinagpapala ng Diyos ang mga gumagawa ng mabuti sa kaniyang mga lingkod. (Mat. 25:34-40) Ipinakikita nito na pinaglalaanan ng Diyos ang mga tapat, maging sa mahihirap na kalagayan. (Mat. 6:25-34) Pinatutunayan din nito na gusto at kaya ni Jehova na buhaying muli ang mga patay. (Gawa 24:15) Magagandang dahilan iyan para alalahanin natin ang balo ng Zarepat.