Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Ipinagtanggol Niya ang Tunay na Pagsamba
PINAGMAMASDAN ni Elias ang pulutong habang paahon ang mga ito sa Bundok Carmel. Hirap na hirap sila anupat halos hindi nila mabuhat ang kanilang mga paa. Bagaman hindi pa gaanong nagliliwanag nang araw na iyon, kitang-kita ang paghihirap ng mga taong ito. Bakas na bakas sa kanila ang matinding epekto ng tatlong-taóng tagtuyot.
Naroroon din kasama nila ang 450 hambog na mga propeta ni Baal na taas-noong naglalakad—punô ng matinding poot kay Elias, isang propeta ni Jehova. Nanindigan pa rin ang lalaking ito laban sa pagsamba kay Baal kahit na maraming lingkod ni Jehova ang ipinapatay ni Reyna Jezebel. Pero hanggang kailan siya tatagal? Marahil ay iniisip ng mga saserdoteng iyon na hindi uubra sa kanilang lahat ang nag-iisang taong iyon. (1 Hari 18:3, 19, 20) Dumating din si Haring Ahab sakay ng kaniyang maharlikang karwahe. Namumuhi rin siya kay Elias.
Isang pambihirang pangyayari ang magaganap ngayon sa buhay ng nag-iisang propetang iyon. Nakamasid si Elias habang inihahanda ang tagpo sa pinakakapana-panabik na labanan sa pagitan ng mabuti at masama na hindi pa kailanman nasaksihan ng daigdig. Ano kaya ang nadarama ng propeta habang nagbubukang-liwayway? Malamang na nakadama rin siya ng takot, yamang isa siyang “taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Santiago 5:17) Isang bagay ang puwede nating matiyak: Palibhasa’y napalilibutan ng mga taong walang pananampalataya, ng kanilang apostatang hari, at ng malulupit na saserdoteng iyon, damang-dama ni Elias na nag-iisa siya.—1 Hari 18:22.
Pero bakit may ganitong krisis sa Israel? At ano ang matututuhan mo ngayon hinggil sa ulat na ito? Hinihimok tayo ng Bibliya na bigyang-pansin ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ng Diyos at “tularan . . . ang kanilang pananampalataya.” (Hebreo 13:7) Isaalang-alang natin ngayon ang halimbawa ni Elias.
Umabot sa Sukdulan ang Matagal Nang Labanan
Halos sa buong buhay ni Elias, wala siyang nagawa kundi pagmasdan ang paglapastangan at pagwawalang-bahala ng mga tao sa pagsamba kay Jehova, na dapat sana’y pinakamahalagang bagay sa buhay ng kaniyang mga kababayan. Alam mo kasi, may matagal nang labanan sa Israel, isang digmaan sa pagitan ng tunay at huwad na relihiyon, sa pagitan ng pagsamba sa Diyos na Jehova at ng idolatriya ng nakapalibot na mga bansa. Noong panahon ni Elias, lalo pang tumindi ang labanang iyon.
Napangasawa ni Haring Ahab si Jezebel, anak na babae ng hari ng Sidon. Determinado si Jezebel na palaganapin ang pagsamba kay Baal sa lupain ng Israel at tuluyang alisin ang pagsamba kay Jehova. Agad niyang naimpluwensiyahan si Ahab. Nagtayo si Ahab ng isang templo at isang altar para kay Baal, at nanguna siya sa pagsamba sa paganong diyos na ito. Ginalit niya nang husto si Jehova.—1 Hari 16:30-33.a
Bakit lubhang kasuklam-suklam ang pagsamba kay Baal? Inakit at inilayo nito ang maraming Israelita mula sa tunay na Diyos. Isa rin itong karumal-dumal at brutal na relihiyon. Bahagi ng pagsambang ito ang pagpapatutot ng mga lalaki at babae sa templo, pagpapakasasa sa sekso, at pagsunog pa nga sa mga bata bilang handog. Dahil dito, isinugo ni Jehova si Elias kay Ahab upang ihayag na magkakaroon ng tagtuyot na tatagal hanggang sa sabihin ng propeta ng Diyos na tapos na ito. (1 Hari 17:1) Lumipas ang ilang taon bago muling nagpakita si Elias kay Ahab at sinabihan itong tipunin ang bayan at ang mga propeta ni Baal sa Bundok Carmel.
Pero ano ang kahulugan ng labanang ito sa panahon natin ngayon? Baka isipin ng ilan na wala namang kaugnayan sa panahon natin ang kuwento hinggil sa pagsamba kay Baal dahil wala na ngayong mga templo at altar para kay Baal. Subalit ang ulat na ito ay hindi lamang basta sinaunang kasaysayan. (Roma 15:4) Ang salitang “Baal” ay nangangahulugang “may-ari” o “panginoon.” Sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan na dapat nila siyang piliin bilang kanilang “baal,” o asawang nagmamay-ari. (Isaias 54:5) Hindi ka ba sasang-ayon na may iba’t ibang panginoon pa rin na pinaglilingkuran ang mga tao bukod sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Ang totoo, kapag pumipili ang mga tao ng mga bagay na itataguyod nila—ito man ay salapi, propesyon, libangan, kaluguran sa sekso, o anumang iba pang di-mabilang na mga diyos na sinasamba sa halip na si Jehova—pumipili sila ng panginoon. (Mateo 6:24; Roma 6:16) Kaya sa diwa, ang pangunahing mga katangian ng pagsamba kay Baal ay kitang-kita pa rin sa ngayon. Ang sinaunang labanan na iyon sa pagitan ni Jehova at ni Baal ay tutulong sa atin na makagawa ng matalinong desisyon kung sino ang ating paglilingkuran.
“Iika-ika”—Paano?
Malakas ang hihip ng hangin sa taluktok ng Bundok Carmel at tanaw na tanaw mula rito ang buong Israel—mula sa agusang libis ng Kison hanggang sa kalapit na Malaking Dagat (Dagat Mediteraneo) hanggang sa kabundukan ng Lebanon sa dulong hilaga.b Pero habang sumisikat ang araw sa kritikal na sandaling ito, kalunus-lunos ang tanawing makikita sa lupain. Nababalot ng matinding karimlan ang dating matabang lupain na ibinigay ni Jehova sa mga anak ni Abraham. Ngayon ay tigang na tigang ito dahil sa nakapapasong init ng araw, sinira ng kamangmangan ng mismong bayan ng Diyos! Nang matipon na ang bayan, lumapit sa kanila si Elias at nagsabi: “Hanggang kailan kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.”—1 Hari 18:21.
Ano ang ibig sabihin ni Elias sa pananalitang “iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon”? Buweno, hindi nauunawaan ng mga taong iyon na kailangan nilang magpasiya kung si Jehova ba o si Baal ang sasambahin nila. Inakala nilang puwede silang gumawa ng karumal-dumal na mga ritwal para palugdan si Baal at kasabay nito’y humingi rin ng pabor sa Diyos na Jehova. Marahil ay iniisip nilang pagpapalain ni Baal ang kanilang mga pananim at kawan, at ipagsasanggalang naman sila ni “Jehova ng mga hukbo” sa digmaan. (1 Samuel 17:45) Nakalimutan nila ang isang mahalagang katotohanang hanggang ngayon ay hindi pa rin nauunawaan ng marami—ayaw ni Jehova na may kaagaw siya sa pagsamba. Humihiling siya ng bukod-tanging debosyon, at karapat-dapat siya rito. Kapag binabantuan natin ang ating pagsamba sa Diyos, hindi ito katanggap-tanggap sa kaniya at nakaiinsulto pa nga!—Exodo 20:5.
Kaya ang mga Israelitang iyon ay “iika-ika,” o nagsasalawahan sa magkaibang panginoon. Ganiyan din ang pagkakamali ng maraming tao sa ngayon—unti-unti nilang hinahayaan na maging bahagi ng kanilang buhay ang ibang mga “baal” anupat ipinagwawalang-bahala ang pagsamba sa Diyos! Ang apurahan at maliwanag na panawagan ni Elias na tumigil sa pag-ika-ika ay tutulong sa atin na masuri ang ating mga priyoridad at paraan ng pagsamba.
Isang Kritikal na Pagsubok
Nagmungkahi ngayon si Elias ng isang napakasimpleng pagsubok. Magtatayo ang mga saserdote ni Baal ng isang altar at maglalagay rito ng hain; pagkatapos ay mananalangin sila sa kanilang diyos upang humiling ng apoy at sunugin ang handog. Gayundin ang gagawin ni Elias. Sinabi niya: “Ang tunay na Diyos na sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang tunay na Diyos.” Alam na alam ni Elias kung sino ang tunay na Diyos. Gayon na lamang katibay ang kaniyang pananampalataya kaya hindi siya nag-alinlangang paunahin ang mga propetang iyon ni Baal. Binigyan niya ng partida ang kaniyang mga kaaway, anupat hinayaan silang pumili ng torong ihahain nila at unang manawagan sa diyos nilang si Baal.c—1 Hari 18:24, 25.
Lipas na ang panahon ng mga himala. Gayunman, hindi nagbabago si Jehova. Makapagtitiwala tayo sa kaniya gaya ni Elias. Halimbawa, kapag may sumasalungat sa itinuturo ng Bibliya, hindi tayo matatakot na paunahin silang magpaliwanag at magsabi ng kanilang opinyon. Gaya ni Elias, makaaasa tayong itutuwid ng tunay na Diyos ang mga bagay-bagay. Magagawa natin ito kung magtitiwala tayo, hindi sa ating sarili kundi sa kaniyang kinasihang Salita, na magagamit “sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.”—2 Timoteo 3:16.
Inihanda ng mga propeta ni Baal ang kanilang hain at nanawagan sa kanilang diyos. “O Baal, sagutin mo kami!” ang paulit-ulit nilang isinisigaw. Lumipas ang ilang minuto, ilang oras, “ngunit walang tinig, at walang sinumang sumasagot,” ang sabi ng Bibliya. Pagsapit ng katanghaliang-tapat, nagsimulang manlibak si Elias. Baka raw masyadong abala si Baal para sagutin sila, o baka dumudumi siya, o umiidlip kaya kailangang gisingin. “Sumigaw kayo sa sukdulan ng inyong tinig,” ang paghimok ni Elias sa mga impostor na iyon. Hindi nag-alinlangan si Elias na panloloko lamang ang pagsamba kay Baal, at gusto niyang matauhan ang bayan ng Diyos.—1 Hari 18:26, 27.
Dahil sa panlilibak ni Elias, lalong nataranta ang mga saserdote ni Baal kaya ‘sumigaw sila sa sukdulan ng kanilang tinig at naghiwa ng kanilang sarili ayon sa kanilang kaugalian sa pamamagitan ng mga sundang at sa pamamagitan ng mga sibat, hanggang sa mapadanak nila ang kanilang dugo.’ Wala ring nangyari! “Walang tinig, at walang sinumang sumasagot, at walang nagbibigay-pansin.” (1 Hari 18:28, 29) Hindi talaga totoo si Baal. Inimbento lamang siya ni Satanas upang italikod ang mga tao mula kay Jehova. Ngayon, tulad din noon, ang paglilingkod sa ibang panginoon bukod kay Jehova ay nauuwi sa kabiguan o kahihiyan pa nga.—Awit 25:3; 115:4-8.
Ang Sagot
Dapit-hapon na. Pagkakataon na ngayon ni Elias. Inayos niya ang altar ni Jehova, na malamang ay giniba noon ng mga kaaway ng tunay na pagsamba. Gumamit siya ng 12 bato, marahil upang ipaalaala sa karamihan na kabilang sa 10-tribong bayan ng Israel na obligado pa rin silang sundin ang Kautusan na ibinigay sa lahat ng 12 tribo. Saka niya inilagay sa ibabaw ang kaniyang hain at binuhusan ito ng tubig, na marahil ay galing sa kalapit na Dagat Mediteraneo. Nagpahukay pa nga siya ng trinsera, o kanal, at pinunô rin ito ng tubig. Kung paanong binigyan niya ng lahat ng kalamangan ang mga propeta ni Baal, kabaligtaran naman ang ibinigay niya kay Jehova—gayon na lamang kalaki ang tiwala niya sa kaniyang Diyos.—1 Hari 18:30-35.
Nang handa na ang lahat, nanalangin si Elias. Maliwanag na ipinakita ng simple subalit nakaaantig na panalangin ni Elias kung ano ang pinakamahalaga para sa kaniya. Una sa lahat, gusto niyang maihayag na si Jehova, hindi ang Baal na ito, ang “Diyos sa Israel.” Ikalawa, gusto niyang malaman ng lahat na siya’y isang lingkod lamang ni Jehova; ang Diyos ang dapat tumanggap ng lahat ng kaluwalhatian at kapurihan. Panghuli, ipinakita niyang nagmamalasakit pa rin siya sa kaniyang mga kababayan, sapagkat nananabik siyang makita na ‘panumbalikin ni Jehova ang kanilang puso.’ (1 Hari 18:36, 37) Sa kabila ng lahat ng pighating idinulot ng kanilang kawalang-katapatan, mahal pa rin sila ni Elias. Nakikita rin ba sa ating panalangin sa Diyos na nais nating maparangalan ang kaniyang pangalan, na mapagpakumbaba tayo at nahahabag sa iba na nangangailangan ng tulong?
Bago manalangin si Elias, maaaring nag-iisip ang mga pulutong kung si Jehova ay isa ring huwad na diyos gaya ni Baal. Pero pagkatapos mismo ng panalangin, naglaho ang kanilang agam-agam. Sinasabi ng ulat: “Sa gayon ay bumulusok ang apoy ni Jehova at inubos ang handog na sinusunog at ang mga piraso ng kahoy at ang mga bato at ang alabok, at ang tubig na nasa trinsera ay hinimod nito.” (1 Hari 18:38) Isa ngang kagila-gilalas na sagot! At paano tumugon ang bayan?
“Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!” iyan ang isinigaw nilang lahat. (1 Hari 18:39) Sa wakas, natauhan din sila. Pero hindi ibig sabihin nito na may pananampalataya na sila. Ang totoo, hindi iyon isang pambihirang kapahayagan ng pananampalataya sapagkat kinailangan pa nilang makakita ng bumubulusok na apoy mula sa langit bilang tugon sa panalangin bago nila kilalaning si Jehova ang tunay na Diyos. Kaya may hiniling sa kanila si Elias. Hiniling niya sa kanila na sundin nila ang Kautusan ni Jehova, na dapat sana’y noon pa nila ginawa. Sinasabi ng Kautusan ng Diyos na dapat patayin ang huwad na mga propeta at ang mga mananamba sa idolo. (Deuteronomio 13:5-9) Ang mga saserdoteng iyon ni Baal ay mortal na kaaway ng Diyos na Jehova na sadyang sumasalansang sa kaniyang mga layunin. Dapat ba silang kaawaan? Bakit, naawa ba sila sa lahat ng inosenteng bata na sinunog nila nang buháy bilang hain kay Baal? (Kawikaan 21:13; Jeremias 19:5) Hindi, hindi dapat kaawaan ang mga lalaking iyon. Kaya iniutos ni Elias na patayin sila, at pinatay nga sila.—1 Hari 18:40.
Pinupuna ng ilang kritiko sa ngayon ang hakbang na ginawa ni Elias nang matapos ang pagsubok sa Bundok Carmel. Nag-aalala naman ang ilan na baka gamitin ng mga panatiko ang ulat na ito upang ipagmatuwid ang karahasang ginagawa nila sa ngalan ng relihiyon. At nakalulungkot, napakaraming relihiyosong ekstremista sa ngayon. Pero hindi panatiko si Elias. Ginamit lamang siya ni Jehova upang ilapat ang Kaniyang matuwid na hatol. Bukod diyan, alam ng tunay na mga Kristiyano na hindi nila puwedeng gawin ang ginawa ni Elias at patayin ang masasamang tao. Nang dumating ang Mesiyas, ang pamantayang sinusunod ng lahat ng alagad ni Jesus ay ang mga salitang ito ni Kristo kay Pedro: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Gagamitin ni Jehova ang kaniyang Anak upang maglapat ng Kaniyang hatol sa hinaharap.
Pananagutan ng isang tunay na Kristiyano na mamuhay nang may pananampalataya. (Juan 3:16) Ang isang paraan para magawa ito ay tularan ang tapat na mga lalaking gaya ni Elias. Si Jehova lamang ang sinamba niya at hinimok niya ang iba na gayundin ang gawin. Lakas-loob niyang inilantad ang huwad na relihiyong ginagamit ni Satanas upang ilayo ang mga tao mula kay Jehova. At sa halip na manalig sa kaniyang sariling kakayahan at gawin ang kaniyang sariling kagustuhan, nagtiwala siya na itutuwid ni Jehova ang mga bagay-bagay. Oo, ipinagtanggol ni Elias ang tunay na pagsamba. Tularan nawa nating lahat ang kaniyang pananampalataya!
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa naunang mga pangyayari sa pagitan nina Elias at Ahab, tingnan ang artikulong “Ikaw ba ay May Pananampalatayang Tulad ng kay Elias?” sa Abril 1, 1992, isyu ng Ang Bantayan.
b Karaniwan nang mayabong ang mga halaman at punungkahoy sa Carmel dahil sa mahalumigmig na hanging galing sa dagat na kadalasang nagdadala ng ulan at saganang hamog. Dahil itinuturing na tagapagdala ng ulan si Baal, maliwanag na mahalagang lugar ang bundok na ito para sa pagsamba kay Baal. Kaya ang tigang na Carmel ay angkop na lokasyon para ilantad na panghuhuwad ang Baalismo.
c Kapansin-pansin, sinabihan sila ni Elias: “Huwag ninyong lagyan . . . ng apoy” ang hain. Sinasabi ng ilang iskolar na ang mga mananambang iyon ng idolo ay gumagamit paminsan-minsan ng mga altar na maaaring sindihan sa ilalim para palabasing makahimala ang apoy.
[Blurb sa pahina 20]
Ang paglilingkod sa ibang panginoon bukod kay Jehova ay nauuwi sa kabiguan o kahihiyan pa nga
[Larawan sa pahina 21]
“Si Jehova ang tunay na Diyos!”