Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Tumanggap Siya ng Kaaliwan Mula sa Kaniyang Diyos
TUMATAKBO si Elias sa gitna ng ulan habang nagdidilim ang langit. Malayo pa ang tatakbuhin niya bago makarating sa Jezreel, at may-edad na siya. Pero hindi siya napapagod dahil “ang mismong kamay ni Jehova” ay sumasakaniya. Ngayon lang siya naging ganito kalakas. Isipin mo, nauna pa siya sa mga kabayong humihila sa karo ni Haring Ahab!—1 Hari 18:46.
Napakalayo na niya ngayon kay Haring Ahab, at malayo pa ang kaniyang destinasyon. Habang kukurap-kurap si Elias dahil sa mga patak ng ulan sa kaniyang mga mata, iniisip-isip din niya ang mga nangyari noong di-malilimutang araw na iyon ng kaniyang buhay. Oo, isang napakalaking tagumpay iyon para sa tunay na pagsamba at sa Diyos ni Elias, si Jehova. Dahil sa maitim na ulap, hindi na niya matanaw ang taluktok ng Bundok Carmel, kung saan ginamit siya ni Jehova para talunin ang pagsamba kay Baal sa pamamagitan ng himala. Nahantad noon ang pandaraya ng daan-daang propeta ni Baal, at sila ay pinatay. Pagkatapos, nanalangin si Elias kay Jehova para matapos na ang tatlo at kalahating taóng tagtuyot sa lupain. At umulan nga!a—1 Hari 18:18-45.
Habang tinatakbo ni Elias ang distansiyang 30 kilometro patungong Jezreel, malamang na iniisip niyang magkakaroon na ng malaking pagbabago. Kailangan nang magbago si Ahab! Pagkatapos ng kaniyang nasaksihan, wala na siyang pagpipilian kundi ang talikuran ang pagsamba kay Baal, supilin ang kaniyang reynang si Jezebel, at tigilan ang pang-uusig sa mga lingkod ni Jehova.
Kapag tila nagiging pabor sa atin ang mga pangyayari, natural lang na lalo tayong mabuhayan ng loob. Umaasa tayong tuluy-tuloy nang magbabago ang ating buhay, marahil ay iniisip pa ngang mawawala na ang pinakamabibigat nating problema. Kung naramdaman ito ni Elias, hindi naman kataka-taka dahil siya ay “isang taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Santiago 5:17) Pero ang totoo, hindi pa tapos ang mga problema ni Elias. Sa susunod na mga oras ay makadarama siya ng sobrang takot at panghihina ng loob, anupat gugustuhin na niyang mamatay. Bakit kaya? At paano tinulungan ni Jehova ang kaniyang propeta para manumbalik ang pananampalataya at tapang nito? Tingnan natin.
Biglang Nagbago ang mga Pangyayari
Nang makarating si Ahab sa kaniyang palasyo sa Jezreel, kinakitaan ba siya ng pagbabago? Mababasa natin: “Sinabi ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias at ang buong pangyayari kung paano niya pinatay ang lahat ng propeta sa pamamagitan ng tabak.” (1 Hari 19:1) Pansinin na walang binanggit si Ahab tungkol sa Diyos ni Elias na si Jehova. Para sa kaniya, ang mga nangyari noong araw na iyon ay mga himala lang na “ginawa ni Elias.” Maliwanag, hindi niya natutuhang igalang ang Diyos na Jehova. At ano naman ang naging reaksiyon ng mapaghiganting si Jezebel?
Galit na galit siya! Nagpadala siya ng mensahe kay Elias: “Gayon nawa ang gawin ng mga diyos, at gayon nawa ang idagdag nila roon, kung bukas sa ganitong oras ay hindi ko gawing tulad ng kaluluwa ng bawat isa sa kanila ang iyong kaluluwa!” (1 Hari 19:2) Talagang nakatatakot ang bantang ito. Para na ring sumumpa si Jezebel na mamamatay siya kung hindi niya maipapapatay si Elias sa araw ding iyon bilang paghihiganti para sa mga propeta ni Baal. Isipin na lang kung ano ang nadama ni Elias nang gisingin siya sa kaniyang maliit na tinutuluyan sa Jezreel noong mabagyong gabing iyon para lang marinig ang mensaheng ito ng reyna. Ano kaya ang naging epekto nito sa kaniya?
Nadaig ng Takot at Panghihina ng Loob
Kung inaakala ni Elias na nagwakas na ang pagsamba kay Baal, nagkakamali siya. Hindi magpapatalo si Jezebel. Napakarami na niyang naipapatay na mga tapat na kasamahan ni Elias, at mukhang si Elias na ang susunod. Sinasabi ng Bibliya: “Siya ay natakot.” Naguniguni kaya ni Elias ang malagim na kamatayang daranasin niya sa kamay ni Jezebel? Kung patuloy niya itong iniisip, matatakot nga siya. Anuman ang talagang nangyari, ‘nagsimula siyang yumaon para sa kaniyang kaluluwa,’ anupat tumakas siya.—1 Hari 18:4; 19:3.
Hindi lang si Elias ang tapat na taong nadaig ng takot. Naranasan din ito ni apostol Pedro. Halimbawa, nang palakarin din ni Jesus si Pedro sa tubig papunta sa Kaniya, ‘nakita ng apostol ang buhawi.’ Natakot siya at unti-unting lumubog. (Mateo 14:30) Isang mahalagang aral ang itinuturo sa atin ng mga karanasan nina Pedro at Elias. Kung ayaw nating panghinaan ng loob, huwag nating patuloy na isipin ang mga bagay na nagdudulot sa atin ng takot. Dapat tayong manatiling nakapokus sa Pinagmumulan ng ating pag-asa at lakas.
“Sapat na!”
Dahil sa takot, tumakas si Elias patimog-kanluran sa Beer-sheba, isang bayang malapit sa hanggahan sa timog ng Juda at may layong mga 150 kilometro. Iniwan niya roon ang kaniyang tagapaglingkod at pumunta siyang mag-isa sa ilang na ayon sa ulat ay “isang araw na paglalakbay.” Kaya maiisip nating sa pagputok ng araw, nagsimula nang maglakbay si Elias nang walang dalang anumang pagkain o gamit. Hiráp na hiráp niyang nilakad ang ilang, sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Habang papalubog ang araw, nanghihina na rin si Elias. Umupo siya sa ilalim ng punong retama—ang tanging mapagpapahingahan niya sa tigang na lupaing iyon.—1 Hari 19:4.
Palibhasa’y desperado na, nanalangin si Elias at hiniling niyang mamatay na sana siya. Sinabi niya: “Hindi ako mabuti kaysa sa aking mga ninuno.” Alam niyang alabok at buto na lang ang kaniyang mga ninuno, anupat wala na silang magagawang anuman. (Eclesiastes 9:10) Pakiramdam ni Elias ay wala na rin siyang magagawa. Kaya naman nasabi niya: “Sapat na!” Wala nang dahilan para mabuhay pa siya.
Nakagugulat bang malaman na ang isang lingkod ng Diyos ay pinanghinaan ng loob? Hindi naman. Maraming tapat na lalaki at babae sa Bibliya ang nakadama rin ng ganito anupat ginusto na nilang mamatay. Ang ilan sa kanila ay sina Rebeka, Jacob, Moises, at Job.—Genesis 25:22; 37:35; Bilang 11:13-15; Job 14:13.
Sa ngayon, tayo ay nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kaya hindi kataka-takang maraming tao, kahit mga tapat na lingkod ng Diyos, ang pinanghihinaan ng loob paminsan-minsan. (2 Timoteo 3:1) Kung ganiyan ang iyong kalagayan, tularan mo ang ginawa ni Elias. Ibuhos mo ang iyong niloloob sa Diyos. Tutal, si Jehova ang “Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Inaliw ba niya si Elias?
Pinalakas ni Jehova ang Kaniyang Propeta
Sa palagay mo, ano kaya ang nadama ni Jehova nang matanaw niya mula sa langit ang kaniyang minamahal na propeta habang nakahiga sa ilalim ng puno sa ilang at nagmamakaawang mamatay na sana siya? Nang makatulog si Elias, nagsugo si Jehova ng isang anghel. Hinipo ng anghel si Elias para gisingin, at nagsabi: “Bumangon ka, kumain ka.” Gayon nga ang ginawa ni Elias dahil ipinaghanda siya ng anghel ng simpleng pagkain—bagong lutong tinapay at tubig. Nakapagpasalamat ba siya sa anghel? Ang sabi lang sa ulat, ang propeta ay kumain, uminom, at natulog muli. Dahil ba sa sobrang lungkot kung kaya hindi siya nakapagsalita? Anuman ang talagang nangyari, ginising siyang muli ng anghel, marahil nang magbukang-liwayway na. Sinabi niyang muli kay Elias, “Bumangon ka, kumain ka,” at idinagdag pa niya, “sapagkat ang paglalakbay ay napakahirap para sa iyo.”—1 Hari 19:5-7.
Sa tulong ng Diyos, nalaman ng anghel kung saan pupunta si Elias. At alam niyang hindi kakayanin ni Elias ang gagawin nitong paglalakbay. Talagang nakaaaliw maglingkod sa isang Diyos na mas nakaaalam ng ating mga intensiyon at limitasyon kaysa sa atin! (Awit 103:13, 14) Paano nakatulong kay Elias ang mga pagkaing iyon?
Mababasa natin: “Bumangon siya at kumain at uminom, at patuloy siyang yumaon sa lakas mula sa pagkaing iyon sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa bundok ng tunay na Diyos, ang Horeb.” (1 Hari 19:8) Tulad ni Moises na nabuhay mga anim na siglo bago ang panahon ni Elias at ni Jesus na nabuhay naman halos sampung siglo pagkamatay niya, si Elias ay nag-ayuno rin nang 40 araw at 40 gabi. (Exodo 34:28; Lucas 4:1, 2) Hindi naman nawala ang lahat ng kaniyang problema dahil sa mga pagkaing iyon, pero pinalakas siya nito sa makahimalang paraan. Isip-isipin na lang kung gaano kahirap para sa may-edad nang si Elias ang maglakbay sa ilang sa loob ng halos isa’t kalahating buwan!
Sa ngayon, pinalalakas din ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, pero hindi sa makahimalang paglalaan ng pagkain kundi sa isang mas mahalagang paraan—sa espirituwal na paraan. (Mateo 4:4) Kapag natututo tayo tungkol sa Diyos mula sa kaniyang Salita at sa mga publikasyong salig sa Bibliya, napalalakas tayo sa espirituwal. Maaaring hindi naman nito maaalis ang lahat ng ating problema, pero makatutulong ito sa atin na matiis ang isang bagay na talagang napakahirap tiisin. Umaakay rin ito sa “buhay na walang hanggan.”—Juan 17:3.
Naglakad si Elias ng halos 320 kilometro hanggang sa makarating sa Bundok Horeb. Dito nagpakita noon ang Diyos na Jehova kay Moises, sa pamamagitan ng isang anghel, sa nagniningas na tinikang-palumpong. Nang maglaon, dito rin nakipagtipan si Jehova sa Israel sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kautusan. Nanganlong si Elias sa isang kuweba.
Inaliw at Pinatibay ni Jehova ang Kaniyang Propeta
Sa Horeb, ang “salita” ni Jehova—lumilitaw na sa pamamagitan ng isang anghel—ay nagtanong: “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” Malamang na malumanay ang pagtatanong na ito, dahil itinuring ito ni Elias na isang paghimok na sabihin ang kaniyang niloloob. At gayon nga ang ginawa niya! Sinabi niya: “Lubos akong naging mapanibughuin para kay Jehova na Diyos ng mga hukbo; sapagkat iniwan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ang iyong mga altar ay giniba nila, at ang iyong mga propeta ay pinatay nila sa pamamagitan ng tabak, anupat ako lamang ang natira; at pinasisimulan nilang hanapin ang aking kaluluwa upang kunin.” (1 Hari 19:9, 10) Lumilitaw na may tatlong dahilan kung bakit pinanghihinaan ng loob si Elias.
Una, nadama ni Elias na nawalan ng saysay ang kaniyang ginawa. Sa loob ng maraming taon, si Elias ay naging ‘lubos na mapanibughuin’ sa paglilingkod kay Jehova, anupat naging pinakamahalaga sa kaniya ang sagradong pangalan ng Diyos at tunay na pagsamba. Pero nakita ni Elias na parang lalo lang sumasamâ ang mga kalagayan. Ang bayan ay nananatiling walang pananampalataya at rebelyoso, samantalang lumalaganap ang huwad na pagsamba. Ikalawa, pakiramdam ni Elias ay nag-iisa siya. “Ako lamang ang natira,” ang sabi niya, na para bang siya na lang ang natitirang lingkod ni Jehova sa bansa. Ikatlo, natatakot si Elias. Marami sa mga kasamahan niya ang pinatay na, at alam niyang siya na ang susunod. Maaaring mahirap para kay Elias na aminin ang nadarama niya, pero hindi niya hinayaang pigilan siya ng pride o pagkapahiya na sabihin ito. Sa pagbubuhos ng kaniyang niloloob sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, naging isa siyang mainam na halimbawa para sa lahat ng tapat.—Awit 62:8.
Paano tinulungan ni Jehova si Elias? Sinabi ng anghel kay Elias na tumayo siya sa bukana ng kuweba. Sumunod siya kahit hindi niya alam kung ano ang mangyayari. Biglang humangin nang malakas! Malamang na may kasabay pa itong nakabibinging hugong dahil nahati ang mga bundok at malalaking bato sa sobrang lakas ng hangin. Naiisip mo ba kung paano tinatakpan ni Elias ang kaniyang mga mata habang mahigpit na nakahawak sa kaniyang makapal na kasuutang yari sa balahibo na hinahampas ng hangin? Sinisikap din niyang huwag mabuwal nang magsimulang mayanig ang lupa. Pero nang makita niyang paparating ang isang malaking apoy, napilitan siyang pumasok muli sa kuweba.—1 Hari 19:11, 12.
Sa bawat pangyayaring ito, ipinaaalaala sa atin ng ulat na si Jehova ay wala sa mga kamangha-manghang puwersang ito ng kalikasan. Alam ni Elias na si Jehova ay hindi isang kathang-isip na diyos ng kalikasan, gaya ni Baal, na sinasamba bilang ang “Nakasakay sa mga Ulap,” o tagapagbigay ng ulan. Si Jehova ang tunay na Pinagmumulan ng lahat ng kamangha-manghang puwersa sa kalikasan, pero di-hamak na mas makapangyarihan siya sa lahat ng kaniyang ginawa. Kahit na sa langit ay hindi siya magkasya! (1 Hari 8:27) Kung gayon, paano nakatulong kay Elias ang lahat ng pangyayaring ito? Tandaan na natakot siya. Kung nasa panig niya ang isang Diyos na tulad ni Jehova na may gayong kalakas na kapangyarihan, wala siyang dapat ikatakot kina Ahab at Jezebel!—Awit 118:6.
Nang maglaho ang apoy, nabalot ng katahimikan ang paligid at nakarinig si Elias ng “isang kalmado at mahinang tinig.”b Hinimok nito si Elias na ibuhos muli ang kaniyang niloloob, at ginawa naman niya iyon sa ikalawang pagkakataon. Malamang na lalong gumaan ang kaniyang pakiramdam. Pero tiyak na lalo pang naaliw si Elias sa sumunod na sinabi ng “kalmado at mahinang tinig.” Tiniyak ni Jehova sa kaniya na napakahalaga niya. Paano? Sinabi ng Diyos kay Elias ang iba pang bagay na gagawin Niya para alisin sa Israel ang pagsamba kay Baal. Maliwanag na hindi nawalan ng saysay ang ginawa ni Elias! Bukod diyan, kasama pa rin si Elias sa layunin ni Jehova dahil binigyan siyang muli ni Jehova ng atas at ilang espesipikong tagubilin.—1 Hari 19:12-17.
Kumusta naman ang pakiramdam ni Elias na siya’y nag-iisa? Dalawang bagay ang ginawa ni Jehova. Una, sinabi niya kay Elias na atasan si Eliseo bilang propeta na hahalili sa kaniya. Ang mas nakababatang lalaking ito ay magiging kasama at katulong niya sa loob ng maraming taon. Napakapraktikal na tulong nga! Ikalawa, sinabi sa kaniya ni Jehova ang nakatutuwang balitang ito: “Nag-iwan ako ng pitong libo sa Israel, ang lahat ng tuhod na hindi lumuhod kay Baal, at ang bawat bibig na hindi humalik sa kaniya.” (1 Hari 19:18) Hindi nag-iisa si Elias. Tiyak na nabuhayan ng loob si Elias nang marinig niya ang tungkol sa libu-libong tapat na lingkod na iyon na tumangging sumamba kay Baal. Alang-alang sa kanila, kailangang ipagpatuloy ni Elias ang tapat na paglilingkod at magsilbing halimbawa ng di-natitinag na katapatan kay Jehova sa madilim na panahong iyon ng tunay na pagsamba. Tiyak na naantig nang husto si Elias sa mga salitang ito ng mensahero ni Jehova, ang “kalmado at mahinang tinig” ng kaniyang Diyos.
Gaya ni Elias, maaaring mamangha tayo sa mga likas na puwersang nasa nilalang, at tama naman. Malinaw na makikita sa mga nilalang ang kapangyarihan ng Maylalang. (Roma 1:20) Gustung-gusto pa ring gamitin ni Jehova ang kaniyang walang-limitasyong kapangyarihan para tulungan ang mga tapat na lingkod niya. (2 Cronica 16:9) Pero mas nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. (Isaias 30:21) Kaya masasabing ang Bibliya ay parang ang “kalmado at mahinang tinig” na ginagamit ni Jehova sa ngayon para patnubayan tayo, ituwid, himukin, at tiyakin na mahal niya tayo.
Tinanggap ba ni Elias ang kaaliwang ibinibigay ni Jehova sa kaniya sa Bundok Horeb? Oo! Di-nagtagal, bumalik siya sa kaniyang atas bilang ang matapang at tapat na propetang naninindigan laban sa huwad na pagsamba. Kung isasapuso rin natin ang mga salita ng Diyos, ang “kaaliwan mula sa Kasulatan,” matutularan natin ang pananampalataya ni Elias.—Roma 15:4.
[Mga talababa]
a Tingnan ang mga artikulong “Ipinagtanggol Niya ang Tunay na Pagsamba” at “Naghintay Siya at Naging Mapagbantay” sa seksiyong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya,” isyu ng Enero 1 at Abril 1, 2008 ng Ang Bantayan.
b Maaaring ang pinagmulan ng “kalmado at mahinang tinig” na ito ay ang espiritu ring ginamit para ihatid ang “salita ni Jehova” na binanggit sa 1 Hari 19:9. Sa talata 15, ang espiritung ito ay tinukoy na “Jehova.” Maaari nating maalaala rito ang anghel na isinugo noon ni Jehova para patnubayan ang Israel sa ilang. Tungkol sa anghel na ito, sinabi ng Diyos: “Ang aking pangalan ay nasa kaniya.” (Exodo 23:21) Bagaman hindi naman natin tinitiyak, pero mahalagang tandaan na bago bumaba si Jesus sa lupa, siya ay naglingkod bilang “ang Salita,” ang espesyal na Tagapagsalita sa mga lingkod ni Jehova.—Juan 1:1.
[Larawan sa pahina 19]
Lubos na pinagpala ni Jehova si Elias, kapuwa sa mahihirap at maiinam na panahon
[Larawan sa pahina 20]
Sa panahon ng kabagabagan, ibinuhos ni Elias kay Jehova ang kaniyang niloloob
[Larawan sa pahina 21]
Ginamit ni Jehova ang kaniyang kamangha-manghang kapangyarihan para aliwin at patibayin si Elias