‘Kung Pinipilit Kang Maglingkod’
“HOY! Ihinto mo ang ginagawa mo ngayon din, halika rito at buhatin mo ang balutang ito para sa akin.” Ano sa palagay mo ang maaaring naging reaksiyon ng isang abalang Judio noong unang siglo kung isang sundalong Romano ang nagsabi nito sa kaniya? Sa kaniyang Sermon sa Bundok, iminungkahi ni Jesus: “Kung ang isang may awtoridad ay pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya, sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Paano uunawain ng mga tagapakinig ni Jesus ang payong iyon? At ano ang dapat na maging kahulugan nito para sa atin sa ngayon?
Upang masagot ito, kailangan nating malaman ang hinggil sa sapilitang paglilingkod noong sinaunang panahon. Pamilyar na pamilyar sa gawaing iyan ang mga naninirahan sa Israel noong panahon ni Jesus.
Sapilitang Paglilingkod
Sing-aga ng ika-18 siglo B.C.E., umiiral na ang sapilitang paglilingkod (o, corvée) sa Malapit na Silangan. Binabanggit ng tekstong pampangasiwaan mula sa sinaunang lunsod ng Alalakh sa Sirya ang mga grupo ng corvée na tinawag ng pamahalaan para sa personal na paglilingkod. Sa Ugarit, sa baybayin ng Sirya, tinatawag din ang mga kasamá para sa personal na paglilingkod malibang palayain sila ng hari.
Sabihin pa, ang mga taong nalupig o nasupil sa digmaan ang kadalasang puwersahang pinagtatrabaho. Pinuwersa ng mga Ehipsiyong tagapag-utos ang mga Israelita na magpaalipin sa kanila sa paggawa ng mga laryo. Nang maglaon, pinagtrabaho ng mga Israelita ang mga Canaanita na tumatahan sa Lupang Pangako bilang mga alipin, at ipinagpatuloy nina David at Solomon ang gayong gawain.—Exodo 1:13, 14; 2 Samuel 12:31; 1 Hari 9:20, 21.
Nang humiling ang mga Israelita ng isang hari, ipinaliwanag ni Samuel kung ano ang magiging kaukulang nararapat sa hari. Ang kaniyang mga sakop ay kukunin niya upang maglingkod bilang mga tagapagpatakbo ng karo at mga mangangabayo, upang mag-araro at mag-ani, upang gumawa ng mga sandata, at iba pa. (1 Samuel 8:4-17) Gayunman, noong itinatayo ang templo ni Jehova, bagaman napasailalim sa mapang-aliping puwersahang pagtatrabaho ang mga banyaga, “walang sinuman sa mga anak ni Israel ang ginawang mga alipin ni Solomon; sapagkat sila ang mga mandirigma at mga lingkod niya at mga prinsipe niya at mga ayudante niya at mga pinuno ng kaniyang mga tagapagpatakbo ng karo at ng kaniyang mga mangangabayo.”—1 Hari 9:22.
Kung tungkol sa mga Israelita na nagtrabaho sa mga proyekto ng pagtatayo, ganito ang sabi ng 1 Hari 5:13, 14: “Patuloy na iniaahon ni Haring Solomon yaong mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho mula sa buong Israel; at yaong mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho ay umabot sa tatlumpung libong lalaki. At isinusugo niya sila sa Lebanon sa rilyebong sampung libo sa isang buwan. Sa loob ng isang buwan ay nananatili sila sa Lebanon, sa loob ng dalawang buwan ay sa kanilang mga tahanan.” “Walang alinlangan,” ang sabi ng isang iskolar, “ginamit ng mga Israelita at ng mga hari ng Juda ang corvée bilang isang paraan upang hindi na nila kailanganin pang magbayad para sa kanilang mga gawaing pagtatayo at sa pagtatrabaho sa mga lupaing pag-aari ng hari.”
Mabigat ang pasanin sa ilalim ng pamamahala ni Solomon. Lubhang mapaniil ang pasanin anupat nang magbanta si Rehoboam na daragdagan pa ang mga pasaning iyon, naghimagsik ang buong Israel at binato nila ang opisyal na inatasan sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho. (1 Hari 12:12-18) Gayunman, hindi inalis ang sistema ng puwersahang pagtatrabaho. Ipinatawag ni Asa, apo ni Rehoboam, ang mga taong-bayan ng Juda upang itayo ang mga lunsod ng Geba at Mizpa, at “walang sinuman ang nalibre.”—1 Hari 15:22.
Sa Ilalim ng Pamumuno ng Roma
Ipinakikita ng Sermon sa Bundok na pamilyar ang mga Judio noong unang-siglo sa posibilidad ‘na pilitin sila sa paglilingkod.’ Ang ekspresyong ito ay isinalin mula sa salitang Griego na ag·ga·reuʹo, na dating nauugnay sa gawain ng mga karterong Persiano. May awtoridad silang gamitin sa paglilingkod ang mga tao, kabayo, barko, o anumang bagay na kailangan upang magampanan nang mabilis ang tungkuling bayan.
Noong panahon ni Jesus, ang Israel ay nasakop ng mga Romano, na sumusunod sa katulad na sistema. Sa mga lalawigan sa Silangan, bukod pa sa karaniwang mga buwis, ang mga tao ay maaaring sapilitang pagtrabahuhin nang palagian o sa pambihirang kalagayan. Ang gayong mga tungkulin ay tiyak na nakayayamot. Karagdagan pa, karaniwan na ang walang pahintulot na pag-agaw ng mga hayop, tsuper, o mga karwahe para magamit ng Estado sa paghahatid. Ayon sa istoryador na si Michael Rostovtzeff, “sinikap [ng mga administrador] na ayusin at gawing sistematiko [ang institusyon ng sapilitang pagtatrabaho], subalit hindi ito nagtagumpay, sapagkat hangga’t nagpapatuloy ito, tiyak na magbubunga ito ng masasamang epekto. Sunud-sunod na mga utos ang inilabas ng mga prepekto, na buong-katapatang nagsikap na ihinto ang mapaniil na paggamit ng kapangyarihan at ang paniniil na likas sa sistema ng puwersahang pagtatrabaho . . . Subalit nanatiling mapaniil ang puwersahang pagtatrabaho.”
“Ang sinuman ay maaaring piliting magbuhat ng bagahe ng hukbo sa isang partikular na distansiya,” ang sabi ng isang iskolar na Griego, at “ang sinuman ay maaaring piliting gawin ang anumang paglilingkod na ipinagagawa sa kaniya ng mga mananakop.” Nangyari iyan kay Simon ng Cirene, na ‘pinilit maglingkod’ ng mga sundalong Romano upang buhatin ang pahirapang tulos ni Jesus.—Mateo 27:32.
Binabanggit din ng Rabinikong teksto ang nakayayamot na gawaing ito. Halimbawa, isang rabbi ang dinakip upang magdala ng mga mirto sa palasyo. Maaaring kunin ang mga manggagawa mula sa mga amo nila at bigyan sila ng ibang atas, gayunman ang mga amo pa rin nila ang magbabayad ng kanilang suweldo. Maaaring agawin ang pangkargadang mga hayop o barakong baka. Maibalik man ang mga ito, malamang na hindi na ito magagamit pa sa pagtatrabaho. Nauunawaan mo na ngayon kung bakit ang pag-agaw ay kasingkahulugan ng pagkumpiska. Kaya nga, talagang sinasabi ng isang kawikaang Judio: “Ang angareia ay parang kamatayan.” Ganito ang sabi ng isang istoryador: “Maaaring masira ang isang nayon dahil sa pag-agaw ng barakong baka na pang-araro para sa angareia sa halip na mga hayop na panghatak.”
Talagang nakayayamot ang gayong mga atas na trabaho, lalo na yamang ang mga ito ay kadalasang ipinapataw nang may labis na kapalaluan at kawalang-katarungan. Kung isasaalang-alang ang kinikimkim nilang pagkapoot sa mga kapangyarihang Gentil na nagpuno sa kanila, may-kapaitang naghinanakit ang mga Judio dahil sa kahihiyang dulot ng gayong puwersahan at nakapipighating pagtatrabaho. Walang umiiral na batas ang nagsasabi sa atin nang eksakto kung hanggang saan maaaring pilitin ang isang mamamayan na magbuhat ng isang pasan. Malamang na hindi gugustuhin ng marami na gumawa ng higit pa kaysa sa hinihiling ng batas.
Gayunman, ito ang gawain na binanggit ni Jesus nang sabihin niya: “Kung ang isang may awtoridad ay pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya, sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Sa pagkarinig nito, maaaring naisip ng ilan na hindi siya makatuwiran. Ano nga ba ang ibig niyang sabihin?
Kung Paano Dapat Tumugon ang mga Kristiyano
Sa simpleng pananalita, sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na kung pilitin sila ng isang may awtoridad na magsagawa ng isang lehitimong paglilingkod, dapat nilang gawin ito nang kusa at maluwag sa loob. Sa gayon, kanilang ibinabayad kay “Cesar ang mga bagay na kay Cesar” subalit hindi naman kinaliligtaang ibayad sa “Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Marcos 12:17.a
Karagdagan pa, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon. Kaya nga siya na sumasalansang sa awtoridad ay naninindigan laban sa kaayusan ng Diyos . . . Kung gumagawa ka ng masama, matakot ka: sapagkat hindi nito taglay ang tabak nang walang layunin.”—Roma 13:1-4.
Kaya, kinilala ni Jesus at ni Pablo ang karapatan ng isang hari o ng pamahalaan na magparusa sa mga lumalabag sa kanilang mga kahilingan. Anong uri ng kaparusahan? Nagbigay ng isang kasagutan ang pilosopong Griego na si Epictetus, noong una at ikalawang siglo C.E.: “Kung bumangon ang isang di-inaasahang kahilingan at kunin ng isang sundalo ang iyong batang asno, ibigay mo ito. Huwag kang lumaban, huwag kang bumulung-bulong, nang hindi ka masaktan at mawalan ng asno.”
Subalit kung minsan, kapuwa sa sinauna at sa makabagong panahon, nadarama ng mga Kristiyano na hindi nila maaaring sundin ang mga kahilingan ng pamahalaan. Kung minsan, malulubha ang resulta. Ang ilang Kristiyano ay nahatulan ng kamatayan. Ang iba naman ay nabilanggo nang maraming taon dahil sa pagtangging makibahagi sa itinuturing nilang mga gawaing hindi neutral. (Isaias 2:4; Juan 17:16; 18:36) Kung minsan naman, nadarama ng mga Kristiyano na maaari silang sumunod sa mga hinihiling sa kanila. Halimbawa, nadarama ng ilang Kristiyano na maaari silang magsagawa ng mga paglilingkod sa ilalim ng pamamahalang sibilyan na nagsasangkot ng pangkaraniwang mga gawain na kapaki-pakinabang sa komunidad. Maaaring mangahulugan iyan ng pagtulong sa mga may-edad na o may kapansanan, paglilingkod bilang mga bombero, paglilinis sa mga dalampasigan, pagtatrabaho sa mga parke, kagubatan, o mga aklatan, at iba pa.
Natural, magkakaiba ang mga situwasyon sa bawat lupain. Kaya nga, upang makapagpasiya kung susunod ba siya o hindi sa mga kahilingan, dapat sundin ng bawat Kristiyano ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya.
Pagsama sa Ikalawang Milya
Ang simulaing itinuro ni Jesus, ang pagiging handang isagawa ang lehitimong mga kahilingan, ay kapit hindi lamang sa mga kahilingan ng pamahalaan kundi sa araw-araw na pakikipag-ugnayan natin sa ating kapuwa. Halimbawa, maaari kang hilingan ng isang taong may awtoridad sa iyo na gawin ang isang bagay na ayaw mong gawin ngunit hindi naman labag sa kautusan ng Diyos. Ano ang gagawin mo? Maaaring ipalagay mo na ikaw ay di-makatuwirang hinihilingan ng iyong panahon at lakas, at sa gayon, maaaring pagalit kang tumugon. Maaari itong magbunga ng pakikipag-alit. Sa kabilang dako, kung mabigat naman sa loob mo ang pagsunod, baka maiwala mo ang iyong panloob na kapayapaan. Ang lunas? Gawin mo ang inirerekomenda ni Jesus—sumama ka sa ikalawang milya. Gawin mo hindi lamang ang hinihiling sa iyo kundi higit pa sa kung ano ang hinihiling. Gawin mo ito nang maluwag sa kalooban. Taglay ang ganiyang saloobin, hindi mo na ipalalagay na inaagrabiyado ka, at ikaw pa rin ang kumokontrol sa iyong mga pagkilos.
“Sa buong buhay nila, ginagawa lamang ng maraming tao ang mga bagay na pilit na ipinagagawa sa kanila,” sabi ng isang awtor. “Para sa kanila mahirap ang buhay, at palagi silang pagod. Ang iba naman ay gumagawa nang higit pa sa hinihiling sa kanila at kusang tumutulong sa iba.” Sa katunayan, may mapagpipilian ang isang tao sa maraming kalagayan, kung siya ba ay sapilitang sasama nang isang milya lamang—o nang dalawang milya. Sa unang kalagayan, maaaring interesado ang isang tao sa paggigiit ng kaniyang karapatan. Sa ikalawa, maaari siyang magkamit ng lubhang kapaki-pakinabang na mga karanasan. Alin ka rito? Malamang na magiging mas maligaya at mas mabunga ka kung maituturing mo ang iyong mga gawain, hindi bilang mga tungkulin lamang o mga bagay na kailangan mong gawin, kundi bilang mga bagay na gusto mong gawin.
At kumusta naman kung ikaw ay isang taong may awtoridad? Maliwanag, hindi maibigin o maka-Kristiyano na gamitin ang awtoridad upang pilitin ang iba na gawin nang labag sa kalooban ang hinihiling mo sa kanila. “Ang mga tagapamahala ng mga bansa ay namamanginoon sa kanila at ang mga dakilang tao ay gumagamit ng awtoridad sa kanila,” ang sabi ni Jesus. Subalit hindi iyan ang Kristiyanong paraan. (Mateo 20:25, 26) Bagaman maaaring mapasunod mo ang iba sa pamamagitan ng malupit na pamamaraan, mas mabuting kaugnayan sa lahat ng nasasangkot ang magiging resulta kung ang mabait at angkop na mga kahilingan ay sinusunod nang magalang at masaya! Oo, tunay na makapagpapayaman sa iyong buhay ang pagiging handang sumama nang dalawang milya sa halip na isa lamang.
[Talababa]
a Para sa lubos na paliwanag kung ano ang kahulugan para sa mga Kristiyano ng “ibayad . . . kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos,” tingnan Ang Bantayan, Mayo 1, 1996, pahina 15-20.
[Kahon sa pahina 25]
SINAUNANG MALING PAGGAMIT NG PAMIMILIT
Ang madalas na paggamit ng pamimilit upang makuha ang paglilingkod ay makikita sa mga tuntunin upang sugpuin ang gayong mga pang-aabuso. Noong 118 B.C.E., ipinag-utos ni Ptolemy Euergetes II ng Ehipto na “hindi dapat pilitin [ng kaniyang mga opisyal] ang sinumang tumatahan sa bansa para sa pribadong mga paglilingkod, ni hilingin (aggareuein) man ang kanilang mga baka para sa anumang layunin nila.” Karagdagan pa: “Walang sinuman ang dapat humiling . . . ng mga barko para sa kaniyang sariling gamit sa anumang dahilan.” Sa isang inskripsiyon na may petsang 49 C.E., sa Templo ng Dakilang Oasis, sa Ehipto, inamin ng Romanong prepekto na si Vergilius Capito na ang mga sundalo ay humihiling nang labag sa batas, at pinagtibay niya na “walang sinuman ang dapat kumuha o humiling . . . ng anumang bagay, malibang mayroon siyang nasusulat na awtorisasyon mula sa akin.”
[Larawan sa pahina 24]
Si Simon ng Cirene ay pinilit maglingkod
[Larawan sa pahina 26]
Maraming Saksi ang nabilanggo dahil sa panghahawakan sa kanilang paninindigang Kristiyano