Aklat ng Bibliya Bilang 12—2 Hari
Manunulat: Si Jeremias
Saan Isinulat: Sa Jerusalem at Ehipto
Natapos Isulat: 580 B.C.E.
Panahong Saklaw: c. 920-580 B.C.E.
1. Anong mga kasaysayan ang inilalahad sa Ikalawang Hari, at bilang pagbabangong-puri sa ano?
PATULOY na tinatalunton ng Ikalawang Hari ang magulong landas ng Israel at Juda. Minana ni Eliseo ang balabal ni Elias at doble ng espiritu nito ang tinanggap niya, upang makagawa ng 16 na himala, kung ihahambing sa 8 nagawa ni Elias. Nagpatuloy siya ng paghatol sa apostatang Israel, at si Jehu lamang ang nagpakita ng maikling bugso ng sigasig kay Jehova. Higit-at-higit, ang mga hari ng Israel ay nabaon sa kabalakyutan, hanggang ang hilagang kaharian ay durugin ng Asirya noong 740 B.C.E. Sa kaharian ng Juda sa timog, ang daluyong ng apostasya ay sandaling napawi ng ilang namumukod-tanging hari, gaya nina Josaphat, Joas, Ezekias, at Josias, subalit iginawad din ni Nabukodonosor ang hatol ni Jehova nang wasakin niya ang Jerusalem, ang templo, at ang lupain ng Juda noong 607 B.C.E. Natupad ang mga hula ni Jehova, at siya ay naipagbangong-puri!
2. Ano ang masasabi sa pagkasulat at pagiging-kanonikal ng Ikalawang Hari, at anong yugto ang saklaw nito?
2 Yamang sa pasimula ang Una at Ikalawang Hari ay iisang balumbon, ang nasabi na tungkol sa pagkasulat ni Jeremias ay kumakapit din dito, pati na sa pagiging-kanonikal at pagiging-totoo ng aklat. Natapos ito noong mga 580 B.C.E. at sumasaklaw mula sa paghahari ni Ochozias ng Israel noong mga 920 B.C.E. hanggang sa ika-37 taon ng pagkakatapon ni Joachin, noong 580 B.C.E.—1:1; 25:27.
3. Anong kapansin-pansing mga tuklas sa arkeolohiya ang umaalalay sa Ikalawang Hari?
3 Ang alalay ng arkeolohiya sa ulat ng Ikalawang Hari ay dagdag na ebidensiya ng pagiging-totoo nito. Halimbawa, ang tanyag na Moabite Stone, na bumabanggit sa digmaan ng Moab at Israel ayon sa bersiyon ni Mesha na hari ng Moab. (3:4, 5) Ganoon din ang itim na batong obelisk ni Shalmaneser III ng Asirya, nasa British Museum, Londres, na bumabanggit sa pangalan ni Jehu na hari ng Israel. May mga inskripsiyon din si Haring Tiglath-pileser III (Pul) ng Asirya tungkol sa ilang hari sa Israel at Juda, gaya nina Menahem, Achaz, at Peka.—15:19, 20; 16:5-8.a
4. Ano ang patotoo na ang Ikalawang Hari ay mahalagang bahagi ng kinasihang Kasulatan?
4 Isang malinaw na katibayan ng pagiging-totoo ng aklat ay ang pagka-prangko nito sa katuparan ng mga hatol ni Jehova sa sarili niyang bayan. Habang papalubog ang kaharian ng Israel at ang kaharian ng Juda, ay naidiin ang kapansin-pansing puwersa ng makahulang hatol ni Jehova sa Deuteronomio 28:15–29:28. Sa pagkawasak ng dalawang kaharian, “ang galit ni Jehova ay nag-alab laban sa lupain at pinarating ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito.” (Deut. 29:27; 2 Hari 17:18; 25:1, 9-11) Ang iba pang kaganapan na iniuulat ng Ikalawang Hari ay ipinaliliwanag din sa ibang bahagi ng Kasulatan. Sa Lucas 4:24-27, matapos banggitin si Elias at ang balo sa Sarepta, binanggit din ni Jesus sina Eliseo at Naaman upang ipakita kung bakit hindi rin siya tinanggap bilang propeta sa sariling bayan. Dito’y makikita na ang Una at Ikalawang Hari ay kapuwa mahalagang bahagi ng Banal na Kasulatan.
NILALAMAN NG IKALAWANG HARI
5. Anong pagsaway at hatol ang iginawad ni Elias kay Ochozias, at bakit?
5 Si Ochozias, hari ng Israel (1:1-18). Nagkasakit ang anak na ito ni Ahab nang mahulog ito sa bahay. Nagpasugo siya kay Baal-zebub, diyos ng Ekron, upang alamin kung siya ay gagaling. Sinalubong ni Elias ang mga sugo at pinabalik sila sa hari upang sawayin ito sa di-pagsangguni sa tunay na Diyos at sabihing tiyak na siya ay mamamatay sa hindi niya pagbaling sa Diyos ng Israel. Nang si Elias ay ipadakip ng hari sa isang pinunò na may 50 tauhan, nagpababâ siya ng apoy mula sa langit at nilipol sila. Ganoon din ang nangyari sa ikalawang pinunò at sa kaniyang 50. Nagpadala ng ikatlong pinuno at ng 50, ngunit pinatawad sila ni Elias dahil sa mapitagang pagsamo ng pinunò. Sumama si Elias sa kanila at muling binigkas kay Ochozias ang hatol ng kamatayan. Namatay ang hari gaya ng sinabi ni Elias. Si Joram na kapatid ni Ochozias ang naging hari sa Israel, pagkat walang anak si Ochozias na hahalili sa kaniya.
6. Ano ang mga kalagayan nang maghiwalay sina Elias at Eliseo, at papaano ipinakita na ang “espiritu ni Elias” ay suma-kay Eliseo?
6 Si Eliseo ay humalili kay Elias (2:1-15). Panahon na upang kunin si Elias. Sinamahan siya ni Eliseo mula Gilgal hanggang Bethel, sa Jerico, at patawid sa Jordan. Pinaghiwalay ni Elias ang tubig ng Jordan nang hampasin niya ito ng kaniyang balabal. Ang dalawang bahagi ng espiritu ni Elias na ipinangako kay Eliseo ay tinanggap niya nang pumagitna sa kanila ni Elias ang isang nag-aapoy na karong pandigma at maapoy na mga kabayo at nang si Elias ay tangayin ng buhawi. Ipinakita niya agad na “ang espiritu ni Elias” ay suma-kaniya. (2:15) Pinulot niya ang balabal ni Elias, at muling hinati ang Jordan. Pagkatapos ay pinagaling niya ang masamang tubig sa Jerico. Nang papunta siya sa Bethel, nilibak siya ng mga bata: “Umahon ka, ikaw na kalbo! Umahon ka, ikaw na kalbo!” (2:23) Tumawag si Eliseo kay Jehova, at lumabas sa gubat ang dalawang babaeng oso at pinatay ang 42 sa mga delingkuwenteng yaon.
7. Dahil sa ano kung kaya iniligtas ni Jehova sina Josaphat at Joram?
7 Si Joram, hari ng Israel (3:1-27). Ang haring ito ay gumawa ng masama sa mata ni Jehova at gumaya sa pagkakasala ni Jeroboam. Naghimagsik ang hari ng Moab na dating nagbabayad ng buwis sa Israel, at si Joram ay nagpatulong kay Haring Josaphat ng Juda at sa hari ng Edom laban sa Moab. Nang sasalakay na sila, napadaan ang kanilang mga hukbo sa tuyong lupain at halos mamatay na sila. Ang tatlong hari ay lumapit kay Eliseo upang sumangguni kay Jehova na kaniyang Diyos. Dahil sa tapat na si Josaphat, iniligtas sila ni Jehova at pinanagumpay sila laban sa Moab.
8. Anong karagdagang mga himala ang ginawa ni Eliseo?
8 Karagdagang mga himala ni Eliseo (4:1–8:15). Nang ang dalawang anak niya’y gagawing alipin ng mga pinagkakautangan, nagpatulong kay Eliseo ang balo ng isa sa mga anak ng propeta. Siya ay naghimala at dumami ang langis sa bahay kaya naipagbili ang iba upang ibayad sa utang. Isang babaeng Sunamita ang nakakilala kay Eliseo bilang propeta, kaya ang mag-asawa ay naghanda ng silid na matutuluyan niya kapag siya’y nasa Sunem. Dahil sa kabaitan, ang babae ay pinagpala ni Jehova ng isang anak na lalaki. Pagkaraan ng ilang taon, nagkasakit ang bata at namatay. Hinanap agad ng babae si Eliseo. Ibinangon ni Eliseo ang bata sa kapangyarihan ni Jehova. Pagbalik niya sa mga anak ng mga propeta sa Gilgal, makahimalang inalis ni Eliseo ang “kamatayan sa palayok” nang pagalingin niya ang nakalalasong kalabasa. Saka pinakain niya ang isandaang katao ng 20 tinapay na sebada, at may “natira” pa.—4:40, 44.
9. Anong mga himala ang ginawa kaugnay ni Naaman, at ng ulo ng palakol?
9 Si Naaman, pinunò ng hukbo ng Sirya, ay ketongin. Sinabi ng aliping dalagitang Israelita sa asawa ni Naaman na may propeta sa Samaria na makapagpapagaling sa kaniya. Naparoon si Naaman kay Eliseo, subalit imbes na harapin, nagpasabi lamang si Eliseo na ito ay lumusong at maligo nang pitong beses sa Ilog Jordan. Nagalit si Naaman sa kawalang-galang na ito. Hindi ba mas malinis ang mga ilog ng Damasco kaysa mga tubig ng Israel? Napakiusapan din siya na sumunod kay Eliseo, at siya ay gumaling. Tumanggi si Eliseo sa alok na gantimpala, subalit si Naaman ay hinabol ni Gehazi na alipin ni Eliseo na humingi ng kaloob sa pangalan nito. Nang magbalik si Gehazi at sinubukang dayain si Eliseo, siya’y dinapuan ng ketong. Naghimala uli si Eliseo nang palutangin ang isang palakol.
10. Papaano ipinakita ang nakahihigit na hukbo ni Jehova, at papaano napaurong ni Eliseo ang mga taga-Sirya?
10 Nang magbabala si Eliseo sa hari ng Israel tungkol sa plano ng Sirya na patayin ito, ang hari ng Sirya ay nagpadala sa Dothan ng isang hukbo upang dakpin si Eliseo. Nang makitang ang lungsod ay napaliligiran ng mga hukbo ng Sirya, natakot ang alipin ni Eliseo. Pinalakas ni Eliseo ang loob niya: “Huwag kang matakot, sapagkat ang sumasa-atin ay higit kaysa sumasa-kanila.” Nanalangin siya kay Jehova na ipakita sa kaniyang alipin ang malaking hukbo na kasama nila. ‘At, narito! Ang bundok ay punô ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo.’ (6:16, 17) Nang sumalakay ang mga taga-Sirya, muling nanalangin ang propeta at ang isipan ng mga taga-Sirya ay binulag at inakay sila sa hari ng Israel. Gayunman, sa halip na patayin sila, sinabi ni Eliseo sa hari na ipaghanda sila ng isang piging at pagkatapos ay pauwiin sila.
11. Papaano natupad ang mga hula ni Eliseo tungkol sa mga taga-Sirya at kay Ben-hadad?
11 Nang maglaon, ang Samaria ay kinubkob ni Haring Ben-hadad ng Sirya, at nagkaroon ng malaking taggutom. Si Eliseo ay sinisi ng hari ng Israel, ngunit inihula ng propeta na kinabukasan ay sasagana ang pagkain. Nang gabing yaon, ipinarinig ni Jehova sa mga taga-Sirya ang hugong ng isang malaking hukbo, kaya nagtakbuhan sila at iniwan ang lahat ng kanilang pagkain. Dumating ang panahon na si Ben-hadad ay nagkasakit. Nang mabalitaan na si Eliseo ay nasa Damasco, isinugo ni Ben-hadad si Hazael upang itanong kung siya ay gagaling. Ipinahiwatig ni Eliseo na mamamatay ang hari at na si Hazael ang hahalili sa kaniya. Upang matiyak ang katuparan nito, pinatay ni Hazael ang hari at inangkin ang trono.
12. Anong uri ng hari si Joram na anak ni Josaphat?
12 Si Joram, hari ng Juda (8:16-29). Samantala, sa Juda, si Joram na anak ni Josaphat ang naghahari. Wala siyang pinag-iwan sa mga hari ng Israel, na gumawa ng masama sa mata ni Jehova. Asawa niya si Athalia na anak ni Ahab, at ang kapatid nito, na Joram din ang pangalan, ay naghahari naman sa Israel. Nang mamatay si Joram ng Juda, ang anak niyang si Ochozias ang naging hari sa Jerusalem.
13. Anong tulad-kidlat na kampanya ang sumunod sa pagkapahid kay Jehu?
13 Si Jehu, hari ng Israel (9:1–10:36). Isinugo ni Eliseo ang isang anak ng propeta upang pahiran si Jehu bilang hari sa Israel at atasan ito na lipulin ang sambahayan ni Ahab. Kumilos agad si Jehu. Hinanap niya si Joram, hari ng Israel, na nasa Jezreel at nagpapagaling ng mga sugat sa digmaan. Natanaw ng bantay ang tulad-along pagdating ng mga tao, kaya iniulat niya sa hari: “Yao’y gaya ng pagpapatakbo ni Jehu na apo ni Nimsi, pagkat napakatulin ng kaniyang pagpapatakbo.” (9:20) Itinanong nina Joram ng Israel at Ochozias ng Juda kung ano ang layunin ni Jehu. Tanong din ang isinagot ni Jehu: “May kapayapaan ba hanggang nariyan ang mga pakikiapid ng iyong inang si Jezebel at lumalalâ ang kaniyang panggagaway?” (9:22) Nang akmang tatakas si Joram, pinatagos ni Jehu ang isang palaso sa puso nito. Inihagis ang kaniyang bangkay sa ubasan ni Naboth, bilang kabayaran sa walang-salang dugo na ibinubo ni Ahab. Si Ochozias ay hinabol ni Jehu at ng mga tauhan niya, hanggang sa mapatay nila ito sa Megiddo. Dalawang hari ang namatay sa unang tulad-kidlat na kampanya ni Jehu.
14. Papaano natupad ang hula ni Eliseo tungkol kay Jezebel?
14 Turno naman ni Jezebel! Habang matagumpay na pumapasok si Jehu sa Jezreel, dumungaw si Jezebel na pusturang-pustura. Hindi humanga si Jehu. “Ihulog siya!” sigaw niya sa mga alipin. Bumagsak siya, at ang dugo niya ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayong yumurak sa kaniya. Nang kukunin siya para ilibing, wala silang dinatnan kundi ang kaniyang bungo, paa, at mga palad. Natupad ang hula ni Elias, ‘nilapa siya ng mga aso, at siya ay naging gaya ng dumi sa lupa ng Jezreel.’—2 Hari 9:33, 36, 37; 1 Hari 21:23.
15. Anong mga paghaharap ang naranasan ni Jehu nang patungo siya sa Samaria?
15 Pagkatapos ay iniutos ni Jehu ang paglipol sa 70 anak ni Ahab, at ibinunton niya ang kanilang mga ulo sa pintuang-bayan ng Jezreel. Pinatay ang lahat ng mga taga-oo ni Ahab. Patuloy sa kabisera ng Israel, ang Samaria! Nasalubong niya ang 42 kapatid ni Ochozias na patungong Jezreel at walang kamalay-malay sa nangyari. Dinakip sila at pinatay. Sumunod ang iba namang uri ng paghaharap. Lumabas si Jonadab na anak ni Rechab upang salubungin si Jehu. Sa tanong ni Jehu na, “Ang puso mo ba’y tapat sa akin, gaya ng aking puso sa iyong puso?” Sumagot si Jonadab, “Gayon nga.” Kaya isinakay siya ni Jehu sa karo upang makita mismo ang kaniyang “sigasig ukol kay Jehova.”—2 Hari 10:15, 16.
16. Gaano kalubos ang paghakbang ni Jehu laban sa sambahayan ni Ahab at laban kay Baal?
16 Pagdating sa Samaria, nilipol ni Jehu ang lahat ng natirang ari-arian ni Ahab, ayon sa salita ni Jehova kay Elias. (1 Hari 21:21, 22) Ngunit kumusta ang kasuklam-suklam na relihiyon ni Baal? Sinabi ni Jehu, “Si Ahab ay sumamba kay Baal nang bahagya. Ngunit si Jehu ay sasamba sa kaniya nang higit.” (2 Hari 10:18) Ipinatawag niya sa bahay ni Baal ang lahat ng mananamba-sa-demonyo, pinagsuot sila ng damit na pagkakakilanlan at tiniyak na walang napahalo na mananamba ni Jehova. Saka pinapasok niya ang kaniyang mga tauhan upang lipulin sila, at walang nakatakas ni isa. Giniba ang bahay ni Baal at ginawang palikuran, hanggang noong panahon ni Jeremias. ‘Gayon pinawi ni Jehu si Baal mula sa Israel.’—10:28.
17. Saan nabigo si Jehu, at papaano pinarusahan ni Jehova ang Israel?
17 Gayunman, maging ang masigasig na si Jehu ay nahulog. Saan? Sa pagsamba sa mga gintong guya ni Jeroboam sa Bethel at Dan. Hindi siya “lumakad nang buong-puso sa kautusan ni Jehova na Diyos ng Israel.” (10:31) Ngunit dahil sa pagkilos niya laban sa sambahayan ni Ahab, nangako si Jehova na ang mga inapo niya ay maghahari sa Israel hanggang sa ikaapat na lahi. Noong panahon niya, inihiwalay ni Jehova ang silangang bahagi ng kaharian, at dinala si Hazael ng Sirya laban sa Israel. Pagkatapos maghari ng 28 taon, namatay si Jehu at hinalinhan ng anak niyang si Joachaz.
18. Papaano nahadlangan ang sabwatan nina Athalia sa Juda, at ano ang kapansin-pansin sa paghahari ni Joas?
18 Si Joas, hari ng Juda (11:1–12:21). Ang inang reyna, si Athalia, ay anak ni Jezebel sa laman at sa espiritu. Nang mamatay ang anak niyang si Ochozias, iniutos niya ang paglipol sa buong maharlikang sambahayan at inangkin ang trono. Tanging si Joas na sanggol na anak ni Ochozias ang nakaligtas nang ito ay itago. Sa ikapitong taon ng pamamahala ni Athalia, si Joas ay pinahiran ni Joiada na saserdote upang maging hari at ipinapatay si Athalia. Inakay ni Joiada ang bayan sa pagsamba kay Jehova, tinuruan ang batam-batang hari sa mga tungkulin nito sa harapan ng Diyos, at ipinakumpuni ang bahay ni Jehova. Dahil sa mga kaloob, napigilan ni Joas ang pagsalakay ni Hazael na hari ng Sirya. Pagkatapos maghari ng 40 taon sa Jerusalem, si Joas ay pinatay ng kaniyang mga alipin, at si Amasias na anak niya ang nagharing kahalili niya.
19. (a) Anong huwad na pagsamba ang nagpatuloy sa paghahari nina Joachaz at Joas sa Israel? (b) Papaano tinapos ni Eliseo ang kaniyang gawain bilang propeta ni Jehova?
19 Sina Joachaz at Joas, mga hari sa Israel (13:1-25). Patuloy na sumamaba sa idolo ang anak ni Jehu na si Joachaz, at ang Israel ay nasakop ng Sirya, bagaman si Joachaz ay hindi naalis sa trono. Pinalaya ni Jehova ang Israel ngunit patuloy nilang sinamba ang guya ni Jeroboam. Nang mamatay si Joachaz, humalili ang anak niyang si Joas, samantalang naghahari rin sa Juda ang isa pang Joas. Si Joas ng Israel ay sumamba rin sa idolo gaya ng kaniyang ama. Nang mamatay siya ang anak niyang si Jeroboam ang naging hari. Noong naghahari si Joas, si Eliseo ay nagkasakit at namatay, pagkatapos ng pangwakas niyang hula na tatlong beses ibabagsak ni Joas ang Sirya, at ito ay natupad nga. Naganap ang huling himala ni Eliseo pagkamatay niya, nang ang isang bangkay na inihagis sa kaniyang puntod ay nabuhay nang madaiti sa kaniyang mga buto.
20. Ilarawan ang paghahari ni Amasias sa Juda.
20 Si Amasias, hari ng Juda (14:1-22). Gumawa si Amasias ng matuwid sa mata ni Jehova, ngunit hindi niya sinira ang matataas na dako ng huwad na pagsamba. Tinalo siya sa digmaan ni Joas ng Israel. Pagkatapos maghari ng 29 na taon, siya ay napatay sa isang sabwatan. Si Azarias na anak niya ang humalili sa kaniya.
21. Ano ang nangyari nang maghari si Jeroboam II sa Israel?
21 Si Jeroboam II, hari ng Israel (14:23-29). Ang ikalawang Jeroboam na naghari sa Israel ay nagpatuloy sa huwad na pagsamba ng kaniyang ninuno. Naghari siya sa Samaria nang 41 taon at matagumpay na nabawi ang mga naagaw na teritoryo ng Israel. Ang anak niyang si Zacarias ang humalili sa trono.
22. Ano ang isinasalaysay tungkol sa paghahari ni Azarias sa Juda?
22 Si Azarias (Uzzias), hari ng Juda (15:1-7). Naghari si Azarias nang 52 taon. Matuwid siya sa harap ni Jehova ngunit hindi niya winasak ang matataas na dako. Nang maglaon, sinalot siya ni Jehova ng ketong at ang anak niyang si Jotham ang nag-asikaso sa mga tungkulin sa palasyo at naging hari pagkamatay ni Azarias.
23. Anong mga kasamaan ang sumalot sa Israel nang magbanta ang Asirya?
23 Sina Zacarias, Sallum, Menahem, Pekaia, at Peka, mga hari sa Israel (15:8-31). Gaya ng sinabi ni Jehova, nanatili ang trono sa sambahayan ni Jehu hanggang sa ikaapat na lahi, kay Zacarias. (10:30) Naghari siya sa Samaria at pagkaraan ng anim na buwan, siya ay pinatay. Si Sallum, ang mang-aagaw ng trono, ay tumagal lamang ng isang buwan. Patuloy na sinalot ang Israel ng huwad na pagsamba, pagpatay, at intriga sa paghahalili nina Menahem, Pekaia, at Peka. Nang maghari si Peka ay nagbabanta nang mamuksa ang Asirya. Pinatay siya ni Oseas, at ito ang naging huling hari sa Israel.
24. Pagkatapos ni Jotham, papaano nagkasala si Achaz ng Juda kaugnay ng pagsamba?
24 Sina Jotham at Achaz, mga hari sa Juda (15:32–16:20). Nagtaguyod si Jotham ng tunay na pagsamba ngunit pinanatili niya ang matataas na dako. Si Achaz na anak niya ay gumaya sa mga hari ng Israel at gumawa ng masama sa mata ni Jehova. Nagpatulong siya sa hari ng Asirya nang sumalakay ang Israel at Sirya. Sumaklolo ang Asirya, sinakop ang Damasco, at pumaroon si Achaz upang humarap sa hari ng Asirya. Nang makita roon ang dambana sa pagsamba, nagpatayo rin si Achaz sa Jerusalem ng kaparis nito, at nagsimula siyang maghandog dito sa halip na sa tansong dambana sa templo ni Jehova. Ang anak niyang si Ezekias ang naging hari sa Juda kapalit niya.
25. Papaano nabihag ang Israel, at bakit?
25 Si Oseas, huling hari ng Israel (17:1-41). Ang Israel ay nasakop ng Asirya. Naghimagsik si Oseas at humingi ng tulong sa Ehipto ngunit sa ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari, ang Israel ay nasakop at dinalang-bihag ng Asirya. Dito nagwakas ang sampung tribong kaharian ng Israel. Bakit? “Sapagkat ang mga anak ni Israel ay nagkasala laban kay Jehova na kanilang Diyos . . . At sila’y naglingkod sa maruruming idolo, na tungkol dito’y nagbilin si Jehova: ‘Huwag ninyong gagawin ito’; kaya si Jehova ay nagalit sa Israel, at inalis sila sa kaniyang paningin.” (17:7, 12, 18) Ang mga taga-Asirya ay nagdala ng mga dayuhan mula sa silangan upang manirahan sa lupain, at ang mga ito ay ‘natakot kay Jehova,’ bagaman sumamba pa rin sila sa kanilang mga diyos.—17:33.
26, 27. (a) Papaano gumawa ng mabuti sa mata ni Jehova si Ezekias ng Juda? (b) Papaano sinagot ni Jehova ang panalangin ni Ezekias sa pagpapaurong sa mga taga-Asirya? (c) Ano pang karagdagang katuparan ang naganap sa hula ni Isaias?
26 Si Ezekias, hari ng Juda (18:1–20:21). Ginawa ni Ezekias ang matuwid sa mata ni Jehova, gaya ng ninuno niyang si David. Inalis niya ang huwad na pagsamba at sinira ang matataas na dako, at sapagkat sinasamba na ng mga tao, ay sinira din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises. Si Senacherib, hari ng Asirya, ay sumalakay sa Juda at bumihag ng maraming nakukutaang lungsod. Sinikap ni Ezekias na bilhin ito sa pamamagitan ng pagbubuwis, subalit isinugo ni Senacherib si Rabsaces, na lumapit sa mga pader ng Jerusalem upang pasukuin sila at hinamak si Jehova sa pandinig ng buong bayan. Si Ezekias ay pinalakas-loob ni propeta Isaias taglay ang isang mensahe ng paghatol laban kay Sennacherib. “Ganito ang sabi ni Jehova: ‘Huwag kang matakot.’ ” (19:6) Nang ipagpatuloy ni Senacherib ang pagbabantâ, nagsumamo si Ezekias kay Jehova: “Ngayon nga, O Jehovang aming Diyos, pakisuyo, iligtas mo kami sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lamang, O Jehova, ikaw lamang ang Diyos.”—19:19.
27 Sinagot ba ni Jehova ang walang-imbot na panalanging ito? Una, sa pamamagitan ni Isaias ay ipinabatid niya na “ang sigasig ni Jehova ng mga hukbo” ang magpapalayas sa kaaway. (19:31) At, nang gabi ring yaon ay isinugo niya ang kaniyang anghel upang patayin ang 185,000 taga-Asirya. Kinaumagahan ‘silang lahat ay malalamig na bangkay.’ (19:35) Si Senacherib ay nagbalik na talunan at nanirahan sa Nineve. Binigo siya uli ng diyos niyang si Nisroch, sapagkat pinatay siya ng sarili niyang mga anak samantalang siya ay nakayuko sa pagsamba, bilang katuparan ng hula ni Isaias.—19:7, 37.
28. Sa ano napabantog si Ezekias, ngunit papaano siya nagkasala?
28 Si Ezekias ay nagkasakit nang malubha, ngunit dininig uli ni Jehova ang dalangin niya at pinahaba pa ang kaniyang buhay nang 15 taon. Ang hari ng Babilonya ay nagpadala ng mga regalo, at naglakas-loob si Ezekias na ipakita sa mga sugo ang kaniyang mga kayamanan. Inihula ni Isaias na balang araw lahat ng nasa bahay niya ay dadalhin sa Babilonya. Namatay si Eekias, na napabantog sa kapangyarihan at sa paggawa ng tunel ng tubig para sa Jerusalem.
29. Anong idolatriya ang pinasimulan ni Manasses, anong kapahamakan ang inihula ni Jehova, at anong karagdagang pagkakasala ang nagawa ni Manasses?
29 Sina Manasses, Amon, at Josias, mga hari ng Juda (21:1–23:30). Humalili si Manasses sa ama niyang si Ezekias at naghari nang 55 taon, na lubhang nagpakasama sa paningin ni Jehova. Ibinalik niya ang matataas na dako ng huwad na pagsamba, itinayo ang mga dambana kay Baal, gumawa ng asera na gaya ni Ahab, at ginawang pugad ng idolatriya ang bahay ni Jehova. Inihula ni Jehova na kaniyang “lilinisin at itataob” ang Jerusalem gaya ng Samaria. Nagbubo rin si Manasses ng “maraming” dugong walang-sala. (21:13, 16) Hinalinhan siya ng anak niyang si Amon, na gumawa rin ng masama sa loob ng dalawang taon, hanggang sa ito ay mapatay.
30. Bakit at papaano buong-pusong nanumbalik si Josias kay Jehova?
30 Si Josias na anak ni Amon ay ginawang hari ng mga tao. Sa 31 taon niya bilang hari, sandali niyang napigil ang pagbulusok ng Juda sa kapahamakan dahil ‘sa paglakad ayon kay David na kaniyang ninuno.’ (22:2) Kinumpuni niya ang bahay ni Jehova, at nasumpungan doon ng mataas na saserdote ang aklat ng Kautusan. Tiniyak nito ang pagkalipol ng bansa dahil sa pagsuway kay Jehova, ngunit sinabi kay Josias na dahil sa katapatan niya, hindi ito darating sa kaniyang panahon. Inalis niya ang pagsamba sa demonyo sa bahay ni Jehova at sa buong lupain, pinalawak hanggang Bethel ang pagwasak ng mga idolo at doo’y sinira niya ang dambana ni Jeroboam bilang katuparan ng hula sa 1 Hari 13:1, 2. Ibinalik niya ang pangingilin ng Paskuwa ni Jehova. “Walang naging gaya niya sa mga haring nauna sa kaniya, na nanumbalik kay Jehova nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas.” (23:25) Gayunman, nag-aalab pa rin ang galit ni Jehova dahil sa mga pagkakasala ni Manasses. Namatay si Josias nang makipagsagupaan ito sa hari ng Ehipto sa Megiddo.
31. Anong mga balakid ang dumating sa Juda pagkamatay ni Josias?
31 Sina Joachaz, Joachim, at Joachin, mga hari ng Juda (23:31–24:17). Matapos magharing tatlong buwan, si Joachaz na anak ni Josias ay binihag ng hari ng Ehipto at iniluklok ang kapatid niyang si Eliakim, na ang pangala’y ginawang Joachim. Sumunod siya sa masamang landas ng kaniyang mga ninuno at siya ay ginawang sakop ni Nabukodonosor, hari ng Babilonya, subalit naghimagsik siya makaraan ang tatlong taon. Nang mamatay si Joachim ay naghari ang anak niyang si Joachin. Kinubkob ni Nabukodosor ang Jerusalem, binihag ito, at dinala sa Babilonya ang mga kayamanan ng bahay ni Jehova, “gaya ng sinabi ni Jehova” sa pamamagitan ni Isaias. (24:13; 20:17) Si Joachin at libu-libo niyang sakop ay naging tapon sa Babilonya.
32. Anong madudulang pangyayari ang umakay sa pagkagiba ng Jerusalem at ng lupain?
32 Si Zedekias, huling hari ng Juda (24:18–25:30). Pinaghari ni Nabukodonosor si Matanias na tiyo ni Joachin at ginawang Zedekias ang pangalan nito. Naghari siya ng 11 taon sa Jerusalem at gumawa rin ng masama sa mata ni Jehova. Naghimagsik siya sa Babilonya, kaya noong ikasiyam na taon niya, si Nabukodonosor at ang hukbo nito ay dumating at pinaligiran ng pader ang Jerusalem upang kubkubin ito. Pagkaraan ng 18 buwan ang lungsod ay sinalanta ng gutom. Binutas nila ang pader, at si Zedekias ay binihag habang tumatakas. Pinatay sa harap niya ang kaniyang mga anak at siya ay binulag. Nang sumunod na buwan ay sinunog ang mga prominenteng gusali, pati ang bahay ni Jehova at ng hari, at giniba ang pader. Karamihan ng nakaligtas ay dinalang bihag sa Babilonya. Si Gedalias ay ginawang gobernador ng mga dukhang naiwan sa bukirin ng Juda. Ngunit pinatay siya at ang mga tao ay tumakas sa Ehipto. Kaya mula sa ikapitong buwan ng 607 B.C.E., ang lupain ay naging tiwangwang. Ayon sa mga huling talata ng Ikalawang Hari, nagmagandang-loob kay Joachin ang hari ng Babilonya sa ika-37 taon ng pagkabihag nito.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
33. Anong mahuhusay na halimbawa ang inilalaan ng Ikalawang Hari?
33 Bagaman sumasaklaw sa kapaha-pahamak na paglubog ng mga kaharian ng Israel at Juda, ang Ikalawang Hari ay nagniningning sa mga halimbawa ng pagpapala ni Jehova sa mga umiibig sa kaniya at sa matuwid niyang mga simulain. Gaya ng balo sa Sarepta na nauna sa kaniya, ang babaeng Sunamita ay tumanggap ng saganang pagpapala dahil sa pagpapatuloy sa propeta ng Diyos. (4:8-17, 32-37) Ang kakayahan ni Jehova na maglaan ay ipinakita nang pakanin ni Eliseo ng 20 tinapay ang isandaang katao, gaya rin ng paghihimala ni Jesus nang maglaon. (2 Hari 4:42-44; Mat. 14:16-21; Mar. 8:1-9) Pansinin kung papaano pinagpala si Jonadab nang ito ay anyayahang sumakay sa karo ni Jehu at saksihan ang pagpuksa sa mga mananamba ni Baal. Bakit? Sapagkat kumilos siya nang wasto nang salubungin niya ang masigasig na si Jehu. (2 Hari 10:15, 16) At panghuli, nariyan ang mahuhusay na halimbawa nina Ezekias at Josias sa pagpapakumbaba at wastong paggalang sa pangalan at Kautusan ni Jehova. (19:14-19; 22:11-13) Ang mga ito’y mahuhusay na halimbawa na dapat sundin.
34. Ano ang itinuturo ng Ikalawang Hari tungkol sa paggalang sa opisyal na mga lingkod at tungkol sa pagkakasala-sa-dugo?
34 Hindi itutulot ni Jehova ang kawalang-galang sa kaniyang mga lingkod. Nang si Eliseo ay libakin ng mga delingkuwente, Siya ay naghatid ng kagyat na paghihiganti. (2:23, 24) Iginagalang din ni Jehova ang dugong walang-sala. Hinatulan niya ang sambahayan ni Ahab, hindi lamang sa pagsamba kay Baal kundi dahil sa pagbubo ng dugo. Kaya, pinahiran si Jehu upang ipaghiganti “ang dugo ng lahat ng mga lingkod ni Jehova sa kamay ni Jezebel.” Nang igawad ang hatol kay Joram, naalaala ni Jehu ang salita ni Jehova na ito’y dahil sa “dugo ni Naboth at ng kaniyang mga anak.” (9:7, 26) Ang pangwakas na hatol laban sa Juda ay ipinasiya din ng pagkakasala-sa-dugo ni Manasses. Bukod sa huwad na pagsamba, ‘ang Jerusalem ay pinunô [ni Manasses] ng dugo mula isang dulo hanggang sa kabila.’ Kahit nagsisi siya, nanatili ang pagkakasala-sa-dugo. (2 Cron. 33:12, 13) Maging ang mabuting paghahari ni Josias at pagaalis niya ng idolatriya ay hindi nakapawi sa pagkakasala-sa-dugo na minana ng bayan kay Manasses. Pagkaraan ng maraming taon, nang dalhin ni Jehova ang mga mamumuksa laban sa Jerusalem, sinabi niyang ito’y sa dahilang “pinunô [ni Manasses] ang Jerusalem ng walang-salang dugo, at si Jehova ay hindi nagpatawad.” (2 Hari 21:16; 24:4) Sinabi din ni Jesus na ang Jerusalem noong unang siglo C.E. ay mapupuksa sapagkat ang mga saserdote ay mga anak niyaong nagbubo ng dugo ng mga propeta, ‘upang mapasa-kanila ang lahat ng matuwid na dugo na nabuhos sa lupa.’ (Mat. 23:29-36) Nagbabala ang Diyos na ipaghihiganti niya ang walang-salang dugo, lalo na “niyaong mga pinatay dahil sa salita ng Diyos.”—Apoc. 6:9, 10.
35. (a) Papaano ipinakita na sina Elias, Eliseo, at Isaias ay tunay na mga propeta? (b) Kaugnay ni Elias, ano ang sinasabi ni Pedro tungkol sa hula?
35 Makikita rin sa Ikalawang Hari ang walang-mintis na pagtupad ni Jehova sa kaniyang makahulang mga hatol. Tatlong pangunahing propeta ang itinatawag-pansin, sina Elias, Eliseo, at Isaias. Ipinakita ang maririing katuparan ng mga hula ng bawat isa. (2 Hari 9:36, 37; 10:10, 17; 3:14, 18, 24; 13:18, 19, 25; 19:20, 32-36; 20:16, 17; 24:13) Si Elias ay pinatunayan din bilang tunay na propeta nang siya ay makita kasama ni propeta Moises at ng Dakilang Propeta, si Jesu-Kristo, sa pagbabagong-anyo sa bundok. (Mat. 17:1-5) Sinabi ni Pedro, bilang pagtukoy sa karingalan ng okasyong yaon: “Kaya lalo naming natitiyak ang makahulang salita; at mabuti ang inyong ginagawa sa pagsunod dito na gaya ng isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa magbukang-liwayway at sumilang sa inyong mga puso ang tala sa umaga.”—2 Ped. 1:19.
36. Bakit naawa si Jehova sa kaniyang bayan, at papaano pinag-iibayo ang ating pagtitiwala sa Kaharian ng Binhi?
36 Ang mga kaganapan sa Ikalawang Hari ay nagdiriin na pagkalipol ang hatol ni Jehova laban sa lahat ng nagsasagawa ng huwad na relihiyon at lahat ng kusang nagbububo ng walang-salang dugo. Gayunman, nagpamalas si Jehova ng pagsang-ayon at habag sa kaniyang bayan “alang-alang sa kaniyang tipan kina Abraham, Isaac at Jacob.” (2 Hari 13:23) Iniligtas sila “alang-alang kay David na kaniyang lingkod.” (8:19) Ang awa ay ipakikita rin sa mga babaling sa kaniya sa ngayon. Habang nirerepaso ang ulat at mga pangako ng Bibliya, buong-tiwala tayong makatatanaw sa Kaharian ng “anak ni David,” si Jesu-Kristo na ipinangakong Binhi, na doo’y wala nang pagbubo ng dugo at kabalakyutan!—Mat. 1:1; Isa. 2:4; Awit 145:20.
[Talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 152, 325; Tomo 2, pahina 908, 1101.