KABANATA 10
Araw-araw Mo Bang Itinatanong, “Nasaan si Jehova?”
1, 2. (a) Ano ang espirituwal na kalagayan ng mga Judio noong panahon ni Jeremias? (b) Ano sana ang dapat na ginawa nila?
UMIIYAK si Jeremias. Nababagabag siya sa kalagayan ng kaniyang mga kababayan at sa inihula niyang sasapitin nila. Inisip niya na ang kaniyang ulo sana ay bukal ng tubig at ang kaniyang mga mata ay bukal ng mga luha para makaiyak siya nang husto. May dahilan naman siyang mamighati. (Jer. 9:1-3; basahin ang Jeremias 8:20, 21.) Ayaw pa rin kasing sumunod ng mga Judio sa kautusan at tagubilin ni Jehova, kaya kapahamakan ang naghihintay sa kanila.—Jer. 6:19; 9:13.
2 Walang pakialam ang mga taga-Juda sa tingin ni Jehova sa kanila. Kontento na sila sa paboritong linya ng kanilang mga lider ng relihiyon, ‘Walang problema.’ (Jer. 5:31; 6:14) Para silang mga naghahanap ng doktor na nambobola ng pasyente pero binabale-wala ang mga sintomas ng sakit. Kung malubha ang lagay mo, hindi ba ang gusto mo ay ma-diagnose ka nang tama para maagapan ka? Kung tungkol sa mga Judio noong panahon ni Jeremias, dapat sana’y inalam nila ang kanilang tunay na kalagayan sa espirituwal. Nagtanong sana sila: “Nasaan si Jehova?”—Jer. 2:6, 8.
3. (a) Ano ang ibig sabihin ng pagtatanong sana ng mga Judio ng “Nasaan si Jehova?” (b) Ano ang isang paraan para mahanap ng mga Judio si Jehova?
3 Ang pagtatanong ng “Nasaan si Jehova?” ay nangangahulugan ng paghingi ng patnubay ng Diyos, sa malalaki o maliliit mang pagpapasiya. Hindi ito ginawa ng mga Judio. Gayunpaman, pagkatapos mawasak ang Jerusalem at makabalik ang mga Judio mula sa Babilonya, puwede pa rin nilang ‘hanapin si Jehova’ at ‘saliksikin siya’ para masumpungan nila siya at malaman ang kaniyang mga daan. (Basahin ang Jeremias 29:13, 14.) Paano nila gagawin iyon? Ang isang paraan ay taimtim na pananalangin sa Diyos upang hingin ang kaniyang patnubay. Ganiyan si Haring David. Hiniling niya sa Diyos: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.” (Awit 25:4) Noong ikasampung taon ng paghahari ni Zedekias, inihatid ni Jeremias ang paanyaya ng Dumirinig ng panalangin. “Tumawag ka sa akin, at ako ay sasagot sa iyo at agad na magsasabi sa iyo ng dakila at di-malirip na mga bagay na hindi mo pa nalalaman.” (Jer. 33:3) Kung ang hari at ang suwail na bansa ay tatawag sa Diyos, ipaaalam Niya sa kanila ang “di-malirip” na mga bagay—ang pagkawasak ng Jerusalem at muling pagtatayo nito pagkaraan ng 70 taon.
4, 5. Sa anong iba pang paraan hinanap sana ng mga Judio si Jehova?
4 Hinanap din sana ng mga Judio si Jehova sa pamamagitan ng pag-alam sa kasaysayan ng kanilang bansa at kung paano nakitungo sa kanila si Jehova. Disin sana’y naalala nila kung ano ang kinalulugdan ng Diyos at kung ano ang kinasusuklaman niya. Nasa kanila ang mga isinulat ni Moises at ang ilang kinasihang ulat tungkol sa kanilang kasaysayan, pati ang mga rekord ng mga hari ng Israel at Juda. Kung bubulay-bulayin ng mga Judio ang mga iyon at makikinig sila sa mga tunay na propeta ng Diyos, maiintindihan nila ang ibig sabihin ng tanong na “Nasaan si Jehova?”
5 Ang ikatlong paraan kung paano sana hinanap ng mga Judio si Jehova ay sa pamamagitan ng pagkatuto sa mga pagkakamali nila at ng iba. Hindi naman ibig sabihin nito na kailangan nilang magkamali para matuto. Sa halip, puwede silang makinabang sa pagsasaalang-alang sa mga ikinilos nila noon at kung ano ang naging pananaw ni Jehova doon. Kung hindi sana sila nagbulag-bulagan, maiintindihan nila kung ano ang tingin ng Diyos sa mga ginagawa nila.—Kaw. 17:10.
6. Paano ka mapapatibay ng halimbawa ni Job?
6 Kumusta naman tayo ngayon? Kapag nagdedesisyon ka, lagi mo bang itinatanong, “Nasaan si Jehova?” Maaaring aminado ang ilan na hindi nila ito laging nagagawa. Kung ganiyan ang nadarama mo, huwag kang masiraan ng loob. Pansinin ang nangyari sa tapat na si Job. Nang mag-abot ang problema at panggigipit sa kaniya, masyado siyang napokus sa sarili. Kinailangan siyang paalalahanan ni Elihu tungkol sa karaniwang tendensiya ng tao: “Walang sinumang nagsasabi, ‘Nasaan ang Diyos na aking Dakilang Maylikha?’” (Job 35:10) Hinimok ni Elihu si Job: “Magbigay-pansin ka sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos.” (Job 37:14) Kailangang pagmasdan ni Job ang mga lalang ng makapangyarihang kamay ni Jehova at kung paano Niya pinangangalagaan at pinapatnubayan ang mga tao. Mula sa kaniyang karanasan, naunawaan ni Job ang mga daan ni Jehova. Nang malampasan niya ang matinding pagsubok at maipaunawa sa kaniya ng Diyos ang mga bagay-bagay, sinabi ni Job: “Nagsalita ako, ngunit hindi ko nauunawaan ang mga bagay na lubhang kamangha-mangha para sa akin, na hindi ko nalalaman. Sa sabi-sabi ay nakarinig ako ng tungkol sa iyo, ngunit ngayon ay nakikita ka nga ng aking mata.”—Job 42:3, 5.
7. Gaya ng inilalarawan sa pahina 116, ano ang tatalakayin natin sa susunod?
7 Kung tungkol kay Jeremias, patuloy na hinanap ng propeta si Jehova at nasumpungan niya Siya. Di-tulad ng kaniyang mga kababayan, sa mahabang panahon ng tapat niyang paglilingkod, lagi siyang nagtatanong, “Nasaan si Jehova?” Sa kabanatang ito, makikita natin sa halimbawa ni Jeremias kung paano natin hahanapin si Jehova at kung paano makakatulong ang panalangin, pag-aaral, at personal na mga karanasan.—1 Cro. 28:9.
Ano ang ibig sabihin ng pagtatanong ng “Nasaan si Jehova?” Sa anu-anong paraan naitanong sana ito ng mga Judio noong panahon ni Jeremias?
NANALANGIN SI JEREMIAS KAY JEHOVA
8. Kailan nananalangin si Jeremias sa Diyos?
8 Habang naglilingkod bilang propeta ng Diyos sa bansang Juda, hinanap ni Jeremias si Jehova sa pamamagitan ng marubdob na panalangin. Humingi siya ng tulong sa Diyos noong kailangan niyang maghatid ng matitinding mensahe, noong parang hindi na niya kaya, at noong may mga katanungan siya sa mga nangyayari. Sinagot siya ng Diyos at binigyan ng mga tagubilin. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
9. (a) Ano ang panalangin ni Jeremias sa Jeremias 15:15, 16? Paano tumugon si Jehova? (b) Sa tingin mo, bakit mahalagang ipanalangin ang nadarama mo?
9 Minsan, nang utusan si Jeremias na ipahayag ang isang mensahe ng paghatol, pakiramdam niya’y isinusumpa siya ng lahat ng tao. Kaya humingi siya ng tulong sa Diyos. Pansinin ang panalangin niya sa Jeremias 15:15, 16. Sinabi niya roon ang nadarama niya hinggil sa tugon ng Diyos. (Basahin.) Sa panalanging iyon, idinaing niya ang kaniyang pagkabagabag. Pero nang masumpungan niya ang salita ng Diyos at kainin iyon, wika nga, nagalak siya! Tinulungan siya ng Diyos na pahalagahan ang pribilehiyo na dalhin ang banal na pangalan ni Jehova at ihayag ang Kaniyang mensahe. Naging malinaw kay Jeremias kung ano ang kalooban ni Jehova. Ano ang makukuha nating aral dito?
10. Paano tumugon si Jehova nang sabihin ng propeta na hindi na siya magsasalita pa sa ngalan ng Diyos?
10 Sa isa pang pagkakataon, matapos siyang saktan ng saserdoteng si Pasur na anak ni Imer, sinabi ni Jeremias sa panalangin na hindi na siya magsasalita pa sa ngalan ni Jehova. Paano sinagot ng Diyos ang panalangin niya? (Basahin ang Jeremias 20:8, 9.) Hindi sinasabi sa atin ng Bibliya na mula sa langit ay kinausap ng Diyos si Jeremias. Pero ang salita ng Diyos ay naging gaya ng nagniningas na apoy sa loob ng kaniyang mga buto, at hindi niya mapigilang ipahayag iyon. Oo, dahil tapatang sinabi ni Jeremias kay Jehova ang kaniyang niloloob at kumilos siya ayon sa alam niya tungkol sa kalooban ng Diyos, naudyukan siyang ipagpatuloy ang gusto ng Diyos na gawin niya.
11, 12. Paano sinagot ni Jehova ang tanong ni Jeremias tungkol sa pananagumpay ng masasama?
11 Nang makita ni Jeremias na nagtatagumpay ang masasama, nagtanong siya sa Diyos. (Basahin ang Jeremias 12:1, 3.) Hindi naman sa kinukuwestiyon niya ang pagiging matuwid ni Jehova. Hindi lang kasi maubos-maisip ni Jeremias kung bakit nagtatagumpay ang maraming Judio samantalang ang sasamâ nila. Gaya ng isang bata na hindi nag-aalangang magtanong sa kaniyang ama, hindi nag-alangan si Jeremias na magtanong sa Diyos tungkol sa kaniyang “karaingan.” Ipinapakita nito na malapít siya kay Jehova. Nakuha ba ni Jeremias ang sagot na hinahanap niya? Sinigurado sa kaniya ni Jehova na “bubunutin” Niya ang masasama. (Jer. 12:14) Habang nakikita ni Jeremias ang ginagawa ng Diyos may kinalaman sa itinanong niya, lalo siyang nagtiwala sa katarungan ni Jehova. Bilang resulta, tiyak na naging mas madalas manalangin si Jeremias, na inihihinga ang niloloob niya sa kaniyang Ama.
12 Noong magtatapos na ang pamamahala ni Zedekias at kinukubkob na ng Babilonya ang Jerusalem, sa panalangin ay tinukoy ni Jeremias si Jehova bilang isa na ang “mga mata ay nakadilat sa lahat ng lakad ng mga anak ng mga tao, upang ibigay sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga lakad at ayon sa bunga ng kaniyang mga pakikitungo.” (Jer. 32:19) Naging malinaw kay Jeremias ang pagiging makatarungan ng Diyos, na talagang nakamasid ang Diyos sa ginagawa ng bawat isa at nakikinig siya sa taimtim na panalangin ng kaniyang mga lingkod. At para naman sa mga lingkod niya, makikita nila ang higit pang pruweba na ibinibigay ni Jehova “sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga lakad at ayon sa bunga ng kaniyang mga pakikitungo.”
13. Bakit ka makapagtitiwala na matutupad ang kalooban ng Diyos?
13 Maaaring hindi naman natin pinagdududahan ang pagiging makatarungan ng Diyos at kung paano niya tinutupad o tutuparin ang kaniyang kalooban. Pero makakatulong kung bubulay-bulayin natin ang naranasan ni Jeremias at kung sasabihin natin sa panalangin ang ating niloloob. Mapapatibay nito ang ating pagtitiwala kay Jehova, na tiyak na tutuparin niya ang kaniyang kalooban. Kahit hindi pa natin lubusang naiintindihan kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay, o kung bakit parang ang tagal matupad ng kalooban ng Diyos, masasabi natin sa panalangin na nagtitiwala tayong kontrolado ng Diyos ang mga bagay-bagay. Magaganap ang kalooban ng Diyos sa paraan at panahong alam niyang pinakamainam. Garantisado ito; walang dahilan para magduda. Patuloy sana nating itanong, “Nasaan si Jehova?” sa diwa na ipinapanalangin nating maunawaan sana natin ang kaniyang kalooban at ang katibayan ng katuparan nito.—Job 36:5-7, 26.
Anong kasiguruhan ang nakita mo sa naranasan ni Jeremias sa paghanap kay Jehova?
PINUNÔ NI JEREMIAS NG KAALAMAN ANG KANIYANG PUSO
14. Paano natin nalaman na nagsaliksik si Jeremias sa kasaysayan ng bayan ng Diyos?
14 Alam ni Jeremias na para masagot ang tanong na “Nasaan si Jehova?” kailangan niya ng ‘kaalaman tungkol kay Jehova.’ (Jer. 9:24) Tiyak na pinag-aralan niya ang kasaysayan ng bayan ni Jehova habang isinusulat niya ang mga aklat ng 1 at 2 Hari. Partikular niyang binanggit ang “aklat ng mga pangyayari kay Solomon”; “aklat ng mga pangyayari nang mga araw ng mga hari ng Israel”; at “aklat ng mga pangyayari nang mga araw ng mga hari sa Juda.” (1 Hari 11:41; 14:19; 15:7) Kaya naunawaan niya kung paano nakikitungo si Jehova sa kaniyang bayan sa iba’t ibang sitwasyon. Nakita ni Jeremias kung ano ang makapagpapalugod kay Jehova at kung ano ang epekto sa Kaniya ng pasiya ng bayan Niya. Maaaring nabasa rin niya ang mga kinasihang ulat, gaya ng isinulat nina Moises, Josue, Samuel, David, at Solomon. Tiyak na may alam siya tungkol sa mga naunang propeta at sa kaniyang mga kasabayan. Paano nakinabang si Jeremias sa kaniyang personal na pag-aaral?
15. Paano nakatulong kay Jeremias ang pagsasaliksik sa mga hula ni Elias?
15 Isinulat ni Jeremias ang ulat tungkol kay Jezebel, ang masamang asawa ni Haring Ahab ng Samaria. Kasama sa ulat ni Jeremias ang hula ni Elias na kakainin ng mga aso si Jezebel sa isang lote sa Jezreel. (1 Hari 21:23) At kasuwato ng iniulat ni Jeremias, alam mo na makalipas ang mga 18 na taon, inihulog si Jezebel mula sa bintana, niyurakan ng kabayo ni Jehu, at kinain ng mga aso. (2 Hari 9:31-37) Ang pagsasaliksik ni Jeremias sa mga hula ni Elias at sa katuparan ng mga ito, maging sa mga detalye nito, ay tiyak na nagpatibay sa pananampalataya niya sa salita ng Diyos. Kitang-kita na nakapagbata si Jeremias dahil sa pananampalatayang pinatibay ng pag-aaral tungkol sa mga pagkilos ni Jehova.
16, 17. Sa tingin mo, bakit nakapagpatuloy si Jeremias sa pagbababala sa masasamang hari noong panahon niya?
16 Heto pa ang isang halimbawa. Ano sa tingin mo ang nakatulong kay Jeremias na patuloy na babalaan ang masasamang haring gaya nina Jehoiakim at Zedekias, kahit na inuusig pa siya? Pangunahin na, ginawa ni Jehova si Jeremias na “isang nakukutaang lunsod at isang haliging bakal at mga pader na tanso” sa harap ng mga hari ng Juda. (Jer. 1:18, 19) Pero tandaan na masusi ring nagsaliksik si Jeremias tungkol sa mga naunang hari ng Juda at Israel. Isinama niya sa kaniyang ulat ang paggawa ni Manases ng “mga altar para sa buong hukbo ng langit sa dalawang looban ng bahay ni Jehova,” ang paghahandog nito ng kaniyang anak sa apoy, at lansakang pagbububo ng dugong walang sala. (2 Hari 21:1-7, 16; basahin ang Jeremias 15:4.) Pero tiyak na alam din ni Jeremias na nang magsisi si Manases at magsumamo kay Jehova, “hinayaan Niya na siya ay mapamanhikan nito,” at isinauli ito ni Jehova sa paghahari.—Basahin ang 2 Cronica 33:12, 13.
17 Sa mga isinulat ni Jeremias, wala siyang binanggit tungkol sa ipinakitang awa ni Jehova kay Manases. Pero namatay si Manases mga 15 taon lang bago naging propeta si Jeremias. Kaya malamang na nalaman din ng propeta ang tungkol sa pagsisisi ng hari. Ang pagsasaliksik sa teribleng kasamaan ni Manases at sa kinahinatnan nito ay tiyak na nakatulong kay Jeremias na makita ang kahalagahan ng paghimok sa mga hari, gaya ni Zedekias, na magsumamo ukol sa kaawaan at maibiging-kabaitan ni Jehova. Kahit ang isang hari na kilala sa pagiging idolatroso at mamamatay-tao ay maaaring magsisi at mapatawad. Kung ikaw si Jeremias, mapapatibay ka kaya ng nangyari kay Manases at magiging masigasig pa rin kahit masamang hari ang mamahala?
PAGKATUTO SA KARANASAN
18. Ano ang natutuhan ni Jeremias sa sinapit ni Urias? Bakit mo nasabi?
18 Habang naglilingkod bilang propeta, natuto si Jeremias sa naging pagkilos ng kaniyang mga kasabayan. Isa sa mga ito si propeta Urias na humula laban sa Jerusalem at Juda noong panahon ni Jehoiakim. Pero dahil sa takot sa hari, tumakas si Urias patungong Ehipto. Ipinatugis siya ng hari, at nang maibalik ay pinatay siya. (Jer. 26:20-23) Sa palagay mo, may natutuhan kaya si Jeremias sa sinapit ni Urias? Aba oo. Patuloy na nagbabala si Jeremias sa mga Judio, kahit sa palibot ng templo, tungkol sa kapahamakang darating sa kanila. Nanatiling masigasig si Jeremias, at hindi siya pinabayaan ni Jehova. Malamang na pinakilos ng Diyos si Ahikam, anak ni Sapan, para protektahan ang walang-takot na propeta.—Jer. 26:24.
19. Anong katangian ni Jehova ang nakita ni Jeremias sa patuloy na pagsusugo Niya ng mga propeta?
19 Natuto rin si Jeremias sa sarili niyang karanasan habang binababalaan ang bayan ni Jehova. Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim, inutusan ni Jehova si Jeremias na isulat ang lahat ng sinabi Niya mula noong panahon ni Josias. Bakit? Para himukin ang mga tao na talikuran ang kanilang kasamaan at mapatawad. (Basahin ang Jeremias 36:1-3.) Maagang bumabangon si Jeremias para magbabala sa mga tao. Nakiusap pa nga siya sa kanila na itigil na ang kanilang karima-rimarim na mga gawain. (Jer. 44:4) Hindi ba’t malinaw na nakita ni Jeremias mula sa sarili niyang karanasan na talagang maawain ang Diyos kaya Siya nagsusugo ng mga propeta? At hindi kaya ito rin ang nagturo kay Jeremias na maging maawain? (2 Cro. 36:15) Kung gayon, maiintindihan mo kung bakit matapos maligtas sa pagkawasak ng Jerusalem ay nasabi ni Jeremias: “Dahil sa mga gawa ng maibiging-kabaitan ni Jehova kung kaya hindi pa tayo nalilipol, sapagkat ang kaniyang kaawaan ay tiyak na hindi magwawakas. Ang mga iyon ay bago sa bawat umaga.”—Panag. 3:22, 23.
Paano nakatulong kay Jeremias ang pagsasaliksik sa pakikitungo ng Diyos sa mga tao at ang pagbubulay-bulay sa mga naranasan niya at ng iba? Ano ang matututuhan natin dito?
ARAW-ARAW MO BANG ITINATANONG, “NASAAN SI JEHOVA?”
20. Paano mo matutularan si Jeremias sa paghanap kay Jehova?
20 Kapag nagpapasiya ka sa araw-araw, lagi mo bang isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at itinatanong, “Nasaan si Jehova?” (Jer. 2:6-8) Di-tulad ng mga Judio noong panahon niya, laging humihingi ng tulong si Jeremias sa Makapangyarihan-sa-lahat kapag nagpapasiya. Matutularan natin si Jeremias kung araw-araw nating inaalam ang pananaw ni Jehova; ito ang matalinong gawin kapag nagpapasiya.
21. Ano ang maaari mong ipanalangin may kinalaman sa iyong ministeryo? Paano ito makakatulong sa iyo kung masungit ang makausap mo?
21 Ang paghanap kay Jehova ay hindi lang kapag gumagawa ng malalaking pasiya. Halimbawa, iskedyul mo ng paglabas sa larangan. Kaso paggising mo, nakita mong makulimlim at parang uulan. At madalas namang gawin ang teritoryo sa araw na iyon. Isa pa, naisip mong lagi namang nagdadahilan ang mga tao doon o nanghihiya pa nga. Sa pagkakataong iyon, mananalangin ka ba at magtatanong, “Nasaan si Jehova?” Makakatulong ito sa iyo na pakaisipin ang kahalagahan ng mensaheng ihahatid mo at lalo pang madama na kalooban ng Diyos na ihatid mo ang mensaheng iyon. Pagkatapos, gaya ni Jeremias, maaaring maudyukan ka ng salita ni Jehova na magalak at magbunyi. (Jer. 15:16, 20) Pero paano kung nasa larangan ka na at may nakausap kang napakasungit o naninindak, mananalangin ka ba uli para sabihin kay Jehova ang nadarama mo? Huwag mong kalilimutan na puwede siyang maglaan ng banal na espiritu para tulungan kang kumilos nang tama, at mapagtagumpayan ang anumang negatibong damdamin na puwedeng humadlang sa iyong pangangaral.—Luc. 12:11, 12.
22. Bakit maaaring maharangan ang ilang panalangin?
22 Gayunman, may mga panalangin na nahaharangan. (Basahin ang Panaghoy 3:44.) Hindi pinakinggan ni Jehova ang panalangin ng mga rebelyosong Judio dahil ‘inilayo nila ang kanilang tainga sa kaniya’ at patuloy silang gumagawa ng masama. (Kaw. 28:9) Ito ang aral na natutuhan ni Jeremias, na dapat din nating matutuhan: Kapag salungat sa panalangin ng isa ang ikinikilos niya, hindi iyon makalulugod sa Diyos at maaaring hindi na pakinggan ng Diyos ang mga panalangin niya. Tiyak na iiwasan nating mangyari ito sa atin.
23, 24. (a) Ano ang kailangan para malaman natin ang kalooban ni Jehova? (b) Paano magiging mas makabuluhan ang iyong personal na pag-aaral?
23 Bukod sa taimtim na pananalangin ukol sa patnubay, kailangan tayong magpatuloy sa personal na pag-aaral, isang mahalagang paraan para mahanap si Jehova. Kumpleto na ngayon ang Bibliya, di-gaya noong panahon ni Jeremias. Tulad ni Jeremias na nagsaliksik para maitala ang kaniyang makasaysayang ulat, puwede mong pag-aralan ang Bibliya para malaman ang tagubilin ng Diyos, anupat itinatanong, “Nasaan si Jehova?” Ang pagsisikap na malaman ang kaniyang kalooban ay katibayan na nagtitiwala ka sa kaniya. Kung gayon, ikaw ay “tiyak na magiging gaya ng punungkahoy na nakatanim sa tabi ng tubig, na nagpapayaon ng mga ugat nito sa mismong tabi ng daanang-tubig.”—Basahin ang Jeremias 17:5-8.
24 Habang binabasa mo at binubulay-bulay ang Banal na Kasulatan, sikaping alamin ang kalooban ni Jehova sa anumang gagawin mo. Pag-aralan ang mga simulain na gusto mong tandaan at ikapit sa iyong buhay. Isipin mo kung paano makakatulong sa iyong pagpapasiya araw-araw ang mga kasaysayan, utos, simulain, at mga kawikaan sa Bibliya. Bilang sagot sa tanong mong “Nasaan si Jehova?” tutulungan ka niya sa pamamagitan ng Kasulatan na malaman ang maaari mong gawin kahit sa napakahirap na sitwasyon. Aba, sa tulong ng Bibliya magiging maliwanag sa iyo ang “di-malirip na mga bagay na hindi mo pa nalalaman” o naiintindihan!—Jer. 33:3.
25, 26. Bakit tayo makikinabang sa karanasan natin mismo at ng iba?
25 Bukod diyan, maaari mong isaalang-alang ang mga karanasan mo mismo at ng iba. Halimbawa, may alam ka sigurong mga tumigil na sa pagtitiwala kay Jehova, gaya ni Urias. (2 Tim. 4:10) Maaari kang matuto sa kanilang karanasan at maiwasan ang sinapit nila. Lagi mong alalahanin ang maibiging-kabaitan ng Diyos sa iyo. Tularan ang pagpapahalaga ni Jeremias sa awa at habag ni Jehova. Gaanuman kahirap ang sitwasyon mo, huwag mong iisipin na pinababayaan ka ng Kataas-taasan. Nagmamalasakit siya sa iyo, gaya noon kay Jeremias.
26 Habang binubulay-bulay mo kung paano tinutulungan ni Jehova ang mga indibiduwal ngayon, makikita mo na may iba’t ibang paraan siya para gabayan tayo araw-araw. Isang kabataang sister sa Japan na nagngangalang Aki ang nagsabing hindi siya karapat-dapat tawaging Kristiyano. Isang araw, habang nasa ministeryo kasama ng asawa ng tagapangasiwa ng sirkito, nasabi ni Aki: “Siguro malapit na ’kong isuka ni Jehova, pero pinagtitiyagaan niya lang ako at binibigyan ng kaunti pang panahon.” Tiningnan siya ng sister sa mata at sinabi: “Kahit kailan, hindi ko naisip na malahininga kang Kristiyano!” Pinag-isipan ni Aki ang nakapagpapatibay na komentong iyon. Ang totoo, wala naman talagang dahilan para madama niyang ganoon ang tingin ni Jehova sa kaniya. Pagkatapos nito, nanalangin si Aki kay Jehova: “Isugo n’yo po ako kahit saan. Gagawin ko ang anumang loobin n’yo para sa akin.” Noong mga panahong iyon, nagpunta siya sa ibang bansa kung saan may maliit na Japanese group na nangangailangan ng volunteer sa kanilang teritoryo. Nagkataon namang doon ipinanganak si Aki, kaya hindi naging mahirap sa kaniya na lumipat doon at tumulong. Pero saan siya titira? Sakto namang lumipat ang anak ng isang sister at inialok sa kaniya ang bakanteng kuwarto. “Wala akong naging problema. Inayos ni Jehova ang lahat para makapaglingkod ako,” ang sabi ni Aki.
27. Bakit kapaki-pakinabang sa iyo ang pagtatanong ng “Nasaan si Jehova?”
27 Maikukuwento sa iyo ng maraming kapatid kung paano sila ginabayan ni Jehova, marahil nang may mabasa sila o mapag-aralan sa Bibliya. Marahil ay naranasan mo na rin iyon. Makakatulong ang mga ito na maging higit na malapít kay Jehova at maging mas madalas at marubdob ang iyong mga panalangin sa kaniya. Makaaasa ka na ituturo sa atin ni Jehova ang kaniyang daan kung araw-araw nating itatanong, “Nasaan si Jehova?”—Isa. 30:21.
Para sa iyo ano ang kahulugan ng pagtatanong ng “Nasaan si Jehova?” Anu-ano ang maaari mong gawin para mahanap ang kaniyang patnubay?