DAMASCO
Isang sinauna at mahalagang lunsod ng Sirya. Ang Damasco (makabagong-panahong esh-Sham, o Dimashq) ay nasa paanan ng Kabundukan ng Anti-Lebanon, anupat ang kalapit na Disyerto ng Arabia-Sirya ay nasa dakong S nito. (Sol 7:4) Nasa TK ng lunsod ang Bundok Hermon na ang taluktok ay nababalutan ng niyebe at may taas na 2,814 na m (9,232 piye), na nagsisilbing timugang dulo ng Kabundukan ng Anti-Lebanon.
Ang mga dalisdis sa likuran ng Damasco sa K ay tigang na tigang, ngunit ang malamig na tubig ng Ilog Barada (ang Abana sa 2Ha 5:12) ay dumaraan sa isang bangin sa pagitan ng mga bundok at umaagos sa kapatagan na kinaroroonan ng lunsod. Ang mga patubig naman ay lumilikha ng isang malawak na oasis na may lapad na mga 16 na km (10 mi) at haba na 48 km (30 mi). Dahil sa saganang suplay na ito ng tubig, ang Damasco ay naging isang mahalagang hintuang dako sa sinaunang mga ruta ng militar at kalakalan sa pagitan ng mga lupain sa silangang Mediteraneo, ng mga bansa sa Mesopotamia, at ng Silangan. Dahil din sa mga kabundukan ng Lebanon at ng Anti-Lebanon na nagsisilbing likas na harang patungo o mula sa baybayin ng Mediteraneo, ang mga pulutong na naglalakbay ay napipilitang dumaan malapit sa Damasco.
Sa HK ng lunsod ay masusumpungan ang isang patlang sa kabundukan ng Anti-Lebanon, at mula pa noong sinaunang panahon, ang daanang ito ay karugtong na ng pangunahing lansangang-bayan na dumaraan sa Coele-Sirya (ang Beqaʽ) patungo sa T hanggang Hazor, pababa sa K panig ng Dagat ng Galilea na dumaraan sa Kapatagan ng Megido patungo sa baybaying dagat, at nagpapatuloy patungong T na dumaraan sa Filistia hanggang sa Ehipto. Sa S naman ng kabundukan ng Anti-Lebanon ay may isang ruta na patungong T mula sa Damasco hanggang Hazor at patungong H hanggang Hamat, Aleppo, at Carkemis. Isa pang pangunahing ruta, na karaniwan nang tinatawag na Lansangang-Bayan ng Hari (ihambing ang Bil 21:22), ang nagmumula sa Damasco patungong T, anupat bumabagtas sa gilid ng talampas sa S ng Jordan pababa sa Dagat na Pula at sa Peninsula ng Arabia. Sa mga lansangang ito dumaan ang mga hukbo ng Ehipto, Asirya, Babilonya, at Persia. Sa iba namang direksiyon, ang mga pulutong na naglalakbay patungo sa Mesopotamia ay nagmumula muna sa Damasco patungong S hanggang sa Tadmor at mula roon naman patungo sa rehiyon ng Eufrates.
Ang kapatagan na kinaroroonan ng Damasco ay isang matalampas na rehiyon na mga 700 m (2,300 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat, at ang lunsod ay may kaayaayang klima, na ang katamtamang temperatura ay mula 7° C. (45° F.) sa taglamig hanggang 29° C. (84° F.) sa tag-araw. Ang napakatabang lupain ay may maiinam na taniman ng olibo, igos, at apricot, at mabubungang bukirin ng mga butil. Gayunman, ang kasaganaan ng lunsod ay pangunahin nang dahil sa komersiyo at dahil isa rin itong kumbinyenteng sentro ng kalakalan para sa mga tribong pagala-gala. Ang Damasco ay tinukoy ng propetang si Ezekiel bilang “mangangalakal” ng Tiro, anupat maliwanag na umaangkat ito ng alak sa kalapit na lunsod ng Helbon at ng mamula-mulang abuhing lana bilang kapalit ng mga kagamitang gawa sa Tiro. (Eze 27:18) Ang “mga lansangan” sa Damasco na ipinangako ni Ben-hadad II na italaga kay Ahab ay maliwanag na pagtatayuan ng mga tiangge, o mga pamilihan, upang itaguyod ang kapakanang pangkomersiyo ni Ahab sa kabiserang iyon ng Sirya.—1Ha 20:34.
Kasaysayan. Walang nakaaalam kung paano nagsimulang umiral ang Damasco. Inihaharap ni Josephus (Jewish Antiquities, I, 145 [vi, 4]) ang tradisyonal na pangmalas ng mga Judio na itinatag ito ni Uz, ang anak ni Aram at apo ni Sem, bagaman may mga pahiwatig na ang mga inapo ni Uz ay nanirahan sa mas dakong timog. (Gen 10:21-23; tingnan ang UZ Blg. 4.) Malamang na dumaan si Abraham malapit sa Damasco o sa loob mismo ng Damasco noong patungo siya sa Lupang Pangako. Si Eliezer, ang lingkod ng walang-anak na si Abraham, ay “isang taong taga-Damasco.” (Gen 15:2) Tinugis ni Abraham sa Hoba, isang lugar sa H ng Damasco, ang sumasalakay na mga hari upang bawiin ang nabihag na pamangkin niyang si Lot.—Gen 14:1-16.
Sumalansang sa Israel. Pagkatapos nito ay hindi na binanggit ang Damasco sa ulat ng Bibliya sa loob ng halos isang libong taon, at nang muli itong banggitin ay isa na itong kalaban ng bansang Israel. Noong panahong iyon ay sentro ito ng isa sa maraming Arameanong kaharian ng Sirya. Nang labanan at talunin ni David ang hari ng Zoba, ang “Sirya ng Damasco” ay pumaroon upang tulungan ang mga natalo. Tinalo rin sila ni David, anupat naglagay siya ng mga garison sa kaharian ng Damasco at pinagbayad niya ito ng tributo sa Israel. (2Sa 8:3-6; 1Cr 18:5, 6) Gayunman, noong panahon ng paghahari ni Solomon, ang Damasco ay nakontrol ng isang takas na nagngangalang Rezon mula sa Arameanong kaharian ng Zoba, anupat ginawa niyang hari ang kaniyang sarili. Ipinakita niya ang kaniyang pagkapoot sa Israel sa pamamagitan ng mga pagsalakay.—1Ha 11:23-25.
Matapos makipagtipan kay Baasa ng hilagang kaharian ng Israel, si Haring Ben-hadad I ng Damasco ay nasuhulan ni Asa ng Juda (977-937 B.C.E.) at sumalakay sa teritoryo ng kaniyang dating kaalyado. (1Ha 15:18-20; 2Cr 16:2-4) Bilang pinakaulo ng isang koalisyon ng 32 magkakaalyadong hari, ang kahalili niyang si Ben-hadad II ay sumalakay rin sa hilagang kaharian ng Israel. Inulit niya ang pagsalakay matapos niyang reorganisahin ang kaniyang mga hukbo sa ilalim ng 32 gobernador, ngunit natalo siya sa dalawang pagkakataong iyon. (1Ha 20:1, 16-34) Bagaman nabihag si Ben-hadad II sa kaniyang ikalawang pagtatangka, pinalaya siya ni Haring Ahab (mga 940-920 B.C.E.) at nang maglaon, sa pagbabaka sa Ramot-gilead, pinangunahan niya ang kaniyang hukbong nakasakay sa mga karo laban sa pinagsamang mga hukbo ng Juda at Israel. Humantong ito sa pagkatalo ng Juda at Israel at sa kamatayan ni Ahab. (1Ha 22:29-37) Noong panahon ng paghahari ni Jehoram ng Israel (mga 917-905 B.C.E.), nagsagawa si Ben-hadad II ng panghuling pagtatangka na bihagin ang Samaria ngunit makahimala siyang natalo.—2Ha 6:24; 7:6, 7.
Bilang pagtupad ng propetang si Eliseo sa atas na ibinigay sa hinalinhan niyang si Elias, pumaroon siya sa Damasco at sinabi niya kay Hazael na hahalinhan nito si Ben-hadad II bilang hari ng Sirya. (1Ha 19:15; 2Ha 8:7-13) Bago mamatay si Ben-hadad, ang Damasco ang sentro ng pakikipaglaban ng Sirya sa pananakop ng Imperyo ng Asirya, na determinadong magpuno sa mga lupaing karatig ng Mediteraneo. Palibhasa’y isa itong mahalagang salubungan ng mga lansangan sa pangunahing ruta na mula sa Mesopotamia patungong Mediteraneo, ang Damasco ang unang pinupuntirya ng mga kalaban. Bilang pinakaulo ng isang koalisyon ng magkakaratig na mga kaharian, matagumpay na nilabanan ng Damasco ang sunud-sunod na pagsalakay ni Salmaneser III ng Asirya. Iniuulat ng isa sa mga inskripsiyon ni Salmaneser ang pag-agaw ni Hazael sa trono ng Sirya. Pagkatapos ng isang malaking labanan, nasukol ni Salmaneser si Hazael sa Damasco at kinubkob niya ang lunsod, ngunit hindi niya ito nakuha.
Bilang hari ng Damasco, patuloy na naging agresibo si Hazael laban sa Israel. (2Ha 10:32) Matapos niyang mapalawak ang kapangyarihan ng Damasco hanggang sa Filisteong lunsod ng Gat, sinalakay din niya ang Juda, anupat natakot ang Judeanong si Haring Jehoas (898-859 B.C.E.) at nagbayad siya ng isang malaking tributo upang hindi lusubin ng Sirya ang Jerusalem. (2Ha 12:17, 18; 13:3, 22; 2Cr 24:23, 24) Sa ilalim ng kahalili ni Hazael na si Ben-hadad III, naalis ang panunupil ng Damasco sa Israel pagkatapos na matalo ni Jehoas ng Israel (mga 859-845 B.C.E.) nang tatlong beses ang Sirya. (2Ha 13:24, 25) Nang maglaon, nilusob ni Jeroboam II ng Israel (mga 844-804 B.C.E.) ang Sirya hanggang sa “pagpasok ng Hamat,” at “isinauli ang Damasco at ang Hamat sa Juda sa Israel.” (2Ha 14:23-28) Ang karaniwang pagkaunawa rito ay na ginawang sakop ang mga kahariang ito, katulad ng kanilang kalagayan sa ilalim ni Solomon.—1Ha 4:21.
Mga kahatulan ni Jehova sa Damasco. Gayunman, pagkaraan ng isang siglo, muling ipinakikilala ang Damasco sa posisyon nito bilang “ulo ng Sirya.” (Isa 7:8) Noong panahon ng paghahari ni Haring Ahaz ng Juda (761-746 B.C.E.), si Rezin ng Damasco, kasama si Peka ng Israel, ay dumaluhong sa Juda hanggang sa Elat sa Gulpo ng ʽAqaba. Labis itong ikinatakot ni Haring Ahaz anupat nagpadala siya ng suhol kay Tiglat-pileser III ng Asirya at hiniling niya rito na iligtas ang Juda mula sa mga Siryano. Kaagad namang sinalakay ng haring Asiryano ang Damasco, binihag ito, pinatay si Rezin, at ipinatapon ang maraming taga-Damasco. (2Ha 16:5-9; 2Cr 28:5, 16) Sa gayon ay natupad ang mga hulang ipinasulat ni Jehova kina Isaias at Amos. (Isa 8:4; 10:5, 8, 9; Am 1:3-5) Ngunit nang pumunta si Ahaz sa Damasco upang salubungin (at malamang na upang magbigay-galang din sa kaniya), nakita niya ang altar ng Damasco para sa huwad na pagsamba, may-kamangmangan siyang nagpagawa ng isang altar na katulad niyaon, at nang maglaon ay naghain siya roon para sa “mga diyos ng Damasco.”—2Ha 16:10-13; 2Cr 28:23.
Mula noon ay hindi na muling naging banta sa Israel ang Damasco. Bagaman humina sa militar ang lunsod, maliwanag na muli itong lumakas sa larangan ng komersiyo, gaya ng ipinahihiwatig sa hula ni Ezekiel. (Eze 27:18) Ngunit inihula rin ni Jeremias na ang Damasco, na dati’y lubhang pinapupurihan, ay daranas ng kabagabagan bilang resulta ng masamang ulat mula sa Hamat at Arpad sa hilagang Sirya, isang ulat na malamang ay tungkol sa malupit na pananakop sa mga kahariang Arameano ng papalapit na Babilonyong mga hukbo ni Nabucodonosor. (Jer 49:23-27) Hindi matatakasan ng Damasco, na siyang hiyas ng disyerto, ang mga epekto ng pananakop na iyon. Nang maglaon pa, binanggit ang Damasco sa isang di-kaayaayang kapahayagan ng propeta ni Jehova na si Zacarias, na ang hula ay isinulat noong 518 B.C.E. Malamang na natupad ang hulang ito noong panahon ni Alejandrong Dakila, na sumakop sa Sirya at Fenicia pagkatapos ng tagumpay niya sa Pagbabaka sa Issus noong 333 B.C.E.—Zac 9:1-4.
Noong yugtong Seleucido, ang Damasco ay hinalinhan ng Antioquia bilang kabisera ng probinsiya ng Sirya. Noong 85 B.C.E. naman, nabihag ni Haring Aretas III ng Arabeng kahariang Nabateano ang lunsod. Nasakop ng Roma ang buong Sirya noong 64-63 B.C.E., at ang Damasco ay nanatiling isang Romanong lunsod hanggang noong 33 C.E. Itinala ito ni Pliny (Romanong istoryador noong unang siglo C.E.) bilang isa sa orihinal na sampung lunsod ng Decapolis.
Noong unang siglo C.E. Noong pumaroon si Saul ng Tarso sa Damasco sa kaniyang kampanya ng pag-uusig sa mga Kristiyano, ang lunsod ay may mga sinagogang Judio. (Gaw 9:1, 2) Maliwanag na noon ay bahagi ito ng nasasakupan ng Nabateanong si Haring Aretas IV at pinamamahalaan ng isang hinirang na gobernador. (2Co 11:32, 33) Pagkatapos ng kaniyang pagkakumberte, ang nabulag na si Saul ay inakay sa isang tahanan sa lansangan na tinatawag na Tuwid. (Tingnan ang TUWID.) Nangaral si Pablo (Saul) nang ilang panahon sa mga sinagoga ng Damasco, ngunit dahil sa isang pakana na paslangin siya, kinailangan niyang tumakas nang gabi at dumaan sa isang butas sa pader ng lunsod.—Gaw 9:11, 17-25; 26:20; Gal 1:16, 17.