MENAHEM
[Isa na Umaaliw].
Anak ni Gadi at hari ng Israel sa loob ng sampung taon mula noong mga 790 B.C.E. Nang malaman niyang pinaslang ni Salum si Haring Zacarias, pumaroon siya mula sa Tirza patungong Samaria at pinatay roon ang mamamaslang. Nang magkagayon ay hinawakan niya ang pamamahala. Maliwanag na noong maagang bahagi ng kaniyang paghahari, pinabagsak ni Menahem ang Tipsa “at ang lahat ng naroon at ang teritoryo nito mula sa Tirza, sapagkat hindi ito nagbukas.” Lumilitaw na ang bayan ay atubiling pagbuksan siya ng pintuang-daan nito. (LXX, Vg, Sy) Pinagmalupitan niya ang taong-bayan: “Ang lahat ng babae nito na nagdadalang-tao ay kaniyang winakwak.”—2Ha 15:10, 13-17.
Ginawa ni Menahem ang masama sa paningin ni Jehova. Itinaguyod niya ang pagsamba sa guya, anupat hindi niya nilisan ang mga kasalanan ni Jeroboam, ang unang hari ng sampung-tribong kaharian. Noong panahon ng kaniyang paghahari, sinalakay ni Haring Pul (Tiglat-pileser III) ang Israel, at si Menahem ay napilitang magbayad sa Asiryanong monarkang iyon ng “isang libong talento na pilak.” ($6,606,000) Nakuha niya ang kabuuang halagang ito sa pamamagitan ng pagpapataw ng halagang 50 siklong pilak sa bawat isa sa “magigiting at makapangyarihang mga lalaki” ng Israel. Yamang ang isang talento na pilak ay katumbas ng mga 3,000 siklo, kinuha ang pilak mula sa mga 60,000 katao. Ibinigay ni Menahem ang pilak sa haring Asiryano, “upang ang mga kamay nito ay sumakaniya at upang pagtibayin ang kaharian sa kaniyang sariling kamay.” Pagkatanggap sa halagang ito, nilisan ni Pul ang lupain.—2Ha 15:19, 20.
Binabanggit si Menahem sa isang inskripsiyon ni Tiglat-pileser III bilang “Menahem ng Samaria” (Me-ni-hi-im-me alSa-me-ri-na-a-a), anupat nakatala roon, kasama ng Siryanong si Haring Rezon (Ra-hi-a-nu) at Haring Hiram (Hi-ru-um-mu) ng Tiro (naiiba sa Hiram noong mga araw ni David), bilang isang tagapamahala na inangkin ng Asiryanong monarkang iyon na nagbayad sa kaniya ng tributo. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 282, 283) Namatay si Menahem noong mga 781 B.C.E., at hinalinhan siya ng kaniyang anak na si Pekahias sa trono ng Israel.—2Ha 15:22.