AHAZ
[pinaikling anyo ng Jehoahaz, nangangahulugang “Tanganan Nawa ni Jehova; Tinanganan ni Jehova”].
1. Ang anak ni Haring Jotam ng Juda. Si Ahaz ay nagsimulang maghari sa edad na 20 at naghari siya nang 16 na taon.—2Ha 16:2; 2Cr 28:1.
Yamang ang anak ni Ahaz na si Hezekias ay 25 taóng gulang nang magsimula itong maghari, nangangahulugan ito na si Ahaz ay wala pang 12 taóng gulang nang maging anak niya ito. (2Ha 18:1, 2) Bagaman ang mga lalaki ay karaniwang nagbibinata sa pagitan ng mga edad na 12 at 15 sa katamtamang klima, maaaring dumating ito nang mas maaga sa mas maiinit na klima. Ang mga kaugalian sa pag-aasawa ay nagkakaiba-iba rin. Iniulat ng Zeitschrift für Semitistik und verwandte Gebiete (inedit ni E. Littmann, Leipzig, 1927, Tomo 5, p. 132) na pangkaraniwan lamang ang pag-aasawa ng mga bata sa Lupang Pangako maging sa makabagong panahon, at may binanggit na isang kaso ng magkapatid na lalaki na edad 8 at 12 na may mga asawa na, anupat ang asawa ng nakatatanda ay pumapasok sa paaralan kasama niya. Gayunman, isang manuskritong Hebreo, ang Syriac na Peshitta, at ilang manuskrito ng Griegong Septuagint ang nag-uulat sa 2 Cronica 28:1 na ang edad ni Ahaz ay “dalawampu’t limang taon” nang magsimula siyang maghari.
Anuman ang kaniyang eksaktong edad, si Ahaz ay namatay nang bata pa at nag-iwan ng isang napakasamang rekord. Sa kabila ng masigasig na panghuhula nina Isaias, Oseas, at Mikas noong panahon ni Ahaz, laganap ang idolatriya sa lupain noong panahon ng kaniyang paghahari. Hindi lamang niya kinunsinti ang kaniyang mga sakop sa bagay na ito kundi personal at palagian din siyang nakibahagi sa paganong paghahain, anupat inihandog pa nga niya ang sarili niyang (mga) anak sa apoy sa Libis ng Hinom. (2Ha 16:3, 4; 2Cr 28:3, 4) Dahil sa gayong labis na pagkasangkot sa huwad na pagsamba, ang pamamahala ni Ahaz ay niligalig ng maraming suliranin. Nagsanib ang Sirya at ang hilagang kaharian ng Israel upang lusubin ang Juda mula sa H, sinamantala ng mga Edomita ang pagkakataon upang umatake mula sa TS, at sumalakay naman ang mga Filisteo mula sa K. Nakuha sa Juda ang mahalagang daungan ng Elat sa Gulpo ng ʽAqaba. Pinatay ni Zicri, na isang makapangyarihang Efraimita, ang isang anak ng hari at ang dalawa sa mga pangunahing tauhan ni Ahaz noong panahon ng paglusob ng hilagang kaharian na naging dahilan ng pagkamatay ng 120,000 sa Juda at ng pagkabihag ng mga 200,000 Judeano. Nakalaya lamang ang mga bihag na ito at nakabalik sa Juda nang mamagitan ang propetang si Oded at suportahan siya ng ilang pangunahing lalaki ng Efraim.—2Cr 28:5-15, 17-19; 2Ha 16:5, 6; Isa 7:1.
Ang ‘nanginginig na puso’ ni Ahaz ay dapat sanang napatibay ng mensahe ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias na tumitiyak sa kaniya na hindi pahihintulutan ni Jehova na wasakin ng tambalang Siro-Israelita ang Juda at ilagay sa trono ang isang lalaki na hindi mula sa Davidikong linya. Ngunit nang sabihan ang idolatrosong si Ahaz na humiling ng isang tanda mula sa Diyos, siya ay tumugon: “Hindi ako hihingi, ni ilalagay ko man si Jehova sa pagsubok.” (Isa 7:2-12) Gayunpaman, inihula na bilang isang tanda, isang dalaga ang magsisilang ng isang anak na lalaki, si Emmanuel (Sumasaatin ang Diyos), at na bago pa lumaki ang bata ay hindi na magiging banta sa Juda ang tambalang Siro-Israelita.—Isa 7:13-17; 8:5-8.
May kinalaman sa “animnapu’t limang taon” na binabanggit sa Isaias 7:8, na ayon sa hula ni Isaias ay magiging yugto kung kailan “pagdudurug-durugin” ang Efraim, ang Commentary on the Whole Bible (nina Jamieson, Fausset, at Brown) ay nagsasabi: “Ang isang pagkakatapon ng Israel ay nangyari sa loob ng isa o dalawang taon mula sa panahong ito [noong bigkasin ni Isaias ang hula], sa ilalim ni Tiglat-pileser (2 Hari 15. 29). Ang isa pa na naganap noong paghahari ni Hosea, sa ilalim ni Salmaneser (2 Hari 17. 1-6), ay pagkaraan ng mga dalawampung taon. Ngunit ang pinakahuli na lubusang ‘nagwasak’ sa Israel upang ‘hindi na maging isang bayan,’ kasabay ng paninirahan ng mga banyaga sa Samaria, ay sa ilalim ni Esar-hadon, na tumangay din kay Manases, na hari ng Juda, noong ikadalawampu’t dalawang taon ng kaniyang paghahari, animnapu’t limang taon mula nang bigkasin ang hulang ito (ihambing ang Ezra 4.2, 3, 10, sa 2 Hari 17.24; 2 Cronica 33.11).”
Pagiging Basalyo sa Ilalim ng Asirya, at Kamatayan. Gayunman, sa halip na manampalataya kay Jehova, may-kamangmangang pinili ni Ahaz, dahil sa takot sa sabuwatang Siro-Israelita, na suhulan si Tiglat-pileser III ng Asirya upang saklolohan siya nito. (Isa 7:2-6; 8:12) Anumang kaginhawahan ang naidulot kay Ahaz ng ambisyosong hari ng Asirya sa pamamagitan ng pagdurog sa Sirya at Israel ay pansamantala lamang. Noong bandang huli ay “pinighati siya [nito], at hindi siya pinalakas” (2Cr 28:20), yamang ang ipinasan naman ngayon ni Ahaz sa Juda ay ang mabigat na pamatok ng Asirya.
Lumilitaw na bilang isang basalyong hari, ipinatawag si Ahaz sa Damasco upang magbigay-galang kay Tiglat-pileser III at, habang nasa lunsod na iyon, hinangaan niya ang paganong altar doon, kinopya ang disenyo nito, at iniutos sa saserdoteng si Urias na magtayo ng isang katulad nito upang mailagay sa harap ng templo sa Jerusalem. Pagkatapos ay nangahas si Ahaz na maghandog ng mga hain sa “malaking altar” na ito. Ang orihinal na altar na tanso ay inilagay sa isang tabi hanggang sa makapagpasiya ang hari kung ano ang paggagamitan nito. (2Ha 16:10-16) Samantala, pinagputul-putol niya ang marami sa kagamitang tanso ng templo at binago ang ayos ng iba pang mga bagay sa lugar ng templo “dahil sa hari ng Asirya,” marahil ay upang mabayaran ang mabigat na tributo na ipinataw sa Juda o upang ikubli ang ilan sa kayamanan ng templo sa paningin ng sakim na Asiryano. Isinara ang mga pinto ng templo at si Ahaz ay “gumawa ng mga altar para sa kaniyang sarili sa bawat panulukan sa Jerusalem.”—2Ha 16:17, 18; 2Cr 28:23-25.
Pagkaraan ng 16 na taon ng masamang pamamahala at tahasang pag-aapostata, si Ahaz ay namatay, at bagaman inilibing din siya “sa Lunsod ni David” gaya ng kaniyang mga ninuno (2Ha 16:20), ang kaniyang bangkay ay hindi inilagay sa maharlikang mga dakong libingan ng mga hari. (2Cr 28:27) Ang kaniyang pangalan ay nakatala sa mga talaangkanan ng mga hari.—1Cr 3:13; Mat 1:9.
Ang pangalan ni Ahaz ay lumilitaw sa isang inskripsiyon ni Tiglat-pileser III bilang Yauhazi.
2. Isang apo sa tuhod ni Jonatan, na anak ni Haring Saul.—1Cr 8:35, 36.