HEZEKIAS
[Pinalalakas ni Jehova].
1. Hari ng Juda, 745-717 B.C.E. Lumilitaw na siya ay naging hari nang mamatay ang kaniyang amang si Ahaz, noong “ikatlong taon ni Hosea” na hari ng Israel (marahil ay nangangahulugang ang ikatlong taon ni Hosea bilang sakop na hari sa ilalim ni Tiglat-pileser III), kung tutuusin na opisyal siyang naghari mula noong Nisan ng sumunod na taon (745 B.C.E.). (2Ha 18:1) Ang mga propetang kapanahon ng paghahari ni Hezekias ay sina Isaias, Oseas, at Mikas. (Isa 1:1; Os 1:1; Mik 1:1) Namumukod-tangi si Hezekias bilang isang hari na ‘patuloy na nanatili kay Jehova,’ anupat ginawa ang tama sa paningin ni Jehova at sinunod ang kaniyang mga utos. Mula sa pasimula ng kaniyang paghahari ay pinatunayan niyang masigasig siya sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba, hindi lamang sa Juda kundi sa buong teritoryo ng Israel. Sa pagsunod sa mga daan ni Jehova gaya ng ginawa ni David na kaniyang ninuno, masasabi tungkol kay Hezekias na “pagkatapos niya ay walang sinumang naging tulad niya sa lahat ng hari ng Juda, maging yaong mga nauna sa kaniya.” Dahil dito ay “sumakaniya si Jehova.”—2Ha 18:3-7.
Mga Naiabuloy sa Panitikan. Nakilala rin si Hezekias dahil sa kaniyang interes sa pagtitipon ng ilang bahagi ng Mga Kawikaan ni Solomon, yamang ang introduksiyon sa seksiyon na kilala ngayon bilang mga kabanata 25 hanggang 29 ng Mga Kawikaan ay kababasahan: “Ang mga ito rin ay mga kawikaan ni Solomon na itinala ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.” (Kaw 25:1) Isinulat niya ang awit ng pasasalamat na nakatala sa Isaias 38:10-20 matapos siyang pagalingin ni Jehova sa kaniyang nakamamatay na sakit. Doon ay binanggit niya “ang aking mga piyesang para sa panugtog na de-kuwerdas.” (Tal 20) Naniniwala ang ilan na si Hezekias ang sumulat ng Awit 119. Kung tama ito, waring ang awit na ito ay isinulat noong si Hezekias ay isang prinsipe, hindi ang hari.
Ang Kalagayan Nang Lumuklok si Hezekias. Nang umupo si Hezekias sa trono, ang kaharian ng Juda ay wala sa ilalim ng pabor ng Diyos, sapagkat ang ama ni Hezekias na si Ahaz ay gumawa ng maraming karima-rimarim na gawa sa harap ni Jehova at hinayaang magpatuloy nang walang patumangga sa Juda ang pagsamba sa huwad na mga diyos. Dahil dito, pinahintulutan ni Jehova na magdusa ang lupain sa kamay ng mga kaaway nito, lalo na mula sa ikalawang kapangyarihang pandaigdig, ang Asirya. Sinamsaman ni Ahaz ang templo at ang palasyo upang makapagbigay ng suhol sa hari ng Asirya. Mas malala pa rito, iniutos niyang pagputul-putulin ang mga kagamitan ng templo, isara ang mga pinto nito, at gumawa ng mga altar para sa kaniyang sarili “sa bawat panulukan sa Jerusalem,” anupat naghain sa ibang mga diyos. Sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa, inilagay ni Ahaz ang kaniyang kaharian sa ilalim ng proteksiyon ng hari ng Asirya noong panahon ng kaniyang paghahari. (2Ha 16:7-9; 2Cr 28:24, 25) Ngunit si Hezekias, maaga pa sa kaniyang paghahari, “ay naghimagsik laban sa hari ng Asirya.”—2Ha 18:7.
Nang lumuklok si Hezekias sa trono ng Juda, nasa mas malala pang kalagayan ang hilagang sampung-tribong kaharian ng Israel. Dahil sa malulubhang kasalanan ng Israel, pinahintulutan ni Jehova na sila ay mapasamatinding kagipitan, anupat naging sakop ng Asirya, at di-magtatagal ay lalamunin ng Asirya ang Israel at dadalhin ang bayan nito sa pagkatapon.—2Ha 17:5-23.
Ang Kaniyang Sigasig sa Tunay na Pagsamba. Kaagad na ipinakita ni Hezekias ang kaniyang sigasig sa pagsamba kay Jehova nang umupo siya sa trono sa edad na 25 taon. Ang una niyang ginawa ay ang buksang muli at kumpunihin ang templo. Pagkatapos, nang matipon ang mga saserdote at mga Levita, sinabi niya sa kanila: “Malapit sa aking puso ang makipagtipan kay Jehova na Diyos ng Israel.” Ito ay isang tipan ng katapatan, na para bang ang tipang Kautusan, bagaman may bisa pa rin ngunit pinabayaan, ay muling pinasinayaan sa Juda. Taglay ang pambihirang sigla, inorganisa niya ang mga Levita sa kanilang mga paglilingkod, at muli niyang itinatag ang mga kaayusan para sa mga panugtog at ang pag-awit ng mga papuri. Noon ay Nisan, ang buwan ng pagdiriwang ng Paskuwa, ngunit ang templo at ang mga saserdote at mga Levita ay marurumi. Pagsapit ng ika-16 na araw ng Nisan, malinis na ang templo at naibalik na ang mga kagamitan nito. Pagkatapos ay isang pantanging pagbabayad-sala ang kinailangang gawin para sa buong Israel. Una, ang mga prinsipe ay nagdala ng mga hain, mga handog ukol sa kasalanan para sa kaharian, sa santuwaryo, at sa bayan, na sinundan ng libu-libong handog na sinusunog mula sa bayan.—2Cr 29:1-36.
Yamang naging hadlang ang karumihan ng bayan sa kanilang pangingilin ng Paskuwa sa karaniwang panahon, sinamantala ni Hezekias ang kautusan na nagpapahintulot sa marurumi na ipagdiwang ang Paskuwa pagkaraan ng isang buwan. Hindi lamang ang Juda ang tinawagan niya kundi pati rin ang Israel sa pamamagitan ng mga liham na ipinadala sa buong lupain mula sa Beer-sheba hanggang sa Dan sa pamamagitan ng mga mananakbo. Inalipusta ng marami ang mga mananakbo; ngunit may mga indibiduwal, lalo na mula sa Aser, Manases, at Zebulon, na nagpakumbabang pumaroon, anupat dumalo rin ang ilan mula sa Efraim at Isacar. Bukod pa rito, maraming di-Israelitang mananamba ni Jehova ang naroroon. Malamang na hindi naging madali ang pagdalo para sa mga nasa hilagang kaharian na nanindigan sa tunay na pagsamba. Tulad ng mga mensahero, napaharap sila sa pagsalansang at panunuya, yamang ang sampung-tribong kaharian ay nasa bulok na kalagayan, nakalubog sa huwad na pagsamba at nililigalig ng banta ng Asirya.—2Cr 30:1-20; Bil 9:10-13.
Pagkatapos ng Paskuwa, ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay idinaos nang pitong araw na may gayon na lamang kasidhing kagalakan anupat ipinasiya ng buong kongregasyon na ipagpatuloy ito nang pitong araw pa. Maging sa gayong mapanganib na mga panahon, nanaig ang pagpapala ni Jehova anupat “nagkaroon ng malaking pagsasaya sa Jerusalem, sapagkat mula nang mga araw ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel ay walang naging tulad nito sa Jerusalem.”—2Cr 30:21-27.
Ipinakikita ng sumunod na pangyayari na iyon ay isang tunay na pagsasauli at pagpapasigla ng tunay na pagsamba at hindi isang pansamantalang emosyonal na pagtitipon lamang. Bago sila umuwi, ang mga nagdiwang ay lumabas at winasak ang mga sagradong haligi, ibinagsak ang matataas na dako at ang mga altar, at pinutol ang mga sagradong poste sa buong Juda at Benjamin at maging sa Efraim at Manases. (2Cr 31:1) Nagpakita si Hezekias ng halimbawa nang pagdurug-durugin niya ang tansong serpiyente na ginawa ni Moises, sapagkat iyon ay ginawang idolo ng bayan, anupat nagsusunog ng haing usok para roon. (2Ha 18:4) Pagkatapos ng dakilang kapistahang iyon, tiniyak ni Hezekias na magpapatuloy ang tunay na pagsamba sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa mga pangkat ng mga saserdote at pagsasaayos para sa pagsuporta sa mga paglilingkod sa templo; ipinaalaala niya ang pagsunod sa Kautusan may kinalaman sa mga ikapu at mga pag-aabuloy ng mga unang bunga sa mga Levita at mga saserdote, na buong-pusong tinugon ng bayan.—2Cr 31:2-12.
Tumindi ang Panggigipit ng Asirya. Sa nakapanghihimagod na mga panahong iyon, noong pinapalis ng Asirya ang lahat ng nasa landas nito, nagtiwala si Hezekias kay Jehova na Diyos ng Israel. Naghimagsik siya laban sa hari ng Asirya at pinabagsak niya ang mga Filisteong lunsod, na maliwanag na naging kaalyado ng Asirya.—2Ha 18:7, 8.
Ikaapat na taon ni Hezekias (742 B.C.E.) nang simulan ni Salmaneser na hari ng Asirya ang pagkubkob sa Samaria. Noong ikaanim na taon ni Hezekias (740 B.C.E.), nabihag ang Samaria. Ang bayan ng sampung-tribong kaharian ay ipinatapon, at ibang mga bayan ang pinatahan ng mga Asiryano sa lupain. (2Ha 18:9-12) Dahil dito, ang kaharian ng Juda, na kumakatawan sa teokratikong pamahalaan ng Diyos at sa tunay na pagsamba sa kaniya, ay naiwang tulad ng isang maliit na pulo na napalilibutan ng napopoot na mga kaaway.
Si Senakerib, na anak ni Sargon II, ay nag-ambisyon na idagdag sa kaniyang mga tropeo ng digmaan ang Jerusalem, lalo na yamang kumalas na si Hezekias mula sa pakikipag-alyansa sa Asirya ng kaniyang amang si Haring Ahaz. Noong ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekias (732 B.C.E.), si Senakerib ay “sumampa laban sa lahat ng nakukutaang lunsod ng Juda at sinakop ang mga iyon.” Inalok ni Hezekias ng kabayaran si Senakerib upang mailigtas ang pinagbabantaang lunsod ng Jerusalem, sa gayon ay hiningi ni Senakerib ang pagkalaki-laking halaga na 300 talentong pilak (mga $1,982,000) at 30 talentong ginto (mga $11,560,000). Upang mabayaran ang halagang ito, napilitan si Hezekias na ibigay ang lahat ng pilak na masusumpungan sa templo at sa maharlikang ingatang-yaman, bukod pa sa mahahalagang metal na ipinakalupkop ni Hezekias mismo sa mga pinto at mga poste ng templo. Nasiyahan dito ang hari ng Asirya, ngunit pansamantala lamang.—2Ha 18:13-16.
Mga Gawain sa Pagtatayo at Inhinyeriya. Sa harap ng napipintong pagsalakay ng sakim na si Senakerib, nagpamalas si Hezekias ng karunungan at estratehiyang militar. Sinarhan niya ang lahat ng mga bukal at mga pinagmumulan ng tubig na nasa labas ng lunsod ng Jerusalem upang, sakaling magkaroon ng pagkubkob, ang mga Asiryano ay kapusin ng tubig. Pinatibay niya ang mga kuta ng lunsod at “gumawa siya ng maraming suligi at ng mga kalasag.” Ngunit ang pagtitiwala niya ay wala sa mga kasangkapang militar na ito, sapagkat nang tipunin niya ang mga pinuno sa militar at ang bayan, pinatibay-loob niya sila, anupat sinabi: “Magpakalakas-loob kayo at magpakatibay. Huwag kayong matakot ni masindak man dahil sa hari ng Asirya at dahil sa buong pulutong na kasama niya; sapagkat ang kasama natin ay mas marami kaysa sa kasama niya. Ang sumasakaniya ay isang bisig na laman, ngunit ang sumasaatin ay si Jehova na ating Diyos upang tulungan tayo at upang ipakipaglaban ang ating mga pakikipagbaka.”—2Cr 32:1-8.
Ang isa sa namumukod-tanging mga gawa ng inhinyeriya noong sinaunang mga panahon ay ang paagusan ni Hezekias. Ito ay nagmumula sa balon ng Gihon, sa S ng hilagaang bahagi ng Lunsod ni David, sa isang waring di-patag na landas, na umaabot ng mga 533 m (1,749 na piye) hanggang sa Tipunang-tubig ng Siloam sa Libis ng Tyropoeon sa ibaba ng Lunsod ni David ngunit nasa loob ng bagong pader na idinagdag sa timugang bahagi ng lunsod. (2Ha 20:20; 2Cr 32:30) Isang inskripsiyon sa sinaunang mga titik Hebreo ang natagpuan ng mga arkeologo sa dingding ng makipot na lagusan, na may katamtamang taas na 1.8 m (6 na piye). Ang inskripsiyon ay kababasahan, sa isang bahagi nito: “At sa ganitong paraan iyon inuka:—Samantalang [. . . ] pa ring [. . . ] (mga) piko, bawat lalaki tungo sa kaniyang kapuwa, at samantalang tatlong siko pa ang uukain, [narinig] ang tinig ng isang lalaki na tumatawag sa kaniyang kapuwa, sapagkat may bitak sa bato sa kanan [at sa kaliwa]. At nang mabutas ang lagusan, hinukay ng mga maninibag (ang bato), bawat lalaki tungo sa kaniyang kapuwa, piko sa kapuwa piko; at ang tubig ay umagos mula sa bukal tungo sa imbakan sa layong 1,200 siko, at ang taas ng bato na lampas-ulo ng mga maninibag ay 100 siko.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 321) Kaya ang lagusan ay inuka sa bato mula sa magkabilang dulo, anupat nagtagpo sa gitna—isang tunay na tagumpay sa inhinyeriya.
Ang Pagkabigo ni Senakerib sa Jerusalem. Gaya ng inaasahan ni Hezekias, ipinasiya ni Senakerib na salakayin ang Jerusalem. Habang kinukubkob ni Senakerib kasama ng kaniyang hukbo ang matibay na nakukutaang lunsod ng Lakis, isinugo niya ang isang bahagi ng kaniyang hukbo kasama ng inatasang mga pinuno ng militar upang hingin ang pagsuko ng Jerusalem. Ang tagapagsalita para sa pangkat ay si Rabsases (hindi pangalan ng lalaking iyon, kundi ang kaniyang titulo sa militar), na matatas magsalita ng Hebreo. Kinutya niya si Hezekias sa malakas na tinig at tinuya si Jehova, anupat naghambog na hindi maililigtas ni Jehova ang Jerusalem kung paanong hindi nailigtas ng mga diyos ng iba pang mga bansa ang mga lupain ng kanilang mga mananamba mula sa hari ng Asirya.—2Ha 18:13-35; 2Cr 32:9-15; Isa 36:2-20.
Lubhang nabagabag si Hezekias ngunit patuloy na nagtiwala kay Jehova at namanhik sa kaniya sa templo, anupat isinugo rin ang ilan sa mga pangulo ng bayan sa propetang si Isaias. Ang tugon ni Isaias, mula kay Jehova, ay na makaririnig si Senakerib ng isang ulat at babalik sa sarili nitong lupain, kung saan ito papatayin sa bandang huli. (2Ha 19:1-7; Isa 37:1-7) Sa pagkakataong ito, nilisan ni Senakerib ang Lakis at nagtungo sa Libna, kung saan narinig niya na si Tirhaka na hari ng Etiopia ay lumabas upang makipaglaban sa kaniya. Gayunpaman, nagpadala si Senakerib ng mga liham kay Hezekias sa pamamagitan ng mensahero, anupat ipinagpatuloy ang kaniyang mga pagbabanta at tinuya si Jehova na Diyos ng Israel. Nang matanggap ang labis na mapandustang mga liham, inilatag ni Hezekias ang mga iyon sa harap ni Jehova, na muling sumagot sa pamamagitan ni Isaias, anupat tinuya si Senakerib bilang ganti at tiniyak na hindi makapapasok sa Jerusalem ang mga Asiryano. Sinabi ni Jehova: “Tiyak na ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito alang-alang sa akin at alang-alang kay David na aking lingkod.”—2Ha 19:8-34; Isa 37:8-35.
Nang gabing iyon, isinugo ni Jehova ang kaniyang anghel, na pumuksa sa 185,000 na pinakamagagaling sa mga pulutong ni Senakerib, “ang bawat magiting at makapangyarihang lalaki at lider at pinuno sa kampo ng hari ng Asirya, anupat siya ay bumalik na may kahihiyan sa mukha sa kaniyang sariling lupain.” Sa gayon ay mabisang napawi ang banta ni Senakerib sa Jerusalem. Nang maglaon “nangyari nga na habang yumuyukod siya sa bahay ni Nisroc na kaniyang diyos, siya ay pinatay nina Adramelec at Sarezer, na kaniyang sariling mga anak, sa pamamagitan ng tabak.”—2Cr 32:21; Isa 37:36-38.
May natuklasang mga inskripsiyon na naglalarawan sa pagtalo ni Senakerib sa mga hukbong Etiope. Sinasabi ng mga ito: “Tungkol kay Hezekias, ang Judio, hindi siya nagpasakop sa aking pamatok, kinubkob ko ang 46 sa kaniyang matitibay na lunsod . . . at nilupig (ang mga ito) . . . Siya ay ginawa kong isang bilanggo sa Jerusalem, na kaniyang maharlikang tirahan, tulad ng isang ibon sa hawla.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 288) Hindi niya inaangking nabihag niya ang lunsod. Sinusuhayan nito ang ulat ng Bibliya tungkol sa paghihimagsik ni Hezekias laban sa Asirya at sa pagkabigo ni Senakerib na bihagin ang Jerusalem. Kasuwato ng kaugalian sa mga inskripsiyon ng mga haring pagano, na dakilain ang kanilang sarili, pinalabis ni Senakerib sa inskripsiyong ito ang halaga ng pilak na ibinayad ni Hezekias, bilang 800 talento, kung ihahambing sa 300 ayon sa Bibliya.
Makahimalang Pagpapahaba ng Buhay ni Hezekias. Noong panahon ng mga pagbabanta ni Senakerib laban sa Jerusalem, si Hezekias ay tinubuan ng isang malubhang bukol. Tinagubilinan siya ng propetang si Isaias na isaayos ang kaniyang mga gawain bilang paghahanda sa kamatayan. Nang panahong iyon ay wala pa ring anak si Hezekias, kung kaya waring nanganganib na maputol ang maharlikang Davidikong linya. Marubdob na nanalangin si Hezekias kay Jehova, na may pagluha, sa gayon ay pinabalik ni Jehova si Isaias upang sabihin kay Hezekias na daragdagan ng 15 taon ang kaniyang buhay. Isang makahimalang tanda ang ibinigay, anupat ang anino ng araw ay pinangyaring bumalik nang sampung baytang sa “hagdan ni Ahaz.” (Tingnan ang ARAW, I.) Nang ikatlong taon pagkatapos nito, si Hezekias ay nagkaroon ng isang anak na tinawag na Manases, na nang maglaon ay humalili sa kaniya sa trono.—2Ha 20:1-11, 21; 21:1; Isa 38:1-8, 21.
Ang Pagkakamali at Pagsisisi ni Hezekias. Sinasabi ng ulat ng Kasulatan na “si Hezekias ay hindi gumanti nang ayon sa pakinabang na isinagawa sa kaniya, sapagkat ang kaniyang puso ay nagpalalo at nagkaroon ng galit laban sa kaniya at laban sa Juda at Jerusalem.” (2Cr 32:25) Hindi sinasabi ng Bibliya kung ang kapalaluang ito ay kaugnay o hindi ng kaniyang di-matalinong pagkilos nang ipakita niya ang buong kabang-yaman ng kaniyang bahay at ng kaniyang buong pamunuan sa mga mensahero ng Babilonyong hari na si Berodac-baladan (Merodac-baladan) na isinugo kay Hezekias nang gumaling na siya sa kaniyang karamdaman. Maaaring ipinakita ni Hezekias ang lahat ng kayamanang ito upang pahangain ang hari ng Babilonya na isang posibleng kaalyado laban sa hari ng Asirya. Sabihin pa, maaari itong makapukaw sa kasakiman ng mga Babilonyo. Ang propetang si Isaias ay laban sa anumang pakikipag-alyansa o pagdepende sa Babilonya na kaaway ng Diyos sa mula’t mula pa. Nang marinig ni Isaias kung paano pinakitunguhan ni Hezekias ang mga mensaherong Babilonyo, binigkas niya ang kinasihang hula mula kay Jehova na, sa kalaunan, dadalhin ng mga Babilonyo ang lahat sa Babilonya, kasama na ang ilan sa mga inapo ni Hezekias. Gayunman, nagpakumbaba si Hezekias at may-kabaitang ipinahintulot ng Diyos na huwag dumating ang kapahamakan sa mga araw nito.—2Ha 20:12-19; 2Cr 32:26, 31; Isa 39:1-8.
Noong mga araw ng propetang si Jeremias, ang ilan sa mga ulo ng bayan sa Jerusalem ay malugod na nagsalita tungkol kay Hezekias dahil sa pagbibigay niya ng pansin kay Mikas ng Moreset, ang propeta ni Jehova.—Jer 26:17-19.
2. Isang ninuno ng propetang si Zefanias, posibleng si Haring Hezekias.—Zef 1:1.
3. Isang lalaki ng Israel na ang mga inapo ay bumalik kasama ni Zerubabel mula sa pagkatapon sa Babilonya. Malamang na hindi ito si Haring Hezekias. (Ezr 2:1, 2, 16; Ne 7:6, 7, 21) Maaaring isang inapo ng Hezekias na ito ang isa sa mga pangulo ng bayan na nagpatotoo sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” sa pamamagitan ng tatak noong mga araw ni Nehemias.—Ne 9:38; 10:1, 14, 17.