PARANG NG TAGAPAGLABA
Lumilitaw na isang lugar malapit sa lunsod ng Jerusalem at dito nagtatrabaho ang mga tagapaglaba.
Si Isaias at ang kaniyang anak na si Sear-jasub ay tinagubilinang salubungin si Haring Ahaz sa tabi ng “lansangang-bayan ng parang ng tagapaglaba.” Makalipas ang ilang panahon, dumating sa lugar ding ito ang mga sugo ni Senakerib. (2Ha 18:17; Isa 7:3; 36:2) Bagaman ang “lansangang-bayan ng parang ng tagapaglaba” ay maliwanag na nasa labas ng lunsod, malapit lamang ito anupat maririnig ng mga nasa pader ng lunsod ang panunuya ng mga mensahero ni Senakerib.—2Ha 18:18, 26, 27; Isa 36:1, 2.
Isang “padaluyan” ang binanggit may kaugnayan sa “lansangang-bayan ng parang ng tagapaglaba.” Hindi ito maaaring tumukoy sa tinatawag na paagusan ni Hezekias, sapagkat hindi pa iyon nagagawa noong panahon ni Ahaz. Samakatuwid, waring ang padaluyang ito ay yaong bumabagtas sa agusang libis ng Kidron pababa sa T na dulo ng Lunsod ni David. Waring ang parang ng tagapaglaba ay nasa bahaging ito ng libis o kaya’y nasa mas gawing T pa, malapit sa iminumungkahing lokasyon ng En-rogel.