Alam Mo Ba?
Talaga bang napalibutan ng matutulis na tulos ang Jerusalem, gaya ng inihula ni Jesus?
Sa hula ni Jesus hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem, sinabi niya tungkol sa lunsod na iyon: “Ang mga araw ay darating sa iyo na ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng kuta na may mga tulos na matutulis at palilibutan ka at pipighatiin ka sa bawat panig.” (Lucas 19:43) Nagkatotoo ang sinabi ni Jesus noong taóng 70 C.E. nang magtayo ng pader na pangubkob, o bakod na mga tulos, sa palibot ng lunsod ang mga Romano sa utos ni Tito. Tatlo ang layunin ni Tito—para hindi makatakas ang mga Judio, sumuko sila, at gutumin ang mga mamamayan para madali nila itong masakop.
Ayon kay Flavius Josephus, isang istoryador noong unang siglo, nang mapagpasiyahang itayo ang bakod na mga tulos, nagpaligsahan ang iba’t ibang grupo ng hukbong Romano kung sino ang unang makatatapos sa pagtatayo ng isang bahagi ng bakod na iniatas sa kanila. Pinutol ng mga sundalo ang mga puno sa karatig na lupain mga 16 na kilometro sa palibot ng lunsod, at ang bakod na mga tulos, na mga pitong kilometro ang haba ay natapos sa loob lamang ng tatlong araw. Dahil diyan, ang sabi ni Josephus, “imposible na ngayong makatakas ang mga Judio.” Dahil sa gutom at pagpapatayan ng mga tao sa lunsod, nasakop ito makalipas ang mga limang buwan.
Talaga bang gumawa si Haring Hezekias ng paagusan patungo sa Jerusalem?
Si Hezekias ang hari ng Juda noong huling bahagi ng ikawalong siglo B.C.E., noong panahong kaaway sila ng makapangyarihang Asirya. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ipinagsanggalang niya nang husto ang Jerusalem at tiniyak niyang mayroon itong suplay ng tubig. Isa sa mga ginawa niya ang paagusan na 533 metro ang haba, para magkaroon ng tubig sa lunsod.—2 Hari 20:20; 2 Cronica 32:1-7, 30.
Noong ika-19 na siglo, natuklasan ang paagusang iyon. Nakilala ito bilang Paagusan ni Hezekias, o ang Paagusan ng Siloam. Natuklasan sa loob ng paagusan ang isang inskripsiyon na naglalarawan sa huling bahagi ng paghuhukay sa paagusan. Ayon sa mga iskolar, ang anyo ng mga titik sa inskripsiyong iyon ay nagpapakitang isinulat ito noong panahon ni Hezekias. Pero noong nakalipas na dekada, sinasabi ng ilan na ang paagusan ay itinayo mga 500 taon pagkatapos ng panahon ni Hezekias. Noong 2003, inilathala ng isang grupo ng mga siyentipikong Israeli ang mga resulta ng kanilang pagsusuri upang malaman kung kailan talaga itinayo ang paagusan. Ano ang naging konklusyon nila?
Ganito ang sinabi ni Dr. Amos Frumkin ng Hebrew University of Jerusalem: “Ang mga pagsusuri gamit ang carbon-14 na isinagawa sa organikong materyal na nakuha sa palitada ng Paagusan ng Siloam, at ang pagpepetsa sa mga stalactite na nasumpungan sa paagusan gamit ang uranium-thorium, ay nagpapatunay na itinayo nga ito noong panahon ni Hezekias.” Ganito pa ang sinabi ng isang artikulo sa Nature, isang babasahin tungkol sa siyensiya: “Ang tatlong ebidensiya—radiometric dating, palaeography, at ang ulat ng kasaysayan—ay pawang nagsasabing ginawa ito noong mga 700 BC, kaya ang Paagusan ng Siloam ang sinasabing pinakatumpak ang pagpepetsa sa mga istrakturang binabanggit sa Bibliya na itinayo noong Iron Age.”