Makapangyarihang Babilonya—Ang Ikatlong Dakilang Kapangyarihan ng Daigdig
Ang sinaunang Babilonya ay umabot sa kaniyang tugatog sa ilalim ni Nabucodonosor, naipamana sa daigdig ang kaniyang relihiyon, at nalupig sa loob ng isang gabi. Ang pagkaalam nang higit pa tungkol sa lunsod na ito ay magpapatibay ng iyong paniniwala sa pagiging totoo ng Bibliya at sa walang pagkabisalang katuparan ng kagila-gilalas na mga hula nito.
ANG makapangyarihang Babilonya ay nakaupong mistulang reyna sa Ilog Eufrates sa timog Mesopotamia. Siya’y isang “kaluwalhatian ng mga kaharian,” isang sentro ng relihiyon, komersiyo, at hukbo. (Isaias 13:19) Siya’y may malaking kayamanan, magagandang gusali, at bantog-sa-daigdig na mga halamanan. Siya ang kapangyarihan sa daigdig noong kaniyang kaarawan!
Gayunman, ang propeta ni Jehova na si Jeremias ay kinasihang sumulat: “Ang Babilonya ay magiging bunton ng mga bato, ang lungga ng mga asong gubat, magiging kataka-taka at isang bagay na sisipulan, walang mananahan.”—Jeremias 51:37.
Ang dakilang lunsod na ito isang lubus-lubusang kagibaan? Sino ba ang makakaguniguni ng ganiyang bagay? Gayunman, ang minsa’y mapagmataas na Babilonya ay wala na ngayon kundi isang walang-silbing giba-gibang bunton ng bato, humigit-kumulang 80 kilometro sa timog ng Baghdad, sa timog-silangang Iraq. Ano ba ang dahilan at siya’y bumagsak?
Ang Babilonya, isa sa pinakamatatandang siyudad ng daigdig, ay itinayo ng kaapu-apuhan ni Noe na si Nimrod, ang makapangyarihang mangangaso na sumalansang kay Jehova. (Genesis 10:8-10) Gayunman, ang panahon na pumupukaw ng ating interes ay sumapit matagal nang lumipas ang panahon ni Nimrod. Dumating ito pagkatapos na ang Ehipto at ang Asiria ay maging kapuwa dominanteng mga kapangyarihan ng daigdig.
Ang Babilonya Noong Kaarawan ni Nabucodonosor
Mga 2,600 taon ang nakalipas, noong taóng 632 B.C.E., ang Asiria ay ibinagsak ng mga Babiloniko at ng kanilang mga kaalyada.a Pagkatapos ay hinalinhan ng Babilonya ang Asiria, at ito ang naging ikatlong dakilang kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya.
Si Nabucodonosor, na lumuklok sa trono nitong Neo-Babiloniko, o Bagong Babiloniko, na Imperyo, ay hindi lamang isang konkistador kundi siya’y isa ring tagapagtayo ng lunsod. Ang matitibay na mga pader at kahanga-hangang mga gusali ng Babilonya, sa kalakhang bahagi, ay maaaring sabihin na siya ang nagtayo. Napakaraming mga ladrilyo ang natagpuan na may taglay ng pangalang “Nabucodonosor”—ang mismong Nabucodonosor na binabanggit na malimit sa Bibliya sa mga aklat ni Jeremias at ni Daniel, ang Nabucodonodor na sa Bibliya’y sinisipi bilang naghahambog: “Hindi baga ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo?”—Daniel 4:30.
Dalawang matitibay na pader ang nakapalibot sa Babilonya, anupa’t ang espasyo sa pagitan ng mga ito ay punô ng durug-durog na mga bato. Ang dalawang pader na ito ay nagsisilbing isang bakod na may kapal na mahigit sa 24 na metro. Sa labas ng pader ay naroon ang isang kanal na mula sa 20 hanggang 80 metro ang luwang, na ang ilalim ay hanay-hanay na ladrilyo, at ito’y ginagamit ng lahat ng uri ng barko.
Ang haywey mula sa hilaga ay dumaraan sa 12-metrong-taas na Ishtar Gate patungo sa pangunahing kalye ng lunsod, ang maluwang na Procession Way. Ang palasyo ni Nabucodonosor ay nasa kanan, sa loob ng Ishtar Gate. Ang napakalaking kuwarto nito na kinaroroonan ng trono ay may sukat na 17 por 52 metro. Ang mga pader at ang pintuang-bayan na pinapasukan upang makarating doon ay ginayakan ng matitingkad-kulay na mga panel na ladrilyo na kumakatawan sa mga leon, toro, at mga dragon. Isa sa mga leon ay makikita na nakadispley sa museo ng Louvre sa Paris.
Ang Relihiyon ng Babilonya
“Kaguluhan” ang ibig sabihin ng pangalang Hebreo ng lunsod, ang Babel, samantalang ang mga pangalan nito sa Sumeriano at Akkadiano ay nangangahulugang “Pintuang-Bayan ng Diyos.” Ang kapuwa mga kahulugan ay nag-uugnay ng Babilonya sa relihiyon nito. Ang ibang mga iskolar ay naniniwala na ang diyos ng Babilonya na si Marduk (Merodach sa Bibliya) ay marahil si Nimrod na ginawang diyos. Ang relihiyong Babiloniko ay kumikilala rin naman sa mga ilang trinidad ng mga diyos. Isa sa gayong trinidad ay binubuo ni Sin (ang diyos ng buwan), ni Shamash (ang diyos ng araw), at ni Ishtar (ang diyosa ng pag-ibig at pag-aanak).
Palasak ang astrolohiya roon. Sa kilalang mga planeta noon ay ipinangalan ng mga Babiloniko ang pangalan ng kanilang limang pangunahing diyos at mga diyosa. Isang modernong aklat sa kasaysayan ang may ganitong paliwanag: “Ang mga planetang ito ay tinutukoy natin sa kanilang mga pangalang Romano, subalit ang ginagamit ng mga Romano ay ang mga terminong Babiloniko at basta isinasalin nila ang mga ito sa mga katumbas sa Roma. Kaya ang planetang Ishtar, ang diyosa ng pag-ibig, ay naging si Venus, at yaong diyos namang si Marduk ay binago upang maging Jupiter.”b Ang pangalang “Caldeo,” na ginagamit ng mga Babiloniko, ay naging halos kasingkahulugan ng “astrologo.”
Sinasabi ng Bibliya na ang Babilonya ay “isang lupain ng inanyuang mga larawan” at ng maruruming “dumuduming mga idolo.” (Jeremias 50:2, 38) Subalit ang kaniyang relihiyosong mga ideya ay pinagkunan din ng ideya ng mga ibang relihiyon sa buong daigdig. Ganito ang sabi ni Propesor Morris Jastrow sa The Religion of Babylonia and Assyria: “Sa sinaunang daigdig, bago bumangon ang Kristiyanismo, ang Ehipto, Persia, at Gresya ay nakadama ng impluwensiya ng relihiyong Babiloniko.” Nang maglaon, marami sa kaniyang huwad na mga ideya ay tinanggap at itinuro maging sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Kaya naman, sa Bibliya ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay tinatawag na “Babilonyang Dakila.”—Apocalipsis 17:3-5.
Binihag ng Babilonya ang Jerusalem
Nabuhay si propeta Isaias nang ang Asiria, ang ikalawang kapangyarihan sa daigdig, ang dominante sa sinaunang daigdig. Gayunman siya ay kinasihan ng Diyos na humula na ang Jerusalem ay pupuksain, hindi ng noo’y makapangyarihang mga Asirio, kundi ng mga Babiloniko. (Isaias 39:6, 7) Ang hula bang ito ay natupad? Tingnan natin.
Isang siglo ang nakaraan pagkalipas ng panahon ni Isaias nang ang Asiria ay sinakop ng Babilonya at ng kaniyang mga kaalyado, at ang Babilonya ang naging bagong kapangyarihan ng daigdig. Pagkatapos, noong 617 B.C.E., nabihag ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor si Haring Joachin ng Jerusalem at siya at ang iba pang “mga pangunahing lalaki sa lupain” ay ipinadalang bihag sa Babilonya. Si Matanias ay ginawang hari sa Jerusalem ni Nabucodonosor at “binago ang kaniyang pangalan at ginawang Zedekias.”—2 Hari 24:11-17.
Ang sariling mga rekord ng mga Babiloniko, na natagpuan ng mga arkeologo, ay nagpapatunay rin sa pangyayaring ito. Ang Babylonian Chronicle, sinaunang mga tapyas ng luwad na kinasulatan ng mga pangunahing pangyayari, ay nagsasabi na “kinubkob [ng haring iyon ng Babilonya] ang lunsod ng Juda [Jerusalem], at . . . sinakop ang lunsod at binihag ang hari. Kaniyang inilagay roon ang isang hari na siya mismo ang pumili, kaniyang tinanggap ang malaking buwis na galing doon at ipinadala (ito) sa Babilonya.”
At, binabanggit sa Bibliya ang paglalaan na pagkain na ibinigay kay Joachin nang siya’y bihag sa Babilonya. (2 Hari 25:27-30) Ang mga arkeologo’y nakakuha ng mga dokumento ng pangasiwaan sa Babilonya na doo’y binabanggit ang inilaang pagkain na ibinigay kapuwa kay “Joachin, na hari” at sa “mga anak ng hari ng Juda.”
Bagama’t ang mga tao sa Jerusalem ay may pakikipagtipan sa Diyos na Jehova, sila’y may katigasan pa ring tumanggi na lumakad sa mga daan ng Diyos o makinig sa kaniyang mga propeta. Sinabi ni Jehova na kanilang “pinagmatigas ang kanilang leeg upang huwag tumalima sa [kaniyang] mga salita.” Sa pamamagitan ni Jeremias siya’y nagbabala na “ang buong Juda ay ibibigay ko sa kamay ng hari ng Babilonya, at kaniyang aktuwal na dadalhing bihag sila sa Babilonya at ibubuwal sila sa pamamagitan ng tabak.”—Jeremias 19:15; 20:4.
Kaya naman nang maghimagsik si Zedekias laban kay Nabucodonosor, ang mga Babiloniko ay nagsibalik at kinubkob ang Jerusalem. Kanilang sinira ang mga pader niyaon noong Tammuz 9, 607 B.C.E. Kanilang sinunog ang templo, ibinagsak ang mga pader ng lunsod, at si Zedekias at karamihan ng mga mamamayan ay dinalang bihag sa Babilonya. Ang mga salita ni Jehova ay natupad: “At ang buong lupaing ito ay magiging giba, isang bagay na pagtatakhan, at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon.”—Jeremias 25:11.
Ang Napanaginipan ni Nabucodonosor na Larawan
Nang maglaon, ang hari ng Babilonya na si Nabucodonosor, pangulo ng kapangyarihang pandaigdig noong kaniyang kaarawan, ay tumanggap ng mga ilang pambihirang impormasyon. Siya’y binigyan ng Diyos ng isang panaginip tungkol sa isang napakalaking larawan. Isiniwalat ng panaginip na iyon ang balangkas ng kasaysayan ng daigdig mula noong panahon ni Nabucodonosor tuluy-tuloy hanggang sa humaliling pandaigdig na kapangyarihan ng Medo-Persia at ng Gresya, patuloy hanggang Roma, at kahit sa kabila pa ng ating kasalukuyang panahon hanggang sa permanenteng halinhan ang lahat ng mga gobyerno ng tao ng Kaharian ng Diyos. Ang propeta ng Diyos na si Daniel ay nagsabi kay Nabucodonosor: “Ang dakilang Diyos mismo ang nagsiwalat sa hari kung ano ang magaganap pagkatapos nito. At ang panaginip ay mapanghahawakan, at ang kahulugan nito ay mapagtitiwalaan.”—Daniel 2:28-45.
Si Nabucodonosor ay kinailangan din na matuto sa kaniyang sarili, sa isang pinakamabisang paraan, na ang Diyos ay maaaring makialam sa gayong pamamalakad sa daigdig—na “ang Kataas-taasan ay Hari sa kaharian ng sangkatauhan, at ibinibigay niya ito sa kaninumang ibigin niya na pagbigyan nito.”—Daniel 4:25.
Inihula ang Pagkagiba ng Babilonya
Subalit, ang labis na kalupitan ng Babilonya sa bayan ni Jehova ay hindi pababayaang walang kaparusahan. Sa pamamagitan ni Jeremias, sinabi ng Diyos: “At aking ilalapat ang parusa sa Babilonya at sa lahat ng nananahan sa Caldea sa buo nilang kasamaan na kanilang ginawa sa Sion sa inyong paningin.” At sa pamamagitan ni Isaias ay kaniyang inihula: “Aking hihikayatin ang mga Medo laban sa kanila.”—Jeremias 51:24; Isaias 13:17.
Mga dalawang siglong patiuna, binanggit pa mandin ni Jehova ang pangalan ng lider na magbabagsak sa Babilonya at magpapalaya sa Kaniyang bayan—si Ciro, kilala rin bilang si Ciro na Dakila. Ang hula tungkol kay Ciro ay nagsabi na bubukas “sa harap niya ang dalawang-pohas na mga pinto, kung kaya’t maging ang mga pintuang-bayan man ay hindi masasarhan.” (Isaias 44:26–45:1) Talaga bang nangyari ang ganiyang bagay? Ang kasaysayan ang sumasagot.
Bumagsak ang Babilonya!
Habang ang inihulang 70 taon ng pagkabihag ng mga Judio ay matatapos na, ang mga Medo at ang mga Persiano ay palapit nang palapit. Ang hari ng Babilonya na si Nabonidus ay tumakas na noon buhat sa Cyprus sa larangan ng labanan. Ayon sa Griegong historyador na si Herodotus ang mga Babiloniko ay nasasangkapan upang ipagpatuloy ang isang napakatagal na pagkubkob. At maliwanag na mayroon silang malaking tiwala sa matitibay na pader ng Babilonya.
Gaya ng sinasabi ng Bibliya, nang gabi ng Oktubre 5/6 ng taóng 539 B.C.E., si Belsasar ay punung-abala sa isang napakalaking piging sa loob ng Babilonya, nakikipag-inuman at kasalo ng isang libong mga tanyag na panauhin. (Daniel 5:1-4) Si Herodotus ay nagpapatotoo na mayroong isang kapistahan sa Babilonya nang gabing iyon. Kaniyang sinasabi na ang mga tao sa lunsod “ay nagsasayawan nang panahong iyon, at nagpapakasarap sa ganang sarili.” Subalit, sa labas, ang tubig ng Eufrates, na umaagos sa mismong gitna ng lunsod, ay pinaagos ni Ciro sa ibang lugar. Samantalang umuurong ang tubig, ang kaniyang hukbo ay sumagasa sa tubig at bumagtas, nilampasan nila ang nagtataasang mga pader, at pumasok sa pamamagitan ng tinatawag ni Herodotus na “maliliit na pintuan na patungo sa ibaba sa ilog,” mga pintuan na naiwang bukás ng mga Babiloniko.
Maraming taon patiuna, ang propetang si Jeremias ay sumulat ng isang malinaw na paglalarawan ng pagbagsak ng Babilonya: “Ang mga makapangyarihan ng Babilonya ay nagsiurong sa pakikipaglaban. . . . Ang isang utusan ay tatakbo upang sumalubong sa iba, at isang sugo upang sumalubong sa iba, upang ibalita sa hari ng Babilonya, na ang kaniyang bayan ay nasakop sa lahat ng sulok, at ang mga tawiran ay nangalupig, at ang mga bangkang tambo ay kanilang sinunog ng apoy.”—Jeremias 51:30-32.
Ang Nabonidus Chronicle, ngayo’y nasa British Museum, ang nagpapatotoo sa paglalarawang ito. Sinasabi nito na “ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang laban.”
Natupad ang Hula ni Jehova
Sa isang gabi ang Babilonya ay bumagsak. Ang ikatlong kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya ay biglang-biglang tumumba. Ipinangalandakan ni Ciro sa isang dokumentong cuneiform, na kilala sa tawag na Cyrus Cylinder: “Ako’y si Ciro, hari ng daigdig, dakilang hari, lehitimong hari, hari ng Babilonya, hari ng Sumer.” Hindi nagtagal pagkatapos nito, inilabas ni Ciro ang kaniyang tanyag na dekreto, at humigit-kumulang 50,000 mga Judiong bihag ang bumalik upang itayong muli ang Jerusalem at ang templo ni Jehova, anupa’t sila’y nakarating doon nang may katapusan na ng inihulang 70 taon ng pagkabihag.—Ezra 1:1-11.
Makalipas ang mga ilang siglo, ang apostol ni Jesus na si Pedro ay naparoon upang magturo sa isang pamayanang Judio na umunlad dito, at dito sa Babilonya isinulat ni Pedro ang humigit-kumulang isa sa kaniyang kinasihang mga liham sa Bibliya. (1 Pedro 5:13) Datapuwat, sa kalaunan ang hula ay natupad: “At ang Babilonya, ang kaluwalhatian ng mga kaharian, ang kagandahan ng kapalaluan ng mga Caldeo, ay magiging gaya nang gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomora. Siya’y hindi na kailanman tatahanan.”—Isaias 13:19, 20.
Sa ngayon, ang makapangyarihang Babilonya ay wala na kundi isang bunton ng alabok at mga bato, mga kaguhuan sa isang kaparangan—isang walang-imik ngunit mariing patotoo sa di-nagkakabulang katuparan ng makahulang salita ni Jehova.—Jeremias 51:36, 37.
[Mga talababa]
a Tungkol sa mga petsa, ating tinatanggap ang kronolohiya na matatagpuan sa Bibliya, na kung minsan ay naiiba sa sinaunang mga petsa na batay sa di-gaanong mapanghahawakang mga lathalaing sekular. Para sa isang detalyadong pagtalakay ng kronolohiya ng Bibliya, tingnan ang aklat na Aid to Bible Understanding, pahina 322-48.
b The Dawn of Civilization and Life in the Ancient East (1940 edition), ni R. M. Engberg at F. C. Cole, pahina 230-2.
Isang detalyadong pagtalakay sa mga hula tungkol sa Babilonya, at sa kagila-gilalas na katuparan ng mga ito, ang matatagpuan sa aklat na “Babylon the Great Has Fallen!” God’s Kingdom Rules! na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Ito’y mapatutunayan ninyo na kawili-wili at kapana-panabik na babasahin.
[Mapa sa pahina 31]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
LAWAK NG IMPERYO NG BABILONYA
MALAKING DAGAT
Ilog Eufrates
Babilonya
MEDIA
Jerusalem
[Credit Line]
Batay sa isang mapa na karapatang-ari ng Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel
[Mga larawan sa pahina 31]
Muling pagtatayo sa Ishtar Gate ng Babilonya (kanan)
[Credit Line]
Museum of Western Asiatic Antiquity, East Berlin, GDR
Ang mga kagibaan ng Babilonya sa ngayon (sa ibaba)