EVIL-MERODAC
[mula sa wikang Babilonyo, nangangahulugang “Mananamba ni Marduk”].
Ang Babilonyong hari na humalili kay Nabucodonosor sa trono noong 581 B.C.E. Noong taon ng kaniyang pagiging hari, nagpakita si Evil-merodac ng kabaitan kay Jehoiakin na hari ng Juda sa pamamagitan ng pagpapalaya rito mula sa bahay-kulungan. Ito ay noong ika-37 taon ng pagkatapon ni Jehoiakin sa Babilonya. Pinagkalooban siya ni Evil-merodac ng isang pinapaborang posisyon na higit sa lahat ng iba pang hari na bihag sa Babilonya. (2Ha 25:27-30; Jer 52:31-34) Sinasabi ni Josephus na minalas ni Evil-merodac si Jehoiakin bilang isa sa kaniyang pinakamatatalik na kaibigan.
Mayroon ding arkeolohikal na patotoo may kinalaman kay Evil-merodac (Awil-Marduk, Amil-Marduk). Halimbawa, isang inskripsiyon sa isang plorera na natagpuan malapit sa Susa ang kababasahan: “Palasyo ni Amil-Marduk, Hari ng Babilonya, anak ni Nabucodonosor, Hari ng Babilonya.” (Mémoires de la mission archéologique de Susiane, ni V. Scheil, Paris, 1913, Tomo XIV) Ayon kay Berossus, na sinipi ni Josephus, naghari siya nang dalawang taon. Tinakdaan naman siya ni Josephus ng 18 taon. Diumano’y napatay bilang resulta ng isang pakana, si Evil-merodac ay hinalinhan ni Neriglissar (Nergal-sarezer). Kulang sa mapananaligang katibayan ang mga detalyeng ito.