MESA
1. Panganay na anak ni “Caleb na anak ni Hezron” na mula sa tribo ni Juda. Si Mesa ang ama ni, o tagapagtatag ng, Zip.—1Cr 2:18, 42.
2. Hari ng Moab noong panahon ng mga haring sina Jehosapat ng Juda at Ahab, Ahazias, at Jehoram ng Israel. Ang mga Moabita, na nasa ilalim ng pagsupil ng hilagang kaharian ng Israel, ay nagbayad kay Haring Ahab ng tributo na 100,000 kordero at 100,000 lalaking tupa na hindi pa nagugupitan, lumilitaw na mula sa isang lahi ng tupa na kilala sa kalidad ng lana nito. Pagkamatay ni Ahab, naghimagsik si Mesa laban kay Haring Ahazias ng Israel. Ngunit namatay si Ahazias pagkaraan ng maikling pamamahala at hinalinhan siya ng kaniyang kapatid na si Jehoram, na nakipag-alyansa kay Jehosapat ng Juda at sa isang di-ipinakilalang hari ng Edom, upang muling supilin si Mesa. Palibhasa’y dumaan sa mahirap na ruta sa T ng Dagat na Patay, ang kanilang mga hukbo ay naubusan ng tubig. Ngunit nagbigay-katiyakan si Eliseo na propeta na kung maghuhukay ng mga estero sa natuyong agusang libis, pupunuin ni Jehova ng tubig ang mga iyon.—2Ha 1:1; 3:4-19.
Nangyari nga ito, at ang sinag ng araw sa ibabaw ng tubig maaga sa kinaumagahan ay nagtinging dugo sa mga Moabita, posibleng dahil sa pulang luwad sa mga esterong kahuhukay pa lamang. Nalinlang sila ng ilusyon anupat inakala nilang binalingan ng magkakaalyadong mga hukbo ng Israel, Juda, at Edom ang isa’t isa. Makatuwiran namang isipin nila ito, yamang alam nila ang paninibughong umiiral sa pagitan ng Israel at ng Juda. Isa pa, walang pag-ibig ang mga Edomita sa mga lalaki ng Juda, na sa pagkakataong iyon ay kaalyado ng Israel.—2Ha 3:20-23; ihambing ang 2Cr 20:10, 11, 24, 25.
Palibhasa’y iniisip na nagpatayan na ang kanilang mga kaaway, sumigaw ang mga Moabita, “Kaya ngayon, sa pagsamsam, O Moab!” at pumasok sila sa kampo ng Israel, ngunit itinaboy lamang sila. Sinundan ito ng Israel ng pagwasak sa mga Moabitang lunsod, anupat sinarhan ang kanilang mga bukal, at pinunô ng bato ang kanilang mga lupain, hanggang sa makarating sila sa lunsod ng Kir-hareset (Kir ng Moab).—2Ha 3:23-25.
Nang makita ni Haring Mesa na nasukol na siya, nagsama siya ng 700 lalaking humahawak ng tabak at sa isang ganting pagsalakay ay tinangka niyang makalusot hanggang sa hari ng Edom (marahil dahil inisip niyang wala siyang gaanong makakasagupa roon), ngunit hindi niya iyon nagawa. “Nang dakong huli ay kinuha niya ang kaniyang panganay na anak na maghaharing kahalili niya at inihandog ito sa ibabaw ng pader bilang haing sinusunog.”—2Ha 3:26, 27.
Sumasang-ayon ang karamihan sa mga komentarista na inihandog ni Mesa ang sarili niyang anak bilang hain sa kaniyang diyos na si Kemos. Sinasabi naman ng ilan na tumututol dito na ang inihain ay isang nabihag na anak ng hari ng Edom, anupat binabanggit ang Amos 2:1 bilang katibayan, kung saan tinutukoy ang Moab na ‘nagsunog ng mga buto ng hari ng Edom upang maging apog.’ Bagaman ipahihintulot ng balarilang Hebreo ang ganitong pagpapakahulugan, ang huling nabanggit na mungkahi ay waring salungat sa ibang mga bagay na alam na. Halimbawa, hindi ginagawa ng mga Moabita at mga Ammonita, mga karatig-bayan ng Israel, na ihandog ang mga kaaway nila bilang mga hain sa kanilang mga diyos, ngunit isang kilalang gawain ng kanilang relihiyon na ihandog ang sarili nilang mga anak bilang mga haing sinusunog upang paglubagin ang galit ng kanilang mga diyos. (Deu 12:30, 31; Mik 6:6, 7) Sa gayon ay mauunawaan kung bakit ang mananambang ito ni Kemos, si Mesa, nang mapaharap sa napipintong panganib na matalo, ay bumaling sa gayong marahas na hakbang.
Ang Batong Moabita. Ang Batong Moabita ay natuklasan sa Dhiban (Dibon) noong 1868. Karaniwan nang kinikilala na ito ay kay Mesa, at ang mga nilalaman nito ay kadalasang itinatakda sa yugto na magsisimula sa mga pangyayaring nakaulat sa ikatlong kabanata ng Ikalawang Hari. Sa bantog na inskripsiyong ito, ginugunita ni Mesa ang paggupo niya sa pamumuno ng Israel, na ayon sa kaniya ay tumagal nang 40 taon. Mayroon ding iba’t ibang komento roon tungkol sa mga lugar na nabihag ni Mesa (Medeba, Atarot, Nebo, Jahaz). Sa paghahambog tungkol sa kaniyang pagiging napakarelihiyoso, sa pagtatayo niya ng mga lunsod at ng isang lansangang-bayan, gayundin tungkol sa isang inaangkin niyang tagumpay laban sa Israel, iniuukol ni Mesa ang lahat ng kapurihan sa diyos na si Kemos. Kilala rin ni Mesa ang Diyos ng Israel na si Jehova, sapagkat sa ika-18 taludtod ng dokumentong ito ay masusumpungan ang Tetragrammaton. Doon ay ipinagyayabang ni Mesa: “Kinuha ko mula roon ang [mga sisidlan] ni Yahweh, at dinala ang mga ito sa harap ni Kemos.” (LARAWAN, Tomo 1, p. 946) Gayunman, gaya ng maaasahan, ang pagkatalo niya at ang paghahain niya ng kaniyang anak ay hindi binanggit. Ganito ang puna ng Biblical Archaeology Review (Mayo/Hunyo 1986, p. 57): “Ang mga inskripsiyon sa bantayog na nasa walang-suhay na mga bato o mga pader ng templo ay ginawa bilang propaganda at upang luwalhatiin ang pambansang diyos at ang tagapamahala ng bansa. Kaya hindi kataka-taka na hindi binanggit ni Mesa ang kampanyang pangmilitar ng mga hari ng Israel, Juda at Edom laban sa kaniyang bansa, na hinggil dito ay binibigyan tayo ng Bibliya ng detalyadong ulat.”
3. [sa Heb., Meh·shaʼʹ]. Isang anak ni Saharaim sa kaniyang asawang si Hodes. Si Mesa ay naging ulo ng pamilya sa tribo ni Benjamin.—1Cr 8:1, 8-10.
4. [sa Heb., Me·shaʼʹ]. Isa sa mga hangganan ng pook na tinahanan ng mga inapo ni Joktan. (Gen 10:29, 30) Isinalin ng Griegong Septuagint ang pangalang Mesa bilang Mas·seʹ. Dahil dito, ipinapalagay na ang “Mesa” ay naiibang baybay ng “Masa,” ang pangalan ng isang Ismaelita na ang mga inapo ay lumilitaw na namayan sa Arabia.—Gen 25:13, 14.