Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Dalawin ang Lupain, Dalawin ang mga Tupa!
LIBU-LIBONG mga Kristiyano ang nakadalaw sa Lupang Pangako, sa pag-aakala na ang pagkakita sa mga lugar na kinaganapan ng mga pangyayari ay tutulong sa kanila na maunawaan ang Bibliya, na ginagawa itong lalong makabuluhan. At gayon nga ang nangyari.
Nakadalaw man kayo sa literal na paraan o kaya’y naguguniguni ninyo iyon sa inyong kaisipan sa tulong ng napag-aaralang mga aklat at mga artikulo tungkol sa lupain, kumusta naman kung tungkol sa pagdalaw sa mga tupa? ‘Ano ang kinalaman ng mga tupa sa Lupang Pangako?’ marahil ay itatanong ninyo. Sa totoo, ang mga tupa ay isang malaking bahagi ng pamumuhay noong sinaunang mga panahon sa Bibliya na anupa’t ang pagdalaw sa Lupang Pangako ay, sa isang diwa, hindi husto kung hindi kasali ang mga tupa.
Ang mga larawan na inyong nakikita rito ay maaaring maging bahagi ng inyong pagdalaw, yamang ang mga tupa na maaaring makita sa lugar na iyan sa ngayon ay lubhang nakakatulad ng mga tupa na karaniwan noong sinaunang panahon sa Bibliya.a Ang kanilang malapad na buntot ay mabigat dahil sa kargado ng taba. (Levitico 7:3; 9:19) Ang makapal na balahibo ay karaniwang puti. Subalit tandaan na sa malaking kawan ni Jacob ay may kasaling “mga tupang batik-batik at may dungis, at . . . maitim na mga tupa.”—Genesis 30:32.
Ang ulat ding ito ang nagpapakita na ang isang taong may malaking kawan ay itinuturing na mayaman. (Genesis 30:43) Mababasa natin tungkol kay Job: “Ang kaniyang ari-arian naman ay pitong libong tupa at tatlong libong kamelyo at limang daang magkatuwang na baka at limang daang asnong babae . . . [Siya] ang naging pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan.” (Job 1:3; 42:12) O alalahanin na si Nabal ay nagkaroon ng 3,000 tupa at 1,000 kambing. Ano sa palagay mo ang kaniyang katayuan at impluwensiya noong kaarawan ni David? (1 Samuel 25:2) Subalit bakit nga ba ang isang malaking kawan ay maituturing na isang malaking kayamanan?
Iyon ay dahilan sa ang mga tupa ay nagbibigay sa kanilang mga pastol o may-ari ng mahalagang mga produkto. Ang balahibo mismo ay isang kayamanan na patuloy na nasasapatan. Ang Kawikaan 31:13, 21, 22 ay tumutulong sa atin na makita kung papaanong ang isang matalino, masipag na asawang babae ay makagagamit ng gayong bagay upang gumawa ng kasuotan para sa kaniyang pamilya o maipagbibili kaya. (Job 31:20) Ang lana ay isang mahalagang kalakal na maipagbibili. Iyan ay ipinahihiwatig sa sinabi na isang Moabitang hari ang “may mga tupa, at siya’y nagbayad sa hari ng Israel ng isandaang libong kordero at ng isandaang libong di pa nagugupitan na lalaking tupa.” (2 Hari 3:4) Oo, sila’y “di pa nagugupitan” na mga tupa; ang kanilang makapal na balahibo ang nagbibigay sa kanila ng mataas na presyo.
Ang mga lalaking tupa, lalaking kordero, ay may malalaking sungay gaya ng makikita ninyo sa larawang nasa kanan. Dito ba’y naaalaala mo na ang sungay ng isang korderong lalaki ay ginagamit upang ibalita ang Jubileo? (Levitico 25:8-10) Nakakatulad na mga sungay na guwang ang ginagamit sa pagbibigay ng mga hudyat o pagdidirekta sa mga maneobra sa digmaan.—Hukom 6:34; 7:18, 19; Joel 2:1.
Mauunawaan, kung mayroon kang isang kawan ng mga tupa, tiyak na mayroon kang mapagkukunan ng pagkain sapagkat ang mga tupa ay kabilang sa malilinis na mga hayop na maaaring kanin ng mga Israelita. (Deuteronomio 14:4) Ang karne (mutton o kordero) ay maaaring ilaga o ihawin. Ang inihaw na tupa ay isang mahalagang bagay sa taunang Paskuwa. (Exodo 12:3-9) Ang mga tupa ay regular na pinagkukunan din ng gatas, ito’y iniinom at ginagamit sa paggawa ng keso.—1 Samuel 17:17, 18; Job 10:10; Isaias 7:21, 22.
Walang pagdalaw sa mga tupa ang kompleto kundi mapagmamasdan ang malapít na ugnayan sa pagitan ng kawan at ng kanilang pastol. Ang isang tapat na pastol ay nangangalaga sa kaniyang mga tupa. Gaya ng binanggit ni Jesus, kanilang nakikilala ang tinig ng kanilang pastol at tumutugon pagka kaniyang tinawag sila sa pangalan. (Juan 10:3, 4) Kung sakaling kulang ng isa, ang maasikasong pastol ay maghahanap upang matagpuan iyon. Sa pagkakita niya sa nawalang tupa, marahil ay papasanin niya iyon sa kaniyang mga balikat at ibabalik sa kawan.—Lucas 15:4, 5.
Ginamit ni David ang kaniyang sariling karanasan sa pakikitungo sa isang kawan nang ang kaniyang sarili ay ihalintulad niya sa isang tupa na si Jehova ang kaniyang Pastol. Si David ay ipinagsanggalang, gaya ng mga tupa na ipinagsasanggalang sa sumasalakay na mga hayop. Ang mga tupa ay makasusunod sa pangunguna ng kanilang nangangalagang pastol. Kung sakaling masaktan sila, kaniyang inaasikaso ang kanilang mga sugat, marahil nilalapatan ng nakapagpapaginhawang langis. Anong laking pagkakaiba sa mapag-imbot na mga gawain ng mga nangunguna sa Israel, na isinasaysay sa Ezekiel 34:3-8!
Sa Bibliya ay maraming makahula at makatalinghagang pagtukoy sa mga tupa. Kaya ang inyong pagdalaw, pagiging pamilyar, sa mga tupa ng Lupang Pangako ay makapagpapalawak ng inyong unawa ng mga pananalita na tulad ng “munting kawan,” “ang Kordero ng Diyos,” at “mga ibang tupa.”—Lucas 12:32; Juan 1:36; 10:16.
[Talababa]
a Ang larawan sa kaliwa, ng mga tupa sa ilang ng Judea ay maaaring mapag-aralan sa 1992 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Garo Nalbandian