Pangalan sa Bibliya sa Sinaunang Banga
Noong 2012, nahukay ang mga bibinga, o piraso, ng isang banga na 3,000 taon na ang tanda. Naging interesado rito ang mga mananaliksik. Bakit? Hindi dahil sa mga piraso mismo kundi sa nakasulat dito.
Nang mapagdikit-dikit ng mga arkeologo ang lahat ng nahukay na piraso, may nabasa silang sinaunang sulat ng mga Canaanita. Ang sabi rito: “Esba’al Ben [anak ni] Beda’.” Ito ang unang pagkakataong natagpuan ng mga arkeologo ang pangalang ito sa isang sinaunang inskripsiyon.
Ang totoo, may isa pang Esbaal na binabanggit sa Bibliya—isa siya sa mga anak ni Haring Saul. (1 Cro. 8:33; 9:39) Ganito ang sabi ni Propesor Yosef Garfinkel, isa sa mga nakahukay sa banga: “Kapansin-pansin na ang pangalang Esba’al ay lumilitaw sa Bibliya, at ngayon maging sa rekord ng arkeolohiya, pero noong panahon lang ng pamamahala ni Haring David.” Iniisip ng ilan na noong panahong iyon lang ginagamit ang pangalang ito. Muli, isa na naman itong halimbawa kung paano sinusuportahan ng arkeolohiya ang Bibliya!
Sa Bibliya, ang anak ni Saul na si Esbaal ay tinatawag ding Is-boset. Ang “baal” ay pinalitan ng “boset.” (2 Sam. 2:10) Bakit? “Sa II Samuel, lumilitaw na iniwasang gamitin ang pangalang Esba’al, na nagpapaalaala sa Canaanitang diyos ng bagyo na si Ba’al,” ang paliwanag ng mga mananaliksik, “pero ang orihinal na pangalan . . . ay naingatan sa Aklat ng Mga Cronica.”