Laging Ginagawa ni Jehova ang Tama
“Si Jehova ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan.”—AWIT 145:17.
1. Paano ka tumutugon kapag mali ang impresyon sa iyo ng isang tao, at ano ang matututuhan natin sa gayong karanasan?
NAGKAMALI na ba ng impresyon sa iyo ang isang tao, marahil ay pinagdududahan pa nga ang iyong mga kilos at motibo, nang wala naman siyang sapat na batayan? Kung oo, malamang na nagdamdam ka—at natural lamang ito. Mula rito, matututo tayo ng isang mahalagang aral: Isang katalinuhan na huwag magpadalus-dalos sa paggawa ng mga konklusyon kung hindi naman natin nauunawaan ang buong pangyayari.
2, 3. Paano tumutugon ang ilan sa mga ulat sa Bibliya na hindi naglalaman ng sapat na mga detalye upang sagutin ang lahat ng tanong, subalit ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya hinggil kay Jehova?
2 Makabubuting tandaan ang aral na ito pagdating sa pagbuo ng mga konklusyon hinggil sa Diyos na Jehova. Bakit? Dahil may ilang ulat sa Bibliya na waring nakapagtataka sa umpisa. Ang mga ulat na ito—marahil may kinalaman sa mga ikinilos ng ilan sa mga mananamba ng Diyos o sa mga paghatol ng Diyos noon—ay maaaring hindi naglalaman ng sapat na mga detalye upang sagutin ang lahat ng ating mga tanong. Nakalulungkot, pinupuna ng ilan ang gayong mga ulat, anupat pinag-aalinlanganan pa nga kung matuwid at makatarungan ang Diyos. Gayunman, sinasabi sa atin ng Bibliya na “si Jehova ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan.” (Awit 145:17) Tinitiyak din sa atin ng kaniyang Salita na siya ay “hindi gumagawi nang may kabalakyutan.” (Job 34:12; Awit 37:28) Kaya gunigunihin na lamang kung ano ang nadarama niya kapag bumubuo ng maling konklusyon ang iba hinggil sa kaniya!
3 Talakayin natin ang limang dahilan kung bakit natin dapat tanggapin ang mga paghatol ni Jehova. Pagkatapos, samantalang isinasaisip ang mga dahilang iyon, susuriin natin ang dalawang ulat sa Bibliya na mahirap unawain ng ilan.
Bakit Dapat Tanggapin ang mga Paghatol ni Jehova?
4. Bakit tayo dapat magpakumbaba kapag isinasaalang-alang ang mga ikinilos ng Diyos? Ilarawan.
4 Una, yamang nalalaman ni Jehova ang lahat ng detalye ng mga pangyayari at hindi natin ito alam, dapat tayong magpakumbaba kapag isinasaalang-alang ang mga ikinilos ng Diyos. Bilang paglalarawan: Ipagpalagay nating isang hukom na kilalá sa paggawa ng walang-kinikilingang mga pasiya ang humatol sa isang kaso sa hukuman. Ano ang masasabi mo sa taong bumabatikos sa pasiya ng hukom na iyon bagaman hindi niya alam ang lahat ng nangyari o hindi niya talaga nauunawaan ang mga batas na nasasangkot? Isang kamangmangan nga na humatol sa isang bagay kung wala ka namang lubos na kabatiran hinggil doon. (Kawikaan 18:13) Lalo nang kamangmangan para sa hamak na mga tao na batikusin ang “Hukom ng buong lupa”!—Genesis 18:25.
5. Ano ang hindi natin dapat kalimutan kapag binabasa natin ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa paglalapat ng hatol ng Diyos sa ilang indibiduwal?
5 Ang ikalawang dahilan kung bakit dapat tanggapin ang mga paghatol ng Diyos ay sapagkat nababasa ng Diyos ang mga puso, di-tulad ng mga tao. (1 Samuel 16:7) Sinasabi ng kaniyang Salita: “Akong si Jehova ang sumisiyasat sa puso, sumusuri sa mga bato, upang ibigay nga sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga lakad, ayon sa bunga ng kaniyang mga pakikitungo.” (Jeremias 17:10) Kaya kapag nababasa natin ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa mga paghatol ng Diyos sa ilang indibiduwal, huwag nating kalilimutan na nakikita niya ang lahat ng bagay kung kaya’t naisaalang-alang niya ang nakatagong mga kaisipan, motibo, at intensiyon na hindi binanggit sa kaniyang Salita.—1 Cronica 28:9.
6, 7. (a) Paano ipinakita ni Jehova na nanghahawakan siya sa kaniyang makatarungan at matuwid na mga pamantayan kahit mangahulugan pa ito ng malaking sakripisyo sa kaniya? (b) Ano ang dapat nating tandaan kung may mabasa tayo sa Bibliya na nagiging dahilan upang mag-alinlangan tayo kung kumilos ba ang Diyos sa makatarungan o tamang paraan?
6 Pansinin ang ikatlong dahilan kung bakit dapat tanggapin ang mga paghatol ng Diyos: Nanghahawakan siya sa kaniyang matuwid na mga pamantayan kahit mangahulugan pa ito ng malaking sakripisyo sa kaniya. Isaalang-alang ang isang halimbawa. Sa pagbibigay sa kaniyang Anak bilang pantubos upang mapalaya ang masunuring sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan, natugunan ni Jehova ang kaniyang makatarungan at matuwid na mga pamantayan. (Roma 5:18, 19) Gayunman, tiyak na napakasakit kay Jehova na masaksihan ang pagdurusa at kamatayan ng kaniyang minamahal na Anak sa pahirapang tulos. Ano ang isinisiwalat nito sa atin hinggil sa Diyos? Hinggil sa “pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus,” sinasabi ng Bibliya: “Ito ay upang ipakita ang . . . sariling katuwiran [ng Diyos].” (Roma 3:24-26) Ganito naman ang mababasa sa ibang salin ng Roma 3:25: “Ipinakita nito na laging ginagawa ng Diyos kung ano ang tama at makatarungan.” (New Century Version) Oo, ang pagiging handa ni Jehova na gumawa ng gayon kalaking sakripisyo upang mailaan ang pantubos ay nagpapakita na malaki ang pagpapahalaga niya sa “kung ano ang tama at makatarungan.”
7 Kaya kung may mabasa tayo sa Bibliya na nagiging dahilan upang mag-alinlangan ang ilan kung kumilos ba ang Diyos sa makatarungan o tamang paraan, dapat nating tandaan ito: Dahil sa pagkamatapat niya sa kaniyang mga pamantayan ng katuwiran at katarungan, hindi iniligtas ni Jehova ang kaniyang sariling Anak mula sa pagdanas ng makirot na kamatayan. Lalabagin kaya ni Jehova ang mga pamantayang iyon sa ibang mga bagay? Ang totoo, hindi kailanman nilalabag ni Jehova ang kaniyang matuwid at makatarungang mga pamantayan. Kaya may sapat tayong dahilan upang maniwala na lagi niyang ginagawa ang tama at makatarungan.—Job 37:23.
8. Bakit hindi makatuwirang isipin ng mga tao na si Jehova ay waring nagkukulang ng katarungan at katuwiran?
8 Isaalang-alang ang ikaapat na dahilan kung bakit dapat nating tanggapin ang mga paghatol ng Diyos: Ginawa ni Jehova ang mga tao ayon sa Kaniyang larawan. (Genesis 1:27) Kaya pinagkalooban ang mga tao ng mga katangiang gaya ng sa Diyos, kasali na ang pagkaunawa sa katarungan at katuwiran. Hindi magiging makatuwiran na dahil sa ating pagkaunawa sa katarungan at katuwiran ay maiisip natin na waring nagkukulang si Jehova ng mismong mga katangiang iyon. Kung hindi natin maunawaan ang isang partikular na ulat ng Bibliya, dapat nating tandaan na hindi sakdal ang ating pagkaunawa sa katarungan at katuwiran dahil sa ating minanang kasalanan. Ang Diyos na Jehova, na ayon sa kaniyang larawan tayo ginawa, ay sakdal sa katarungan at katuwiran. (Deuteronomio 32:4) Talagang kakatwang isipin na mas makatarungan at matuwid pa ang mga tao kaysa sa Diyos!—Roma 3:4, 5; 9:14.
9, 10. Bakit hindi obligado si Jehova na ipaliwanag o ipagmatuwid sa mga tao ang kaniyang mga pagkilos?
9 Ang ikalimang dahilan kung bakit dapat tanggapin ang mga paghatol ni Jehova ay sapagkat siya ang “Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Dahil dito, hindi siya obligadong ipaliwanag o ipagmatuwid sa mga tao ang kaniyang mga pagkilos. Siya ang Dakilang Magpapalayok, at gaya tayo ng luwad na hinubog upang maging mga sisidlan, na maaari niyang hubugin sa anumang paraang nais niya. (Roma 9:19-21) Sino tayo—na mga kagamitang luwad sa kaniyang mga kamay—upang tumutol sa kaniyang mga desisyon o pagkilos? Nang hindi wastong maunawaan ng patriyarkang si Job ang pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan, itinuwid siya ni Jehova, na nagtatanong: “Tunay bang pawawalang-bisa mo ang aking katarungan? Aariin mo ba akong balakyot upang ikaw ay malagay sa tama?” Palibhasa’y natanto niyang nagsalita siya nang walang kaunawaan, nagsisi si Job nang maglaon. (Job 40:8; 42:6) Huwag nawa tayong magkamali kailanman na hanapan ng kamalian ang Diyos!
10 Maliwanag, may matitibay tayong dahilan upang maniwala na laging ginagawa ni Jehova ang tama. Ngayong alam na natin ang saligang ito sa pag-unawa sa mga daan ni Jehova, suriin natin ang dalawang ulat sa Bibliya na maaaring mahirap unawain ng ilan. Ang una ay may kinalaman sa mga pagkilos ng isa sa mga mananamba ng Diyos, at ang isa naman ay hinggil sa paghatol na inilapat ng Diyos mismo.
Bakit Inialok ni Lot ang Kaniyang mga Anak na Babae sa Galít na mga Mang-uumog?
11, 12. (a) Isalaysay ang nangyari nang magsugo ang Diyos ng dalawang nagkatawang-taong anghel sa Sodoma. (b) Anu-anong mga tanong ang bumangon sa isipan ng ilan dahil sa ulat na ito?
11 Sa Genesis kabanata 19, mababasa natin ang ulat hinggil sa nangyari nang magsugo ang Diyos ng dalawang nagkatawang-taong anghel sa Sodoma. Pinilit ni Lot na tumuloy sa kaniyang bahay ang mga panauhin. Gayunman, nang gabing iyon, may mga lalaking mang-uumog mula sa lunsod na pumalibot sa bahay at mahigpit na humiling na ilabas sa kanila ang mga panauhin para sa imoral na mga layunin. Sinikap ni Lot na makipagkatuwiranan sa mga mang-uumog, subalit walang nangyari. Sa pagsisikap na ipagsanggalang ang kaniyang mga panauhin, sinabi ni Lot: “Pakisuyo, mga kapatid ko, huwag kayong gumawi nang masama. Pakisuyo, narito, mayroon akong dalawang anak na babae na hindi pa nakipagtalik sa lalaki. Pakisuyo, ilalabas ko sila sa inyo. Pagkatapos ay gawin ninyo sa kanila kung ano ang mabuti sa inyong paningin. Huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit sila pumarito sa lilim ng aking bubong.” Ayaw makinig ng mga mang-uumog at halos masira na nila ang pinto. Sa wakas, binulag ng mga panauhing anghel ang nagkakagulong pulutong.—Genesis 19:1-11.
12 Hindi nga kataka-taka, ang ulat na ito ay nagbangon ng mga tanong sa isipan ng ilan. Iniisip nila: ‘Bakit nagawang ialok ni Lot ang kaniyang mga anak na babae sa mahalay na mga mang-uumog upang maipagsanggalang lamang ang kaniyang mga panauhin? Hindi ba mali ang ginawa niya, isang kaduwagan pa nga?’ Kung isasaalang-alang ang ulat na ito, bakit kinasihan ng Diyos si Pedro na tawagin si Lot na isang “taong matuwid”? Sang-ayon ba ang Diyos sa ginawa ni Lot? (2 Pedro 2:7, 8) Suriin nating mabuti ang bagay na ito upang hindi tayo sumapit sa maling konklusyon.
13, 14. (a) Ano ang dapat tandaan hinggil sa ulat ng Bibliya sa ginawa ni Lot? (b) Ano ang nagpapakitang hindi kaduwagan ang ikinilos ni Lot?
13 Una, dapat tandaan na iniuulat lamang ng Bibliya kung ano ang nangyari at hindi nito sinasabi kung tama ba o mali ang ginawa ni Lot. Hindi rin sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang nasa isip ni Lot o kung ano ang nag-udyok sa kaniya na gawin iyon. Kapag nagbalik na siya sa “pagkabuhay-muli . . . ng mga matuwid,” malamang na isisiwalat niya ang mga detalye.—Gawa 24:15.
14 Hindi duwag si Lot. Napaharap siya sa mahirap na situwasyon. Sa pagsasabing ‘pumaroon sa lilim’ ng kaniyang bubong ang mga panauhin, ipinahihiwatig ni Lot na nadama niyang obligado siyang ipagsanggalang at ikanlong sila. Subalit hindi ito madali. Iniulat ng Judiong istoryador na si Josephus na ang mga taga-Sodoma ay “hindi makatuwirang makitungo sa mga tao, at lapastangan sa Diyos . . . Nasusuklam sila sa mga estranghero, at inaabuso nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mahalay na mga gawaing karaniwan na sa Sodoma.” Gayunman, hindi umurong si Lot sa mga mang-uumog na lipos ng pagkapoot. Sa halip, lumabas siya at nakipagkatuwiranan sa galít na mga lalaking iyon. ‘Isinara pa nga niya ang pinto sa kaniyang likuran.’—Genesis 19:6.
15. Bakit masasabi na malamang na kumilos si Lot udyok ng pananampalataya?
15 ‘Gayunman,’ baka itanong ng ilan, ‘bakit inialok ni Lot ang kaniyang mga anak na babae sa mga mang-uumog?’ Sa halip na isiping masama ang kaniyang mga motibo, bakit hindi isaalang-alang ang ilang posibilidad? Una sa lahat, malamang na kumilos si Lot udyok ng pananampalataya. Paano? Walang-alinlangang alam ni Lot kung paano ipinagsanggalang ni Jehova si Sara, ang asawa ni Abraham, na tiyuhin ni Lot. Alalahanin na dahil napakaganda ni Sara, hiniling ni Abraham na ipakilala siya nito bilang kaniyang kapatid, kung hindi ay baka patayin siya ng iba para makuha lamang si Sara.a Pagkatapos, dinala si Sara sa sambahayan ni Paraon. Gayunman, namagitan si Jehova upang hindi siya halayin ni Paraon. (Genesis 12:11-20) Posibleng nananampalataya si Lot na ipagsasanggalang ang kaniyang mga anak na babae sa gayunding paraan. Kapansin-pansin naman, talagang namagitan nga si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga anghel, at naingatang ligtas ang mga kabataang babae.
16, 17. (a) Sa anong paraan malamang na sinikap ni Lot na gulatin o lituhin ang kalalakihan ng Sodoma? (b) Anuman ang dahilan ni Lot, sa ano tayo makatitiyak?
16 Isaalang-alang ang isa pang posibilidad. Malamang na sinisikap din ni Lot na gulatin o lituhin ang mga kalalakihan. Malamang na iniisip niyang hindi magugustuhan ng pulutong ang kaniyang mga anak na babae dahil sa homoseksuwal na pagnanasa ng mga taga-Sodoma. (Judas 7) Bukod diyan, ang mga kabataang babae ay naipangako nang ipakakasal sa mga lalaking taga-lunsod, kaya ang mga kamag-anak, kaibigan, o mga kasosyo sa negosyo ng kaniyang magiging mga manugang ay malamang na kabilang sa pulutong. (Genesis 19:14) Maaaring umaasa si Lot na dahil sa gayong mga ugnayan, ipagtatanggol ng ilang mga lalaki sa pangkat ng mga mang-uumog na iyon ang kaniyang mga anak na babae. Ang isang pangkat ng mga mang-uumog na nababahagi sa gayong paraan ay hindi na magiging napakapanganib.b
17 Anuman ang dahilan at motibo ni Lot, makatitiyak tayo sa bagay na ito: Yamang laging ginagawa ni Jehova ang tama, tiyak na may mabuti siyang dahilan upang ituring si Lot bilang isang “taong matuwid.” At kung isasaalang-alang ang paggawi ng hibang na mga mang-uumog sa Sodoma, mapag-aalinlanganan ba na talagang makatuwiran ang paglalapat ni Jehova ng hatol sa mga tumatahan sa ubod-samang lunsod na iyon?—Genesis 19:23-25.
Bakit Pinatay ni Jehova si Uzah?
18. (a) Ano ang nangyari nang sikapin ni David na dalhin ang Kaban sa Jerusalem? (b) Anong tanong ang ibinabangon ng ulat na ito?
18 Ang isa pang ulat na waring nagiging palaisipan sa ilan ay may kinalaman sa pagsisikap ni David na dalhin ang kaban ng tipan sa Jerusalem. Isinakay ang Kaban sa karwahe, na pinangungunahan ni Uzah at ng kaniyang kapatid na lalaki. Sinasabi ng Bibliya: “Sa kalaunan ay nakarating sila hanggang sa giikan ni Nacon, at iniunat ni Uzah ang kaniyang kamay sa kaban ng tunay na Diyos at sinunggaban niya iyon, sapagkat muntik nang maibuwal ng mga baka. Dahil doon ay lumagablab ang galit ni Jehova laban kay Uzah at pinabagsak siya roon ng tunay na Diyos dahil sa walang-pitagang pagkilos, anupat namatay siya roon malapit sa kaban ng tunay na Diyos.” Makalipas ang ilang buwan, nagtagumpay ang ikalawang pagsisikap nang dalhin ang Kaban ayon sa paraang ipinag-utos ng Diyos, anupat ipinasan sa balikat ng mga Levitang Kohatita. (2 Samuel 6:6, 7; Bilang 4:15; 7:9; 1 Cronica 15:1-14) Baka itanong ng ilan: ‘Bakit gayon na lamang katindi ang reaksiyon ni Jehova? Sinisikap lamang naman ni Uzah na ingatan ang Kaban.’ Makabubuting isaalang-alang natin ang ilang detalye na tutulong upang hindi tayo sumapit sa maling konklusyon.
19. Bakit imposibleng gumawi nang di-makatarungan si Jehova?
19 Dapat nating tandaan na imposibleng gumawi nang di-makatarungan si Jehova. (Job 34:10) Kawalang-pag-ibig kung gagawin niya ito, at alam natin buhat sa ating pag-aaral ng Bibliya sa kabuuan na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Bukod diyan, sinasabi sa atin ng Kasulatan na “ang katuwiran at ang kahatulan ang siyang tatag na dako ng . . . trono [ng Diyos].” (Awit 89:14) Kung gayon, paano magagawa ni Jehova na gumawi nang di-makatarungan? Kung gagawin niya ito, pahihinain niya ang mismong pundasyon ng kaniyang soberanya.
20. Anu-ano ang mga dahilan kung bakit dapat sana’y alam na ni Uzah ang mga tuntunin hinggil sa Kaban?
20 Tandaan na dapat sana’y pamilyar na si Uzah sa Kautusan. Ang Kaban ay kumakatawan sa presensiya ni Jehova. Espesipikong binanggit ng Kautusan na hindi ito dapat hipuin ng di-awtorisadong mga indibiduwal, anupat tuwirang ibinabala na parurusahan ng kamatayan ang mga lalabag. (Bilang 4:18-20; 7:89) Kaya ang paglilipat ng sagradong kaban na iyon ay isang gawain na dapat seryosohin. Maliwanag na isang Levita si Uzah (bagaman hindi isang saserdote), kaya dapat sana’y pamilyar na siya sa Kautusan. Karagdagan pa, maraming taon bago nito ay inilipat ang Kaban sa bahay ng kaniyang ama upang ingatan. (1 Samuel 6:20–7:1) Nanatili ito roon sa loob ng mga 70 taon, hanggang sa ipasiya ni David na ilipat ito. Kaya mula pagkabata, malamang na alam na ni Uzah ang mga kautusan hinggil sa Kaban.
21. May kaugnayan kay Uzah, bakit mahalagang tandaan na nakikita ni Jehova ang mga motibo ng puso?
21 Tulad ng binanggit kanina, nababasa ni Jehova ang mga puso. Yamang tinawag ng kaniyang Salita ang ginawa ni Uzah bilang “walang-pitagang pagkilos,” maaaring may nakita si Jehova na makasariling motibo na hindi espesipikong isiniwalat ng ulat. Hindi kaya isang pangahas na lalaki si Uzah, na may hilig magmalabis? (Kawikaan 11:2) Hindi kaya lumaki ang kaniyang ulo dahil pinangunahan niya ang paglilipat ng Kaban na pribadong binantayan ng kaniyang pamilya? (Kawikaan 8:13) Wala bang pananampalataya si Uzah anupat inisip niyang masyadong maikli ang kamay ni Jehova upang pigilang mabuwal ang sagradong kahon na kumakatawan sa Kaniyang presensiya? Anuman ang dahilan, makatitiyak tayo na ginawa ni Jehova ang tama. Malamang na may nakita siya sa puso ni Uzah na nag-udyok sa Kaniya na karaka-rakang maglapat ng hatol.—Kawikaan 21:2.
Matibay na Saligan Upang Umasa
22. Paanong ang hindi pagbanggit ng Bibliya sa ilang detalye ng mga pangyayari ay nagsisiwalat sa karunungan ni Jehova?
22 Ang hindi pagbanggit ng kaniyang Salita hinggil sa ilang detalye ng mga pangyayari ay nagsisiwalat sa walang-kapantay na karunungan ni Jehova. Sa gayon ay binibigyan tayo ni Jehova ng pagkakataong ipakita na nagtitiwala tayo sa kaniya. Mula sa mga natalakay na natin, hindi ba maliwanag na may matitibay tayong dahilan upang tanggapin ang mga paghatol ni Jehova? Oo, kapag pinag-aaralan natin ang Salita ng Diyos taglay ang taimtim na puso at bukas na kaisipan, napakarami nating matututuhan hinggil kay Jehova upang makumbinsi tayo na lagi niyang ginagawa ang makatarungan at tama. Kaya kung ang ilang ulat sa Bibliya ay nagbabangon ng mga tanong na hindi natin kaagad masasagot nang tuwiran, lubos nawa tayong magtiwala na tama ang ginawa ni Jehova.
23. Anong pagtitiwala ang maaari nating taglayin hinggil sa mga gagawin ni Jehova sa hinaharap?
23 Maaari rin nating taglayin ang gayong pagtitiwala hinggil sa mga gagawin ni Jehova sa hinaharap. Kaya, makatitiyak tayo na kapag dumating siya upang maglapat ng hatol sa dumarating na malaking kapighatian, hindi niya “lilipulin . . . ang matuwid na kasama ng balakyot.” (Genesis 18:23) Hindi niya iyon gagawin sapagkat iniibig niya ang katuwiran at katarungan. Lubusan din tayong makapagtitiwala na sa dumarating na bagong sanlibutan, sasapatan niya ang lahat ng ating mga pangangailangan sa pinakamabuting paraan.—Awit 145:16.
[Mga talababa]
a Makatuwiran ang pagkatakot ni Abraham, sapagkat mababasa sa isang sinaunang papiro ang hinggil sa isang Paraon na nag-utos sa kaniyang nasasandatahang mga tauhan na dakpin ang isang magandang babae at patayin ang asawa nito.
b Para sa karagdagang mga komento, tingnan Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1980, pahina 30-1.
Naaalaala Mo Ba?
• Anu-ano ang mga dahilan kung bakit natin dapat tanggapin ang mga paghatol ni Jehova?
• Ano ang tutulong sa atin upang maiwasang sumapit sa maling konklusyon hinggil sa pag-aalok ni Lot ng kaniyang mga anak na babae sa galít na mga mang-uumog?
• Anu-anong salik ang makatutulong sa atin upang maunawaan kung bakit pinatay ni Jehova si Uzah?
• Anong pagtitiwala ang maaari nating taglayin hinggil sa mga gagawin ni Jehova sa hinaharap?