PANGANGASIWA
Isang paraan ng pamamahala o isang kaayusan sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay upang magampanan ang isang pananagutan o maabot ang isang tunguhin.
Ang salitang Hebreo na isinaling “nangangasiwa” sa Bilang 3:32 at 1 Cronica 26:30 (pequd·dahʹ) ay nagmula sa salitang-ugat na pa·qadhʹ, nangangahulugang “dumalaw; magbaling ng pansin sa.” (Ru 1:6, tlb sa Rbi8) Isinasalin din ito bilang “pangangalaga.”—2Cr 24:11; ihambing ang 2Ha 11:18, tlb sa Rbi8; tingnan ang TAGAPANGASIWA.
Buhat sa pasimula ng kasaysayan ng tao, binigyan ng Diyos ang sakdal na tao ng awtoridad na mangalaga sa lupa at magkaroon ng kapamahalaan sa mga nilalang dito. (Gen 1:26-28) Pagkaraan ng paghihimagsik ng tao, partikular na mula noong Baha, isang patriyarkal na sistema ng pangangasiwa ang nabuo at naging prominente. Ito ang namahala sa mga gawain at ari-arian ng pamilya at nagpatupad ng mga pamantayan ng paggawi.
Ang pag-aasikaso ni Moises sa mga gawain ng bansang Israel ayon sa kalooban ng Diyos noong panahon ng 40-taóng paglalakbay sa ilang ay isang napakahusay na halimbawa ng pangangasiwa, kasama na roon ang pagbibigay ng awtoridad sa mga lingkod na maaasahan. (Exo 18:19-26) Sa kaayusan ng pagkasaserdote, nakaatang sa mataas na saserdote ang pangunahing pananagutan sa pangangasiwa (Bil 3:5-10); gayunman, binigyan din ang iba ng pananagutang mangasiwa at mamahala sa ilang larangan ng paglilingkod. (Bil 3:25, 26, 30-32, 36, 37; 4:16) Pagkatapos na pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, mga hukom na pinatnubayan ng Diyos ang gumanap bilang mga administrador ng bansa.—Huk 2:16, 18; Ru 1:1.
Nang itatag ang kaharian ng Israel, isang mas kumpletong sistema ng pangangasiwa ang nabuo. Sa ilalim ng pamamahala ni Haring David, naging lubhang detalyado ang kaayusan ng pangangasiwa, kung saan may mga opisyal na tuwirang nasa ilalim ng hari at mga administrador ng mga pangkat na naglingkod sa buong bansa. (1Cr 26:29-32; 27:1, 16-22, 25-34) Napakahusay rin ng pagkakaorganisa ng pagkasaserdote noong panahon ng paghahari ni David, anupat may mga tagapangasiwa para sa mga gawain sa tabernakulo, mga opisyal at mga hukom, mga tagapagbantay ng pintuang-daan, mga mang-aawit at mga manunugtog, at may itinatag na 24 na pangkat ng mga saserdote upang mag-asikaso sa paglilingkod sa tabernakulo. (1Cr 23:1-5; 24:1-19) Mas malawak pa ang naging pangangasiwa ni Solomon at ang isang namumukod-tanging halimbawa ng kaniyang mahusay na pangangasiwa ay ang pagtatayo ng templo.—1Ha 4:1-7, 26, 27; 5:13-18.
Nakabuo rin ng masalimuot na mga sistema ng pangangasiwa ang ibang mga bansa, gaya ng ipinahihiwatig ng pagkakaroon ni Haring Nabucodonosor ng iba’t ibang uri ng mga opisyal noong panahong pasinayaan ang kaniyang ginintuang imahen. (Dan 3:2, 3) Si Daniel mismo ay ‘ginawang tagapamahala’ (mula sa Aramaiko, sheletʹ) sa nasasakupang distrito ng Babilonya at sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay inatasan naman ng sibil na “pangangasiwa” (sa Aramaiko, ʽavi·dhahʹ) sa ilalim niya.—Dan 2:48, 49.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, madalas talakayin ang wastong paggamit ng awtoridad at pananagutan na iniatang sa mga inatasang mangasiwa sa pagkakapit at pagpapatupad ng ipinahayag na kalooban ng Diyos sa gitna ng kaniyang bayan; at ginagawa ito sa pamamagitan ng mga pagtukoy sa pagiging katiwala at sa pangangasiwa. (Luc 16:2-4; 1Co 9:17; Efe 3:2; Col 1:25; Tit 1:7) Bagaman ipinakikitang ang pananagutan sa Diyos ang pinakamahalaga sa lahat (Aw 109:8; Gaw 1:20), idiniriin din ang mga kapakanan niyaong mga naglilingkod sa ilalim ng gayong pangangasiwa.—1Pe 4:10; tingnan ang KATIWALA.
Ano ang “pangangasiwa” na ipinatutupad ng Diyos mula noong 33 C.E.?
Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, nilayon niyang magkaroon ng “isang pangangasiwa [sa Gr., oi·ko·no·miʹan, sa literal, “pamamahala sa sambahayan”] sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efe 1:10; ihambing ang Luc 12:42, tlb sa Rbi8.) Ang “pangangasiwa,” o paraan ng pamamahala na ito, na ipinatutupad ng Diyos mula pa noong araw ng Pentecostes ng 33 C.E., ay naglalayon na pagkaisahin ang lahat ng kaniyang matatalinong nilalang. Ang unang yugto ng “pangangasiwa” ng Diyos ay ang muling pagtitipon ng “mga bagay na nasa langit,” anupat inihahanda ang kongregasyon ng mga tagapagmana ng Kaharian na mananahanan sa langit sa ilalim ni Jesu-Kristo bilang ang espirituwal na Ulo. (Ro 8:16, 17; Efe 1:11; 1Pe 1:4) Ang ikalawang yugto naman ng “pangangasiwa” na ito ay ang muling pagtitipon ng “mga bagay na nasa lupa,” anupat inihahanda yaong mga maninirahan sa isang makalupang paraiso.—Ju 10:16; Apo 7:9, 10; 21:3, 4.