Parangalan Si Jehova ng Inyong Kayamanan
‘AKO’Y hindi mayaman; ako’y isang bata lamang at kakaunti-kaunti ang aking mga ari-arian.’ ‘Ako’y di-gaanong nakapag-aral; ano ang maibibigay ko kay Jehova?’ ‘Ako’y may matinding kapansanan; dapat namang lampasan na ako ni Jehova.’ ‘Ako’y matanda na; napakahuli na upang ako’y magkamit pa ng kayamanan.’
Mga kaisipan bang katulad nito ang sumisiksik sa iyong isip samantalang pinag-iisipan mo ang pamagat ng artikulong ito? Gayunman, baka ikaw ay mas mayaman pa kaysa iyong inaakala. Alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus sa kongregasyon sa Smirna: “Nalalaman ko ang iyong kapighatian at karukhaan—datapuwat ikaw ay mayaman.” (Apocalipsis 2:9) Una rito’y sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Tumigil na kayo ng pagtitipon para sa inyong sarili ng kayamanan sa lupa . . . Kundi, magtipon kayo ng kayamanan sa langit . . . Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.” (Mateo 6:19-21) Ang mga salitang ito ba ng ating Panginoon ay nagsisilbing salbabida sa iyo? Oo, baka may isang bagay sa iyo na napakahalaga ayon sa paningin ng ating makalangit na Ama, si Jehova, at ng kaniyang Anak. Suriin natin.
Ang Kagandahan ng Kabataan—Lakas at Sigasig
Papaanong ang isang kabataan ay makapaghahandog kay Jehova ng mahalagang paglilingkuran? Tinitiyak sa atin ng Kawikaan 20:29 na ang mga kabataan ay may magandang katangian—ang sigla ng pangangatawan. Anong laking pampasiglang makita ang isang kabataan na gumagamit ng kaniyang lakas at kasiglahan sa paglilingkod sa ating Diyos!
Buklatin natin ang mga dahon ng kasaysayan at tunghayan ang pasimula ng dekada ng 1930 nang may mga kabataang nakarinig ng katotohanan sa Bibliya. Isang 16-na-taóng-gulang ang humiram sa kaniyang kaibigan ng araling-aklat sa Bibliya na Creation, lathala ng Watch Tower Society. Nang sumapit siya sa kabanatang “The New Creation” at mabasa ang tungkol sa konsagrasyon (pagpapabanal), nabatid niya kung ano ang ibig niyang gawin sa kaniyang buhay. Karakaraka, siya’y nag-alay ng sarili sa pinakamakapangyarihang Maylikha. Nang sumunod na taon siya’y bumasa ng isa pang aklat, ang Vindication (Unang Aklat), at kaniyang napag-alaman ang tungkol sa posibilidad na makibahagi sa pagbabangong-puri ng pangalan at soberanya ng Diyos. Dahil sa impormasyong ito ay nag-apoy sa kaniya ang matinding pagnanasang bumahagi sa buong-panahong paglilingkod. Nang taon ding iyon siya’y nag-aplay para sa pribilehiyo ng pagpapayunir, at hanggang sa araw na ito ay naglilingkod siya nang buong-panahon. Samantalang marami sa kaniyang mga kasing-edad ay nakatapos na ng kanilang makalupang takbuhin, marami sa mga nabubuhay pa ang makikitaan ng espiritu ng buong-kaluluwang debosyon sa ating makalangit na Ama.
Ang mga Kristiyanong kabataan ba sa ngayon ay makikitaan ng mahalagang katangian ding ito? Oo, makikitaan nga! Sang-ayon sa ulat ng Yearbook isang lubhang karamihan na kasing dami ng mga butil ng hamog ang ngayo’y nagpapayunir. (Awit 110:3) Iniulat ng Pilipinas na 13 porsiyento ng lahat ng regular payunir ang wala pang 20 taóng gulang. Totoo ba iyan saanman? Oo. Halimbawa, isang surbey sa maliliit na isla ng Trinidad at Tobago ang nagpapakita na 282 bagong payunir ang nagpatala sa pagitan ng Setyembre 1, 1986, at Setyembre 30, 1988. Sa bilang na iyan, 48 ang wala pang 20 taóng gulang. Ibig mo bang marinig ang karanasan ng isa sa mga ito?
Narito si Charmaine Francis. Sabi niya: “Mula sa pagkasanggol, kinakausap na ako ng aking mga magulang tungkol sa paglilingkod kay Jehova at pananatiling tapat sa kaniya. Pagka tinatanong ako noon ng aking mga magulang kung ano ang gagawin ko kung sila’y mabilanggo dahil sa pangangaral ng mabuting balita sinasabi kong, ‘Ako’y maglilingkod kay Jehova.’ Ako’y nag-alay ng sarili nang ako’y 13, at ako’y nabautismuhan nang ako’y 14. Karakaraka pagkatapos niyan, tuwing bakasyon sa paaralan, ako’y nag-aauxiliary payunir. Noong 1983 ako’y pumasok sa regular na pagpapayunir. Sa unang taon ng aking pagpapayunir, aking tinamasa ang kagalakan ng pagtulong sa isang ginang ng tahanan upang siya’y maging lingkod ni Jehova. Ngayon ay nagdaraos ako ng siyam na pag-aaral sa Bibliya. Isa ang naghahanda para sa bautismo, at ang natitirang tatlo ay dumadalo sa mga pulong.”
Bueno, kayong mga kabataan, hindi ba kayo sumasang-ayon na kayo man ay may isang mahalagang bagay na magagamit sa pagpaparangal kay Jehova? Oo, mayroon nga! Bagaman kayo ngayon ay wala sa buong-panahong paglilingkod, inyong mapararangalan si Jehova ayon sa inyong kalagayan. Baka marami pang mga taon ng pag-aaral ang kailangan ninyo. Gayunman, kayo’y may mahalagang pagkakataon na purihin si Jehova sa inyong mga guro at mga kaklase. Si Christian Kalloo, sampung taóng gulang, ay may dala sa paaralan ng kaniyang kopya ng aklat na Life—How Did It Get Here—By Evolution or by Creation? Ang resulta? Siya’y nakapagpasakamay ng pitong kopya sa mga interesado sa paksang iyan. Siya’y nakapagpasakamay rin ng isa nito sa pagbabahay-bahay. Magagawa mo rin iyan.—Ihambing ang Mateo 21:15, 16.
Ang Ating Dakilang Instruktor ang Nagtuturo sa Atin
Sinabi ni propeta Isaias: “Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ang nagbibigay sa akin ng dila ng mga naturuan.” Ang kapurihan ay ibinigay niya kay Jehova tungkol sa kaniyang kakayahang magsalita. Kaniya ring isinulat ang pangako ni Jehova: “Ang aking espiritu na nasa iyo at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig—ito’y hindi mahihiwalay sa iyong bibig o sa bibig man ng iyong supling o sa bibig man ng supling ng iyong supling.” (Isaias 50:4; 59:21) Kung papaanong ang mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan ay naging mga apostol ni Jesus at sila’y pinaging pantas ng Diyos sa espirituwal na mga bagay, ganoon pinagiging pantas ngayon ni Jehova ang pangkaraniwang mga tao.
Ang Yearbook para sa 1986 ay may pampatibay-loob para sa mga taong kaunti lamang ang pormal na edukasyon o wala nito. Sa maraming bansa ang mga Saksi ni Jehova ay may mga klase sa pagtuturo upang maturuan ang mga may edad na na bumasa. Pinagpala nga ni Jehova ang gayong mga tao! Sa pagitan ng 1962 at 1984 sa Nigeria, mga 19,238 ang sumulong nang mahusay sa pagkatutong bumasa at sumulat at ngayo’y nakababasa na ng Bibliya para sa kanilang sarili at gayundin sa mga taong kanilang dinadalhan ng patotoo. Anong laking pagpapala ang tinatamasa nila! Isa na riyan ang kapatid na lalaking nagpakita ng lubhang kahusayan kaya’t naging instruktor ng klase sa pagbasa sa kaniyang kongregasyon.
Nariyan din ang karanasan ni Ezekiel Ovbiagele. Siya’y hindi makabasa nang bautismuhan siya noong 1940. Nang matuto siyang bumasa, siya’y sumulong hanggang sa puntong magpatala siya bilang isang payunir, at nang malaunan, noong 1953, siya’y naatasan na maging isang naglalakbay na tagapangasiwa.
Walang balakid sa edad kung tungkol sa pagkatuto. Marahil ay sisipiin ng ilan ang matandang kasabihan na: “Ang matandang aso ay hindi mo matuturuan ng mga bagong pamamaraan!” Baka totoo iyan sa mga aso, pero ang mga tao ay hindi naman mga hayop. Maging ang mga may-edad man ay maaaring matuto at natututo kung talagang ibig nilang makilala si Jehova at maglingkod sa kaniya. Marahil ay mayroon kayong mga nakikilalang nakagawa na ng ganiyan. Halimbawa, si Alice Okon sa Nigeria ay hinimok na magbasa ng Bibliya at alamin ang pag-asang ibinibigay nito; siya’y tumugon at nagkaroon ng kagalakan sa natatanaw na pag-asa. Sa edad na 80 anyos, siya’y hindi lubhang katandaan upang matuto. Hindi mo kaya iisipin na pinagalak niya ang puso ni Jehova? Siya’y mayaman sa pananampalataya. Sa Kawikaan 3:14 ay tinitiyak sa atin na ang pagkakaroon ng karunungan “ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at sa ginto man.” Pagka ang isang tao’y wastong nakapagsasalita ng katotohanan, ang kaniyang mga salita ay nagiging mistulang “mga mansanas na ginto sa mga sisidlang pilak.”—Kawikaan 25:11; Colosas 3:16.
Mayaman sa Pananampalataya at Mabubuting Gawa Bagaman May Kapansanan
Ang isang taong isinilang na may kapansanan na ay marahil lubhang masisiraan ng loob habang siya’y tumatanda at nagiging palaisip sa kaniyang kalagayan. At kalunus-lunos pagka ang isang tao’y dinatnan ng kapansanan pagka siya’y may edad na. Wala na bang pag-asa ang gayong mga tao? Hindi, baka magbukas pa nga iyon ng daan tungo sa buhay na walang-hanggan.
Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, si Edward Stead ay nagbukas ng isang kuwadra para sa pangangalaga ng mga kabayo sa munting bayan ng Arvada, Wyoming, E.U.A., at ang kaniyang maybahay naman ay nagbukas ng isang munting otel. Ang pagkalantad niya sa kinatatakutang Spanish flu ang nagpahina ng kaniyang resistensiya, at siya’y dinapuan ng sakit na rheumatoid arthritis, na nakaapekto sa kaniyang mga kasu-kasuan kung kaya’t ang kaniyang katawan ay namaluktot upang mapaayos sa korte ng kaniyang silyang-de-gulong. Bagaman nalumpo, siya’y nakapagsasalita pa rin, at medyo naigagalaw niya ang kaniyang mga kamay. May panahon na siya’y nag-isip na magpatiwakal. Nang magkagayo’y dumating sa kaniya ang katotohanan, at may pananabik na tinanggap niya ito.
Sa simula’y umupo siya sa may pasukan ng otel at kinausap niya ang mga panauhin tungkol sa kaniyang bagong-katutuklas na pananampalataya. Medyo naigagalaw niya ang kaniyang mga kamay upang magbukas ng isang aklat-aralin sa Bibliya upang ipakita sa mga taong humihinto at nakikinig. Ang iba na nagpapahalaga sa kaniyang pagsisikap ay nagkapit sa kaniya ng taguring lumpong piloto sa himpapawid. Pagkatapos, kaniyang naisip na siya’y makapagpapatotoo sa ibang mga bayan kung siya’y igagawa ng isang pantanging cab na nasa isang pickup truck. Ganito nga ang ginawa, at siya’y nakapagpayunir nang maraming taon sa ganitong pambihirang paraan, nagagawa niyang magbiyahe nang libu-libong milya sa pagitan ng Wyoming at Texas, kasama ng dalawa o tatlong mga kabataang payunir na nag-aasikaso sa kaniya. Samantalang siya’y nabubuhay, siya ay isang malaking pampatibay-loob sa lahat ng nakakakilala sa kaniya.
Kung ikaw ay nasisiraan ng loob dahilan sa isang kapansanan, pakisuyong basahin ang salaysay sa pahina 22-5 ng Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1986. Lahat ng mga lalaking binanggit doon ay hinirang na mga matatanda, espirituwal na mga tagapayo, na may kakayahang umaliw sa kanilang mga kapatid na maaaring malulusog sa pangangatawan ngunit nangangailangan ng espirituwal na pampatibay. Anong laki ng kanilang kayamanan sa paningin ng Diyos!—1 Timoteo 6:18.
Si Esterleta Dick, 63 taóng gulang, ay isang bautismadong Saksi nang 16 na taon. Noong 1978 siya’y nabulag, ngunit naging isang regular payunir noong nakalipas na dalawang taon. Papaano nangyari ito? Bueno, pakinggan natin ang kaniyang sagot.
“Isang araw,” aniya, “isang kabataang payunir sister ang nagtanong sa akin: ‘Sister Dick, lagi mong nakukuha ang iyong tunguhin bilang isang auxiliary payunir. Bakit hindi mo subukang maging isang regular payunir?’ ”
Naisip ni Esterleta na baka siya maging isang sagabal sa mga kapatid, pero natandaan niya na ang tagapangasiwa ng sirkito ay nagpatibay-loob sa pagpapayunir. Aniya: “Ako’y nagsimula nga, at ngayon dalawang taon na akong payunir. Ako’y nagpapatotoo sa lansangan at marami-rami na rin ang aking mga pagdalaw-muli. Gayundin, ako’y nagdaraos ng anim na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa papaano? Bago ako dumalaw sa maybahay, ang materyal na pag-aaralan ay babasahin sa akin sa tahanan kasama na rin ang tinutukoy na mga kasulatan, kung kaya nakapagkukomento ako sa pag-aaral. Tatlo sa aking inaaralan ng Bibliya ang kasama kong dumadalo sa mga pulong, at isa ang bautismado na.”
Sinuman ay ‘Makapupuno sa Kaniyang Kamay’ ng Kaloob na Regalo
Ang pagbibigay ba ay limitado sa espirituwal na mga bagay? Hindi. Nang ang sinaunang si Haring David ay naghahanda para sa pagtatayo ng templo, siya’y nagtanong: “Sino ang nagbuboluntaryong punuin ang kaniyang kamay ngayon ng isang kaloob kay Jehova?” (1 Cronica 29:5) Sino man ay makagagawa ng gayon. Katulad din ngayon, bata o matanda, malusog o hindi, marami ang nagnanais na kusang mag-abuloy sa ikasusulong ng mga kapakanang pang-Kaharian. Ito’y magagawa sa pamamagitan ng tanggapang sangay sa inyong bansa o sa pamamagitan ng lokal na kongregasyon. Sa ganitong paraan sinuman ay maaari, ayon sa kaniyang kakayahan, na tumulong sa pagbalikat ng gastos sa pangangaral ng mabuting balita sa buong tinatahanang lupa. Ito ay isang pribilehiyo.—2 Corinto 9:8-12.
Lalong mahalaga, ikaw ay may espirituwal na kayamanang magagamit upang parangalan si Jehova. Ang mga kabataan ay may sigla at kasariwaan ng kabataan. Ang mga di-gaanong nakapag-aral ay maaaring matuto na ihandog kay Jehova ang bunga ng kanilang mga labi. Ang mga may kapansanan ay maaaring sumulong at sumulong na nga sa kaalaman, karunungan, at kaunawaan, kung kaya’t marami ang hindi lamang buong-panahong tagapuri kay Jehova kundi mga tagapayo rin naman at mga pastol sa kongregasyong Kristiyano. Hindi ba ikaw ay mas mayaman kaysa iyong inaakala? Kung gayon, parangalan mo si Jehova ng iyong kayamanan.—Hebreo 13:15, 16.