MADMANA
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “dumi”].
1. Ang pangalang ito ay lumilitaw sa talaan ng mga inapo ni Juda sa pamamagitan ni Caleb. Sinasabing ipinanganak ng babae ni Caleb na si Maaca “si Saap na ama ni Madmana.” (1Cr 2:49) Gayunman, itinuturing ng karamihan sa mga iskolar na ang terminong “ama” ay ginamit dito upang tumukoy sa “tagapagtatag” at itinuturing nilang ang Madmana sa tekstong ito ay ang bayan na tinatalakay sa Blg. 2, anupat minamalas nila na si Saap ang nagtatag o marahil ay ang nagtayong-muli ng bayang ito pagkatapos itong mabihag. Mapapansin na ang mga pangalan ng Kiriat-jearim at Betlehem ay lumilitaw sa ganito ring konteksto sa sumunod na mga talata.—1Cr 2:50, 54.
2. Isang lunsod sa timugang bahagi ng teritoryo ng Juda. (Jos 15:21, 31) Bagaman maaaring napanatili sa Umm Deimneh ang sinaunang pangalan nito, walang labí sa lugar na iyon ang magpapatunay na iyon nga ang lunsod na ito. Pinapaboran ng mga iskolar nitong nakalipas na mga panahon ang Khirbet Tatrit, na mga 15 km (9.5 mi) sa HS ng Beer-sheba. Ipinahihiwatig ng paghahambing sa Josue 15:31 at sa katulad na mga talaan sa Josue 19:5 at 1 Cronica 4:31 na ito rin ang Bet-marcabot. Ang Bet-marcabot (na nangangahulugang “Bahay ng mga Karo”) ay maaaring pangalawahing pangalan ng Madmana.—Tingnan ang BET-MARCABOT.