JOHANAN
[pinaikling anyo ng Jehohanan, nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-loob”].
Ang pangalang Ingles na John ay nagmula sa pangalang Hebreong ito.
1. Isang makapangyarihang Benjamita na bihasa sa paggamit ng kaliwa o kanang kamay, isa sa dalubhasang mga mandirigma na sumama kay David sa Ziklag.—1Cr 12:1-4.
2. Isang Gaditang opisyal, isa sa 11 natatanging mandirigma na pumaroon sa panig ni David sa ilang.—1Cr 12:8, 12-15.
3. Isang mataas na saserdote. Malamang na ang anak niyang si Azarias ang mataas na saserdote noong panahong kumilos si Haring Uzias nang may kapangahasan.—1Cr 6:9, 10; 2Cr 26:19, 20.
4. Panganay na anak ni Haring Josias. (1Cr 3:15) Yamang hindi siya binabanggit saanman may kaugnayan sa mga kahalili sa trono ng Juda, gaya ng kaniyang tatlong nakababatang kapatid, malamang na namatay siya bago namatay ang kaniyang ama.—2Ha 23:30, 34; 24:17; Jer 22:11; tingnan ang JOSIAS Blg. 1.
5. Isa sa mga pinuno ng mga hukbong militar na nalabi sa Juda pagkaraan ng pagpapatapon sa mga Judio sa Babilonya noong tag-araw ng 607 B.C.E. Ang anak na ito ni Karea ay agad na sumuporta sa pag-aatas kay Gedalias at, nang malaman ang pakana ni Ismael na paslangin ang gobernador, humingi siya kay Gedalias ng pahintulot na lihim na patayin si Ismael ngunit ito ay tinanggihan. (Jer 40:7, 8, 13-16) Napaslang si Gedalias, pinangunahan ni Johanan ang mga hukbo upang ipaghiganti ito, at ang mga taong binihag ni Ismael ay binawi; ngunit ang mamamaslang ay tumakas patungong Ammon. (Jer 41:11-16) Dahil sa takot na paghigantihan sila ng mga Babilonyo, tinanong ni Johanan at ng iba pa ang propetang si Jeremias kung ano ang dapat nilang gawin, ngunit sa halip na sundin ang payo ni Jehova na manatili sa lupain, tumakas sila patungong Ehipto, anupat isinama nila si Jeremias.—Jer 42:1–43:7; 2Ha 25:23-26.
6. Anak ni Hakatan at ulo ng 110 lalaki mula sa sambahayan ni Azgad sa panig ng ama na bumalik kasama niya sa Jerusalem, na sumama kay Ezra noong 468 B.C.E.—Ezr 8:1, 12.
7. Apo ni Eliasib, ang mataas na saserdoteng kapanahon ni Nehemias. Malamang na ang pagtawag sa kaniya na Jonatan sa Nehemias 12:11 ay dahil sa isang pagkakamali ng eskriba, yamang ang mga pangalang “Johanan” at “Jonatan” ay magkahawig na magkahawig sa Hebreo. Binanggit si Johanan sa Nehemias 12:22, 23 at sa isang liham na nasumpungang kasama sa Elephantine Papyri, kung saan siya tinawag na mataas na saserdote.—Jewish Antiquities, ni F. Josephus, XI, 297 (vii, 1).
8. Anak ni Elioenai; si Johanan ay lumilitaw sa isang talaan ng sambahayan ni David na kinabibilangan ni Zerubabel at ng mga inapo nito.—1Cr 3:1, 10, 19, 24.