ODED
[[Ang Diyos ay] Nagpaginhawa].
1. Ama ng propetang si Azarias. (2Cr 15:1) Sinasabi ng 2 Cronica 15:8 na si Oded mismo ay propeta: “At nang marinig ni Asa ang mga salitang ito at ang hula ni Oded na propeta.” Inaalis ng ilang iskolar ang mga salitang “ni Oded na propeta” diumano’y dahil pagkakamali ito ng tagakopya, ngunit hindi nito ipinaliliwanag kung bakit sinasabi ng manunulat na narinig ni Asa “ang mga salitang ito at ang hula.” Ang iba ay gumagawa ng pagdaragdag upang kabasahan ng, “Narinig ni Asa ang mga salitang ito at ang hula ni Azarias na anak ni Oded,” upang maging katugma ng Griegong Septuagint (Alexandrine Codex), Syriac na Peshitta, at ng Latin na Vulgate (mapanuring rebisyon ni Clement), ngunit hindi pa rin nito naipaliliwanag ang nabanggit na suliranin. Ang ikatlong solusyon ay tanggapin ang aktuwal na sinasabi ng tekstong Masoretiko, na nagpapahiwatig na si Oded mismo ay bumigkas ng hula na hindi iniulat sa rekord. Binigyang-pansin ni Asa ang mga salita ni Azarias (2Cr 15:2-7) at pati ang sa ama nito na si Oded.
2. Isang propeta ng Samaria noong panahong nagpang-abot ang mga paghahari ni Peka ng Israel at ni Ahaz ng Juda (762-mga 759 B.C.E.). Matapos na lubusang talunin ng Israel at ng Sirya ang Juda, 200,000 bihag mula sa timugang kaharian ang dinala patungo sa Samaria. Gayunman, sinalubong ni Oded ang matagumpay na hukbo at binabalaan sila tungkol sa poot ng Diyos kung aalipinin nila ang kanilang mga kapatid. ‘Tutal,’ ang paliwanag niya, ‘dahil lamang sa kabalakyutan ng Juda kung kaya pinahintulutan kayo ni Jehova na talunin sila. Ngayon ay huwag ninyo silang gawing mga lingkod ninyo anupat pasapitin ang pagngangalit ni Jehova sa inyo; ibalik ninyo ang mga bihag!’ Sinuportahan si Oded ng apat na lider na Efraimita, at ang mga bihag ay inasikaso at pinauwi.—2Cr 28:5-15.