JOSIAS
[kung kaugnay ng isang salitang-ugat na Arabe, Pagalingin Nawa ni Jehova; Si Jehova ang Nagpagaling].
1. Anak ng Judeanong si Haring Amon kay Jedida na anak ni Adaias. (2Ha 22:1) Si Josias ay nagkaroon ng di-kukulangin sa dalawang asawa, sina Hamutal at Zebida. (2Ha 23:31, 34, 36) Sa kaniyang apat na anak na binanggit sa Bibliya, tanging ang panganay, si Johanan, ang hindi namahala bilang hari sa Juda.—1Cr 3:14, 15.
Pagkatapos ng pagpaslang sa kaniyang ama at ng paglalapat ng kamatayan sa mga nagsabuwatan, ang walong-taóng-gulang na si Josias ay naging hari ng Juda. (2Ha 21:23, 24, 26; 2Cr 33:25) Pagkaraan ng mga anim na taon, isinilang ni Zebida ang ikalawang anak ni Josias, si Jehoiakim. (2Ha 22:1; 23:36) Noong ikawalong taon ng kaniyang paghahari, sinikap ni Josias na matutuhan at gawin ang kalooban ni Jehova. (2Cr 34:3) Noong mga panahon ding iyon ipinanganak si Jehoahaz (Salum), na anak ni Josias kay Hamutal.—2Ha 22:1; 23:31; Jer 22:11.
Noong kaniyang ika-12 taon bilang hari, pinasimulan ni Josias ang isang kampanya laban sa idolatriya na lumilitaw na umabot hanggang sa ika-18 taon ng kaniyang paghahari. Ang mga altar na ginamit sa huwad na pagsamba ay winasak at nilapastangan sa pamamagitan ng pagsusunog doon ng mga buto ng tao. Gayundin, sinira ang mga sagradong poste, ang mga nililok na imahen, at ang mga binubong estatuwa. Pinaabot pa ni Josias ang kaniyang kampanya hanggang sa hilagang bahagi ng dating teritoryo ng sampung-tribong kaharian na naging tiwangwang dahil sa pananakop ng Asirya at ng kasunod na pagkatapon. (2Cr 34:3-8) Maliwanag na nagkaroon ng mabuting epekto ang mga pagtuligsa nina Zefanias at Jeremias sa idolatriya.—Jer 1:1, 2; 3:6-10; Zef 1:1-6.
Nang matapos na ni Haring Josias ang paglilinis sa lupain ng Juda at habang ipinakukumpuni niya ang templo ni Jehova, nasumpungan ng mataas na saserdoteng si Hilkias “ang aklat ng kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises,” walang alinlangang ang orihinal na kopya. Matapos ipagkatiwala ni Hilkias ang kamangha-manghang tuklas na ito sa kalihim na si Sapan, nag-ulat ito tungkol sa pagsulong ng pagkukumpuni sa templo at pagkatapos ay binasa ang aklat kay Josias. Nang marinig ng tapat na hari ang salita ng Diyos, hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan at pagkatapos ay nag-atas ng lima-kataong delegasyon na sasangguni kay Jehova alang-alang sa kaniya at alang-alang sa bayan. Ang delegasyon ay pumaroon sa propetisang si Hulda, na tumatahan noon sa Jerusalem, at nag-uwi ng ganitong ulat: ‘Ang kapahamakan ay darating bilang resulta ng pagsuway sa Kautusan ni Jehova. Ngunit dahil ikaw, Haring Josias, ay nagpakumbaba, mapipisan ka nang payapa sa iyong dakong libingan at hindi mo makikita ang kapahamakan.’—2Ha 22:3-20; 2Cr 34:8-28; tingnan ang HULDA.
Sumunod ay tinipon ni Josias ang buong bayan ng Juda at Jerusalem, kasama ang matatandang lalaki, ang mga saserdote, at ang mga propeta, at binasa sa kanila ang Kautusan ng Diyos. Pagkatapos nito, gumawa sila ng isang tipan ng katapatan sa harap ni Jehova. Sinundan ito ng ikalawa at maliwanag na mas puspusang kampanya laban sa idolatriya. Ang mga saserdote ng mga banyagang diyos ng Juda at Jerusalem ay inalis, at ang mga saserdoteng Levita na nasangkot sa di-wastong pagsamba sa matataas na dako ay tinanggalan ng pribilehiyong maglingkod sa altar ni Jehova. Ang matataas na dakong itinayo maraming siglo ang kaagahan noong panahon ng paghahari ni Solomon ay ginawang lubusang di-karapat-dapat sa pagsamba. Bilang katuparan ng isang hula na mga 300 taon bago nito ay binigkas ng isang lalaki ng Diyos na di-binanggit ang pangalan, ibinagsak ni Josias ang altar na itinayo sa Bethel ni Haring Jeroboam ng Israel. Inalis ang matataas na dako hindi lamang sa Bethel kundi pati sa iba pang mga lunsod ng Samaria, at ang idolatrosong mga saserdote ay inihain sa mga altar kung saan sila dating naghahain.—1Ha 13:1, 2; 2Ha 23:1-20; 2Cr 34:29-33.
Noong ika-18 taon ng kaniyang paghahari, isinaayos ni Josias na maipagdiwang ang Paskuwa, noong Nisan 14. Nahigitan nito ang alinmang Paskuwa na ipinagdiwang mula noong mga araw ng propetang si Samuel. Si Josias mismo ay nag-abuloy ng 30,000 hayop na Pampaskuwa at 3,000 baka.—2Ha 23:21-23; 2Cr 35:1-19.
Pagkaraan ng mga apat na taon, naging anak ni Josias si Matanias (Zedekias) sa kaniyang asawang si Hamutal.—2Ha 22:1; 23:31, 34, 36; 24:8, 17, 18.
Sa pagtatapos ng 31-taóng paghahari ni Josias (659-629 B.C.E.), pinangunahan ni Paraon Neco ang hukbo nito patungong hilaga upang saklolohan ang mga Asiryano. Sa isang dahilan na hindi isiniwalat sa Bibliya, ipinagwalang-bahala ni Haring Josias ang “mga salita ni Neco mula sa bibig ng Diyos” at sa Megido ay sinikap niyang paatrasin ang mga hukbong Ehipsiyo, ngunit nasugatan siya nang malubha sa pagtatangkang iyon. Dinala siya sakay ng isang karong pandigma pabalik sa Jerusalem at namatay habang nasa daan o pagdating doon. Ang kamatayan ni Josias ay nagdulot ng matinding pighati sa kaniyang mga sakop. “Ang buong Juda at Jerusalem ay nagdalamhati kay Josias. At si Jeremias ay nagsimulang manambitan dahil kay Josias; at ang lahat ng mga lalaking mang-aawit at mga babaing mang-aawit ay patuloy na nagsasalita tungkol kay Josias sa kanilang mga panambitan hanggang sa ngayon.”—2Cr 35:20-25; 2Ha 23:29, 30; tingnan ang ASIRYA (Ang pagbagsak ng imperyo).
Bagaman tatlong anak at isang apo ni Josias ang namahala bilang hari sa Juda, walang sinuman sa kanila ang tumulad sa kaniyang mainam na halimbawa sa pagbaling kay Jehova nang kaniyang buong puso, kaluluwa, at lakas. (2Ha 23:24, 25, 31, 32, 36, 37; 24:8, 9, 18, 19) Ipinahihiwatig din nito na bagaman naalis ni Josias ang panlabas na mga kagamitan sa idolatriya, ang bayan sa pangkalahatan ay hindi nanumbalik kay Jehova taglay ang sakdal na puso. Dahil dito, tiyak na darating ang kapahamakan.—Ihambing ang 2Ha 23:26, 27; Jer 35:1, 13-17; 44:15-18.
2. “Anak ni Zefanias” na nanirahan sa Jerusalem pagkatapos ng pagkatapon, at malamang na siya rin si Hen.—Zac 6:10, 14.