Natan—Matapat na Tagapagtaguyod ng Dalisay na Pagsamba
Mahirap kumbinsihin ang isang makapangyarihang tao na masama ang ginawa niya at na kailangan niyang magbago. Kokomprontahin mo ba ang ganitong tao kung alam mong may ipinapatay siya para makaiwas sa kahihiyan?
Si Haring David ng sinaunang Israel ay nangalunya kay Bat-sheba, at nagdalang-tao ito. Para pagtakpan ang kanilang kasalanan, ipinapatay ni David ang asawa ni Bat-sheba at saka siya kinuha bilang asawa. Naitago ni David ang kaniyang kasalanan sa loob ng maraming buwan habang ginagampanan ang kaniyang mga tungkulin. Pero hindi nagbulag-bulagan si Jehova. Isinugo Niya ang kaniyang propetang si Natan para komprontahin si David.
Mahirap ang misyong ito. Isip-isipin ang kalagayan ni Natan. Tiyak na ang pagkamatapat kay Jehova at sa Kaniyang mga pamantayan ang nagpakilos kay Natan na itawag-pansin kay David ang kaniyang mga kasalanan. Paano ito ginawa ng propeta at paano niya nakumbinsi si Haring David na magsisi?
MATAKTIKANG GURO
Pakisuyong basahin ang 2 Samuel 12:1-25. Ipagpalagay mong ikaw si Natan na nagkukuwento kay David: “May dalawang lalaki na nasa isang lunsod, ang isa ay mayaman at ang isa ay dukha. Ang taong mayaman ay may napakaraming tupa at baka; ngunit ang taong dukha ay wala ni anuman maliban sa isang babaing kordero, na maliit, na binili niya. At iniingatan niya itong buháy, at lumaki itong kasama niya at ng kaniyang mga anak, na magkakasama. Mula sa kaniyang subo ng pagkain ay kumakain ito, at mula sa kaniyang kopa ay umiinom ito, at sa kaniyang dibdib ito humihiga, at ito ay naging parang anak niyang babae. Sa kalaunan ay may dumating na panauhin ang taong mayaman, ngunit iniwasan niyang kumuha mula sa kaniyang sariling mga tupa at sa kaniyang sariling mga baka upang ihanda iyon para sa manlalakbay na dumating sa kaniya. Kaya kinuha niya ang babaing kordero ng taong dukha at inihanda iyon para sa taong dumating sa kaniya.”—2 Sam. 12:1-4.
Malamang, inakala ni David—isang dating pastol—na totoong pangyayari ang inilahad sa kaniya. “Marahil,” ayon sa isang komentarista, “nakagawian ni Natan na pumaroon sa kaniya para ihingi ng tulong ang mga biktimang wala nang malapitan, at inakala ni David na ito ang sadya niya.” Kung totoo man ito, kinailangan pa rin ni Natan ng lakas ng loob at pagkamatapat sa Diyos para magsalita sa hari. Galít na galít si David sa ikinuwento ni Natan. “Buháy si Jehova, ang taong gumagawa nito ay dapat mamatay!” ang sigaw niya. Saka naman deretsahang sinabi ni Natan: “Ikaw mismo ang taong iyon!”—2 Sam. 12:5-7.
Pag-usapan natin kung bakit ganito ang ginawa ni Natan. Kapag nahulog ang loob ng isang indibiduwal sa isang tao, mahihirapan siyang mag-isip nang tama. Lahat tayo ay may tendensiyang ipagmatuwid ang sarili kapag kuwestiyunable ang ating ginagawa. Pero dahil sa ilustrasyong ginamit ni Natan, di-sinasadyang hinatulan ni David ang kaniyang sarili. Kitang-kita ng hari na napakasama ng ginawa ng lalaki sa ilustrasyon. Pero saka lamang sinabi ni Natan na si David ang lalaking iyon matapos humatol si David. Nakita ni David kung gaano kabigat ang kaniyang kasalanan. Kaya naman nasa tamang kalagayan na siya ng isip para tumanggap ng saway. Inamin niyang “hinamak” niya si Jehova dahil sa pangangalunya niya kay Bat-sheba, at tinanggap niya ang kaukulang pagsaway.—2 Sam. 12:9-14; Awit 51, superskripsiyon.
Ano ang matututuhan natin dito? Tunguhin ng isang guro ng Bibliya na tulungan ang kaniyang mga tagapakinig na makagawa ng tamang konklusyon. Iginagalang ni Natan si David kaya naman naging mataktika siya. Alam ni Natan na sa kaibuturan ng kaniyang puso, si David ay matuwid at makatarungan. Sa pamamagitan ng kaniyang ilustrasyon, inantig ng propeta ang puso ni David para lumitaw ang makadiyos na mga katangiang ito. Matutulungan din natin ang taimtim na mga indibiduwal na maunawaan ang pangmalas ni Jehova. Paano? Kung aantigin natin ang kanilang pag-ibig sa katuwiran nang hindi nagmamagaling o nagbabanal-banalan. Ang Bibliya, hindi ang ating personal na opinyon, ang dapat nating maging awtoridad pagdating sa tama at mali.
Pagkamatapat sa Diyos ang pangunahing nagpakilos kay Natan na sawayin ang isang makapangyarihang hari. (2 Sam. 12:1) Pagkamatapat din sa Diyos ang magpapatibay ng ating paninindigan sa matuwid na mga simulain ni Jehova.
TAGAPAGTAGUYOD NG DALISAY NA PAGSAMBA
Lumilitaw na magkaibigan sina Natan at David dahil pinangalanan ni David na Natan ang isa sa kaniyang mga anak. (1 Cro. 3:1, 5) Nang unang banggitin si Natan sa Bibliya, kasama niya si David. Pareho nilang mahal si Jehova. Maliwanag na may tiwala ang hari kay Natan dahil sinabi niya sa propeta ang hangarin niyang magtayo ng templo para kay Jehova. “‘Tingnan mo ngayon,’” ang sabi ni David, “‘ako ay tumatahan sa isang bahay na yari sa mga sedro samantalang ang kaban ng tunay na Diyos ay tumatahan sa gitna ng mga telang pantolda.’ Dahil dito ay sinabi ni Natan sa hari: ‘Ang lahat ng nasa iyong puso—yumaon ka, gawin mo, sapagkat si Jehova ay sumasaiyo.’”—2 Sam. 7:2, 3.
Tapat na mananamba ni Jehova si Natan, kaya buong-puso niyang sinang-ayunan ang plano ni David na itayo ang unang permanenteng sentro ng dalisay na pagsamba sa lupa. Pero nang pagkakataong iyon, lumilitaw na ipinahayag ni Natan ang sarili niyang opinyon at hindi siya nagsalita sa pangalan ni Jehova. Nang gabing iyon, inutusan ng Diyos ang propeta na maghatid ng naiibang mensahe sa hari: Hindi si David ang magtatayo ng templo ni Jehova, kundi isa sa mga anak ni David. Pero isiniwalat ni Natan na makikipagtipan ang Diyos kay David upang ang kaniyang trono ay maitatag “nang matibay hanggang sa panahong walang takda.”—2 Sam. 7:4-16.
Hindi kasuwato ng kalooban ng Diyos ang pangmalas ni Natan sa pagtatayo ng templo. Pero sa halip na magreklamo, ang mapagpakumbabang propetang ito ay nagpasakop at nakipagtulungan sa layunin ni Jehova. Napakagandang tularan natin si Natan kapag itinutuwid tayo ni Jehova! Ipinakikita ng mga ginawa niya nang maglaon na hindi niya naiwala ang pagsang-ayon ni Jehova. Sa katunayan, lumilitaw na ginamit ni Jehova si Natan, kasama ang tagapangitain na si Gad, para tagubilinan si David sa pag-oorganisa ng 4,000 manunugtog sa templo.—1 Cro. 23:1-5; 2 Cro. 29:25.
TAGAPAGTANGGOL NG TRONO
Alam ni Natan na si Solomon ang hahalili sa trono ng may-edad nang si David. Kaya hindi nagpatumpik-tumpik si Natan nang tangkain ni Adonias na agawin ang trono noong mahina na si David. Muling ipinakita ni Natan ang pagiging mataktika at matapat. Una, hinimok niya si Bat-sheba na ipaalaala kay David ang pangako nito na si Solomon na kanilang anak ang magiging hari. Pagkatapos, humarap mismo si Natan sa hari para itanong kung may pahintulot ni David ang paghalili ni Adonias sa hari. Nang makita ng hari kung gaano kaselan ang sitwasyon, inutusan niya si Natan at ang iba pang tapat na mga lingkod na pahiran at iproklama si Solomon bilang hari. Nabigo ang kudeta ni Adonias.—1 Hari 1:5-53.
MAPAGPAKUMBABANG ISTORYADOR
Sina Natan at Gad ang kinikilalang sumulat ng 1 Samuel kabanata 25 hanggang 31 pati na ng buong 2 Samuel 1-24. Ganito ang sinasabi hinggil sa kasaysayang nakaulat sa kinasihang mga aklat na iyon: “Kung tungkol sa mga pangyayari kay David na hari, ang mga una at ang huli, doon nakasulat ang mga iyon sa mga salita ni Samuel na tagakita at sa mga salita ni Natan na propeta at sa mga salita ni Gad na tagapangitain.” (1 Cro. 29:29) Si Natan din ang kinikilalang sumulat ng isang ulat hinggil sa “mga pangyayari kay Solomon.” (2 Cro. 9:29) Kaya malamang na aktibo pa rin si Natan sa maharlikang korte pagkamatay ni David.
Malamang na karamihan ng alam natin tungkol kay Natan ay isinulat niya mismo. Pero mayroon tayong matututuhan sa kakaunting sinabi niya tungkol sa kaniyang sarili. Maliwanag na isa siyang mapagpakumbabang istoryador. Wala siyang ambisyon na maging tanyag. Ayon sa isang diksyunaryo sa Bibliya, nang banggitin si Natan sa kinasihang ulat, hindi siya ipinakilala at walang ibinigay na impormasyon tungkol sa kaniyang pamilya. Wala tayong nalalaman tungkol sa personal na buhay niya.
PINAKILOS NG PAGKAMATAPAT KAY JEHOVA
Batay sa maiikling ulat ng Kasulatan tungkol kay Natan, maliwanag na isa siyang mapagpakumbaba pero masigasig na tagapagtanggol ng kaayusan ng Diyos. Mabibigat na pananagutan ang ibinigay sa kaniya ng Diyos na Jehova. Bulay-bulayin natin ang mga katangian ni Natan, gaya ng pagkamatapat sa Diyos at matinding pagpapahalaga sa Kaniyang mga kahilingan. Sikapin nating tularan ang gayong mga katangian.
Malamang na hindi ka naman aatasang sumaway ng mapangalunyang mga hari o sumugpo ng mga kudeta. Pero sa tulong ng Diyos, makapananatili kang matapat sa kaniya at maitataguyod mo ang kaniyang matuwid na mga pamantayan. Puwede ka ring maging matapang pero mataktikang guro ng katotohanan at tagapagtaguyod ng dalisay na pagsamba.
[Larawan sa pahina 25]
Bilang tagapagtanggol ng trono, mataktikang nakipag-usap si Natan kay Bat-sheba